Pumatak na ang dilim. Hindi muna pinaghapunan eh kasi nais na raw akong makausap ng mga Konseho. Kinakabahan ako, di ko alam kung bakit pero basta kinakabahan ako. At nakakanerbyos lalo dahil sa paulit-ulit na paalala sa akin ni Mang Lino at Mang Juan ng mga gagawin kapag kaharap na ang Konseho.
Pagpasok namin sa isang malaking silid sa pinakataas na palapag eh napatulala ako sa sobrang ganda ng loob. Maliwanag kahit sabihin na nating walang bintana doon ay parang may sinag ng araw na pumasok sa loob. May one foot stage doon na may mga eleganteng upuan, lumabas ang mga taong nakasuot ng mahahabang damit na kulay ginto mula sa pintuan sa gilid ng entablado at saka umupo sa mga upuan. Hindi ko man lang napansing maiigi ang itsura ng kanilang mukha dahil agad akong lumingon sa ibang direksyon at iniiwasan kong tignan sila. Inilagay nila Mang Juan, Mang Lino, at ibang nasa loob ng silid bukod sa Konseho ang kanilang bisig sa kanilang dibdib kaya nakigaya rin ako, pansin ko eh iyon na ang mga konseho. Yumuko din ako dahil naalala ko yung bilin nila Mang Lino sa akin. yun lang ata ang naalala ko sa mga sinasabi nila sakin kanina.
Sa pag-upo ng mga Konseho sa kanilang silya, bigla namang lumuhod sina Mang Lino at Mang Juan. Eh silang dalawa lang ang biglang lumuhod at di ko alam ang gagawin. Bigla akong sinapok ni Mang Juan sa alak-alakan kaya bigla akong napaluhod. Ang Punong Tagapangalaga at iba pang tao kasi sa loob eh hindi lumuhod kaya nalito ako eh.
"Magandang gabi sa inyo...", pagbati ng isa sa mga Konseho.
"Magandang gabi rin po! Mahal na Konseho!", sabi ni Mang Lino.
Gusto ko rin bumati kaso bigla akong sinuntok ni Mang Juan sa hita. Taena saket nun, kinain ko tuloy yung ibinuka ng bibig ko. Bakit kaya? Napangisi naman ang isang Konseho na boses babae, siguro napansin nya ginawa ni Mang Juan sa akin.
"Ikaw si Lino ng Night Owls, ang mga Ibon ng Kalakhang Maynila? Tama ba?", tanong nung parang bakla ang boses.
"Opo, Mahal na Konseho.", sagot naman ni Mang Lino. Seryoso nya ah, ngayon ko lang nakitang seryoso yan eh. Most of the time mukha syang matandang manginginom na laging nantitrip pag lasing.
"Ikaw naman si Juan, tama ba?", tanong ng isang Konseho na may madiin na boses, parang boses matapang tapos galit.
"Opo, Mahal na Konseho.", sagot ni Mang Juan.
"Anong nangyari sa iyong braso?", tanong ng Konseho na boses galit.
"Naputol po nang makagat ng Aswang noong nasa labanan kami.", sagot ni Mang Juan.
"Tsk, inuubos talaga ng mga Aswang na iyan ang pasensya ko.", sabi naman nung Konseho galit boses.
"Siya ba ang bagong Haribon na nasa ilalim ng inyong grupo?", tanong ng isang Konseho na boses matandang babae.
"O-Opo... Siya nga po ang bagong tagapangalaga ng Gulok.", sagot ni Mang Lino. Alam nyo, sa mga sandaling iyon ngalay na ngalay na ko dahil consistent yung pagkakayuko namin, ni hindi man lang ako makalinga sa kaliwa o kanan.
"Mapalad ka, hijo. Sapagkat ikaw ang pinili ni Onyok na papalit sa kanya bilang bagong may-ari ng isa sa mga Armas ni Apolaki. At napatunayan naman nya na ikaw ay karapat-dapat na gamitin ang Gulok sapagkat nagawa mong paslangin ang isang mataas na uri ng Awok.", sabi ng isa sa Konseho na may malaking boses pero malumanay magsalita.
"Alam na namin ang tungkol sayo, pero nais kong malaman ulit iyon galing sayo. Ano ang iyong kuwento?", tanong sa akin nung babaeng Konseho na mahilig ngumisi.
"A-Ako po?", tanong ko naman pero naka yuko parin. "Uhmm, ako po si Tristan Manabat, labing walong taong gulang na po ako bukas. Ang istorya ko po kung bakit ako naging parte ng Night Owls ay dahil nais ko po sana na suportahan ang aking sarili para makapag aral ng Criminology o Forensics dahil gusto ko sanang ayusin ang insidenteng nangyari sa aking kapatid. Nagkataon lang po na sa Lino's CafeBar ako napadpad, at dahil marunong po akong tumugtog ng Piano eh kinuha po nila ako para makapagtugtog sa CafeBar tuwing gabi. Isang gabi po eh nais ko magbihis agad kaso may mga babae pang crew kaya humanap ako ng silid, kaso sa di inaasahang pangyayari, nadatnan ko sina Mang Juan, Mang Jose, Mang Pepe at Mang Lino sa loob ng silid na iyon at may mga armas doon. Kinabahan po ako dahil pumasok agad sa isip ko na mamamatay tao sila at mga sindikato. Kasi syempre, sino ba namang tao ang maniniwala agad sa response na 'Wag ka mag alala, pumapatay kami ng Aswang'. Tapos nun nagmadali akong lumabas, doon may nakasalubong akong matanda na nag-ibang anyo. Muntik na akong mapatay sa mga sandaling iyon, sa kabutihang palad eh nailigtas nila ako. Hindi parin ako sumali sa kanila at nag isip pa ko nang mabuti, hanggang sa umabot sa puntong nagkaroon ako ng kapitbahay na Aswang. Doon, sumali na ako at naging desidido na tumugis ng Aswang. Marami na rin akong nakaharap at nadiskubre sa iba't ibang lugar.", kwento ko sa kanila.