Ang oras ng uwian ang laging hinihintay niya. Pagpatak pa lang ng alas-otso, sa oras na ito lamang siya ginaganahan. Mas excited siya sa pag-uwi kaysa sa pagpasok sa trabaho. Parang ito ang oras na nagsisilbing simula ng kaniyang araw.
Sa pagtapak niya pa lang sa labas ng Mall ay damang dama na niya ang kalayaan. Ang pagod na nararamdaman ay hindi niya masyadong iniinda. Tapos na naman ang araw at makakapagpahinga na siya.
Panandaliang nilipat ang paradahan ng mga public vehicle sa kanang bahagi ng Mall dahil inaayos ang main entrance at ang nasa harapan nito. Napabuntong hininga na lang siya nang makita ang madilim na daan. Hanggang ngayon ay sira pa rin ang linya ng mga ilaw sa daraanan. Padalawang araw na itong sira. Siguro ay bukas pa ito gagawin ng maintenance. Hindi naman siya duwag sa dilim at sanay na naman siya.
Pansin niya na wala siyang kasabay sa paglalakad. Umuna na kasi siya sa paglabas at hindi na hinintay pa ang mga kasamahan sa trabaho.
"Pst!" rinig niyang sitsit sa kaniya kaya napalingon siya sa likuran habang nagpapatuloy sa paglalakad.
Noong wala siyang makitang tao ay hindi na lang niya ito pinansin pa. Patay malisya siyang tumingin sa unahan. Baka naman guni-guni niya lang.
"Pst!" rinig niya ulit ang pagsitsit kaya napatigil na siya sa paglalakad.
Mabilis siyang lumingon upang hanapin ang sumisitsit sa kaniya. Nasa Mall vicinity pa naman siya. Wala naman sigurong m******s na umaaligid sa Mall. Marami pa din namang cctv camera sa paligid ng establishment na ito.
Kumunot ang noo niya noong wala siyang makita na tao. Ang tanging nakikita niya lang ay ang malawak na paradahan ng mga private car ng ibang empleyado. May ilang maliliit na puno ngunit wala namang makapagtatago dito.
"Dito!" rinig niyang sigaw ng isang lalaki. Lumingon siya sa kanan kung saan nanggaling ang boses pero hindi niya talaga makita kung nasaan ito.
Naramdaman niya ang pagkabog ng dibdib niya. Takot ang humaplos sa kaniyang damdamin.
"Myla," tawag nito sa kaniya. Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil sa gulat.
Kilala siya nito?
Nagsimula siyang umatras. Nagsimula na siyang pagpawisan nang malamig. "Sino ka?" tanong niya rito.
"Tumingin ka sa akin," utos nito sa kaniya.
Paano siya titingin dito kung hindi niya naman malaman kung nasaan ito.
"Pinagloloko niya ba ako?" sambit niya sa isip niya.
Hindi niya ito makita kaya mas nakaramdam siya ng takot. Naalala niya pang Biyernes santo nga pala ngayon, at higit sa lahat, saktong thirteen pa ang date ngayon. Natakot siya kaya tumakbo siya agad palayo.
Ngayon niya lang pinagsisisihan na hindi siya sumabay sa mga kakilala niya. Hindi naman talaga siya matatakutin pero iba na pag ganitong mag tumatawag sa kaniya tapos hindi niya nakikita, talagang tatakbo siya sa takot.
"Why are you running?" rinig niyang tanong ng lalaki sa kaniyang likuran.
Gusto niyang sumigaw ngunit pinigilan niya na lang. Ang lapit na ng boses sa kaniya. Nasa likod niya na ito.
"Huwag mo akong sundan!" malakas na sabi niya habang tumatakbo nang mabilis. Ramdam niya ang malamig na pawis na tumulo sa kaniyang leeg.
Ramdam na ramdam niya na din ang mabilis na pagtibok ng puso niya. Sumasabay ang kaniyang paghinga sa pintig nito. Hindi niya na ininda pa ang sakit ng kaniyang paa. Tumakbo lang siya upang makarating sa paradahan.
Ngayon siya naiinis na medyo malayo ang paradahan.
"Magpapatulong lang ako," wika nito sa kaniya.
Mas lalo siyang natakot habang tumatakbo. Narinig niya na din ang bawat yapak nito at hinahabol siya. Ganito iyong napapanood niya sa tv, eh. Nanghihingi ng tulong sa tao!
Aalamin kung paano namatay.
"Lubayan mo ako!" mahina niyang sabi ngunit may diin.
"Huwag kang tumakbo. Kilala mo ako," saad niya kaya napanganga siya.
"Sino ka ba?" kinakabahan niyang tanong dito.
"R" Napatigil siya sa sinabi nito. Mabilis pa sa alas-kwatro na lumingon siya.
Sa madilim na gabi, tanging ilaw ng dumaang kotse ang nakapagbigay ng liwanag upang makita niya ang lalaki.
Doon niya lang nakita ng buo ang mukha nito. Napasinghap siya at unting-unting nawala ang takot na nararamdaman. Kumalma rin ang kaniyang paghinga. Hinahapo man sa pagtakbo ngunit sinubukan niya pa ring maging maayos.
"R, Anong ginagawa mo d'yan?" tanong niya rito.
Pinakaba siya nito! Iba rin ang boses nito kaya hindi niya ito nakilala.
Seryoso itong tumingin sa kaniya bago ito tumikhim. "My wallet got snatched. Wala akong pamasahe pauwi," pagbibigay alam nito sa kaniya.
Doon niya lang napansin na paos ito. Pinipilit nitong magsalita kahit na mahina ang boses nito at nahihirapan sa pagbigkas. Marami kaya itong ininom na malamig na tubig o kaya kumanta ito maghapon kaya naging ganito ang boses ni R?
"Seryoso ka?" wala sa sariling tanong niya kaya napataas ang kilay nito. Lumabas na naman ang pagiging masungit.
Itinuro nito ang sarili. "Sa mukhang ito, mukha ba akong nagbibiro?"
Umiling na lang siya nang makita ang napipikon nitong mukha. Bakit siya pa itong mukhang galit? Nagtatanong lang naman siya.
"Kailan mo ba ng pamasahe?" tanong ko sa kaniya.
Tumango ito at pagkatapos ay tumabi na sa akin. Nagsimula na kami sa paglalakad. Walang pagmamadali sa aming paglalakad. Mabagal lang.
"Oo naman," diretso na sagot nito sa kaniya.
"Sige," tanging sabi niya.
"Babayaran kita, pautang muna ako," wika nito kaya napakamot na lang ako sa ulo ko.
Diretso talaga itong magsalita. Wala nang pasikot-sikot pa.
"Ayos lang kahit hindi mo na ako bayaran," sambit niya. Hindi na lang siya tiningnan at nagdirediretso lang sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa paradahan.
Hindi niya na lang ito sisingilin. Tulong niya na lang ito sa lalaki. Nakakaawa at sa dami ng tao sa bayan, ito pa ang nanakawan.
Hindi na ito nagsalita pa hanggang sa makarating sila sa kanilang lugar. Isang salita lang ang binitawan nito bago sila maghiwalay ng landas.
Simpleng salita na salamat.
*
"Tao po!" tawag niya habang kinakatok ang pinto ng apartment ni Martin.
"Tao po?" ulit niya noong walang tumugon sa kaniya.
"Martin, Nand'yan ka ba sa loob?" tanong niya ngunit walang nagbukas ng pinto.
"Wala," rinig niyang sagot ng isang lalaki.
"Ah!" Napatalon siya sa gulat. Ramdam niya ang pagkaba ng dibdib niya. Mabuti na lang at mahigpit ang hawak niya sa dala niyang container.
Ikinipkip niya ang dalang container sa tapat ng kaniyang dibdib.
Kilala niya na agad ito. Bumalik na ang dating boses nito. Hindi na ito paos.
Nakakunot ang noo niya habang lumilingon kay R. "Ginulat mo ako!"
Ang ekspresyon nito ay hindi nagbabago. "Hindi kita ginulat. Sadyang niyerbyoso ka lang talaga."
Hindi daw ginulat! Halos mahulog na nga ang puso niya!
"Pinatibok mo nang malakas ang puso ko!" sambit niya habang dinadama ang hindi matahimik na puso.
Nanatili ang tingin niya sa mukha nito. Pansin niya ang pagtaas ng gilid ng labi nito ngunit naging mabilis lang iyon. Ngayon niya lang nakita ang pag ngisi nito.
"Wala pa nga akong ginagawa sa'yo, tumitibok na agad ang puso mo?" tanong nito kaya namilog ang kaniyang mata.
"Ano bang pinagsasabi mo?" tanong niya at pagkatapos ay unting-unti kumunot ang noo niya.
Nahuli ng mga mata niya ang pagkibit balikat nito. Saglit lang itong ngumisi. May kakaiba sa ekspresyon nito. Parang nang-aasar? Marunong din pala itong mang-asar?
"Are you a coffee lover?" pag-iiba nito ng usapan.
Tumango siya sa tanong nito. "Oo, pero hindi ako niyerbyoso," sagot niya.
"Kung hindi ka niyerbyoso, sana hindi ka nagulat," pagkontra nito sa kaniya.
Kumunot ang noo niya dahil sa sinabi nito. "Bigla ka kasing sumulpot kaya nagulat ako!"
"Kasalanan ko bang nasa daan ka? Syempre, dito ako dadaan sa may likod mo," pagdadahilan nito sa kaniya.
Mas lalong kumunot ang kaniyang noo. Pinagkatitigan niya ang lalaki. Nakakunot din ang noo nito. Imbis na magalit sa lalaki ay pinakalma niya ang sarili. Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya dito.
Hindi dapat siya mainis. Dapat maging maganda ang araw niya ngayon.
"Dapat tinawag mo ako, hindi 'yung nagsalita ka na lang bigla," sambit niya at ang kaniyang ngiti ay nauwi sa ngiwi.
Pansin niya ang pagtaas ng gilid ng labi nito ngunit agad din nitong inalis iyon. Tumikhim ito at pagkatapos ay napansin niya ang pagsulyap nito sa dala niyang container. Matapos iyon, inilipat ulit nito ang tingin sa kaniyang mukha.
"Let's change this topic. What are you doing here?" tanong nito sa kaniya.
Inilahad niya ang kamay niyang may hawak na container. Kitang kita niya ang pagtitig ni R sa kaniyang hawak. Hindi niya alam kung namamalik mata ba siya ngunit nakita niya ang pagkislap sa mata nito. Guni-guni niya lang ba ito?
"Magbibigay ako ng spaghetti na niluto ko," sagot niya dito.
Ipinilig din niya ang ulo niya upang alisin ang nakita. Baka namalik-mata lang siya. Imposible namang matuwa ito dahil lang sa pagkain.
"Why?" tanong nito kaya naibaba niya ang hawak niyang container. Itinapat niya ito sa kaniyang baywang.
"Kasi gusto ko lang magbigay," tugon niya. Kumunot ang noo niya. Kailangan pa bang itanong kung bakit?
Hindi niya gustong sabihin dito ang dahilan.
"Bakit ka nga magbibigay?" pamimilit na tanong nito. Nagsalubong na rin ang kilay niya at hindi rin nagkakaiba ang reaksyon nito sa kaniya.
"Gusto ko lang," tanging paliwanag niya.
Nakita niyang tumaas na ang kilay nito. Pansin niya rin ang pagngisi nito sa kaniya. "Hindi pwedeng gusto mo lang, Myla. Ang bawat bagay ay may dahilan kaya mo ito ginagawa."
"Kailangan ba ng dahilan?" tanong niya sa sarkastiko na tono.
"Oo," sagot nito sa kaniya.
Sa totoo lang ay hindi niya gustong sabihin dito na birthday niya. Tanging sina Jenny lang ang nakakaalam ng kaarawan niya. Ayaw niyang ipaalam ito sa ibang tao. Hindi niya kasi gustong binabati siya ng mga tao. Hindi niya gustong paulit-ulit siyang binabati tapos sasabihin nila na magpa-blow out ka naman diyan.
Hindi naman sa maarte siya ngunit hindi lang talaga siya komportable. May mga bagay talagang kinaka-ayawan ang bawat tao.
Ang batiin siya ng happy birthday ang pinaka-ayaw niya sa lahat.
Ayaw man niyang sabihin ngunit ayaw niya nang madagdagan pa ang usapan nila. Napabuntong hininga na lang siya.
Sasabihin na lang niya para tapos ang usapan.
"Gusto kong magbigay kasi birthday ko," sagot niya at pagkatapos ay inilahad niya na ang container.
Nakita niya ang pagtaas ng gilid ng labi nito. Kinuha nito ang lalagyan ng spaghetti. "Now, it is not just a simple 'gusto ko lang'. Hindi mo pa agad sinabing birthday mo. Sana tapos agad ang usapan."
Bahagya siyang napanganga sa sinabi nito. Akala niya ay suplado lang ang lalaki, hindi niya alam na may pagka-masungit din pala ito. Medyo marahas din ang tabas ng dila niya.
Napangiwi na lang siya. Tumango na lang siya habang nakangiwi. Itinaas niya ang kamay at itinuro niya ang spaghetti.
"Hatian mo na lang si Martin," bilin niya rito.
Umiling ito sa kaniya. Pansin niya ang pagyakap nito sa container. "He's not here. Ako na lang ang kakain."
"Sige," tipid niyang sabi rito. Naglakad na siya para umalis. Nakalampas na siya sa lalaki ngunit napaharap ulit siya noong may naalala siya.
"Saan nga pala pumunta si Martin?" tanong niya kay R.
Pansin niya ang pagtaas ng kilay nito. "Bakit curious ka?"
Napataas din ang kaniyang kilay dahil sa tanong nito. "Masama bang magtanong?"
"Not really." Napansin niya ang pag-ismid nito sa kaniya kaya napatikhim siya.
Itatanong niya lang sana kay Martin kung may balita na ito tungkol sa hiring sa pinapasukan nitong trabaho.
"Umalis siya. May kasamang babae. I think it's a date," sabi ni R kaya mas naguluhan siya. May napansin siya sa boses nito. Madiin ang pagkakasabi nito ngunit parang may nabosesan siyang pang-aasar?
"Hindi na talaga siya nagbago," aniya
"It seems like you're close with him?"
Itinaas niya ang kaniyang kamay. Gamit ang daliri ay sumenyas siya ng 'konti lang'
"Naging katrabaho ko siya dati sa Mall. Naging checker siya tapos nag-resign din noong natanggap siya bilang staff sa kapitolyo," sagot niya sa kausap.
"Okay," wika nito. Pansin niya na parang bigla itong nawalan ng pakialam.
"Sige na," sabi niya at pagkatapos ay kumaway na siya. Tumalikod na siya sa lalaki bago siya naglakad.
Bago pa siya makalayo ay narinig niya pa ang sinabi nito.
"Happy Birthday, Mylaflor," bati nito sa kaniya. Mahina siyang napasinghap at pagkatapos ay napalingon siya sa lalaki.
Sa hindi malamang dahilan ay naramdaman niya ang konting saya. Hindi niya maintindihan kung bakit.
Nakatalikod na ito sa kaniya.
"Salamat," wika niya sa mahinang boses. Itinaas nito ang kamay at pagkatapos ay kumaway ito sa kaniya. Naglakad na ito papasok sa apartment ni Martin.
Hindi niya gusto na binabati siya tuwing kaarawan niya ngunit bakit pag ito ang bumati ay wala siyang maramdaman na inis?
*
"R, Saan ka pupunta?" tanong niya noong makita niya ito sa hintayan ng jeep.
Walang nakaparadang mga tricycle. Nabalitaan niyang walang pasada ang mga tricycle driver sa araw na ito dahil may ayudang ibinibigay sa mga ito. Nasisiguro niyang puno ng mga tricycle driver ang cover court sa barangay.
Wala siyang choice kundi ang sumakay sa jeep. Pag-uwi naman niya mamaya ay paniguradong mayroon na siyang masasakyan.
"Mall," tipid nitong sagot sa kaniya.
"Mag-isa ka?" tanong niya rito. Kita naman niya na mag-isa ito pero itinanong niya pa rin para sigurado. Baka mamaya ay kasama pala nito si Martin.
"Oo."
"Hindi pa rin ba umuuwi si Martin?" tanong niya habang tinitingnan si R.
Napaisip siya bigla. Hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi si Martin? Paano ang trabaho nito? Nagkaroon kaya ito ng vacation leave? Kailan kaya ang uwi nito?
Ang tagal naman. Gusto niyang tanungin ito kung open pa ba ang hiring sa pinagtatrabahuhan nito. Baka pag-uwi nito ay tapos na rin pala ang hiring. Dapat pala ay naitanong niya na noong isang linggo.
"Hindi pa," tipid nitong sagot sa kaniya.
Pansin niyang tumingin ito sa kaniya. Kunot na kunot na naman ang noo. Umiwas ito sa kaniya nang tingin.
"Mamasyal ka sa Mall ng mag-isa. Medyo nakaka-bored iyon," sabi niya habang inaalis ang tingin sa kausap.
"Then, go with me. Gala tayo," yaya nito sa kaniya kaya hindi makapaniwala na napatingin siya rito.
Ikinumpas niya ang kamay niya. Saktong napatingin naman ito sa kaniya.
"Hindi pwede. May trabaho ako ngayon," pagtanggi niya sa paanyaya nito.
"Bawal ka bang umabsent?" tanong nito sa kaniya. Nakita niyang kumunot ang noo nito.
Umiling siya sa lalaki. Tumingin siya sa kalsada upang tingnan kung may dumating na bang jeep. Noong makitang wala pa ay agad niyang ibinalik ang tingin sa lalaki.
"Hindi pwede. Sayang ang sahod ng isang araw," sagot niya kay R. Kung ang ibang kakilala niya ay nakaka-absent pa, sa kaniya ay isang malaking batas ang bawal umabsent sa trabaho.
Pandagdag sa pambili ng gamot ni Ama. Sayang ang isang araw na minimum wage.
"Ganoon ba? Sige. Sabay na lang tayo," mahinang sabi nito sa kaniya. Tumango na lang siya.
Wala pang isang minuto, may dumating ng jeep. Nauna itong sumakay kaya wala siyang nagawa kundi ang sumunod na lang.
'Hindi man lang gentleman. Siya pa talaga ang nauna' sabi niya sa kaniyang isipan.
"Kung si Jake iyon, paniguradong aalalayan niya pa ako," wala sa sariling naisatinig niya.
Wala namang nakarinig nito dahil maingay ang nakasakay na mga estudyante sa loob ng jeep. Noong mapagtanto niya ang sinabi niya, napailing na lang siya. Bakit niya nga ba ipinag-kukumpara ang dalawa?
Hindi niya dapat iyon ginagawa.
Iginala niya ang tingin sa loob. Napakamot na lang siya sa tungki ng ilong niya noong makitang puno na sa kabilang side. Sa tabi na lang ni R may bakanteng upuan. Wala siyang nagawa kundi ang umupo sa tabi nito.
Hindi na niya kinausap pa si R. Tahimik na lang siya habang nakatingin sa sapatos ng estudyanteng nasa tapat niya.
Muli niyang naalala ang panahon na magkasama pa sila ni Jake.
"Bakit yata naging malungkot ka?" Puna ni R sa kaniya kaya napalipat dito ang atensyon niya.
Nakita niyang wala na namang eskpresyon ang mukha nito.
"Hindi naman. May naalala lang ako," paglilinaw niya.
"Sino? Siya ba ang taong nanakit sa'yo?" tanong nito sa kaniya kaya hindi niya maiwasang magulat.
Bakit naman nito naisip ang bagay na iyon?
"Ha?" tanging reaksyon niya. Hindi niya alam ang isasagot. Ayaw niyang sabihin ang iniisip niya. Hindi naman sila close para mag-open siya kay R.
Iniisip niya nga si Jake kaya siya natahimik pero hindi naman ito ang nanakit sa kaniya. Siya ang nanakit sa lalaki. Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa kaniya ang nangyari rito.
"Ang lapit ko na nga pero hindi mo pa narinig," bulong nito ngunit hindi ito nakalampas sa pandinig niya.
Tumahimik na lang siya. Hindi na nito pinuna pa ang sinabi nito. Akala niya ay hindi na ito nagsasalita ngunit napalingon siya sa lalaki nang tawagin siya nito.
"Kung siya man ang bumabagabag sa isip mo, itigil mo na ang pag-iisip sa kaniya. Hindi makakabuti 'yan sa puso mo. Masasaktan ka lang niya sa pamamagitan ng pagbabalik tanaw sa nakaraan niyo," pagbibigay nito ng payo sa kaniya.
Natamaan siya sa sinabi nito. Hindi lang ito ang nagsabi sa kaniya na itigil na ang pag-iisip sa kaniyang dating kasintahan. Ilang beses na rin itong sinabi sa kaniya ni Jenny. Siya lang naman ang matigas ang ulo.
Hindi niya kasi malimutan ang lalaki. Minahal niya naman kasi si Jake kaya mahirap para sa kaniya ang bitawan ito at ang mga alaala nila. Madali lang naman para sa iba na sabihin na kakayanin niya ang pag-mo-move on. Hindi nila alam na mahirap itong gawin.
"Nasaktan ka na ba?" tanong niya kay R.
Napansin niya na natigilan ito sa itinanong niya. Ang mga mata nito ay nawalan ng gana. Pansin niya ang pag-igting ng panga nito.
"Sa palagay mo ba, babae lang ang nasasaktan?" mahina ngunit madiin nitong tanong sa kaniya.
Umiwas siya nang tingin dahil sa madiin nitong pagtitig sa kaniya. May napapansin siyang inis sa ekspresyon nito.
"Hindi naman. Nagtatanong lang naman ako," bawi niya upang pagaanin ang atmosphere sa pagitan nila.
Imbis na gumaan ang paligid ay napansin niyang mas lalong nainis si R. Kanina lang ay maayos lang silang nag-uusap, ngayon naman ay naging awkward na naman sila.
"Ang hirap lang sa inyong mga babae, akala niyo kayo lang ang nasasaktan sa isang relasyon. Hindi lang kayo ang may damdamin. Nasasaktan din kami," paliwanag nito sa kaniya.
Napayuko na lang siya dahil sa sinabi nito. Mahina lang ang boses nito at alam niyang siya lang ang nakarinig nito.
Natamaan siya sa sinabi ni R. Naalala niya ang mga pagkakataon na ilang beses siyang hinabol ni Jake, at nagmakaawa na huwag siya nitong iwan. Ilang beses nitong sinabi sa kaniya na mahal siya nito at nasasaktan ito sa ginawang desisyon niya ngunit hindi niya ito pinakinggan.
Mas pinili niya ang desisyon na makawala sa kasintahan. Sinabi niyang nasasaktan din siya dahil sa pagbabago ni Jake, hindi niya na pinansin pa na nasasaktan din ito. Naging bulag at bingi siya sa nararamdaman ng lalaki.
"Gusto niyo lagi 'yung lalaking sobrang sweet. Paano naman kaming mga lalaki na hindi showy pero ginagawa ang lahat maibigay lang ang gusto niyo? Hindi kasi kami sweet at touchy. Hindi kami katulad noong ibang lalaki na araw-araw malambing at clingy sa mga girlfriend nila. Mabilis kayong mainggit sa ibang babae kasi nakikita niyong masyadong showy ang iba sa kanilang pagmamahal. Pag nakulangan na kayo sa ibinibigay namin ay aalis na kayo? Pag hindi niyo nagustuhan ang ginagawa namin ay mas pipiliin niyong iwan kami? Hindi niyo susubukang tanungin kami o kaya intindihin man lang," pagpapatuloy nitong sabi.
Napahigpit ang hawak niya sa gilid ng palda niya. Mas lalo siyang nakunsensiya sa ginawa niyang pang-iiwan kay Jake. Kung sana ay inintindi niya na lang ang lalaki at mas ipinaliwanag pa rito ang lahat ng nais niya. Hindi sana ito nagpakamatay.
Kung binigyan niya sana ito ng pagkakataon na magbago, at mahalin siyang muli, hindi sana hahantong sa katapusan ang lahat.
Siya ang may mali dahil sumuko agad siya. Mahal niya ito pero mas pinili niya ang kalayaan at ang maitaguyod ang pamilya niya. Naramdaman niya ang pag-init ng kaniyang mga mata ngunit pilit niyang pinipigilan ang pagluha.
"Tapos minsan pa, Pag sinaktan kayo ng isang lalaki, idadamay niyo lahat?
"Hindi lahat ng lalaki ay pare-pareho. Sana patuloy niyo kaming mahalin sa kung ano kami," magkasunod nitong sabi.
Pumikit siya nang mariin at pagkatapos ay nagmulat siya ng mga mata. Lumingon siya kay R. Nakita niya ang seryoso nitong mukha. Pilit siyang ngumiti ng tipid.
"Wala naman akong sinabing wala na kayong karapatan na masaktan. Tao tayo at may damdamin. Ang lahat ay nakakaramdam ng sakit. Hindi ka tunay na tao kung hindi ka nasasaktan."
"Itinanong ko lang naman kung nasaktan ka na pero ang dami mong sinabi," mahinang sabi niya at sinubukan niyang tumawa nang mahina upang pagaanin ang atmosphere sa pagitan nila.
"Life is really a mess," makahulugang sabi nito.
"Alam kong may pinagdadaanan ka rin kaya sige. . . Ilabas mo na ang lahat ng hinanaing mo," wika niya.
Pinagmamasdan nila ang isa't isa. Doon nila nakita ang lungkot sa mata ng bawat isa. Lungkot at hinagpis na tila ba walang katapusan. Parehas silang nasasaktan dahil sa nakaraan.
Naputol lang ang titigan nila noong malakas na nagsalita ang driver. Sinabi nito na nasa Mall na sila. Mahinang tinapik nito ang braso niya kaya napalingon ulit siya sa lalaki.
"Nandito na tayo sa mall," wika nito.
Tumango lang siya. Akmang tatayo na siya upang bumaba ngunit naunahan siya ni R.
"Sama ka sa akin?" Tanong nito sa kaniya.
Mabilis siyang umiling kahit na hindi nito nakita ang ginawa niya. Nakatalikod ito sa kaniya at nakayukong naglalakad pababa. Nakasunod lang siya sa lalaki.
"Hindi nga pwede. May trabaho ako," sagot niya.
"Sige," tanging sabi nito.
Nauna itong bumaba. Gumilid ito at inabangan siya sa ibaba. Hindi ito umalis doon. Nagulat na lang siya nang bigla nitong inilahad ang kamay sa harapan niya.
"Baka madulas ka at mahulog sa akin," wika nito sa kaniya habang hinihintay siyang hawakan ang nakalahad nitong kamay.
Namula siya sa sinabi nito ngunit tinanggap niya na lang din ang nakalahad nitong kamay. Inalalayan siya nito upang makababa sa jeep.