Kabanata 7

3083 Words
Pansin niya ang paglapit ni Vez sa kaniyang pwesto. Ang una nitong ginawa ay hawakan ang kaniyang braso. Lumipat ang mga kamay nito sa magkabila niyang balikat. Mabilis nitong niyugyog ang kaniyang balikat. Hindi naman ito masakit. Napatingin na lang siya sa paligid. Pasimple niyang hinanap ang supervisor nila. Baka sitahin sila ng supervisor nila pag nakita silang nagdadaldalan. Nang makitang wala ito ay agad niyang sinulyapan si Vez. Kitang kita niya ang malawak na pagkakangiti nito sa kaniya. "Tingnan mo 'yung gwapong lalaki na iyon," sabi nito sa kaniya. Sinundan niya ang kamay nitong nakaturo sa kung saan. Nang makita niya ang lalaking nakaupo sa upuan ng shoes center ay nanlaki ang mga mata niya. Hindi niya inaasahan na nandoon si R. Seryoso lang itong nakaupo doon na para bang naghihintay. Bibili na naman kaya ito ng sapatos? Tumingin si R sa pwesto nila ni Vez. Parehas namilog ang mga mata nila at mabilis niyang hinigit pababa ang kamay ni Vez na nakaturo sa lalaki. Mabilis din ang naging kilos niya at nagpanggap silang dalawa na inaayos ang clothes for infant. Tiniklop niya ang ilang magulong damit at ipinatong nang maayos sa rack. Si Vez naman ay hindi magkandaugaga sa pagbabalik ng mga pajama sa kabilang shelf. Sampung minuto silang nag-ayos doon. Hindi agad sila nakapag-usap dahil dumaan sa harapan nila ang kanilang supervisor. Naging mabilis din naman ang paglalakad nito at bumalik si Vez sa kaniyang tabi. Nakaharap sila sa hallway at naghihintay ng customer na lumalapit. Ilang segundo silang naghintay ngunit ang mga customer naman ay dinadaanan lang sila. Hindi niya tuloy maiwasan na mapasulyap ng saglit kay R. Wala pa rin itong kibo habang nakaupo roon. Narinig niya ang bulong sa kaniya ni Vez. Napalingon siya sa katrabaho. "Kanina pa siyang tanghali d'yan. Noong dumating ka ay kararating lang niya," pagbibida nito sa kaniya kaya naguluhan siya. Napakunot ang noo niya at napaayos siya ng pagkakatayo. Akala niya ay mamamasyal ito? Iyon ang sinabi nito kanina. "Ah, Si R." Umiwas siya nang tingin kay Vez. Kitang kita niya ang kuryosidad sa mga mata nito. Hinawakan nito ang kamay niya. "Kilala mo? Ipakilala mo naman ako kay Pogi!" sambit nito at halata sa boses ang excitement at kilig. "R lang ba ang pangalan niya?" sunod pa nitong tanong sa kaniya. "Oo. Iyon ang pakilala niya sa akin," wika niya ngunit hindi sigurado. Totoo nga kaya nitong pangalan ay R? Hindi niya na naitanong pa sa lalaki. Hindi naman kasi sila close. Nahihiya siyang magtanong at baka akalain pa nito na curious siya. "Real name kaya niya ang R? Isang letter lang talaga?" tanong nito. Nagkibit balikat siya. Tumingin siya sa harapan. Sa kids section niya iginala ang mga mata. Iniiwasan niyang tinginan ang pwesto ni R. Baka lumingon ulit at akalain na tinitingnan niya ito. "Ewan. Siguro hindi kasi sino ba namang magulang ang magpapangalan ng iisang letter sa anak?" sabi niya at pagkatapos ay ngumuso siya. Kung siya man ay magkakaanak, hinding-hindi siya magpapangalan ng iisang letter. Ang baduy. Hindi maganda. Walang kadating-dating. Hindi pinag-isipan, pag ganoon. "Sabagay, oo nga. Baka pa-mysterious effect lang ang gusto niya," sambit ni Vez. Napaisip siya sa sinabi nito. Ano naman kayang trip nito at gusto pa nitong magpa-mysterious effect? "Mysterious. . ." sabi niya. May idudugtong pa sana siya ngunit tumigil na lang siya. Napanguso siya. "Ka-Close mo ba siya?" tanong sa kaniya ni Vez. Tatlong segundo ang itinigil niya dahil sa pag-iisip. Close ba sila? Mukhang hindi naman. Kilala lang namin ang isa't isa. Nagkakausap lang paminsan-minsan. "Hindi masyado. Kakilala lang," sagot niya sa tanong nito. Noong lumingon siya kay Vez, nakita niya ang pag ngiti nito ng sobrang lawak. Para itong nakahanap ng suwerte dahil sa ekspresyon nitong sobrang saya. "Oh, ipakilala mo naman ako. Single kasi ako ngayon. Malay mo kami talaga ang itinadhana sa isa't isa?" Kinikilig na sabi nito sa kaniya. Napahawak na lang siya sa noo niya. Si Vez talaga, laging gwapo ang hanap. Ang alam niya ay kaka-break lang nito sa dating kasintahan. Wala pa nga yatang isang buwan ay naghahanap na agad ito ng pamalit? Hindi niya alam kung anong sasabihin niya dito. Wala siyang nagawa kundi ang tumango na lang bilang pagpayag. "Pag lumapit siya, ipapakilala kita sa kaniya," pabulong na sabi niya. Naramdaman niya ang paghampas nito sa kaniyang braso. Napataas ang giilid ng labi niya dahil sa ngiwi. Napasakit yata ang hampas nito sa kaniya. Nananakit ito pag kinikilig. Mabilis niya itong hinawakan at pagkatapos ay hinimas. "Sana lumapit," masayang hiling nito. Isang oras ang lumipas. Nanatili siya sa pwesto niya. Hindi siya pinalipat ng kanilang supervisor. Kakaunti ang customer nila, wala silang masyadong ina-assist. Para hindi maramdaman ang pagka-ngalay ng binti niya, lumalakad siya paikot sa infant section. Kalahating oras na lang at malapit na rin silang mag-out. Kahit na masakit na ang paa niya, hindi pa rin maaalis sa kaniya ang excitement dahil malapit na siyang umuwi. Lumapit na siya kay Vez. Hindi pa rin maalis ang tingin nito kay R. Napailing na lang siya sa inaakto nito. Hinawakan niya ang braso nito kaya napalingon ito sa kaniya. "Kung kandila lang siya, at isa kang apoy, paniguradong kanina pa siyang tunaw," sambit niya habang nakangisi. "Ang gwapo niya," sabi nito sa kaniya at pagkatapos ay ngumuso ito. Hinayaan niya na lang ito at ngumiti na lang siya ng tipid. Tumingin na ulit ito sa unahan nila. Nainip siya kaya naman naisipan niyang tumalikod at inayos niya na lang ang mga damit sa shelf. Rinig niya ang malakas na pagsinghap ni Vez kaya nakuha nito ang atensyon niya. Nasa gilid niya ang babae. Kita niya ang namumula nitong mukha. "Bakit naman gulat na gulat ka?" Tanong niya. Kumapit ito sa kaniyang blouse. "Oh my? Lumalapit siya, Myla!" "Ha?" reaksyon niya. Natigil ang kamay niya sa pagaayos ng mga onsie. Lilingon na sana siya ngunit hinawakan ni Vez ang mukha niya upang paharapin siya. Sunod nitong itinuro ang sariling mukha kaya napatitig siya sa mukha ng katrabaho. "Maayos pa ba ang lipstick ko? Magulo na ba ng buhok ko? Maganda pa ba ako? Ayokong humarap sa kaniya pag panget ako," tanong nito sa kaniya. "Ayos pa naman ang buhok at make up mo. Maganda ka pa rin." "Talaga?" paniniguro nito. Tumango siya at nag-thumbs up. "Oo naman." Magsasalita pa sana siya ngunit napatigil silang parehas noong narinig nila ang pagtikhim ni R. Sabay silang napatingin sa lalaki. Una niyang napansin ang walang kangiti-ngiti nitong mukha. "Mylaflor, hihintayin kita sa labas," pagbibigay alam nito na agad niyang ikinagulat. Nahulog ang kaniyang panga. Ngunit mas napasinghap naman si Vez. "Ha? Bakit?" Naguguluhan niyang tanong sa lalaki. Bakit naman naisipan pa nitong hintayin siya? Ang trip nito? Bakit? "Sabay tayong uuwi," sagot nito sa kaniya bago ito tumalikod at naglakad paalis. Nanatili siyang gulat habang pinagmamasdan ang likod nitong lumalayo na. Ni-hindi man lang nito hinintay ang kaniyang sagot. "Teka!" wala sa sariling tawag niya ngunit napahawak siya sa bibig niya dahil napagtanto niya na oras pa pala ng duty niya. Nakalimutan niyang bawal nga palang sumigaw. Mabuti na lang at hindi siya narinig ng supervisor nila. Kinulbit siya ni Vez kaya napatingin siya rito. Nagtataka ang nakikita niyang reaksyon sa mukha nito. "Sabay kayong uuwi? Nililigawan ka ba niya, Myla?" tanong nito sa kaniya. Mabilis siyang umiling. "Hindi!" Ngumuso ito at nagpamay-awang sa kaniyang harapan. "Hindi mo man lang sinabi na ikaw pala ang trip, "Sayang! Akala ko pa naman ay may pag-asa ako. Ikaw pala ang natitipuhan niya. Baka gusto ka niyang ligawan," pagpapatuloy nito. Umiling siya ulit. "Hindi naman siguro. Malapit lang kasi ang tinutuluyan niya sa apartment ko. Iyon ang dahilan kung bakit niya ako gustong isabay," pagpapaliwanag niya sa katrabaho niya. Hinawi ni Vez ang buhok niya palikod at pagkatapos ay ngumuso ito. "Sus, sige na! Sa'yo na siya. Hindi na ako magkakagusto sa kaniya." Napakamot na lang siya sa ulo niya noong umalis na ito sa tabi niya. * Sabay silang naglakad ni R papunta sa paradahan ng jeep. Mahaba ang pila kaya naman napagpasyahan na lang nila na sumakay sa tricycle. Magkatabi sila sa loob habang may mag-jowa rin silang kasabay. Nasa likod ito ng driver. Dalawa lang sila sa pinaka-loob ng tricycle. "Bakit hindi ka naggala?" tanong niya kay R. Sumandal ito sa sandalan. Mula sa salamin, nakita niya itong pumikit. Mukha itong pagod kahit na wala naman itong ginawa kundi ang maghintay. "Tinamad akong maglakad," sagot nito sa kaniya habang nakapikit. Napataas ang kaniyang kilay. Gusto niyang mamasyal ngunit noong nakarating siya sa Mall ay bigla itong tinamad na maglakad? Iba rin ang trip niya. Nagsayang lang siya ng pamasahe. Mahal pa naman ang pamasahe ngayon. Dumayo lang ba ito ng pagpapalamig sa Mall? Naiinitan lang kaya ito sa apartment kaya naisipan na magpalamig sa aircon ng Mall? Ngayon lang siya nakakilala ng lalaking ganito. "Ah. Ganoon ba. Bakit hindi ka na lang umuwi agad?" tanong niya sa lalaki. Umiling ito. Nanatiling nakatitig siya sa nakapikit nitong mga mata. Ngayon niya lang napansin ang mahaba nitong pilik mata. Gusto niyang alisin ang titig kay R ngunit hindi niya naman maiiwas ang mga mata niya. "Tinamad akong maglakad," ulit nito sa sinabi kanina. Napabuntong hininga na lang siya dahil sa katamaran nito. Pati ang pag-uwi ay kinatatamaran nito. Imposible naman. Ilang oras itong nakaupo sa shoes center tapos inabot na rin ito ng closing. Tsaka lang sinipag ang lalaki na umuwi noong closing na? Kung bente kwatro oras mang bukas ang Mall, ibig bang sabihin noon ay hindi na ito uuwi? Baka kasi naghihintay lang siya ng kasabay, at ako iyon. Baka kailangan niya ng taga-akay sa paglalakad dahil tinatamad nga siya. "Ilang oras kang tinamad sa paglalakad? Tapos noong nag-out na ako sa trabaho tsaka ka lang sinipag sa paglalakad?" tanong ko sa kaniya. "Bigla akong sinipag noong makita ko 'yung oras," sagot nito at pagkatapos ay nagmulat siya ng mga mata. Nagtama ang tingin nila sa salamin. Hindi na niya iniiwas ang kaniyang mga mata. Nakipagtitigan siya kay R. Napansin niyang ito ang unang umiwas nang tingin. Nasa labas na ang atensyon nito. "Ah, grabe naman pala tamadin," sabi niya. "Ayaw mo noon? Makakasabay mo ako," sabi nito kaya napatingin siya sa kaniyang kamay na nakapatong sa hita niya. Hindi niya alam kung bakit siya biglang nahiya sa lalaki. "Ayos lang sa akin," mahina niyang sabi. Hindi na siya magsisinungaling. Pabor sa kaniya na makasabay ito para hindi siya mag-isa sa pag-uwi. Ramdam niyang ligtas siya pagkasama ito. Ilang taon na siyang sanay umuwi ng gabi. Hindi siya takot sa pag-uwi nang mag-isa ngunit kahapon ay parang nagbago ang lahat. Sa unang pagkakataon ay nakasalubong siya ng dalawang lasing. Sinundan siya ng mga ito at pagkatapos ay hinarangan siya. Takot na takot siya kahapon, ramdam niya ang panginginig hanggang pag-uwi. Mabuti na lang at may lalaking nakakita sa kanila at tinulungan siya nitong makatakas sa mga ito. Naputol ang pagbabalik tanaw niya noong tumikhim si R. Napatingin siya sa lalaki. "Nakita mo pala ako," mahinang sabi nito na ikina-kunot ng kaniyang noo. "Ha?" "Alam mong nandoon ako kanina pa. Nakita mo pala akong nakaupo doon? Akala ko kasi busy ka sa trabaho mo," pagbibigay linaw nito sa sinabi sa kaniya. Agad niyang nakuha ang ibig nitong sabihin. Bigla siyang namula noong maalala na itinuro nga pala ito ni Vez tapos nakita sila nito. Nakaramdam siya ng konting hiya. Siguradong alam nito na siya ang pinag-uusapan nila. "Ah, oo! Bigla kasi akong napalingon sa pwesto mo, tapos itinuro ka ng katrabaho ko kasi kanina ka pa raw na nakaupo doon," paliwanag niya. Nakita niya ang pagtango nito. "Masakit ba ang paa mo?" Pag-iiba nito sa usapan nila. Napanatag siya sa pag-iiba nito ng usapan nila. "Ha? Hindi naman," pagtanggi niya. Nagsinungaling siya. Masakit talaga ang kaniyang paa pero hindi niya ito sasabihin sa lalaki. "Napansin ko kasi kanina na lagi kang napapahawak sa sapatos mo," bigla nitong sabi kaya napalingon siya kay R. Nakita niya ang nag-aalala nitong mukha kaya bigla siyang naguluhan. Bakit ganito ang reaksyon ni R? Bakit mukha siyang nag-aalala? "Nakaramdam lang ako ng ngalay sa paa at binti kanina kaya ganoon," turan niya. Umiwas siya nang tingin kay R. Nakaramdam siya ng pagkailang sa lalaki. "Hindi ka ba nahihirapan na maging sales lady?" tanong nito sa kaniya. "Hindi naman. Bakit? Sa palagay mo ba ay mahirap?" balik niyang tanong dito. "Yes. You're always standing everyday, eight hours straight," sambit nito. Napatingin siya sa may salamin at nakita niyang nakatingin din ito sa kaniya. Naramdaman niya ang pag-init ng kaniyang mukha. Nailang siya sa ibinibigay nitong titig kaya nag-iwas na naman siya nang tingin. Tulala siyang napatingin sa upuang maliit na nasa unahan niya. "Medyo mahirap kasi nakakangalay pero sanayan na lang talaga," mahina niyang sagot. "Bakit hindi ka na lang lumipat ng trabaho?" tanong nito sa kaniya. Matagal niya nang naisip na lumipat pero lagi siyang nanghihinayang sa oras at suweldo. Matagal makahanap ng trabaho kaya dapat may ipon siyang panggastos. Ngayon ay wala pa siyang ipon. Lahat ay palabas ang pera niya. "Sayang ang oras. Sayang din ang sahod. Pag kasi lumipat ako ay maghahanap pa ako ng bagong trabaho. Mahirap maghanap ngayon kaya paniguradong matagal ang oras na maigugugol ko sa paghahanap. "Ang bawat piso ay mahalaga sa akin." Pagpapatuloy niya. Sa panahon ngayon, ang piso ay napakahalaga. Hinding hindi mo mabubuo ang bente pag walang piso. Kung makakaipon man siya, ang una niyang gagawin ay maghanap nang maayos na trabaho. Hihintayin din niya si Martin para itanong kung may hiring pa ba sa pinagtatrabahuhan nito. Hanggang ngayon nga lang ay wala pa rin ito. Hindi niya pa rin matagpuan. Kung susuwertehin siya, hindi na siya maghahanap pa. "Kaya ba nagtitiyaga ka pa rin sa trabaho mo?" tanong niya sa akin. "Oo. Kailangan. Siguro ay aalis din ako dito pag nakaipon na ako. Ngayon kasi ay madami pa akong pinaggagastusan," sagot niya kay R. "Kung makapagbanat ka ng buto parang may sariling pamilya ka na," ani R. Lumunok siya at pagkatapos ay lumingon siya sa lalaki. Tanging tipid na ngiti lang ang kaniyang ginawa. Napatahimik na lang siya. Totoo naman iyon, siya lang ang bumubuhay sa pamilya niya. Kusang loob niya naman itong inako, hindi siya pinilit ng pamilya niya. Gustong gusto niya lang talagang makatulong sa magulang at mga kapatid niya. Gusto niyang mabigyan nang magandang buhay ang mga ito. Hindi man sila maging mayaman, ang mas mahalaga lang sa kaniya ay maiahon niya ang pamilya niya sa hirap. At ang maibigay ang pangangailangan nila sa araw-araw. Ginusto niya ang bagay na ito. Napansin ni R na hindi na siya umimik kaya bigla itong nabahala. Akala siguro ni R ay na-offend siya. "Sorry. Itinanong ko lang naman kung may pamilya ka na," wika nito. Pansin niya ang pagiging uneasy ng lalaki. "Nagtanong ka lang naman. Bakit ka nag-so-sorry?" Mahina niyang tanong habang nakangiti. Nagpatuloy siya sa pagsasalita, "Wala naman akong asawa at anak." "Sa Pamilya ba?" Nanghuhulang tanong nito sa kaniya. "Oo. Ako kasi ang bread winner nila," sambit niya. "It's hard." Tumango siya sa sinabi nito. Mahirap pero kakayanin niya. "Mahirap talaga pag bread winner, pero 'yung pakiramdam na nakakatulong ka sa kanila, sobrang sarap sa pakiramdam," wika niya habang nakangiti. "You're great," sambit nito kaya mas lalo akong napangiti. "Mahirap ang buhay. Unfair din minsan. Minsan nga naiisip ko na bakit kailangan pang magkaroon ng mahirap sa mundo. Bakit hindi na lang mayaman ang lahat, para hindi na nahihirapan ang tulad namin. Ang swerte ng mayayaman dahil kaya nilang bilhin ang lahat. Wala silang problema kundi ang magbilang ng marami nilang pera," Mahabang sabi niya at pagkatapos ay mahina siyang tumawa. Napatingin siya kay R. Hindi nakalampas sa paningin niya ang maliit na ngiti na sumilay sa mukha nito. Tumango pa ito habang pinagmamasdan siya. "Life is really unfair, but there's always a reason and purpose behind it" "Alam ko." Nakangiting sabi niya. Muling gumaan ang atmosphere sa pagitan nila. "Sadyang gan'yan ang buhay ng tao. Hindi mo ba naisip na kung mayaman ang lahat ay magkakagulo sa mundo? Sino na lang ang magiging laborers? Sino ang magiging magsasaka at mangingisda? Sino ang magiging empleyado? Paano pa gagalaw ang mga mundo kung ang lahat ng tao ay mayaman? Kung mangyayari ang gusto mo ay mawawalan ng balanse ang mundo. Magkakaaway ang iba at papatay para lang maging superior ang isa. "Ang bawat tao ay may kaniya kaniyang level ng pagiging kontento sa buhay." Hindi man niya aminin ngunit sa diskusyonan nilang ito ay napapabilib siya sa mga sinasabi ni R. "May ilang tao na gusto lang na magkaroon ng sapat na pera para matustusan ang pangangailangan. May ilan din naman na gustong yumaman ng sobra para magkaroon ng kapangyarihan at mapagalaw ang ibang tao para makagawa din ng masama." Tumango siya at inintindi ang bawat sasabihin nito. "Paano kung ang lahat ay mayaman tapos nalason ang isip nila ng paghahangad ng lubos na kapangyarihan para maungusan ang ibang tao?" tanong nito sa kaniya. Inisip niya ang sagot at agad niyang nakuha ang ibig nitong iparating. Ibinuka niya ang bibig niya upang sumagot. "Labis na kaguluhan." "Precisely. Mas mabuting hati ang mahirap at mayaman. Hindi mo ba napapansin na ang ilang mayaman ngayon ay ganid na? Paano pa kaya 'yung ibang mahirap na likas ang pagiging masama?" tanong nito sa kaniya kaya mas napaisip siya. May ilan ngang tao na sadyang masama at hindi makuntento. Hindi malabong gawin ng mga ito ang gusto nila upang mas magkamit pa ng sobra sobra. "Bilog ang mundo kaya hindi malabong ang mahirap ay yumaman at ang mayaman ay maging mahirap. Tadhana at sipag na lang ang labanan ngayon," wika nito. Tumango siya sa sinabi ni R. Sadyang sipag at tiyaga na lang ang kailangang pagbutihin ng bawat tao upang makamit ang gusto nilang buhay. Kung gustong yumaman, gawin ang lahat upang makamit ang buhay na inaasam. Huwag nga lang gagawa nang masama. At higit sa lahat ay dapat pa ring panatilihing nasa lupa ang mga paa, kung dumating ang oras na nakuha na ang gusto sa buhay "Sabagay, tama ka." Ngumiti ako sa kaniya at ganoon din ang kaniyang ginawa. Sa unang pagkakataon ay ngumiti siya sa akin. Ngiti na walang halong pang-aasar. Sinserong ngiti na ikina-gaan ng nararamdaman ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD