Kabanata 4

3472 Words
Hindi alam ng mga magulang ni Mylaflor na nagkaroon siya ng kasintahan. Hindi rin alam ng mga ito ang pinagdadaanan niyang sakit dahil sa pagkawala ni Jake. Nanatili siyang masikreto sa pamilya niya. Hindi niya nais sabihin ang mga pinagdadaanan niyang sakit. Ayaw niyang malungkot ang pamilya niya dahil lang sa mga pinagdadaanan niya. Alam niya sa sarili niyang pag may problema siya ay namomroblema din ang mga ito. Gusto niyang sarilinin ang problema niya at huwag nang idamay pa ang mga ito. Tulala na naglalakad siya sa palabas sa gate ng kaniyang tinutuluyan na apartment. Hindi niya na sinaraduhan pa ang gate sapagkat lalabas pa naman ang babaeng nakatira sa katabing silid niya. Ang kaniyang isip ay punong puno ng mga agam-agam. Napatigil siya sa paglalakad nang biglang humangin nang malakas. May mga tuyong dahon na hinangin papunta sa kaniya. Tumingala siya upang tingnan ang mataas na puno na nasa kabilang kalsada, at pinagmasdan niya ang mga dahon na dinala ng hangin sa himpapawid. Iilan lamang ang mga taong nasa labas, at ang kanilang mga ginagawa ay naabala din nang malakas na hanging dumadaan. Naramdaman niya ang pagpatak ng dahon sa kaniyang balikat kaya tumungo siya at tumingin sa dito. Hinawi niya ang dahon, at pagkatapos ay napatingala ulit siya sa puno. Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay napansin niya ang lalaking nakasilip sa bintana, sa ikalawang palapag ng apartment na tinitirhan ni Martin. Kaharap lang ng apartment niya ang tinitirhan ng kaibigan. Nanatili ang tingin niya sa lalaking una niyang nakita sa Mall. Imbis na umiwas siya nang tingin ay pinagmamasdan niya pa rin ang lalaki. Seryoso ang ekspresyon nito habang nakatingin din sa mga dahong dinadala ng hangin. Inaamin niya na kakaiba ang appeal na mayroon ito. Hindi nakapagtataka na maraming babae ang nahuhumaling sa lalaki. "May maipagmamalaki naman siyang kagwapuhan," bulong niya sa sarili. Bahagyang nanlaki ang kaniyang mga mata nang mapansin na napalipat sa kaniya ang atensyon ni R. Nakaramdam siya ng pagkataranta. Saglit siyang napanganga ngunit agad ding nakabawi. Hindi na siya umiwas pa ng tingin sa lalaki at itinaas na lang niya ang kaniyang kanang kamay para kumaway. Gusto niyang ngumiti ng sincere ngunit hindi naman niya nagawa. Bakit siya ngingiti, baka akalain pa nito na nagpapa-cute siya. Hindi na lang siya ngumiti at baka maging ngiwi lang iyon. Tumango na lang siya sa lalaki. Ang inaasahan niya ay kakawayan siya nito pero umasa lang talaga siya dahil hindi siya nito pinansin. Walang ekspresyon siya nitong tinitigan ng ilang segundo at matapos niyon ay umatras ito. Pansin niya ang paghawak nito sa kurtina at pagkatapos ay hinigit ito ni R upang takluban ang bintana. Sa ginawa nito ay hindi na niya nakita ang lalaki. Napanganga na lang siya sa inakto nito. Halata naman na mukha nito ang pagiging masungit, sa una ding pagkikita pa lang nila sa Mall ay hindi na ito ngumingiti. Noong ipinakilala nga ito sa kaniya ay parang labag pa sa loob nito ang makilala siya. "Suplado," mahinang sabi niya. Umiiwas na lang siya nang tingin sa bintanang may taklob na ng kurtina. Ipinagpatuloy niya din ang paglalakad. Umiling na lang siya habang mahinang naghihimutok. "Ang suplado," bulong niya. May nadaanan siyang maliit na bato kaya sinipa niya ito. "Anong sabi mo, Myla?" Namilog ang kaniyang mga mata nang biglang may sumulpot sa kaniyang tabi. Singhap ang lumabas sa bibig niya dahil sa pagkagulat. Humawak pa siya sa tapat ng puso niya dahil lumakas ang t***k nito. Lumingon siya sa kaniyang tabi at nakita niya ang nakangiting mukha ni Jenny. "Susko po! Ano ba yan, Jenny! Bigla bigla ka naman sumusulpot! Kabute ka ba?" Sinubukan niyang kumalma at ilang segundo lang ay naging maayos na ang paghinga niya. "Gulat na gulat ka, ah! Para kang may ginagawang hindi kaaya-aya, ah!" sabi ni Jenny. Hindi sinagot ang kaniyang tanong. Tinanong niya kung kabute ito. Baka kasi may lahi itong kabute. Bigla biglang dumadating. Wala naman siyang ginagawang masama, sadyang nagulat lang siya sa biglang pagsulpot niya. Sino nga bang hindi magugulat? "Wala akong ginagawa no! Nagulat lang ako sa biglaan mong pagdating," sagot niya sa paratang nito. Tinaasan siya ng kilay nito. Pinagmasdan siya at pagkatapos ay ngumiti. Doon siya nabahala. Nakita kaya nito ang pagtingin niya kay R? Nakaramdam siya ng kaba. Baka asarin siya nito. Binilisan niya ang paglalakad ngunit binilisan din nito ang lakad para makasabay sa kaniya. "Sus, talaga lang, ha? Pero parang narinig ko na may sinabi kang 'suplado'? Sinong suplado?" nang-uusisa na tanong nito sa kaniya. Sasagutin na sana niya na mali ang rinig nito ngunit bigla itong naghanap sa paligid. Napatigil sila sa paglalakad nang bigla nitong hinigit ang kamay niya. Pasimple siyang napasilip sa apartment nina Martin at noong tumingala siya doon ay napansin niyang nakahawi na ang kurtina sa bintana. Napakunot ang noo niya. Hindi ba't natakluban na iyon? Naramdaman niya ang pagsiko ni Jenny sa kaniyang braso kaya napatingin siya dito. Nakita niya agad ang malawak nitong ngiti. Napapalakpak pa ito kaya alam niya na aasarin na naman siya nito. "Ayon naman pala! Si Mr. Pogi pala ang suplado," tila siguradong sigurado na sabi nito. Lumakad na siya para umiwas dito ngunit sumunod pa din ito. "Hindi ah!" madiin niyang tanggi dito. Hinigit nito ang bag niya kaya napatigil siya sa paglalakad. Nilingon niya ang kaibigan at mas lalo niyang makita ang mapang-asar nitong ngiti. "Sus, tatanggi ka pa! Siya lang naman ang nakita kong sumilip sa bintana. Tapos nahuli pa kitang nakatingala doon kanina," sambit nito. "Nagkataon lang," sagot naman niya. "Sus, hindi ako naniniwala na nagkataon. Baka inabangan mo? Type mo ba?" sunod sunod na tanong nito habang kumikindat. Bumuntong hininga na lang siya dahil lagi nitong binibigyan ng kahulugan ang bawat nakikita nito. "Kung sasabihin ko man na hindi, alam kong hindi ka pa rin maniniwala. Isipin mo na lang ang gusto mong isipin," tanging sagot ko sa kaniya kaya napanguso siya. "Bakit mo nga pala nasabing suplado siya? Tinawagan mo ba pero hindi ka sinagot?" pag-iiba nito ng usapan pero ang topic pa rin ay ang lalaki. "Kinawayan ko lang siya," direktang sagot niya. "Ah! Kinawayan mo naman pala. Nagpapa-cute ka?" tanong nito sa kaniya kaya agad siyang umiling. "Hindi no!" Ikinumpas niya ang kamay bilang pagtanggi. "Tumanggi ulit. Sige! Sabi mo e, hindi kita pipilitin," natatawa nitong sabi sa kaniya kaya napailing na lang siya. Hindi sinasadyang napatingin ulit siya sa bintana nila Martin. Narinig niya ang pagtawa ni Jenny kaya agad siyang natauhan. Nagtuloy na talaga siya sa paglalakad. Mas mabilis sa normal na paglalakad niya. Hindi pa rin siya nilubayan ng kaibigan niya, at mas lumala pa ang pang-aasar nito sa kaniya. "Pasulyap sulyap ka kunwari'y. . . Patingin-tingin sa kaniya," kanta nito habang tumatawa. "Ang dami mong alam," tangi niyang puna dito at hindi na ito sinuway pa. Kilala niya ang kaibigan. Kahit na tumanggi siya o magdahilan dito ay hindi ito matitinag. Paniniwalaan pa rin nito ang gusto nito. Ayaw niya na lang makipagtalo dito. "May utak ako eh. Crush mo? Hindi ka na luge d'yan pag naging jowa mo siya," sabi nito at kita niya ang pagkakilig nito. Napahawak siya sa braso niya noong hinampas ito ng kaibigan niya. Bumuntong hininga siya. Siguro ay kailangan na rin niyang magpaliwanag dito. Baka pag hindi siya sumagot sa paratang nito sa kaniya ay akalain nito na silent means yes. "Hindi no! Pag ba tinitingnan ang isang tao, crush na agad ang dahilan? Hindi ba pwedeng curious lang ako sa kaniya," usal niya habang inaayos ang bag na dala niya. Umiwas siya ng tingin sa kaibigan. "Bakit ka curious, aber?" nang-uusisa na tanong nito sa kaniya. Lumingon siya sa kaibigan niya habang nag-iisip ng sagot. "Kasi. . . Ano. . ." "Engk! Times up! Wala kang maisagot. Alam mo bang pag-curious ang babae sa isang lalaki—isa lang ang dahilan!" Bigla itong sumigaw kaya nanlaki ang mga mata niya. "Na-a-attract ka sa kaniya!" Mabilis siyang lumapit dito at agad niyang tinakpan ng kamay niya ang bibig nito. "Ssssshh! Baliw ka ba? Huwag ka ngang maingay! Hindi 'yan totoo!" suway niya sa kaibigan. Tumingin lang si Jenny sa kaniya. Inalis nito ang kamay niya. Kitang kita niya ang masayang mukha nito na malakas mang-asar. "Huwag mong lakasan ang boses mo at baka may makarinig. Baka akalain pa nilang totoo ang sinasabi mo. Higit sa lahat ay baka akalain niya na pinagtsitsismisan natin siya," ika niya dito. Masayang itinaas nito ang kamay at pagkatapos ay magiliw nitong hinampas ang kaniyang braso. Napangiwi siya sa sakit at napahawak siya sa kaniyang braso. Nananakit pa talaga. "Pinagtsitsismisan naman talaga natin siya, ah!" Tumatawa nitong sabi. "Sssshh!" Agad niyang nilapitan ito at pagkatapos ay tinakpan ulit ang bibig nito. Noong makalampas si Aling Nasi ay agad niyang pinakawalan ang bibig nitong madaldal. Isa pa naman si Aling Nasi sa tsismosa sa lugar nila. Mahirap na kung maririnig nito ang pinag-uusapan nilang magkaibigan. "Aminin mo na kasi na crush mo!" pamimilit na sabi nito kaya napailing na lang siya. "Hindi nga! Hinaan mo ang boses mo baka marinig ka niya," sabi niya habang nakakunot na ang noo. Pasimple niya itong pinandilatan ng mata at itinuro ng nguso niya si Aling Nasi. Alam na nito ang ibig sabihin noon kaya tumango lang ito habang sinusundan ng tingin si Aling Nasi. Naramdaman yata ni Aling Nasi na nakatingin sila kaya naman lumingon ito sa kanila. Hinawakan niya ang kamay ni Jenny at agad niyang hinigit ang kaibigan palayo. Naglakad na sila papunta sa paradahan ng mga tricycle. "Curious lang ako kasi taga-Manila siya," sagot niya upang matigil na ang kaibigan niya sa pang-aasar sa kaniya. "Bakit ngayon ka lang ba nakakita ng Manila boy?" tanong nito sa kaniya. Mas lalong lumawak ang mapang-asar nitong ngisi kaya alam niyang hindi ito naniniwala sa kaniya. "Oo!" Pagsisinungaling niya para matahimik lang ang kaibigan niya. Si Jenny 'yung klase ng kaibigan na kung kani-kanino siya inaasar at inirereto. Kahit na alam nito na hindi pa siya nakaka-move on sa Ex niya ay todo tulak pa rin ito sa mga nakikilala nilang lalaki. Kahit na magtitinda ng ice cream na dumaan lang sa gilid nila ay irereto na agad siya. "Mayabang! Ginagawa mo naman akong uto-uto eh! Sa Mall ka nagtatrabaho no! Imposibleng walang napapadpad doon na turista na taga-Maynila!" giit niyang sabi kaya napabuntong hininga na lang siya. Totoo naman ang sinabi niyang curious lang siya dahil taga-Manila ito. Tama naman ito na may turista nga siyang nakakasalamuha na taga-Manila pero malay niya pa ba kung sino sino ang mga ito. Hindi naman niya tinatanong kung saan nakatira ang lahat ng mga taong pumupunta sa Mall. "Meron naman. . . kaso. ." napatigil siya sa pagsasalita. Napanganga naman si Jenny na naghihintay sa sagot niya. Ilang minuto siyang napatigil kaya napangiwi ang kaibigan niya dahil sa paghihintay. "Ano? Pabitin effect ka naman!" Inis nitong sabi sa kaniya kaya napatawa na lang siya. "Curious kasi ako sa kaniya dahil sa lahat ng taga-Maynila siya lang iyong hindi maporma. Alam mo na iyong pormang mayaman," sagot niya dito. Kumunot ang noo ni Jenny at pagkatapos ay nakita niya ang pagnguso nito. Nagkibit balikat pa ito. "Girl, hindi naman lahat ng taga-Maynila ay mayaman. Baka poor siya kaya gan'yan pumorma," pagkontra nito sa kaniya. Umiling siya sa kaibigan. "Hindi no! Mayaman siya dahil bumili siya ng sapatos na worth fourteen thousand. May mahirap bang bibili ng ganoong kamahal?" Nakita niya ang panlalaki ng mga mata ni Jenny. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat habang manghang-mangha. "Fourteen? Sa isang pares ng sapatos lang?" "Oo! Curious kasi ako sa kaniya dahil sa lahat ng mayamang nakasalamuha ko, siya lang 'yung mukhang simple." "Hindi kaya ipinabili lang sa kaniya?" hindi pa rin naniniwala ito. "Hindi ko din alam. . .pero naalala kong size mismo ng paa niya 'yung sapatos na binili niya," sagot niya sa tanong nito. "Baka naman lowkey na mayaman? Alam mo na, iyong iba kasi takot manakawan? Iwas holdap kumbaga?" Hula ni Jenny. "Ah, siguro nga?" tanging sagot niya. "Basta balik tayo sa topic na curious ka sa kaniya kasi crush mo siya," bigla na namang nagbago ang ekspresyon nito. Mapang-asar na naman ang mukha. "Hindi nga!" giit na tanggi niya. Napatigil na sila sa paglalakad dahil nakarating na sila sa waiting shield na pinag-tatambayan ng mga tricycle driver. "D'yan nagsimula ang lola at lolo ko! Sa pagtanggi ng nararamdaman tapos biglang hindi na napigilan! Ayon, ipinutok sa loob at si Papa ang nagwagi sa karera!" sambit nito kaya napangiwi na lang siya at kalaunan ay napatawa dahil sa kalokohan nito. "Baliw! Umuwi ka na nga," pagpapaalis niya dito dahil sasakay na siya sa tricycle. Imbis na bitawan siya nito ay mas hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kaniya. "Tingnan mo ito. Inakay ako papunta dito sa may paradahan tapos papauwiin lang din," wika nito habang tumatawa. Hindi niya naman sinabi dito na sumama ito at ihatid siya sa paradahan. Sadyang sumama ito para maki-tsismis sa kaniya. "Papasok kasi ako sa trabaho. Alangang isama kita," sambit niya at natawa na din. Binitawan nito ang braso niya at marahan siya nitong itinulak papunta sa isang tricycle. "Hindi! Uuwi na ako. Naghihintay sa akin ang mga anak ko. Lumabas lang ako para bumili. Napadaldal tuloy ako noong nakita kita," wika nito habang ipinapakita ang dala nitong diaper. Napatingin siya sa relo at nanlaki ang mga mata niya noong makita ang oras. "Ay! Male-late na ako," bigla siyang nataranta sa nalaman. "Ang tsismosa mo kasi," Sisi nito sa kaniya bago ito tumatawag umalis. Siya pa ang sinabihan na tsismosa. Ito naman ang parang tarsier na hindi umalis sa tabi niya. Natatawang napailing na lang siya habang sinasabi sa driver ang lokasyon ng pupunta nila. * Tatlong araw ang matuling na lumipas at hindi niya na napansin iyon. Naging busy siya sa trabaho at hindi niya na muling nakausap pa si Jenny. Gabi na kasi siya umuuwi sa trabaho at wala na siyang lakas upang pumunta sa bahay nila Jenny. Nanginginig na ang binti niya ngunit sinubukan niya pa rin na maglakad. Madaming mga tao ang nasa Mall kanina kaya hindi sila binigyan ng one hour break. Fifteen minutes lang ang ibinigay sa kanila para kumain ng lunch. Kulang kasi sa sales lady kaya pinagmamadali sila sa break nila. Ilang beses siyang nagpabalik-balik dahil sa ilang matatandang customer na inaasikaso niya kanina. Pagkakuha niya kasi ng item ay biglang magbabago ang isip ng mga ito. Babalik na naman siya upang kumuha ng bagay na gusto nito. Ayaw naman nilang sumama sa kaniya at nakaupo lang ito sa upuan sa cosmetic section habang naghihintay sa pagdating niya. Ang dahilan ng mga ito ay pagod na sila sa paglalakad at inaatake ng rayuma. Wala naman siyang nagawa kundi ang ngumiti na lang kahit na pagod na pagod na siya. Hindi na niya kinaya pa at umupo muna siya sa side walk. Ilang minuto siyang nagpahinga doon. Wala ng mga tricycle kanina noong lumabas siya sa Mall. Wala siyang choice kundi ang sumakay sa jeep. Ang mahirap lang doon ay hindi dumadaan sa street nila ang mga jeep. Kailangan niya pang maglakad ng ilang minuto. Malapit na naman siya ngunit napatigil pa rin siya dahil masakit na ang binti niya. Nasa kabilang street lang naman ang kaniyang apartment. Konting minutong pahinga na muna ang ginawa niya. Ayaw niyang pilitin ang sarili at baka bumagsak pa siya sa daan. Inalis niya muna ang kaniyang sapatos na may takong. Bumuntong hininga siya at pagkatapos ay inalis niya ang kaniyang pusod. Ginulo niya ang buhok niyang medyo kulot ngunit mahaba. Alas-syete na ng gabi ngunit kakaunti na ang mga taong dumadaan. Madilim sa pwesto niya at noong tumingala siya sa langit ay napagmasdan niya ang walang buhay na gabi. Hindi niya makita ang mga bituin sa langit. Natatabunan ito ng mga makapal na ulap. Pansin niya ang ilang pagkislap ng kidlat sa madilim na langit. Isang malakas na singhap ang kaniyang nagawa noong biglang may yumuko sa harap niya. Nanlalaki ang mga mata na napatingin siya sa lalaki na naglalagay ng pera sa latang nasa tabihan niya. "A-ano...h-hindi.." nauutal niyang sabi at hindi pa rin makabawi sa pagkakagulat. Hindi makapaniwala na napanganga siya. Akala ba nito ay pulubi siya? At bakit ngayon niya lang napansin na may malaking lata ng gatas sa tabi niya? Napakamot siya sa kaniyang ulo dahil sa pagkapahiya rito. Hindi siguro napansin ng lalaki ang mukha niya dahil madilim ang kinauupuan niya. Mukha na rin ba siyang pulubi dahil sa ayos niya? Napagkamalan siya ni R na pulubi! "Maliit na tulong ko para sa'yo," kalmado nitong sabi bago ito naglakad para umalis. Napakamot na lang siya sa ulo niya at hindi na lang hinabol ang lalaki. Siya pa 'yung napahiya sa nangyari. Nakangiwi na tumayo na siya habang iniinda ang masakit na binti at naglakad na pauwi. * Sa mga nakalipas na araw ay hindi pa rin siya nito pinapansin. Hindi na lang din niya pinapansin ang lalaki. Ayaw niya naman na kausapin pa ito kung wala naman itong imik sa kaniya. Noong pang-apat na araw ay nakasalubong niya si R sa may harap ng tindahan ni Aling Kuring. Hindi niya alam kung babatiin niya ba ito o hindi. Ayaw niya naman na ma-isnob lang. Iiwas na sana siya ngunit hindi niya inaasahan na kakausapin siya nito. "You're Mylaflor, right?" tanong nito sa kaniya. Tumango siya sa lalaki at pagkatapos ay maliit na ngiti ang ibinigay niya. "Oo," sagot niya dito. Himala na ba ang pagpansin nito sa kaniya? "Bakit yata tinanghali ka ngayon?" tanong nito sa kaniya. Mas lalo siyang nagtaka sa sinabi nito. Alam ba nito na umaga ang kaniyang pagpasok sa trabaho? Ilang segundo siyang nag-isip at noong maalala si Martin ay naisip niyang baka nabanggit nito ang oras ng trabaho niya. O kaya nakikita niya ako tuwing pumapasok ako sa trabaho? Hindi pa rin siya makapaniwala na kinausap siya nito. Suplado ang isang ito. Himala talagang ituturing na nagsalita ito sa kaniya. Nanibago siya sa ikinikilos nito ngunit kahit na nagtataka ay sinagot niya pa din ito, "Naiba na ng schedule ko." "Mas gagabihin ka na ngayon?" May kuryosidad na tanong nito sa kaniya. Tumango siya. "Oo. Alas-otso na ang magiging uwi ko." May nakain ba itong mali? Bakit naging curious ito sa kaniya? Pansin niya na nawala ang pagkakakunot ng noo nito. Mas lalong gumanda ang lalaki sa paningin niya. Umiwas siya ng tingin sa lalaki. Parang nakakasilaw yata ito ngayong araw. "Lagi kang mag-iingat sa biyahe. Gabi na ang uwi mo. Delikado ang gan'yang oras. Marami pa namang loko-loko sa daan," wika nito kaya gulat siyang napatingin sa lalaki. Hindi niya alam ang isasagot niya dito dahil sa pagkabigla. Bakit naging maalalahanin ito sa kaniya? Nabaliktad ba ang mundo o ang utak nito? "Ah, salamat sa pag-aalala," pasasalamat niyang sabi. Hindi alam kung ano ang sunod pang sasabihin kaya tumahimik na lang siya. Nag-aalala ba ang lalaki para sa kaniya? Hindi niya alam na mabait naman pala ito kahit na suplado. "Sinong may sabing naaalaala ako?" Biglang sabi nito habang nakakunot ang noo. Ang kaniyang kilay ay nagsalubong dahil sa pagtataka. "Ha?" "Ayoko lang makarinig ng masamang balita," wika nito kaya nahulog ang panga niya. Noong makabawi siya sa gulat ay napakamot na lang siya sa ulo niya. Nag-assume ba siya? Inaamin niyang umasa siya ng konti. "Ah. . .ganoon ba," tanging sabi niya at napangiwi na lang. Bakit pakiramdam niya ay may awkwardness na sa pagitan nila? Tumahimik ang paligid. Walang nagsalita sa kanilang dalawa. Pati ang mga tao sa paligid ay biglang nawala. Nakatitig lang sila sa isa't isa habang hinihintay kung sino ang unang magsasalita. Seryoso lang ang mga mukha nila ngunit sa loob loob ay hindi na siya mapakali. Sa hindi inaasahang pangyayari ay biglang may dumaan na uwak at humuni ito. "Kro...kro.. kro" Isang buntong hininga ang ginawa niya. Tumikhim siya at pagkatapos ay pilit siyang ngumiti. Hindi niya na inisip pa ang sasabihin. Kusang lumabas sa bibig niya ang mga salita. "Baka naman may makasabay akong katrabaho pag-uwi. Huwag kang mag-aalala," tanging sabi niya ngunit agad siyang napatigil dahil sa tingin niya ay mali ang sinabi niya. Napangiwi na lang siya. Hindi nga kasi ito nag-aalala. Bakit iyon pa ang sinabi niya. Imbis na baguhin o punahin ang sinabi niya, tumango lang ang lalaki sa kaniya. "Ingat ka," sabi nito bago ito naglakad paalis. Napatulala na lang siya habang tinatanaw ang likod nito. Hindi niya alam kung anong trip nito sa buhay. Kakausapin siya nito at pagkatapos ay parang walang nangyaring pag-uusap sa kanila at iiwan siya nito. Ni hindi man lang ito nagpapaalam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD