"Ano bang problema?" Seryoso ang tingin ni Heize sa akin. Ni hindi ko nga siya matingnan nang diretso dahil sa pinaghalong inis at kabang nararamdaman. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko ay gusto ko nang umiyak ngayon. Na-fru-frustrate ako sa hindi malamang dahilan at naiinis din ako sa kanya kahit na hindi naman dapat. Paano ko sasabihin sa kanya kung anong problema, kung pati nga ang sarili ko ay hindi na rin maintindihan pa. "Hale, ano nga 'yun? May nagawa na naman ba ako?" muling tanong niya. Iniwas ko ang tingin ko. Gusto kong umalis ngayon sa harap niya at mag-walk out na lang pero hindi ko rin maigalaw ang katawan ko. "Sabihin mo na." Nagbuntong hininga siya saka lumingon dahil sa paparating na mga estudyante. Nang makita siya ng mga ito ay agad din naman silang bumalik

