Nagsimula ako sa trabaho sa 24 hour internet cafe ng gabi din na 'yon, wala naman akong masyadong ginagawa dahil cashier lang ako at nagbabantay lang sa CCTV pero nakakapagod. Alas syete ng gabi hanggang alas tres ng madaling araw ang pasok ko sa trabaho tapos sa maghapon ay may klase ako. Kulang na kulang lagi ang tulog ko.
Tulad ngayon, halos pipikit na ang mata ko dahil sa antok. Hindi ko alam kung may papasok pa sa utak ko mamaya kapag nag-umpisa na ang klase, daig ko pa yata ang adik. Lutang na lutang ako ngayon.
Naramdaman ko na may umupo sa upuan sa tabi ko, kahit hindi ako mag-angat ng ulo ay alam ko na agad na si Rigo iyon. Dalawa ang subject na kaklase ko siya at ang isa ay 'yung kaklase namin si Jupiter.
Nagsimulang gumalaw ang upuan sa tapat ko pati ang katabi nito, alam ko na agad na may umupo do'n. Sino pa? Edi yung mga babaeng parang kiti-kiti kapag nandiyan si Rigo.
"Rigo, kamusta na?" Tanong ng isa. Tulad ng nakasanayan, wala silang nakukuhang sagot. Kung hindi ko lang siya narinig nang nagsalita, iisipin ko talaga na pipi ang isang 'to.
"Rigo, classmate kita kahapon pero hindi ka pumasok. Why? Nagkasakit ka ba?" Malambing na tanong pa nung isa.
"Ayos lang ako." Malamig na sabi ni Rigo kaya bahagyang napangisi ako.
"So, bakit ka absent?" Usisa pa no'n. "May pinuntahan ka? Date?" Halata ang pait sa boses nito.
"May girlfriend ka, Rigo?" Tanong nung isa. Nag-angat ako ng tingin kaya nakita ko ang tatlong babae na nakatingin lahat kay Rigo, nakaupo ang isa sa harap ko. Ang isa ay katapat ni Rigo at 'yung isa ay sa upuan ni Sebastian nakaupo.
Binaling ko ang tingin kay Rigo, komportable na nakasandal siya sa upuan habang nasa bulsa ang dalawang kamay niya, naka-kros ang naka-straight niyang paa kaya lumagpas iyon sa lamesa niya dahil mahaba ang binti niya. Hindi naman siya nakayuko pero ni hindi niya dinadaanan ng tingin 'yung tatlong kumakausap sa kanya. Kung titignan, parang ang yabang ng dating niya pero mukhang hindi niya naman iyon sinasadya.
Naiilawan siya ng sinag ng araw mula sa labas ng bintana, parang marshmallow sa kaputian ang kulay ng balat niya. Pulang pula ang malaman niyang labi, sigurado naman akong hindi siya nagli-lipstick pero parang gano'n kung titignan. Nakatagilid siya sa'kin kaya kitang kita ko kung gaano kataas ang ilong niya.
"Ano, Rigo? May girlfriend ka ba?" Naiinip na tanong ng isa kaya huminga ako ng malalim. Hindi ako nakikialam pero hindi ba sila nakakaramdam? Ayaw silang kausapin nung tao. Mga mukha silang tanga na nagsasalita.
"Umalis nga kayo dito." Sabi ko sa kanila kaya gulat na napalingon silang tatlo. Lumingon sila sa likod nila dahil mukhang hindi sila sigurado kung sila 'yung sinasabihan ko.
"Kayong tatlo, wala ba kayong alam kundi lumandi? Alis." Sabi ko kaya napanganga sila. "Nakakaistorbo kayo dito, kung gusto niyong ipagduldulan 'yung sarili niyo sa kanya. Pwede bang wag sa harap ko? Nananakit ako ng tanga."
"Hoy, Jackeline. Hindi porket boyfriend mo si Jupiter Vergara ay aasta ka na ng ganyan, kung ipagpapatuloy mo 'yan. Makakahanap ka ng kalaban mo!" Untad nung isang malaki ang dibdib.
Boyfriend ko si Jupiter? Hindi ko alam, buti pa siya alam niya.
"Napunta ba lahat sa dibdib mo 'yung utak mo? Pinapaalis ko lang kayo dahil nakakaistorbo kayo. At utang na loob, wag niyong ikalat ang mukha niyo sa harap ko. Tamad akong maglinis ng dumi." Tumayo ako at nag-inat ng konti dahil sa pagkaka-idlip ko.
Naramdaman ko ang masama nilang pagtitig sa'kin, nakita ko sa gilid ng mata ko na nangingilid ang luha ng babae na sumagot sa'kin. Napairap na lang ako sa isip ko habang pinapanood sila Joaquin na naglalakad sa hallway na nagtatawanan ng malakas, may mga kabalbalan na naman na ginagawa ang tatlong 'to.
Dumating si Sebastian kaya nagmamadaling tumayo ang isa sa tatlong babae na nakaupo sa upuan ni Sebastian. Umalis sila sa harap namin kaya umupo na rin ako, tinaasan ko ng kilay si Rigo na nakadiretso ang tingin sa'kin.
"Ano?" Walang ganang tanong ko, hindi siya sumagot at nag iwas ng tingin kaya hindi ko na lang pinansin.
Nagsimula ang klase at tulad ng inaasahan ay walang pumasok na kahit ano sa utak ko. Pasok sa kanang tenga at labas naman sa kaliwa, dumadaan lang. Ni hindi man lang tumambay sa utak ko ng ilang segundo. Wala, lutang talaga ako. Natapos ang klase pero hindi muna ako lumabas dahil maraming nagsisiksikan na estudyante at ayoko ng dumagdag pa. Nang wala na kong naririnig na ingay ay lumabas na ako pero saglit akong napatigil nang makita si Rigo na mag-isang nakatayo sa hallway, nakasandal siya sa dingding at medyo nakayuko. Nakatagilid ang ulo habang nakatingin sa'kin.
Inalis ko ang tingin ko sa kanya at dinaanan lang siya pero naramdaman ko ang pagsunod niya. Hindi ko alam kung anong gusto niyang gawin pero masyado akong pagod at inaantok para tanungin kung anong gusto niyang gawin.
"Girlfriend ka ni Jupiter?" Napatigil ako dahil doon. Lumingon ako sa kanya kaya nagsalubong ang mata namin, pilit niyang sinisilip ang mukha ko kanina pero dahil nakatingin na ko ay nag-ayos siya bigla ng tayo.
"Bakit mo kilala si Jupiter?" Tanong ko pabalik.
"Pwede bang wag mong sagutin ang tanong ng isa pang tanong?" Nilagpasan ko siya dahil do'n, masyadong mataas ang pride ko para maunang sumagot sa tanong niya kahit nauna naman siya na nagtanong.
"Sy.." Pagtawag niya sa apelyido ko. Pumikit ako saglit, parang mas maganda pa 'yung hindi siya nagsasalita. Ayoko sa lahat ay 'yung kinukulit ako, nakakairita.
Sinundan niya ako hanggang sa makalabas kami sa building, nang malapit na sa gate ay naabutan niya ako at hinawakan sa pulso. Bumagsak ang mata ko sa nakahawak niyang kamay sa pulso ko.
"May gusto lang akong itanong.." Mahinang sabi niya kaya nagtaas ako ng tingin para salubungin ang mapungay niyang mata. Parang kumikinang 'yon kaya parang lagi siyang naiiyak, parang mata ng batang babae.
Magtatanong pa sana ako kung ano bang kailangan niya pero naramdaman ko na may humawak sa kabilang pulso ko.
"Anong nangyayari?" Kahit hindi ako lumingon ay alam ko na agad na si Jupiter iyon. Malumanay ang boses ni Rigo at malalim naman ang kay Jupiter.
Naramdaman ko ang unti-unting pagluwag ng pagkakahawak ni Rigo sa'kin, sinundan ko ng tingin ang kamay niya na nilalagay niya sa bulsa ng pantalon niya.
"Tara na, Jack.." Aya ni Jupiter, iritado at galit ang boses.
"Anong itatanong mo?" Hindi ko muna pinansin si Jupiter at tinanong muna si Rigo. Kung may gusto siyang itanong ay itanong niya na ngayon para hindi niya na ako guluhin sa susunod.
Hindi kumibo si Rigo, dumapo ang tingin niya kay Jupiter at naramdaman ko naman ang lalong paghigpit ng hawak nito sa pulso ko.
"Jack." Mas galit ang pagkakasabi ni Jupiter habang marahan akong hinihila.
"Jupiter." Sambit ni Rigo.
Suminghap si Jupiter dahil sa galit. Pumikit siya ng mariin at halatang pinipigil na manakit, halatang galit na galit. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganito.
"Bakit hindi mo—" Hindi naituloy ni Rigo ang sasabihin niya nang tumalsik na siya sa sahig dahil sa pagsuntok ni Jupiter sa panga niya. Ilang segundo akong nanigas dahil sa gulat sa nangyari.
"Hindi ka ba titigil?" Mariin pero hindi pasigaw na sabi ni Jupiter, mabagal na tumayo si Rigo habang hawak ang panga niya. Dumura siya ng dugo.
Kumuyom ang kamao ni Jupiter, handa na para sumuntok ulit oras na makatayo si Rigo.
"Jupiter.." Hinawakan ko ang kamay niya, nanginginig siya dahil sa galit. Hindi ko alam kung anong meron sa kanilang dalawa, kung bakit galit na galit si Jupiter at halos magmakaawa si Rigo na kausapin siya.
Wala na akong oras na isipin 'yon ngayon, ang kailangan ko lang gawin ay ilayo si Jupiter kay Rigo dahil parang isang kalabit na lang ay mapapatay niya na ito.
"Vergara!" Lumapit ang isang prof samin, galit at nagtataka na nakatitig. "Ano na naman ito? Bakit may dugo ang bibig ni Ignacio?"
Lalong nag igting ang panga ni Jupiter, nagbaba ng tingin si Rigo at marahang ngumiti sa prof.
"Pasensya na, ako ang may kasalanan.." Sambit niya kaya inis na tumawa si Jupiter saka ako hinila papunta kung saan nakaparada 'yung motor niya.
Pinagmasdan ko lang siya habang ini-start ang makina ng kanyang motor, gusto ko syang tanungin pero masyadong mainit ang ulo niya. Baka lalo lang siyang mainis kung magtatanong pa ko tungkol do'n.
Bumaling siya sa'kin nang hindi ko kunin ang inaabot niyang helmet. Unti-unting lumambot ang emosyon niya nang magbaba ako ng tingin saka kinuha 'yung inaabot niyang helmet.
Inangat niya ang baba ko para tignan ang mata ko, nangungusap ang mata niya at nagtataka.
"Natatakot ka sa'kin." Hindi iyon tanong.
Gusto kong sabihin na oo. Natatakot ako sa kanya, hanggang ngayon kasi ay isa pa rin siyang malaking misteryo para sa'kin. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya at kung bakit siya naging ganito.
Sinalubong ko ang mata niya, pilit winaksi 'yung takot sa mata ko at bahagyang ngumisi. "Bakit, Jupiter? Nakakatakot ka ba?"
Kumunot saglit ang noo niya. Marahan niyang binitawan ang baba ko at bahagyang ngumuso. Kinamot niya ang ibabaw ng kanyang kilay habang ginugulo ng hangin ang dark brown niyang buhok.
"Ikaw, Jack. Ikaw ang nakakatakot.." May panunuya ang tono ng boses niya.
Tumaas ang kilay ko. "Natatakot ka sa'kin?"
Parang namamangha na kinagat niya ang kanyang labi, nakatitig pa rin siya sa mga mata ko habang mabagal na tumatango.
"Sobra.." Tumatawang sagot niya.