Pagkalabas ko pa lang ng pinto ng bahay ko ay sakto naman na pumarada agad ang motor ni Jupiter sa tapat. Tinanggal niya ang suot niyang helmet kaya hindi sinasadyang magulo ang kanyang buhok, gumuhit ang maliit na ngisi sa labi niya nang magtama ang mata namin.
"Sumakto pala ako." Sambit niya, do'n lang ako napaiwas ng tingin nang magsalita siya. Nakita ko sa gilid ng mata ko ang pagkamot niya sa itaas ng kanyang kilay, napansin niya siguro na napatitig ako sa kanya.
"Sigurado ka ba na wala kang gagawin? Matagal-tagal ang paghahanap ng trabaho, baka mainip ka lang." Sabi ko. Kumunot ang noo niya bago umiling, pinasada niya ang tingin niya sa kabuuan ko bago iabot sa'kin ang helmet.
"Wala naman akong ibang gagawin." Napasinghap ako ng konti dahil sa malalim niyang boses, bakit ba ganito ang boses ng mga lalake sa umaga?
"Sige." Sinuot ko na 'yung helmet bago sumakay sa likod niya. Ngayon ako maghahanap ng trabaho dahil walang pasok, hindi pwedeng umasa na lang ako kay Jupiter. May kuryente akong binabayaran, upa ng bahay, pinapakain ko si Safari at ang pang gastos ko sa pang araw-araw. Kahit hindi nagrereklamo si Jupiter, hindi ko maatim na maging palamunin na lang. Marami-rami na rin akong utang sa kanya na dapat bayaran.
Tinapik ko ang balikat niya para tumigil sa isang night bar na ngayon ay sarado pa dahil mamayang gabi pa ito magbubukas. May nakalagay kasi do'n na Waitress for hire. Ngunit imbis na tumigil ay lalo pa niyang pinaharurot ang motor.
"Jupiter." Pagtawag ko sa pangalan niya. "Sabi nang tumigil ka do'n e, ano ba?"
Hindi niya ako pinansin. Hindi masyadong malaki ang lugar na 'to kaya bilang na bilang sa daliri ang mapapasukan na trabaho, kung papalagpasin 'yon ay sayang naman.
"Titigil ka ba o hindi?" Medyo inis ang pagkakasabi ko no'n, itinigil ni Jupiter ang motorbike. Malayo na sa night bar na gusto kong tigilan namin.
"Ibalik mo doon sa night bar." Sambit ko nang nakakunot ang noo na lumingon siya sa'kin.
"Pwede ba Jack, 'yung maayos?" Mahinahon na sabi niya.
Kumunot ang noo ko. "Waitress, Jupiter. Hindi prostitute, hindi ako magbebenta ng katawan—"
"Hindi ka doon mag tatrabaho." Pagputol niya sa sinasabi ko. Nag-igting ang panga niya bago mag-iwas ng tingin, pumikit siya saglit at malambot ang mata na ibinalik ang tingin sa'kin.
Huminga ako ng malalim dahil sa inis. Ano bang masama doon?
Sinuklay niya ang kanyang buhok gamit ang kanyang daliri. "Please, Jack? Para sa'kin lang, ayokong umabot sa punto na makapatay na ako sa susunod."
Nag iwas ako ng tingin at hindi sumagot. Nanatili siyang nakatitig sa'kin at nag buntong hininga nang hindi na ako sa kumibo, pinaandar niya ulit ang motorbike nang hindi nagsasalita.
Wala sa sarili na kinagat-kagat ko ang kuko ko, hindi ko alam kung bakit binabagabag ako ng sinabi ni Jupiter kanina. Napaangat ako ng tingin nang may tumawag sa'kin, agad akong tumayo at magalang na binati ang hindi pa gaanong matanda na babae. Binaba ako ni Jupiter dito sa isang 24 hour internet cafe. Disente, walang mga lasing, walang mga adik, pero mababa ang sahod.
"Nag-aaral ka pa ba, Jackeline?" Tanong nito bago basahin ang resume ko. Sa tingin ko ay matatanggap na ako dahil internet cafe lang naman ito na medyo sosyal ang dating. Siguro nasa singkwenta na computer ang nandito, malamig dahil sa aircon, may malumanay na kanta sa paligid, pula at puti ang kulay ng interior, medyo dim ang ilaw kaya hindi masakit sa mata at may mga cctv.
"Opo, ma'am.." Sagot ko.
"Kaya mo ba ang nightshift? Simula 7pm hanggang 3am ka, baka hindi mo kayanin dahil nag aaral ka? College ka pa naman.." Tanong niya.
"Kaya ko po, sanay naman ako sa ganito dahil nagtatrabaho na ako dati.." Sagot ko. Tumango-tango siya at tinanong pa ko ng ibang bagay, tulad ng kung bakit gusto kong magtrabaho. Kung bakit umalis ako sa huli kong trabaho kaya sinagot ko na nagkaproblema lang sa amo.
"Sige. Kung kaya mo nang magsimula mamaya ay pwede na.." Aniya. "Pero, Jackeline. Bakit ayaw mong magtrabaho sa mga part time modeling? Maganda ka at ang iyong katawan, paniguradong matatanggap ka.."
Halos mapangiwi ako dahil doon. "Hindi po ako maalam sa mga gano'n, ayos na ko sa ganitong trabaho."
Ngumiti siya. "Pag-isipan mo dahil malaki ang sahod sa gano'n, may kakilala akong naghahanap ng mga models. Sabihin mo sa'kin kapag nakapag desisyon ka na, sayang ka e.."
Ngumiti na lang ako at tumango. Umalis na rin agad ako kaya naabutan ko si Jupiter na nasa labas, nakasandal siya sa motorbike niya habang naninigarilyo. Namamalayan niya ba kung gaano karami ang napapalingon sa kanya? Siguro oo, pero wala siyang pakialam.
Napalingon siya ng maramdaman niya ang titig ko. Sa dinami-dami, 'yung akin lang ang napansin niya. Tinapon niya ang sigarilyo sa sahig habang hinihintay niya akong makalapit sa kanya.
"Anong nangyari?" Tanong niya.
"Pwede na daw akong magsimula mamaya.." Sagot ko kaya ngumuso siya habang tumatango, pinagmamasdan ang kabuuan ng internet cafe sa tapat namin. Pati ang mga katabi at katapat nitong stall ay tinignan niya rin.
"Babae ba ang nag-interview sa'yo?" Tanong niya habang ginagawa pa rin iyon.
"Ano naman kung babae man o lalake?" Nagtataka na tanong ko, bigla siyang napalingon sa'kin. Tumitig siya sa mukha ko at kumunot ang noo.
"Jack, tumitingin ka ba sa salamin?" Mahina ang boses niya. "Mukhang wala kang ideya kung gaano karami ang tumatakbo sa isip ng mga gago kapag napapatingin sila sa'yo.."
"Bakit, Jupiter? Marami rin ba ang tumatakbo sa isip mo kapag nakatingin ka sa'kin?" Tanong ko. Nawala ang kunot ng noo niya, halos maging blangko na ang mukha niya ngunit halatang naghahanap siya ng isasagot.
Bigla akong nagsisi sa tanong ko, ayokong marinig ang sagot niya dahil baka mahila niya pa ako lalo. Sa tingin niya pa lang ay alam ko nang marami siyang gustong sabihin pero pinipigil niya. Ibubuka ko na dapat ang bibig ko para bawiin iyon pero gumalaw na siya para kamutin ang itaas ng kanyang kilay.
"Kung alam mo lang, Jack.." Malalim ang boses niya, para bang sinisisi niya ako sa tono na iyon. "Kung alam mo lang kung gaano na ko nababaliw.."