kabanata 41

1251 Words
Pang-apat na floor na ng building na 'to ang nama-mop ko, 'yung floor kung saan nandoon 'yung room kung saan kami nagkaklase. Nakakabwisit lang na ginagawa ko 'to ngayon, sayang ang binabayad ko kung hindi naman ako matututo at ganito lang ang pinapagawa sa'kin. Nakita ko agad sa hindi kalayuan na nakatayo pa rin sa tapat ng room 'yung mga kasama ko na naparusahan. Mga hindi naman naka-squat ang mga 'to, ako lang talaga ang napaparusahan dito. Naramdaman kong pinagmamasdan nila ako habang nagma-mop ako sa harapan nila. "Usog." Sabi ko sa kanila para ma-mop ko rin 'yung lugar nila kaya mabilis at tahimik sila na nagkanya-kanya ng usog. Ngunit napaangat ako ng ulo nang may isa na hindi nagpatinag. Nakita ko ang nakapikit na si Rigo, nakasandal siya sa dingding at may nakapasak na earphones sa tenga niya. "Usog sabi." Inip na sabi ko pero mukhang hindi niya naririnig. Hindi siya nagpatinag. Inis na huminga ako ng malalim, ganitong wala ako sa mood. Wala talaga akong kahit konting natitira na pasensya. Lumayo ako sa kanya at hinawakan ng mahigpit ang hawak kong mop para maipalo ko sa binti niya. Nung malapit na sa binti niya yung mop, 'yung konti na lang ay didikit na—bigla na lang siyang dumilat kaya napatigil ako. "Anong ginagawa mo?" Malalim ang boses na tanong niya. "Umusog ka." Sabi ko kaya napatingin siya sa mop na hawak ko at tinaas ang isang paa niya pero hindi siya umalis sa pwesto. "Ginagago mo ba ko?" Blangko ang mukha na tanong ko kaya tumaas ang kilay niya at binalik ang tingin sa'kin. "Sa tingin mo?" "Oo." "Edi ginagago nga kita." Hindi ako nakasagot dahil sa inis na nararamdaman ko. Gusto kong hawakan 'yung buhok niya at iuntog siya ng maraming beses sa dingding kung saan siya naka-sandal. Pero matangkad siya, hindi naman ako maliit pero malaki ang agwat ng taas niya sa'kin, sa tingin ko ay mas matangkad siya ng konting-konti kay Jupiter. Nakatitig lang ako sa kanya habang iniisip kung anong pinaka-mabisang paraan para patayin siya gamit ang mop na hawak ko. Ngayon ko siya natitigan, maganda ang hugis ng kanyang labi, malumanay ang mata niya na parang laging gustong umiyak, mataas ang ilong, makinis ang mukha, medyo natatakpan ang ibabaw ng mata niya ng itim na itim niyang buhok. Halatang galing sa mayaman na pamilya. "What's happening here?" Napaiwas ako ng tingin sa kaharap ko nang marinig ang boses na 'yon. Yung magaling namin na prof na nagtatakang nakatingin sa'min. "Wala." Sagot ko saka binalik ang tingin sa lalake sa harap ko at sinadyang pinunas ang basahan ng mop sa suot niyang sapatos. Wala siyang naging reaksyon at yumuko lang para tignan ang sapatos niyang off-white ang kulay na ngayon ay madumi na. "Sy! What the hell are you doing?!" Gulat na sigaw sa'kin nung prof. "Nililinis ko lang, madumi e." Sabi ko at tumalikod na para ipagpatuloy ang paglilinis. Nakatihaya na nakahiga ako sa couch kung saan laging nakahiga si Jupiter dito sa bilyaran. Siya naman ay nakaupo sa upuan sa harap ko habang nakapatong ang dalawang paa sa lamesa sa pagitan namin. May nakaipit na sigarilyo sa bibig niya habang nilalaro na naman 'yung rubics cube niya. "Jupiter." Tawag ko sa kanya pero hindi siya lumingon. "Hmm?" "Bakit hindi ulit kayo mag-aral?" Tanong ko kaya napatigil siya sa paglalaro at lumingon sa'kin. Tinanggal niya 'yung yosi sa bibig niya at bumuga ng usok. "Alam mong walang gustong tumanggap sa'min." Sabi niya at umayos sa pagkakaupo. Umupo rin ako at nagpangalumbaba. "Tatanggapin nila kayo kung mangangako kayo sa kanila na hindi na kayo mapapaaway at hindi mananakit ng mga estudyante, kahit sa loob lang ng school." Sabi ko. Hindi siya sumagot habang nakatitig sa'kin na nag-iisip. Ilang buwan na ang nakakaraan mula nang matanggal sa school ang apat na 'to kung saan ako nag-aaral. Ano pa ba ang magiging dahilan? Dahil doon sa na-ospital na estudyanteng nang gulo sa'kin. Kaya hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin na kung hindi dahil sa'kin ay nag-aaral pa dapat sila at hindi pa-ganto ganto lang sa buhay. Nag-iwas siya ng tingin at binalik ang tingin sa rubics cube na hawak niya at naglaro ulit. Napakunot ang noo ko nang mabilis na nagpasukan ng room ang mga estudyante. Alam kong wala pa naman prof dahil maaga pa pero ano 'tong ginagawa nila? Nagbubulungan pa 'yung iba at dinadapuan ako ng tingin. Mga nagtataka ang itsura. Maya-maya ay pumasok ang prof kaya kumunot ang noo ko lalo dahil maaga siya masyado. Lagi pa naman late ang isang 'to. Nagpunta siya sa unahan at nilibot ang tingin sa paligid na para bang may gusto siyang sabihin pero nagdadalawang isip siya. "You have a new classmate," Sabi niya at tumingin sa palabas ng pinto at sinenyasan na pumasok 'yon. Halos malaglag ang panga ko nang makita ang matangkad na lalake na pumasok ng room. Nakalagay ang isang kamay sa bulsa ng pantalon na suot niya. Nilibot niya ang tingin niya sa paligid kaya nagkanya-kanya ng iwas ng tingin ang lahat. Pwera sa mga nakaupo sa last row kung nasaan ako, si Rigo ay nakayuko habang nakapikit at si Sebastian na diretso ang tingin sa nasa unahan. "Alam kong kilala ka na ng karamihan dito pero marami tayong transferee," Sabi ng prof. "Introduce yourself first." Nagtama ang tingin namin kaya nagkatitigan kami. Kinamot niya ang itaas ng kilay niya saka nagsalita. "Jupiter Vergara." Naririnig ko na naman ang mahinang bulungan ng mga nandito. Nagtataka sila kung bakit tinanggap pa rin 'tong si Jupiter, hindi nila gusto na bumalik siya. Pakiramdam kasi nila ay nanliliit sila kapag nandito ang mga 'to, masyado kasing mataas ang tingin sa kanila. "You can sit at one of those vacant seats at the back." Sabi ng prof habang tinuturo 'yung mga bakanteng upuan dito pero imbis na doon siya pumunta ay dito siya dumiretso sa gawi ko. Sa'kin siya nakatingin habang palapit siya kaya tinaas ko ang kilay ko. Nag-iwas siya ng tingin nang makalapit na siya at nilingon ang katabi kong upuan kung saan nakaupo si Rigo, malamang paaalisin niya para magkatabi kami. Nag dilat ng mata si Rigo at nag angat ng tingin nang maramdaman ang presensya ni Jupiter. Napahawak na lang ako sa noo ko habang iniisip kung anong mangyayari dahil sobrang lakas mang-inis ni Rigo, mukhang maba-badtrip agad itong si Jupiter. Hindi tulad ng inaasahan ay unti-unting napalitan ng gulat ang inaantok na mata ni Rigo habang pinagmamasdan si Jupiter. Nag-sigawan ang lahat nang biglang hilahin ni Jupiter ang kwelyo ng uniform ni Rigo patayo kaya natumba 'yung upuan. "Vergara!" Awat nung prof pero hindi siya makalapit dahil natatakot. "Stop what you're doing right now!" Anong nangyayari? Bakit ganito ang reaksyon ni Jupiter? Halos mag-apoy na 'yung mata niya. Nanginginig ang kamay niya na nakahawak sa kwelyo ni Rigo habang naka-igting ang panga. Hinawakan ko ang braso niya para pigilan dahil kung mapapaaway siya ngayon ay siguradong hindi na talaga siya tatanggapin sa school na 'to. Tinawag ko siya sa pangalan pero hindi niya ako pinansin at nanatiling nakatingin kay Rigo. Tumingin sa'kin 'yung prof kaya tumayo ako at hinila si Jupiter kaya nabitawan niya si Rigo, pumikit siya ng mariin at napanganga ang lahat nang mahinang humalakhak si Rigo na parang hindi makapaniwala habang umiiling. Maingat na hinila ako ni Jupiter patagilid kaya napasandal ako sa upuan. Napasigaw ang iba nang hawakan ulit niya ang kwelyo ni Rigo at nagmura. "Bakit nandito ka?" Nanginginig sa galit ang boses na tanong niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD