Chapter 2

3095 Words
LULAN ng isang puting sasakyan, kausap ni Salud sa cell phone ang kanyang anak na lalaki na si Neil. Pasado alas-nuwebe na ng gabi. Tinatahak pa rin nila ang kalsada na minamaneho naman ng kanyang driver na si Kenneth. Kagagaling lang kasi ni Salud sa kanyang shop at ngayon lang natapos ang kanyang trabaho bilang may-ari at manager ng isang jewelry shop sa Maynila—ang Precious Gems. "Anak, sigurado ka ba na okay ka lang diyan sa Cavite? Balita sa akin ni Calix ay may lagnat ka raw. Sorry anak. Hindi kita mapuntahan diyan sa Cavite dahil busy rin ako sa business natin," nag-aalalang wika ni Salud sa kanyang anak. "'Ma, don't worry about me. Konting sinat lang po ito. At saka, hindi po ako puwedeng magpahinga. May kailangan pa po akong tapusin na documents at narrative reports dahil pasahan na po iyon next week. Malapit na rin po kasing matapos ang semester," sagot naman kanyang anak sa kabilang linya. Nag-aaral ang anak ni Salud sa isang university sa Cavite na kung saan kumukuha ito ng Civil Engineering na kurso. Sa edad nitong bente-tres ay nagpupursige pa rin itong makatapos ng pag-aaral. "Pero nag-aalala lang ako sa iyo. 'Wag mo naman i-pressure ang sarili mo at huwag kang magpapagod masyado. Hinay-hinay lang." "'Ma, masyado niyo na po akong bini-baby. Okay lang po talaga ako. I can handle myself. Sa susunod na tatlong linggo ay baka makauwi na po ako diyan dahil bakasyon na po." "Sige, anak. Napatawag lang ako dahil ilang araw ka ng hindi tumatawag sa akin. Nag-aalala lang talaga kasi ako sa iyo. Tumawag ka kapag may kailangan ka, okay?" "Yes, 'ma. No problem. Salamat po. Ibababa ko na po ang tawag. Mag-iingat po kayo." "Sige, anak. Mag-iingat ka rin. Bye." Nang ibaba na ng kanyang anak ang tawag, kinausap naman siya ni Kenneth. Kababata ito ni Neil. Anak ito ng nag-iisang kasambahay niya na si Gina noon na namatay dahil sa implikasyon sa kidney. Nang mamatay ang ina ni Kenneth, kinupkop naman siya ni Salud. Pinaaral siya nito ngunit hindi naman siya nagpursige pang makapagtapos ng pag-aaral dahil nahihiya na siya sa ginang. Nakiusap na lamang si Kenneth kay Salud na magtatrabaho na lamang bilang isang personal driver nito. Marunong din naman siyang magmaneho ng sasakyan dahil minsan na rin siyang tinuruan ng namayapang asawa ni Salud na si Hector noong nasa labing-siyam na gulang pa lamang siya, kasama ang nag-iisang anak nito na si Neil. Gusto sana ni Salud na ipagpatuloy ni Kenneth ang pag-aaral nito sa kolehiyo. Pero dahil si Kenneth na rin ang nagpumilit na magtrabaho na lamang sa kanya, hindi na lang niya ito pinilit pa. Parang anak na rin kasi ang turing niya kay Kenneth. Magkasing-edad lang sila ni Neil. Magmula ng mamatay ang ina ni Kenneth siyam na taon na ang nakakaraan, hindi na nagkaroon pa ng kasambahay si Salud sa tinitirhan niyang bahay sa Maynila, lalo na ng ma-biyuda siya sa asawa niyang seaman na si Hector. Namatay naman ito dahil sa sakit sa baga at tumor sa utak. "Tita, sobrang suwerte niyo naman po diyan kay Pareng Neil. Ang sipag-sipag mag-aral. Parang wala sa bokabularyo niya ang magpahinga muna," pagko-compliment ni Kenneth sa ginang na sinabayan niya ng mahinang pagtawa sa huli. "Naku! Masipag nga pero hindi naman marunong mag-alaga ng sarili niya. Ayan tuloy! Nilalagnat na dahil ayaw magpahinga muna. Ni porket pagluluto ng kanyang pagkain ay hindi niya magawa. Ewan ko ba diyan sa batang 'yan. Kailan ba 'yan mag-aasawa para naman magkaroon na ako ng apo at para naman may mag-alaga na sa kanya?" pagbibirong tugon ni Salud sa kausap. Muling tumawa ng mahina si Kenneth sa saad ng amo. "Hindi po sa nagiging tsismoso na ako, Tita. Gusto ko lang po itanong kung wala na po bang balak magka-girlfriend si Pareng Neil? Matapos siyang lokohin ni Sofia noon, parang nagbago na siya. Iba po talaga ang nagagawa ng pag-ibig, 'no? Lalo na kapag nasaktan ang isang tao." Ang tinutukoy ni Kenneth na Sofia ay ang dating nobya ni Neil tatlong taon na ang nakakaraan. Sobrang nahulog ang binata kay Sofia noon, na dumating sa puntong ikinabaliw ito ni Neil. Mahal na mahal talaga niya ito at hindi kaagad nagdalawang-isip ang binata na manligaw. Ilang buwan matapos nitong ligawan si Sofia, sinagot naman siya ng dalaga. Naging masaya naman ang kanilang relasyon. Pero biglang nagbago ang lahat nang malaman ni Neil na buntis si Sofia. Ang mas masakit pa ay nang aminin nito na hindi si Neil ang ama ng pinagdadala nitong bata, kundi ibang lalaki pala. Halos magunaw ang mundo ni Neil sa masamang balita na iyon. Ibinigay niya ang oras at panahon niya kay Sofia dahil sobrang mahal niya ito ngunit lolokohin lang pala siya ng minamahal sa huli. Dumating pa nga sa puntong hindi na siya nakakapag-focus sa pag-aaral nang dahil lang kay Sofia, na naging dahilan na rin upang magpabalik-balik siya sa kanyang mga major subjects noon. Matapos maghiwalay ang dalawa, halos isinarado ni Neil ang kanyang puso para sa iba. Ni hindi na rin niya nagawang magmahal pang muli dahil sobra talaga siyang nasaktan sa ginawa ni Sofia. Ang masayahing pagkatao ng binata ay sadyang binalot ng kalungkutan. Nagiging masungit din ito at laging mabilis magalit. Parating walang sa mood. Talo pa sa babaeng may dalaw. Pero kahit anong gawin ni Neil upang kalimutan lang ang babaeng unang minahal niya, naiinis pa rin siya sa kanyang sarili dahil hanggang ngayon ay mahal pa rin niya ito. Hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya sa ginawa nitong pangloloko sa kanya. Kaya sobrang nag-aalala si Salud minsan sa anak niya kapag nakikita niya itong nag-iisa at malungkot sa tuwing pupunta siya sa Cavite para dalawin ito, o kaya minsan kapag umuuwi ito sa bahay niya sa Maynila. Napabuntong-hininga si Salud. Saksi rin kasi siya sa buhay pag-ibig ng kanyang anak. Gusto niya sana na balang araw ay may isang babae ang bibihag muli sa puso nito para naman maging masaya ang anak niya. 'Yong mamahalin nito ang kanyang anak at hindi ito sasaktan. "Pabayaan na lang natin siya. Siguro intindihin na lang natin ang nararamdaman ni Neil," nasabi na lang ni Salud sa kanyang kausap. Hindi na lang nagsalita si Kenneth. Ngumiti na lang siya habang patuloy na nagmamaneho ng sasakyan. Nang iliko ni Kenneth ang sasakyan sa isang kanto ng kalsada, kaagad na nasinagan nito ang isang nakahandusay na babae. Napahinto si Kenneth sa pagmamaneho at mabilis na sumalubong ang dalawang kilay niya nang makita ang babaeng walang malay. "O, bakit ka huminto?" nagtatakang tanong naman ni Salud nang mapansin na huminto ang sasakyan. "Tita, mukhang may patay?" "Ha?!" gulat na gulat ang ekspresyon na sagot ni Salud. Nagsimulang bumilis ang t***k ng kanyang puso dahil sa kaba. Tumingin na rin siya sa windsheild para tingnan ang tinutukoy ni Kenneth. "Diyos ko! Ano'ng nangyari sa babaeng iyan?" Kumilos si Salud. Binuksan niya ang pinto ng sasakyan at akmang bababa. Pinigilan naman siya ni Kenneth ngunit hindi ito nagpatinag. "Tita, 'wag po kayong bababa. Report na lang po natin sa pulis." "Ano ka ba?! Tingnan muna natin. 'Wag kang mag-conclude kaagad na patay na ang babae. Dali! Samahan mo ako!" sagot ni Salud kay Kenneth. Wala namang nagawa ang binata kundi tanggalin ang seat belt na nakakabit sa kanyang katawan at sumunod na rin siya kay Salud na tuluyan na ngang nakababa ng sasakyan. Dahan-dahan na naglakad si Salud papunta sa nakahandusay na babae. Maingat rin niya itong pinagmamasdan. Nang makalapit siya ay kaagad na ginalaw niya ang nakatagilid na katawan ng babae. Halos mapalundag sa takot si Salud ng makita niya ang hitsura nito. May malaking sugat ito sa noo na patuloy pa rin ang pagdudugo. May maliit na sugat din ito sa gilid ng labi. May gasgas pa ng sugat sa braso nito. "Tita, patay na po ba?" narinig niyang tanong ni Kenneth. Nasa likuran na niya ang binata ngayon. Hindi sinagot ni Salud ang tanong ng kasama. Mabilis niyang kinuha ang kamay ng babae at pinakiramdaman ang pulso nito. Dito na siya lumingon sa kanyang likuran upang sagutin ang tanong ni Kenneth sa kanya. "Buhay pa," may halong pag-asa ang tono ng boses ni Salud. "Ano pong nangyari sa kanya?" "Hindi ko alam. Mabuti pa at tulungan mo ako. Dalhin natin siya sa bahay. Gamutin natin siya." "S-Sigurado po ba kayo? Hindi po natin kilala ang babaeng 'yan," pagmamaktol ni Kenneth. "Kahit na. Kailangan niya ng tulong natin. Tulungan na lang natin siya. Sige na, Kenneth, buhatin mo na siya. Dalhin mo sa sasakyan." Napalunok na lamang si Kenneth at nagdadalawang-isip na sumunod sa utos ng ginang. Binuhat naman niya ang katawan ng babae. Naunang pumunta si Salud sa sasakyan upang buksan ang pinto ng passenger seat nito. "Ang bigat-bigat naman nito," bulong pa ni Kenneth habang buhat-buhat niya ang babaeng iyon. Hindi ito nakatakas sa pandinig ni Salud. "Bilisan mo. Ang dami mong reklamo," saway niya rito. Sumakay naman siya nang ihiga ni Kenneth ang katawan ng babae sa loob ng sasakyan. At saka sila tuluyang umalis sa lugar na iyon. *** NAALIMPUNGATAN si Phoebe sa pagkakatulog. Unti-unti niyang iminulat ang kanyang mga mata at naanigan kaagad ang puting kisame. Dahan-dahan siyang bumangon. Nasapo niya ang kanyang ulo nang makaramdam siya ng p*******t. Nagtataka naman siya nang may makapa siyang maliit ng benda na nakadikit sa kanyang noo. Kunot-noong tinanggal niya ito at nakita niya na may halong kaunting dugo ang benda na iyon. Nasaan ako? nasabi ni Phoebe sa sarili. Tila ba parang nawala ang p*******t ng kanyang ulo. Nagpalinga-linga siya sa paligid. Pinagmasdan niyang mabuti ang kabuuan ng silid. Malaki ito. Hindi gaano karami ang mga gamit. Napagtanto rin niya na nakapuwesto pala siya sa isang malaki at malambot na kama. Iba na rin ang kanyang suot, at sobrang linis na rin ng katawan niya. Ano ang nangyari? Biglang nag-flash back sa kanyang ala-ala ang masamang pangyayaring naganap sa kanya kagabi. May nang-hold up sa kanya. Pagkatapos ay hinampas siya ng kahoy ng holdaper at bigla siyang nawalan ng malay. Kumilos siya sa kama. Tatayo na sana siya nang bigla bumukas ang pinto ng kuwarto at nakita niya na may isang matangkad na lalaki ang natigilan sa pagpasok sa loob nang makita rin siya nito. Namimilog pa ang dalawang mata ng lalaki. Gulat na gulat ang reaksyon nito nang magtama ang tingin nila sa isa't isa. "Tita! Gising na po siya!" sigaw ng lalaki. Mukhang may tinatawag ito. "Sino ka?!" sabi niya ng pumasok ang lalaki sa kuwarto. "Ano'ng ginawa mo sa akin?! Bakit iba na ang suot ko?!" Nagsisimula ng mataranta si Phoebe. Sinenyasan naman siya ng lalaki na huwag maingay. "Shhh. 'Wag kang maingay. OA mo, ah. Baka isipin ni Tita Salud na inaano kita diyan," sagot ng lalaki sa kanya. "Teka? Ba't tinanggal mo 'yong benda sa noo mo?" Bago pa man makapagsalita si Phoebe ay muling bumukas ang pinto at pumasok roon ang isang matandang ginang na hula niya ay nasa edad singkuwenta na ito. Nakangisi pa itong lumapit sa kanya at pinakalma siya sa pagkakataranta. "Hija, Hija, huwag kang matakot sa amin ni Kenneth. Nandito kami para tulungan ka," sabi ng ginang kay Phoebe. Natigilan si Phobe at parang nakaramdam siya ng ginhawa dahil sa sinabi ng matandang babae sa kanya. Kumalma naman siya at hinayaan siya nitong alalayan pabalik ng kama. Muli siyang umupo roon at tumabi naman ang matandang ginang sa kanya. "Ako nga pala si Salud, at ang pangalan naman ng kasama ko ay si Kenneth. Hindi ka namin sasaktan. Nakita ka kasi namin kagabi na walang malay sa kalsada. Punong-puno ka pa ng sugat. Ano ba ang nangyari sa iyo, hija?" Dahan-dahang tumingin si Phoebe kay Salud. Nahihiya pa siyang napatingin dito. "M-May dalawang lalaki po ang humarang sa akin. Kinuha nila ang gamit ko. Ang naalala ko po ay hinampas po ako ng kahoy sa ulo kaya po ako nawalan ng malay." Gulat at pag-alala ang bumalot sa mukha ni Salud nang i-kuwento ni Phoebe ang buong pangyayaring naganap sa kanya. "Mabuti naman at hindi ka tinuluyan ng mga 'yon. Ma-suwerte ka pa rin, hija, dahil buhay ka. Marami talagang masasamang tao rito sa Maynila. Dapat palagi kang nag-iingat. Mabuti na lang din ay nakita ka namin ni Kenneth kagabi," paglalahad ni Salud. Tumingin pa si Phoebe sa lalaking tinutukoy ng matandang ginang sa kanya. Nakatayo ito sa kanyang harapan at nakikinig sa kanilang usapan. Sobrang lapad ng ngiti nito sa kanya nang tingnan niya ito. Kumaway pa ito sa kanya. Bagkus, hindi niya ito pinansin. Binalingan lang niya si Salud. Parang bula na nawala ang pagkakangisi ni Kenneth sa dalaga. Napangiwi na lamang siya dahil sa aktong pagpansin nito sa kanya. Nahihiya tuloy si Kenneth sa ginawa niya. "Ano nga pala ang pangalan mo, hija?" tanong ni Salud kay Phoebe. "Phoebe po. Phoebe M. Santos. Taga-Leyte po ako. Napadpad lang po ako rito sa Maynila dahil pinangakuan ako ng kaibigan kong si Dana na papapasukin niya ako sa trabaho. 'Yon nga lang po, niloko niya lang po ako. Wala po talagang trabahong naghihintay sa akin dito sa Maynila. Ninakaw niya po ang perang binigay ko sa kanya. At saka—," pagku-kuwento ni Phoebe. Hindi na niya nakayanan ang sarili. Nang mapansin siya ni Salud na parang maluluha na sa pagku-kuwento, hinawakan siya nito sa kanyang kamay upang huminto sa pagsasalita. "You don't have to continue, hija. Naiintindihan kita," wika ni Salud kay Phoebe. "Bago tayo magkuwentuhan, halika't kumain muna tayo sa baba. Nagluto ako ng breakfast. Sumabay ka na sa amin ni Kenneth." Hindi na rin nagpakipot pa si Phoebe sa alok ni Salud sa kanya. Tumango na lamang siya at inalalayan siya ng matanda na lumabas ng kuwarto. *** HALOS kainin na ni Phoebe ang lahat ng pagkain na nakahanda sa malaking lamesa. Hindi na niya napigilan ang gutom. Kaya nang magsimula na silang kumain, mabilis na nagsandok si Phoebe ng maraming kanin, at naglagay pa ng maraming ulam katulad ng hotdog, itlog, bacon, corn beef, at beef loaf sa kanyang plato. Malapad na nakangisi naman si Salud habang pinagmamasdan niya ang dalaga. Habang si Kenneth naman ay napakamot na lamang sa ulo nang makita ang isang plato na wala ng lamang hotdog. Napahigop na lamang siya ng kape habang pinapanuod niya ang dalaga na kumakain. "Dahan-dahan, hija. Kumain ka ng marami, okay," sabi pa ni Salud kay Phoebe. Nakaramdam naman ng hiya si Phoebe sa kanyang sarili. Nahalata niya kasi na parang hindi kaaya-ayang tingnan ang ikinikilos niya habang kumakain siya. "Sorry po. Medyo nagugutom lang," natatawa niyang pagdadahilan. "Medyo?" sarcastic na sagot ni Kenneth. "Eh, pati nga hotdog ko, kinain mo." Sinipa ni Salud ang paa ni Kenneth sa ilalim ng lamesa upang sawayin ito sa pagrereklamo. "Aray!" sigaw ni Kenneth ng tumingin siya kay Salud. Pinandilatan siya ng mata ng amo. "Pasensya na po talaga. Nagugutom po talaga ako," pagpapaumanhin pa ni Phoebe sa ginang. "No, hija. It's okay. Kumain ka lang diyan." Nagpatuloy na lang si Phoebe sa pagnguya ng pagkain. Muling pinanlisikan ng mata ni Salud si Kenneth upang sawayin ulit ito. "Eh, tita, wala na pong hotdog," bulong pa ni Kenneth sa ginang. "Huwag kang mag-aalala. Magluluto na lang ako para sa iyo," bulong naman ni Salud kay Kenneth. "Siya nga pala, hija. Makakaya mo na bang i-kuwento sa akin kung ano ang buong istorya ng pagkatao mo. Para naman may ideya ako kung paano kita matutulungan." Nilunok muna ni Phoebe ang kinakain niya bago tumango. Ikinuwento naman ni Phoebe ang buong istorya ng pagkatao niya sa ginang. Magmula noong bata pa siya na naging ulila siya sa ama't ina, hanggang sa mamatay ang kanyang Lola Wending. Walang inilihim si Phoebe kay Salud dahil may tiwala naman siya rito. At saka mukhang napakabait ng ginang sa kanya. "So, gusto mong bumalik sa Leyte, Phoebe?" tanong ni Salud sa kanya. Tumango si Phoebe. "Opo sana. Pero w-wala po akong pera pamasahe ngayon dahil nga po sa nangyari sa akin kagabi. Balak ko nga po sanang bumalik sa bus station kahapon pero 'yon nga po ang nangyari, tinangay po ng holdaper ang pera ko," nahihiya niyang sagot. Hindi nagsalita si Salud. Bagkus, parang may biglang pumasok na ideya sa kanyang isipan ngayon na ikinangisi niya. "Hija, matanong ko lang. Kapag ba bumalik ka sa Leyte, may trabaho ka bang naghihintay sa iyo roon?" tanong ni Salud sa dalaga. "W-Wala po. Siguro po maghahanap na lang po ako pagdating ko roon. May maliit na kubo rin naman ang Lola Wending ko at doon po ako maninirahan. Sanay na rin po ako sa buhay-probinsya. Pagtatanim ng palay at kamote ang ikinabubuhay namin doon. Nakapagtrabaho rin naman po ako sa probinsya bilang tindera ng bakeshop. Siguro babalik na lang po ako sa trabahong 'yon," sagot ni Phoebe. "Ganun ba," nakangising tugon ni Salud. "Pero kung sasabihin ko sa iyo na kukunin kita bilang kasambahay ko rito, papayag ka ba?" Muling natigilan sa pagnguya si Phoebe. Gulat na gulat na napatingin pa siya sa ginang. Ni isang salita ay walang lumalabas sa kanyang bibig dahil speechless siya sa sinabi nito. Muntikan namang maibuga ni Kenneth ang iniinom niyang kape nang marinig niya ang sinabi ni Salud. "Sorry. Mainit," pagdadahilan pang sabi niya sa dalawa. Tiningnan ni Kenneth si Salud. Binigyan niya ito ng tingin na para bang sinasabi niya sa ina-inahan na sigurado ba ito sa sinasabi nito dahil hindi siya makapaniwala sa inaalok ng ginang sa dalaga. "K-Kasambahay po? As in katulong?" hindi rin makapaniwalang tanong ni Phoebe. "Don't used that word, hija. Sobrang unappropriate pakinggan. Gusto ko lang malaman ang sagot mo. Papayag ka ba na maging kasambahay ko? Marunong ka ba magluto, maglinis ng bahay, at maglaba ng damit? May tiwala ba ako sa iyo na babantayan mo ang bahay ko habang wala ako?" Sunod-sunod ang paglunok ni Phoebe. Nagdadalawang-isip siya kung tatanggapin ba niya ang alok ni Salud sa kanya. Oportyunidad na niya iyon na magkaroon ng regular na trabaho. Iyon naman talaga ang kailangan niya kaya siya lumuwas ng Maynila, 'di ba? "Don't worry, hija. Kapag naging kasambahay kita rito, bibigyan kita ng suweldo buwan-buwan. At nasa sa iyo na rin iyan kung hanggang kailan ka maninilbihan sa akin. Kung gusto mong umuwi sa probinsya niyo, tutulungan rin kitang makauwi," sabi pa ni Salud sa kanya. "Nakapagdecide ka na ba, hija?" Napakagat muna ng labi si Phoebe at sabay tango ng ulo bilang sagot. "O-Opo. S-Sige po. Kaya ko po. Pumapayag po ako. Marunong po ako sa lahat ng gawaing bahay," wika ni Phoebe. Ikinasapo naman ito ni Kenneth sa noo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD