Chapter 3

3391 Words
"HINDI po yata magandang ideya iyan, Tita Salud. Gusto niyo pong ipakilala si Phoebe sa anak niyo!?" Halos hindi makapaniwala si Kenneth nang sabihin sa kanya ni Salud ang iniisip nitong ideya kung bakit niya inalok ang dalaga para maging kasambahay nito. Ito ang plano niya—ang ipakilala si Phoebe sa nag-iisang anak niyang lalaki na si Neil. Nagbabaka-sakali kasi siya na magugustuhan ito ng kanyang anak kahit na malabo talagang mangyari iyon. Alam ni Salud na nahihibang na siya. Kalokohan ang ideyang ito at kung tutuusin ay parang nagmumukha siyang desperada para lang tumibok muli ang puso ng kanyang unico-hijo. Ayaw lang kasi niya na manatiling manhid ang puso ni Neil nang dahil lang sa unang pag-ibig nito. Hindi nawawala ang kanyang pananalig sa sarili. "That's all I have to do para lang maging masaya ulit si Neil. Gusto ko kasi na buksan niya ulit ang puso niya sa iba. Hindi 'yong umiikot lang ang buhay niya kay Sofia. Kaya naisip ko na paglapitin silang dalawa. Siguro 'yon ang tanging paraan para maging masaya siya ulit. Baka magkaroon pa ng himala," sagot ni Salud kay Kenneth. Napapailing na lang si Kenneth. Hindi naman niya mapipigilan ang kanyang amo dahil wala siyang karapatan para tumutol sa kagustuhan nito. "Ewan ko na lang po. Kilala ko rin po si Pareng Neil, tita. Napaka-allergic po niyon sa mga babae. Baka po bumahing pa iyon kapag nakita pa niya si Phoebe. Hindi rin po kasi natin siya masisisi, Tita Salud. Sobra po talaga siyang nasaktan nang dahil kay Sofia." "We need to understand him. Kapag nasaktan kasi tayo nang dahil sa pag-ibig, it takes time to heal our broken heart. Manalig lang tayo na magiging masaya ulit si Neil... kay Phoebe." Hindi na nakapagsalita pa si Kenneth. Bumuntong-hininga na lamang siya at naunang naglakad si Salud sa kanya. Sumunod naman siya rito pagkatapos. Tutol siya sa ideya ng kanyang amo pero ano nga ba ang magagawa niya? Kasalukuyang nasa mall silang tatlo. Napag-isipan kasi ni Salud na ipamili ng mga bagong damit ang dalaga dahil wala itong mga damit na susuotin. "O, hija! 'Yan na ba ang sa iyo?" tanong ni Salud kay Phoebe nang lapitan niya ito habang namimili ito ng damit sa isang stall. Napansin pa ni Salud na kakaunti lang ang kinuha nitong mga damit. "Ah, eto lang po. Ang mamahal po kasi, eh," nahihiyang sagot ni Phoebe. "'Wag ka ng mahiya, hija. Damihan mo ang pagpili. Ako ang bahala." "Pero ma'am—" "Tita. Tita ang itawag mo sa akin. Hindi ako kumportable na tawaging ma'am," natatawang wika ni Salud. "S-Sige po, t-tita." "Heto pa." Kumuha pa ng damit si Salud sa stall. Sobrang dami niyon at mabilis niyang ibinigay iyon kay Phoebe. "Bagay ba 'to sa iyo?" Sinusukat-sukat pa ng matanda ang isang damit sa kanyang katawan kung kasya ba ito sa kanya. "Hala, ma'am este tita. Ang dami na po nito. 'Di ko po kayang bayaran ang lahat ng ito sa iyo. Bukas pa po ako magsisimulang magtrabaho bilang kasambahay niyo." "'Wag kang mag-alala. Ang sabi ko nga kanina, ako ang bahala rito. 'Wag ka ng mahiya. Gusto ko lang tumulong sa iyo kasi alam kong mabait kang tao." Napapangiti si Phoebe sa pagko-complement ni Salud sa kanya. Parang lumalambot ang puso niya sa kabaitan ng ginang. "Marami po talagang salamat sa tulong niyo. Hindi ko po talaga alam kung paano po kita mapapasalamatan, Tita Salud. Salamat po talaga," naiiyak namang tugon ni Phoebe rito. Hinawakan naman ni Salud ang kaliwang balikat ng dalaga. "No problem, hija. Gusto ko lang talagang tumulong sa iyo." Matapos nilang mag-usap, pinagpatuloy naman nilang dalawa ang pagmimili ng mga damit. Halos maluwa ang dalawang mata ni Phoebe nang makita niya ang presyo na binayaran ni Salud para sa kanyang mga bagong gamit. Nasa mahigit twenty thousand din iyon at muling nakakaramdam siya ng hiya sa sarili dahil sa ginastos nito para lang sa kanyang mga susuotin. Gabi na nang mapag-isipan nilang tatlo na umuwi sa bahay. Habang tinatahak nila ang kalsada, nasagi sa isipan ni Salud na magtanong kay Phoebe kung may nobyo na ito. Gulat na gulat si Phoebe sa tanong sa kanya ng ginang. "Ha? Ahm, w-wala po. H-Hindi pa po ako nagkaka-boyfriend," sagot ni Phoebe. "Ganun ba. Sa ganda mong iyan, hindi ka pa talaga minsan nakaranas na umibig?" tanong muli ni Salud. Umiling si Phoebe bilang sagot at saka niya binigyan ng nakaka-awkward na ngisi si Salud. "Sino naman pong lalaki ang magkakagusto sa akin? Sa itim kong ito, wala pong magkakagusto sa akin." Mabilis na tinutulan ni Salud ang sinabi niya. Pailing-iling pa siya rito. "Don't say that. Not gonna lie but you are beautiful. Morena ka, hija. Marami pang mga lalaki sa panahon ngayon ang nagkakagusto sa mga babaeng morena na katulad mo. Maganda ka—inside and out." Namumula ang pisngi na ngumiti si Phoebe dahil sa compliment na binigay ni Salud sa kanya. First time niya kasing pagsabihan ng maganda. Si William kasi na manliligaw niya, ni minsan ay hindi siya nito sinabihan ng maganda. Kaya nakakatuwa lang na mapakinggan ang compliment ng ibang tao sa kagandahan niya. "Salamat po." "You're always welcome," sabi ni Salud. "I'm sure my son will like you," bulong pa nito sa sarili. "Po?" tanong ni Phoebe rito. Hindi niya kasi narinig ang huling sinabi ni Salud sa kanya. "Wala-wala. Medyo napagod lang. Kailangan na siguro nating makauwi." Hindi na lang nagsalita si Phoebe at muling nginitian na lang niya ang ginang bago siya tumingin sa bintana ng sasakyan. Masaya siya sa nangyayari sa kanyang buhay ngayon. Kung noong isang araw ay namumublema siya dahil sa ginawang pangloloko ni Dana sa kanya, ngayon naman ay parang nawala na sa kanyang isipan iyon. Gusto pa rin ni Phoebe na hanapin ang kaibigan at bawiin ang pera na ibinayad niya rito. Siguro gagawin na lang niya iyon balang-araw. Gusto niya munang makaipon ng pera. Mabuti na lang at may isang taong kumupkop sa kanya para magtrabaho bilang kasambahay nito. Malaki ang pasasalamat niya kay Salud sa totoo lang. *** TATLONG linggo matapos kupkupin ni Salud si Phoebe bilang kasambahay nito, nakikita naman ng ginang na sobrang ganda ng performance ng dalaga sa ginagawa nitong trabaho. Nariyang kapag umuuwi siya galing sa shop ay sobrang linis ng loob ng bahay niya. Hindi lang ang loob kundi pati ang labas nito. Nadiskubre rin ni Salud na sobrang sarap magluto ng mga pagkain si Phoebe. Lagi niyang binibigyan ng magandang compliment ito sa tuwing tinitikman niya ang niluluto ng dalaga. Kuwento pa ni Phoebe sa kanya, ang Lola Wending daw ang nagturo rito kung paano magluto. Lahat ng mga putaheng niluluto nito ay recipe raw ng kanyang namayapang lola. Nasisiyahan si Salud sa tuwing nakikita niya si Phoebe na masayang nagtatrabaho. Noong una ay naninibaguhan pa ito kung paano sisimulan ang trabaho sa bahay, ngunit kalaunan din ay parang memorize na nito ang kailangang gawin. Hindi na nag-aalala si Salud sa tuwing aalis siya ng bahay dahil may isang mabait na tao ang pagbibilinan niya nito. At alam ni Salud sa sarili na maaasahan niya si Phoebe. Habang tumatakbo ang araw ay parang nakakaramdaman naman si Salud ng excitement para sa kanyang sarili. Naalala niya na malapit na palang umuwi ang kanyang anak na si Neil dahil magtatapos na ang semestre nito sa kolehiyo. Nae-excite siya dahil malapit nang magkita ang dalawa. Wala rin siyang sinabi sa anak tungkol sa bagong kasambahay nito na si Phoebe. Sinabihan na rin niya sa Kenneth na huwag magkuwento kay Neil tungkol kay Phoebe. Hanggang ngayon ay naroon pa rin kay Kenneth ang pagtutol niya sa ideya ni Salud. Alam niya kasi na hindi magugustuhan ng kanyang kababata ang iniisip na ideya ng ina nito. Wala na lang siyang ibang ginawa kundi pabayaan ang matandang ginang. Baka kasi tama rin ito. Kinagabihan ay tumawag si Neil sa kanyang ina. Binalita siya nito na uuwi daw ang anak kinabukasan ng gabi. Kaya napag-isipan ni Salud na maghanda ng mga paborito nitong pagkain para sa kanyang nag-iisang anak. Naisipan niya na bigyan ang unico-hijo ng isang dinner party. Nang makapanhik si Salud sa kusina, nakita naman niya si Phoebe na tahimik na naghuhugas ng mga plato. Kakatapos lang din nila kumain. Nilapitan niya ito at kinausap. "Phoebe?" "Yes, ma—tita?" Natawa si Salud sa iniwika ni Phoebe. Hanggang ngayon ay hindi pa ito nasasanay na tawagin siyang 'tita'. "Masanay ka na talagang tawagin akong tita." Ngumiti si Phoebe sa kanya. "Sige po. Hindi lang po talaga ako sanay na tawagin ang amo ko ng 'tita'. Pasensya po." "It's okay. Siya nga pala, nandito ako para sabihan ka na aalis tayo bukas." "Saan po tayo pupunta?" "Mamamalengke tayo. Maghahanda tayo ng dinner party para sa anak ko na uuwi galing Cavite bukas." Napataas ang dalawang kilay ni Phoebe dahil sa curiosity. Hindi niya kasi alam na may anak ang amo niya. Hindi naman nito ibinanggit sa kanya noon. "M-May anak po kayo?" Tumango si Salud bilang sagot habang nakangiti ito. "Yes, hija. Nasa Cavite siya ngayon. Doon siya nag-aaral. Pero uuwi siya bukas dahil bakasyon na nila. Kaya samahan mo akong mamalengke bukas, ah." Hindi rin nag-atubiling tumango si Phoebe sa utos sa kanya ni Salud. "Sige po." "Siya nga pala, tulungan mo akong magluto bukas. Masarap ka kasing magluto. Gusto ko ang mga luto mo." "Salamat po, Tita Salud." "You're welcome," wika ni Salud. "Pagkatapos mo diyan, magpahinga ka na. Mauuna na ako sa iyo." "Yes po. Tatapusin ko lang po ito." Matapos nilang mag-usap, mabilis na umalis si Salud sa kusina at muling umakyat sa hagdan upang makapanhik ulit sa kuwarto niya. Naiwan namang mag-isa si Phoebe sa kusina. Pinagpatuloy niya ang paghuhugas ng mga pinggan at baso hanggang sa matapos niya ito. Ilang saglit pa ay pumasok naman ang driver ng kanyang amo na si Kenneth. Nagbukas ito ng refrigerator at kumuha ng pitsel para makainom ng tubig. May biglang sumagi naman sa isipan ni Phoebe habang nagpupunas na siya ng mga platong pinaghugasan. Ito 'yong tungkol sa anak ni Salud. "Kenneth?" tawag niya rito. "Bakit?" sagot ni Kenneth matapos niyang uminom ng tubig. "M-May anak pala si Tita Salud?" "Oo naman. Hindi mo alam?" Umiling si Phoebe. "Hindi. Sabi ni Tita Salud, nasa Cavite raw siya nag-aaral." "Oo. Nasa Cavite si Neil." "Neil?" "Oo. Si Neil. Neil ang pangalan ng anak ni Tita Salud. Kababata ko siya. Bakit mo naman naitanong iyan sa akin? At bakit parang gulat na gulat ka sa pangalan ng anak ni Tita Salud?" Muling umiling si Phoebe. "Wala." Akala kasi ni Phoebe ay babae ang anak ng kanyang amo. Lalaki pala. "Hindi ko lang kasi akalain na may anak si Tita Salud. Tapos lalaki pa." Natatawa si Kenneth sa sinabi ni Phoebe. Napapansin niya na parang nababahala ang dalaga nang malaman nitong lalaki ang anak ng kanilang amo. "Sa sinasabi mong iyan ay parang natatakot ka na lalaki ang anak ni Tita Salud," sagot niya na sinabayan niya ng pagtawa sa huli. "Hindi lang kasi ako kumportable. Lalo na kapag nandito na ang anak ni Tita Salud bukas." "'Wag kang mag-alala. Hindi nangangain ng tao si Neil," sabi ni Kenneth. Muli nitong binuksan ang refrigerator at nilagay doon ang pitsel na hawak. Nagsalita pa ito bago umalis ng kusina, "nangangagat lang," pabiro pa niyang dagdag. Sinabayan pa niya ito ng pagtawa habang papalayo sa kusina. Umismid si Phoebe dahil sa biro sa kanya ni Kenneth. She rolled her eyes afterwards. Baliw, nasabi na lamang niya sa kanyang sarili. *** KINABUKASAN ay maagang nagising si Phoebe. Alas kuwarto pa lang ng umaga ay mulat na ang kanyang mata dahil kailangan pa niyang magsaing ng kanin at magluto ng umagahan para sa kanyang amo. Alas sais na ng umaga nang magising si Salud at kitang-kita sa mukha nito ang kasiyahan. Nagsabay-sabay na rin silang tatlo na kumain ng almusal. Kaagad naman iniligpit ni Phoebe ang kanilang pinagkainan matapos nilang kumain. Nilaan muna ni Phoebe ang kanyang oras sa paglilinis ng bahay. Kailangan niyang maglinis dahil nga darating ang anak ng kanyang amo mamayang gabi. Matapos niyang maglinis sa kusina at sala, kaagad na binalingan niya ang paglilinis ng mga kuwarto. Inuna na niya ang kuwarto ni Salud at sunod naman ang sa kanya. Hindi na niya nagawang linisin pa ang kwarto ni Kenneth dahil naroon ang binata at nagpapahinga. Mabilis naman niyang napansin ang isang kuwarto na nakasarado. Katapat lang iyon sa kuwartong ino-okyupa niya. Siguro 'yon na lang muna ang lilinisin niya. Bitbit ang walis tambo at dust pan, pumunta siya sa kuwartong iyon. Pero hindi naman siya makapasok dahil naka-lock ang pinto. Hinanap niya ang susi nito ngunit hindi naman niya mahanap sa duplicate key na ibinigay sa kanya ni Salud. Biglang may nagsalita sa kanyang likuran habang patuloy siya sa paghahanap ng susi para sa pintong iyon. Gulat na gulat siyang lumingon at nakita ang nakangiting si Salud. "Okay ka lang ba, hija. Anong problema?" "T-Tita, 'di ko po kasi mabuksan. Gusto ko lang pong linisin ang loob ng kuwartong ito." "Ah, no need na, hija. Hindi mo na kailangang linisin ang loob ng kuwartong iyan dahil malinis na iyan bago pa umalis si Neil papuntang Cavite. Sa anak ko iyang kuwarto. Ayaw na ayaw talaga niya na may pumapasok sa kuwarto niya kaya naka-lock. 'Yong susi niyan, eh, nasa kanya. Hindi ko nasabi sa iyo noon na wala pala iyang duplicate key." "Ganun po ba." Napakamisteryo naman ng anak ni Tita Salud. "Huwag mo na lang intindihin ang paglilinis niyan. Ang mabuti pa ay magbihis ka na dahil pupunta na tayo ng palengke ngayon." "Ah, sige po." Mabilis na pumasok si Phoebe sa kanyang kuwarto upang makapagpalit ng damit. Matapos niyang magbihis, bumaba na siya at nakita niya na mukhang siya na lang ang hinihintay ng dalawa sa sala. Kaagad naman silang umalis pagkatapos. *** PASADO alas-siyete na ng gabi nang matapos sila Salud at Phoebe na magluto ng mga pagkain para sa gaganaping dinner party. Matapos nilang maghanda, inutusan naman ni Salud ang dalaga na magbihis ng maganda at kumportableng damit. Ginawa naman iyon ni Phoebe para naman hindi nakakahiya sa anak ng kanyang Tita Salud. Habang nagtatrabaho siya kanina ay hindi mawala-wala sa kanyang dibdib ang kaba. Kaba na dumating sa puntong natatakot siya kapag nakita na niya ang anak na lalaki ni Salud. Nakahanda na ang lahat. Hinihintay na lang nila ang pagdating ni Neil sa bahay. Ngunit, sa kasamaang palad, maga-alas nuwebe na ng gabi ay wala pa rin ito. Nagsisimula ng mag-alala si Salud para sa anak lalo na't bigla lang bumuhos ang malakas na ulan sa labas. Paulit-ulit na tinatawagan ni Salud ang anak. Pero putol ang linya nito. Pabalik-balik siyang naglalakad sa sala at iniisip kung ano ang gagawin para lang ma-contact ang anak. Hindi siya mapakali ngayon. Lumipas ang alas-diyes ng gabi, ngunit wala pa rin silang balitang nasagap kung ano na ang nangyari kay Neil. Hindi pa rin humuhupa ang pag-agos ng ulan sa labas. Kumukulog at kumikidlat na rin. Hanggang sa biglang nawalan ng ilaw sa kabuuan ng bahay. Hindi na naiwasan ni Salud ang mataranta. Sobra na talaga siyang nag-aalala para sa anak. "Kenneth, sinubukan mo ba ulit tawagan si Neil? Baka napaano na iyon." "Out of coverage po siya, tita, eh. Hindi ko po siya ma-contact." "Naku! Baka may nangyaring masama na kay Neil. Hindi 'yon sanay umuwi ng ganitong oras kapag uuwi iyon dito sa bahay." "'Wag po kayong mag-alala, tita. Baka nagkaroon lang ng problema," pagpapakalma ni Kenneth sa ginang. "O, baka naman po hindi tumuloy si Pareng Neil na umuwi rito dahil balita ko ay may low pressure area raw ngayon." "Kung hindi siya tumuloy, sana naman tumawag man lang siya sa akin o kaya sa iyo. Hindi 'yong pinag-aalala niya tayong lahat," nafu-frustrate na wika ni Salud. Tahimik lang si Phoebe na nakaupo sa isang single sofa habang pinagmamasdan ang dalawa. Ilang saglit pa ay biglang nag-ring ang cell phone ni Salud na nakapatong lang sa center table ng sala. Unknown number ang tumatawag sa kanya. Sinagot naman iyon ng ginang. "Hello?" "'Ma, thank goodness. Si Neil po ito." "Neil, anak. Nasaan ka na ba? Naghihintay kami sa iyo ngayon." "Nasa talyer pa po ako. Nasiraan po kasi ako kanina at medyo nahirapan akong dalhin ang sasakyan sa talyer para ipaayos ito. Hinihintay ko na lang po na matapos. Baka po gagabihin ako sa pag-uwi." "Gabing-gabi na, ah! Teka? Sigurado ka ba na uuwi ka pa rito? Puwede namang bukas na lang dahil malakas ang ulan." "No, 'ma. Uuwi pa rin po ako diyan. Baka po magagabihan ako sa pag-uwi. May susi naman po ako sa bahay. Matulog na lang po muna kayo." "Teka. Ipapasundo kita kay Kenneth. Nasaan ka ba ngayon?" "No need na po talaga, 'ma. Ako na po bahala." "Sigurado ka ba?" "Yes po. Nakitawag lang po ako ngayon. Good thing dahil memorize ko po cell phone number niyo." "O, sige, anak. Mag-iingat ka sa biyahe. Umuwi ka rito kaagad pagkatapos mo diyan sa talyer." "Sige po. I will." Parang nakahinga naman ng maluwag si Salud nang malaman ang kalagayan ng anak. Nadismaya man siya ngayong gabi dahil hindi nakauwi ng maaga si Neil, napag-isipan niya na bukas na lang nila ipagpapatuloy ang nasimulang dinner party para rito. Kailangan na rin nilang magpahinga dahil hapong-hapo rin sila sa pagod. Inutusan na lang ni Salud si Phoebe na iligpit ang mga pagkaing nakahanda sa lamesa at ilagay na lang ito sa refrigerator. Dali-daling sinunod naman iyon ng dalaga kahit na kandila lang ang nagsisilbing liwanag sa kabuuan ng kusina dahil nga nag-brown out kanina. Babalik rin naman ang kuryente mamaya kaya naisipan ni Phoebe na ilagay ang lahat ng pagkain doon sa refrigerator kahit walang kuryente. Inilagay niya lang ito sa mga tupper wares para hindi mapanis. *** PASADO ala-una ng madaling araw ay biglang naalimpungatan si Phoebe sa kanyang pagkakatulog. Napamulat siya ng mata at bumangon sa kama. Nakakaramdam siya ng uhaw kaya dahan-dahan siyang lumabas ng kuwarto at bumaba ng hagdanan. Napansin niya na nakasindi lahat ng ilaw sa sala at kusina. Marahil ay nakalimutan lang niyang patayin ang switch nito noong nag-brown out kanina. Nang makarating sa sala, mabilis siyang pumunta sa kusina. Pero natigilan siya sa paglalakad nang makapasok siya roon dahil may nakitang siyang isang matangkad at payat na lalaking kumakain sa harapan ng refrigerator habang bukas ito. Nakatalikod ito sa kanya at hindi niya makita ang mukha ng lalaking ito dahil na rin sa suot nitong itim na jacket na may hood at itim na pantalon. Biglang sumagi sa isipan ni Phoebe baka ay magnanakaw ito. Doon parang napukaw ang kanyang katawan dahil sa antok. Dahan-dahan siyang bumalik sa sala upang mag-isip ng paraan kung paano niya kukomprontahin ang magnanakaw na iyon. May nakita siyang isang walis tambo sa gilid. Kinuha niya ito at muling bumalik sa kusina para kaharapin ang magnanakaw. Nakita ni Phoebe na abalang-abala pa rin ang lalaki na kumakain roon. Dahan-dahan siyang humakbang papalapit rito hanggang sa makalapit na siya. Mabilis pa sa kidlat na pinaghahampas niya ang likuran ng lalaki gamit ang walis tambo na hawak niya. Malakas na napasigaw ang lalaki nang dahil sa paghampas ni Phoebe sa kanyang likuran. "Umalis ka rito! Umalis ka! Magnanakaw! Magnanakaw!" sigaw pa ni Phoebe habang patuloy na pinaghahampas niya ang lalaki. "Aray! Aray!! Ano ba!? Aray!" sigaw naman nito. Sinubukan pa nitong humarap kay Phoebe. Matigas na inagaw ng estrangherong lalaki ang walis tambo na hawak niya at galit na galit na itinapon ito sa sahig. Mahigpit na hinawakan niya ang magkabilang braso ni Phoebe upang tumigil ito sa kakahampas sa kanya. "Bitawan mo ako! Tulong! Tulong! Tita Salud, may magnanakaw na nakapasok sa bahay! Tulong!" mangiyak-ngiyak pang sabi ni Phoebe habang pinagsasampal niya ang lalaki upang makawala siya sa kamay nito. Hindi na nakapagtimpi pa ang lalaki sa kanya kaya hinawakan na rin nito ang dalawang kamay ni Phoebe upang tumigil na siya sa kakahampas sa mukha nito. "Teka!? Ano ba!? Nababaliw ka ba!? Tumigil ka nga! Hindi ako magnanakaw!" Natigilan si Phoebe sa ginagawa niya at tumingin siya sa mukha ng lalaki. Napalunok siya nang tingnan niya ito. Parang may kung anong koneksyong dumaloy sa mga mata ni Phoebe nang magtama ang kanilang mga mata sa isa't isa. Koneksyong nagbibigay sa kanya ngayon na kaba sa dibdib.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD