INABUTAN ni Sienna si Mickey na nagtatakbo paakyat sa kuwarto nito. Nagmamadali siyang sumunod. Kung hindi niya ito aabutan ay magkukulong ito sa kuwarto at lalong hindi sila magkakausap.
“Mickey.” Naabot niya ito sa kamay.
Pumiglas si Mickey, muntik nang makawala. At naisip niya na malaki na nga ang anak. Halos magkasinglakas na sila.
“Let’s talk,” aniya sa pinakamalumanay na tono.
Nakipagtagisan ng tingin si Mickey ngunit hindi naman binabawi ang kamay na hawak niya. Nang akayin niya ito sa kanyang kuwarto ay sumunod naman.
Naupo ito sa gilid ng kanyang kama. Hinila niya ang silyang katerno ng tokador at humarap dito. At hindi pa man siya ganap na nakakaupo ay inatake na siya ng sumbat ni Mickey.
“You promised me na hindi ka mag-aasawa.”
Napapikit siya. Tumbok na tumbok ni Mickey ang totoo.
“Mickey, anak, mahal ka pa rin naman ng mommy.”
Umungol si Mickey. At matapos siyang tingnan nang matalim ay yumuko ito.
Nagpatuloy siya. “Anak, hindi naman ako pipili ng lalaking hindi ka rin mamahalin. Siyempre ang gusto ko iyong madadagdagan ang taong magmamahal sa iyo at hindi ka aagawan.”
Iniangat nito ang mukha nang kaunti. “You must keep your promise.”
Napatingala siya. Noon niya naramdamang hindi madaling ipaliwanag sa anak ang lahat.
“Are you happy now, son?”
“Kahit naman kailan hindi tayo naging malungkot.”
Gulat siya sa isinagot nito. At kung iisipin ay parang hindi dose anyos ang kaharap niya. Binitawan nito ang mga salitang iyon nang halos walang tono. Ngunit parang balaraw na tumarak ang sundot ng sumbat niyon sa kanyang dibdib.
“Puwede tayong maging mas masaya, anak.”
“Kasama sino? Iyong lalaki kanina?” May dabog sa tinig nito.
“Si Tito Matthew mo iyon.” Pilit siyang nagtimpi na patulan ang pabalang na salita ng anak.
“Si Tito Ariel lang ang tito ko,” matigas na sagot nito.
“Mahal ng mommy si Tito Matthew. Sana mahalin mo rin siya, Mickey.”
“No, I won’t. And I will never love him.”
“Mickey!”
“No, Mommy. I don’t want him.”
Nasa kahuli-hulihang hibla na ang pasensya niya. At tuluyang nalagot iyon nang minsan pa siyang pukulin nito ng masamang tingin.
“We’re going to move out from this house, Mickey,” deklara niya.
Matigas ang naging pag-iling nito, malinaw na malinaw ang pagtutol sa mukha.
“Mickey, I’m your mother. Ang gusto ko pa rin ang masusunod. And right now, what I want you to do is to obey everything I say.”
“I don’t want to leave this house.” Ni hindi ito natinag.
“Tinatantiya mo ba ako, Miguel?” Pinamaywangan niya ito. At nakita niyang noon lang bahagyang lumambot ang ekspresyon sa mukha nito.
Bihira niya itong tawagin sa tunay na pangalan nito. Dahil ang ibig sabihin niyon ay talagang galit na siya at hindi na ito mapagbibigyan. Ngunit nasa riin ng pagkakaikom ng mga labi nito ang lahat ng pagtutol.
“Mag-empake ka ng mga gamit mo. Hindi mo naman kailangang dalhin lahat. Dadalaw pa rin tayong madalas dito sa Lola Sylvia mo. Sige na.”
Tumayo si Mickey. “Kailan tayo aalis?”
“Bukas.”
Mabibigat ang mga paa nitong humakbang. Ni hindi siya tinapunan ng kahit katiting na sulyap. Nakabig na nito ang pinto nang huminto at pumihit paharap sa kanya.
Sinalubong niya ang mga tingin nito. Dati, kapag may problema sila ni Mickey ay hindi sila naghihiwalay nang hindi nagso-sorry sa isa’t isa. At inaasahan niyang ito ang manghihingi ng sorry sa mga padabog nitong sagot. Ngunit iba ang lumabas sa bibig nito.
“I hate you.”
Naiwang nakabukas ang pinto. At tulalang nakatitig siya roon. Ni hindi isinigaw ni Mickey ang mga salitang iyon. At sa halip ay mahinang-mahina pa nga na tila ibinulong lang sa kanya. Ngunit walang kasingsakit ang naging dating niyon sa kanyang dibdib.
Hindi niya alam, umiiyak na pala siya. At kung gaano katagal ay hindi rin niya alam.
Dumating si Mama Sylvia. Papunta ito sa silid nito nang mapadaan sa kanya. Napapasok ito nang makita ang ayos niya.
“Ano`ng problema, Sienna? Gabing-gabi na.”
Mabilis niyang pinahid ng likod ng palad ang mga luha.
“Nagtatampo sa akin si Mickey.” Napahikbi na naman siya.
“Kung hindi ako nagkakamali, si Matthew ang dahilan, `di ba? Nabanggit sa akin ni Ariel ang tungkol diyan. At tama siya sa sinabi sa iyong wala naman kaming tutol. Naiintindihan ka namin.”
“Salamat, Mama Sylvia. Sana ay huwag kayong mabigla, nagpakasal na kami kanina sa huwes.”
Napalakas ang pagbagsak ng paghinga ng matandang babae. “Bakit kayo nag-apura?”
Blangko lang siyang nakatingin dito.
“O `di bale, huwag mo nang sagutin tutal ay nakaraan na iyon. Paano ang anak mo?”
“Ang hirap, Mama. Hindi ko pa nga sa kanya nasasabi ay galit na sa akin. Ipinakilala ko pa lang sa kanya si Matthew kanina ay halata nang ayaw niya roon sa tao.”
“I’ll talk to him.”
“Oh, please, Mama. Malaking tulong sa akin iyan.”
Anyong aalis na ito nang tumigil. Wari ay may naalalang sabihin.
“Sienna, kung ayaw ni Mickey na sumama, huwag nating pilitin. Let’s just hope that, eventually, matututuhan din niyang tanggapin ang totoo.”
“Pero hindi ako sanay na malayo sa akin ang anak ko.”
“Hija, nandiyan lang ang Corinthhian. Kahit araw-araw kayong pumarito ay hindi problema.”
“Iba pa rin iyong kasama ko siya,” pilit niya.
“I know, dahil ina rin ako. Pero hayaan muna natin siyang mag-adjust.”
“Kung ano ang mas mabuti, Mama.”
“Kailan ka susunduin ni Matthew?”
“Bukas.”
“Mamahinga ka na. Bukas mo na i-empake ang mga dadalhin mo.”
Tumango siya pagkuwa ay yumakap dito. “Thank you for everything, Mama Sylvia. Napakabait mo.”
“Anak na rin kita, Sienna.” Sandali ring yumakap ito sa kanya bago siya tuluyang iniwan.
UMIDLIP si Sienna. Gusto pa niyang kausapin ang anak ngunit kausap pa ito ng abuela. Hindi niya akalaing ang idlip ay mauuwi sa mahimbing na pagtulog. Nang magising siya ay umaga na.
Matapos ayusin ang sarili ay nagtungo siya sa kuwarto ni Mickey. Wala roon ang anak ngunit may isang malaking bag na nakapatong sa ibabaw ng kama nito.
“Mickey?” tawag niya.
“I’m here.” Narinig niya ang tinig nitong sumabay sa tunog ng tubig mula sa dutsa.
Lumabas siya. Alam niyang mahihiya itong magbihis sa harap niya.
Bumalik siya sa kuwarto niya at nagsimulang mag-empake ng mga damit. Matatapos na siya nang pumasok si Mickey.
“Anong oras tayo aalis, Mommy?” matamlay na tanong nito.
Nilingon niya ito. Kung gaano katamlay ang tono nito ay ganoon din ang bukas ng mukha. Itinigil niya ang ginagawa at humarap dito.
“Are you willing to come along with me, son?”
“No,” iling nito. At mabilis ding idinugtong, “pero sabi ni Lola, I should give it a try. I can always come back here any time I want to.”
Bahagya siyang tumango. Tanggap na niya ang mga salitang iyon ni Mickey kumpara kagabi na talagang pinatitigasan nito ang gusto.
“I want you to be always with me, Mickey.”
“Me, too, Mommy. And I know, tayo lang talagang dalawa. Wala nang iba pa.”
“Mickey—”
“I know, Mommy. You married him.”
“Sinabi sa iyo ng lola?”
“Yes. That’s the reason why we’re moving out. Bakit hindi pa ikaw ang nagsabi sa akin kagabi?”
“Because you don’t want to listen. Ang gusto ko sana ay matanggap mo muna si Tito Matthew mo nang kagaya ni Tito Ariel dahil ayaw kitang mabigla.”
“Ganoon din iyon, Mommy. Kagabi ko lang siya nakita tapos asawa mo na pala. Ang bilis naman yata.”
Itinago niya sa anak ang pagkagat ng ibabang labi. Kahit na gaano kababa ang tinig ni Mickey ay naroron pa rin ang panunumbat dito.
Tinangka niya itong abutin. At lihim niyang ipinagpasalamat na hindi ito umiwas.
“I love you, anak. Gusto kong itanim mo sa isip mo iyan. Kahit na nag-asawa na ang mommy ay mahal pa rin kita. And this time, mas marami ang magmamahal sa iyo.”
“I hope so, Mommy.” May alinlangan sa tinig ni Mickey.
Niyakap niya ito at gumanti naman ng yakap.
“Can you at least like my husband, Mickey?”
Kumalas ito ng yakap. “I’ll try.”
Malungkot siyang napangiti pero maski papaano ay tanggap na rin niya ang sagot ng anak. Ang importante ay nabuksan na ang isip nito.
“Mamaya pang hapon niya tayo susunduin. You can spend more time with your lola first.” Binalikan na niya ang ginagawa.
“Gaano tayo kadalas na pupunta rito?”
“Kahit araw-araw kung iyon ang gusto mo. Ang gusto lang ni Tito Matthew mo ay doon tayo titira sa bahay niya. Ganoon naman talaga ang mag-asawa, hindi ba?”
“Ano`ng hitsura ng bahay niya?”
Sandali siyang nag-isip. Ni hindi pa niya nakukuhang libutin ang kabuuan ng mansyon ni Matthew. “I think, it’s bigger than this. Mas malaki rin ang swimming pool.”
“Is he older than my daddy?”
Napatingin siya rito. Unti-unti nang nagtatanong si Mickey ng tungkol kay Matthew. At para sa kanya ay magandang senyales iyon na nagigig interesado ito sa asawa niya.
“A little, yes.” Nagtatalo ang isip niya kung dapat na bang banggitin ang tungkol kay China. Lihim niyang nahiling na sana ay magtanong pa ng iba si Mickey. At baka sakaling noon din ay maipaalam niya rito ang tungkol kay China.
Ngunit wala na itong balak na sundan ang itinanong. Humakbang na ito palabas ng silid. Naiiling na lang na isa-isa niyang inilagay sa vanity case ang mga toiletries. Patapos na siya roon nang tumunog ang telepono. Si Matthew.
“I missed you, Sienna,” malambing na bati ni Matthew mula sa kabilang linya.
May kaibang tempo ang pagtibok ng kanyang puso nang marinig ang tinig ng asawa. “Hi!” Iyon lang ang tanging naitugon niya.
“Tuwang-tuwa si China. Gusto pa nga niyang sumama sa pagsundo sa inyo.”
“I already talked to Mickey. Okay naman siya kaya lang siyempre, natural sa reaksyon niya iyong magalit.”
“I hope hindi naman grabe.”
“No. Kinausap siya ni Mama Sylvia. And the other day ay si Ariel naman. So far, naiintindihan na niya.”
“I see. `Di bale, pagdating dito, I’ll make up for everything para hindi siya masyadong mailang. At saka mabait naman si China, magkakasundo sila.”
“Iyon pa nga. Hindi ko pa nababanggit si China sa kanya.”
“Why?”
“Ngayong umaga lang siya nag-give in. At nasa isip niyang any time ay babalik siya rito `pag hindi niya nagustuhan diyan. Hindi ko nga alam kung paano sasabihin sa kanya ang tungkol sa anak mo. Baka mas mabuting mag-meet muna sila. At least, when he finds out that China is nice, hindi na iyon makakadagdag sa resentment niya.”
“Hindi ba mas maganda kung malaman na niya? Baka kung kailan naririto siya ay saka magmaktol.”
“If that happens, please, habaan mo na lang ang pasensya mo.”
“Yes, of course. Pareho tayong dapat na maging pasensyoso ngayon.”
Umingit ang pinto. Nakita niyang pumasok si Mickey. Dala ang isang kotseng isang dangkal lang ang laki ngunit de-remote control.
“Wait,” sabi niya kay Matthew saka ipinaling ang receiver sa may gilid ng leeg. “May kailangan ka, Mickey?” baling niya sa anak.
“I just want to ask if I can bring my toy.”
Dinig din ni Matthew ang sinabing iyon ni Mickey. “Let me talk to him,” anito.
“Tito Matthew’s on the line. Gusto mong ikaw mismo ang magtanong sa kanya?” madiplomasyang wika niya.
Saglit na nag-alangan si Mickey, ngunit lumapit din at inabot ang receiver. “Hello?... I-i want to ask if I can bring my toy... it’s a remote control car...” Tumingin ito sa kanya na tila nanghihingi ng permiso. Ngunit hindi niya mahuhulaan kung ano ang itinutugon dito ni Matthew. “No, thanks. I have many, you don’t have to buy me a new one. I’ll just bring them if it’s okay with you.” Patlang uli. “Thank you.” At saka luminga ulit sa kanya. “Mommy.” Ipinasa na nito ang telepono.
“What now?” tanong niya kay Matthew.
“He turned me down. Sabagay, hindi ko nga rin siguro dapat na sinabi iyon. Baka isipin niya I’m buying his attention.”
“Hayaan mo lang. Marami talaga siyang ganoong laruan. That’s his weakness. `Pag may bago iyong nakita, sa akin mismo magpapabili.”
“Is he still around?”
“No, lumabas na ulit.”
“Do you think it will help kung ibili ko ng ganoon din si China so they could play together?”
“Yes, I think so.”
“All right. Pupunta na lang kami diyan ng mga bandang alas-tres.”
“Huwag mo munang isama si China. Doon na lang sila sa bahay magkita.”
“Sige. But make sure that he’s informed about my daughter.”
“I’ll do it. Bye.”
“Sienna...” habol nito.
“Hmmn?”
“I remember I told you that I missed you.”
She smiled. “It’s the same with me.”
“I just want you to bear in mind that last night would be the first and the last time that we’d sleep separately. Is that understood?”
“Yes.”