MAILAP kay Sienna ang antok nang gabing iyon. At sa kahit naman sinong nasa kalagayan niya ay ganoon din ang mararamdaman. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang bumunot ng malalim na paghinga. Pilit niyang pinakakalma ang sarili ngunit wala siyang maramdamang kaginhawahan.
Kahit saang anggulo niya isipin, imposibleng mangyari ang gusto ni Matthew. Mickey would never approve of her getting married again. And to her, Mickey was the only thing that mattered.
Kung sana ay sarili lang niya ang iintindihin niya. Kung sana ay wala siyang pakialam kung ano ang mararamdaman ni Mickey. At kung sana ay hindi niya iisipin kung ano ang magiging damdamin nina Mama Sylvia at Ariel sa bagay na iyon.
Puro “kung sana...”
Biling-baligtad siya ng higa. Ngunit kahit anong puwesto ng paghiga ang gawin niya ay alam niyang hindi iyon ang solusyon para makatulog siya.
Bumangon siya at tinungo ang kusina. Maybe a glass of warm milk would help. Nasa puno na siya ng hagdan nang mapansin ang liwanag na nanggagaling sa study. Napakunot ang kanyang noo lalo at malalakas ang anasan. Sino ang posibleng gising pa nang mga oras na iyon?
Hindi siya makakarating sa kusina nang hindi dadaanan ang study room. At kahit na hindi niya gustong mag-usisa pa ng kung sino ang mga naroroon ay wala siyang pagpipilian.
Maagap niyang natutop ang bibig nang makilala ang mga tinig. Sina Mickey at Ariel? At dinig niyang umiiyak ang kanyang anak. Pinigil niya ang sariling ipamalay sa mga ito ang kanyang presensya. Maiingat ang mga hakbang na nilagpasan niya ang study room. At sa halip na dumiretso sa kusina ay binuksan niya ang back door at doon nagpalipas ng mga sandali.
Hindi pa siya natatagalan doon ay narinig niyang lumangitngit ang pinto sa study room. Kasabay niyon ay ang pagkawala ng ilaw na natanaw niya mula sa bintana ng silid. Tiningala niya ang kuwarto ni Mickey na katapat lang din ng study room. Bumaha ang liwanag doon. Noon siya nagpasyang bumalik na sa loob.
“Still awake?” Muntik na siyang mapasigaw sa gulat nang batiin siya ni Ariel. Nasa kusina ito at nagtitimpla ng kape.
“Hindi pa ako makatulog,” sagot niya. Gustuhin man niya ay hindi niya magawang magtanong kung ano ang dahilan ng pag-uusap ng dalawa.
“Si Matthew ba?” direktang tanong ni Ariel.
Hindi na siya nabigla sa kaprangkahan nito. Sanay na siya. Isa pa ay alam ni Ariel kung kailan ito makakapagtanong nang diretso at kung kailan din hindi kailangang mag-usisa ng kahit ano.
Marahan siyang umiling. “Si Mickey,” sa halip ay sagot niya.
“Si Mickey, si Matthew,” anito at tinikman ang kape. “Sa palagay ko ay pareho rin iyon.”
Hindi siya makasagot. Kumuha siya ng mug at tinimplahan ang sarili ng maligamgam na gatas. Hinila ni Ariel ang isang silya at naupo roon. Sa anyo ni Ariel ay alam niyang hindi siya makakatakas dito. Naghihintay ito ng sagot mula sa kanya.
Nang matapos ang ginagawa ay humila rin siya ng upuan. Naisip niya, kung gusto rin lang niya na gumaan ang nasa dibdib niya, dapat ay i-share niya iyon sa iba.
“He proposed marriage,” walang ligoy na wika niya.
Nagulat si Ariel. Tumitig sa kanya at sa wari ay inulit nito sa isip ang sinabi niya.
“Bago iyon sa pandinig ko. All the while ay puro girlfriends ang alam kong nag-e-exist sa buhay ni Matthew.”
“And China,” dagdag niya. “Why? Sa palagay mo ba ay si Matthew ang tipo ng lalaki na hindi nagpapatali sa kasal?”
Nagkibit ito ng balikat. “Siya lang ang makakasagot niyan. Isa pa’y ang mga babaeng napapaugnay sa kanya ay puro siya lang ang gusto, hindi kasali ang anak niya.”
“I like his daughter. Kasundo ko.”
“Good. Isa pa’y hindi naman mahirap pakibagayan si China. Mabait iyong bata. Hindi ko lang alam sa mga girlfriends ni Matthew kung bakit hindi nila nakuhang tanggapin ang bata. Ang gusto ay si Matthew lang.”
“Ariel, tatanggapin ko ba ang alok niyang kasal?”
Seryosong tumitig sa kanya si Ariel. “Tinatanong mo ako, susunod ka ba? Honestly, Sienna, walang masama. This is your chance. And I bet alam niya ang tungkol kay Mickey.”
Tumango siya. “Lately lang niya nalaman. He was angry at first dahil hindi ko raw ipinaalam.”
“Did you try to hide Mickey from him?”
“Alam mo ang sagot diyan. Kahit kailan ay hindi ko itinangging may anak ako. Tanggap niya si Mickey. And he was very optimistic na walang magiging problema kina China at Mickey.”
“Absolutely right.”
“Ariel, alam mo ang stand ni Mickey pagdating sa bagay na iyan.”
Umangat ang dalawang kilay nito. Hindi nito kailangang ipagkaila iyon. Ang totoo ay iyon nga ang problema kaya inabot sila ng pamangkin ng ganoong oras sa study room. Ayaw makinig ni Mickey.
“Let’s hope Mickey would give in soon. Maiintindihan din ng anak mo iyon.”
Kumislap ang luha sa mga mata niya. “Kasalanan ko rin siguro, Ariel. Hindi ko inihanda si Mickey sa posibilidad na iyon. Pero alam naman ninyo, `di ba? All I want to love is Mickey at ang mga alaala ni Mike. I didn’t intend this to happen.”
“Sienna, hindi naman kasalanang umibig. Talagang dumarating iyon. Dapat nga magpasalamat ka pa dahil may lalaking handang pakasalan ka kahit na nandiyan na si Mickey.”
“Hindi naman napakaromantikong dahilan na in love kami sa isa’t isa. Matthew also cited the practicality of giving China a mother. And he’s offering himself to Mickey as a father. Praktikal na rason ang mga iyon, `di ba?”
“Practical or not, ang importante ay pakakasalan ka at magkakaroon ng pamilya.”
“Mickey is my family. Kayo ni Mama Sylvia.”
Umiling si Ariel. “Iba kami ng Mama. Bukas ang isip namin sa posibilidad na mag-asawa ka. Sienna, huwag mong palagpasin ang pagkakataon na magkaroon ka ng pamilyang matatawag mong iyung-iyo.”
“Ibig mong sabihin ay boto ka kay Matthew?”
Ilang sandali muna bago ito sumagot. “Matthew is nice, I can say. Siguro ay dahil binata naman siya kaya okay lang na kabi-kabila ang girlfriends. Nasa kamay mo na siguro kung paano siya gagawing one-woman man.”