Part 11

1789 Words
“YOU DON’T mean it, Matthew.” Bakas sa mukha ni Rowie ang pagtutol sa narinig mula kay Matthew. “Ano ang kasalanan ko? Saan ako nagkulang?” Nagsisimula na itong umiyak. Walang anumang minasdan niya ang babae. Hindi na bago sa kanya ang makakita ng umiiyak na babae. Karaniwan nang ginagamit ng mga ito ang luha para hindi siya makipagkalas. Ngunit dahil doon ay lalo lamang siyang nagiging pursigido na hiwalayan ang mga ito. “Rowie, you know it from the very start. Walang kinabukasan ang relasyon natin. Start anew. Makakakita ka pa ng lalaking magmamahal sa iyo at higit sa lahat ay mapapakasalan ka.” “I won’t demand anything from you, Matthew. Okay na sa akin kahit na walang kasal. I love you.” “No,” diin niya. “You have to accept, Rowie. Isa pa ay kailangan ni China ng isang ina.” Nag-angat ng mukha si Rowie. “I could be a mother to her, Matt. Please. Huwag mo lang gawin sa akin ito.” Ngumiti siya nang mapakla. “We both know it, Rowie. Kailanman ay hindi ka nagpakitang-giliw sa anak ko. Kahit pakitang-tao man lang.”  “Matt?” Nagpapaawa ang tinig nito, unti-unting nararamdaman ang kawalan ng pag-asa. Lumaglag ang balikat nito nang mabasa sa mukha ni Matthew na tapos na nga sa kanila ang lahat. Pinigil ni Rowie na muling umiyak. Sa nanginginig na tinig ay pinilit nitong magsalita. “I won’t forget you, Matt. Pupunta na lang ako sa parents ko sa Amerika. Huwag kang mag-alala, hindi kita guguluhin.” “Salamat.” Niyakap niya ang babae. Maski papaano ay espesyal ang pagtingin niya rito. Ngunit hindi iyon sapat para magsimula siya ng bagong pamilya na ito ang magiging ina. Nang umalis si Rowie ay tinawagan niya ang anak. “Be ready, China. Parating na ako.” NAG-MERIENDA ang mag-amang Matthew at China sa mall. Pihikan si China sa kakainang lugar pero nang mga oras na iyon ay sa isang burger chain na lang ito pumayag na mag-merienda. Doon sa hindi masyadong puno ng tao. “Dalian natin, Daddy. We’re running out of time. Kasi naman ang tagal ko bago nakapili ng damit,” paninisi pa nito sa sarili. Isa-isa niyang inalis sa tray ang mga in-order. Nang nagsisimula nang kumain ay saka siya nagsalita sa anak. “What can you say about my idea of getting married?” Seryoso siya. Alam niyang `pag ganoon ang tono niya ay seryoso rin kung sumagot ang anak. “Just keep your promise, Daddy. I want my new mommy to love me, too.” Tumango siya. “Daddy, who’s on your mind?” Hindi pa siya nakasasagot ay nagsalita ito ulit. “I hope it’s Tita Sienna. She’s nice to me.” Napangiti siya. Wala talaga siyang problema kay China. Ang isa lang na bumabagabag sa kanya ay ang anak ni Sienna, si Mickey. Hindi pa niya ito kilala. At may pakiramdam siyang doon siya magkakaproblema. “Paano kung si Tita Sienna mo nga?” Namilog ang mga mata ni China. Nag-thumbs-up sign pa ito. “Yes!” “Dapat huwag ka na lang sumama mamaya. Three is a crowd, don’t you think?” Lumabi si China, ngunit pagkuwa ay ngumiti rin. “Sabagay, I’m too young for that. Sayang naman iyong damit ko, hindi maisusuot.” Nginisihan niya ang anak. “Bakit? Iyan lang ba ang damit na hindi mo pa naisusuot?” BALISA si Sienna. Alas-siyete na ay hindi pa siya nakakabihis. Nakahanda na sa kamay ang kanyang isusuot ngunit kadarating pa lang ni Mickey. Siya na ang sumalubong dito at imbes na sa kuwarto niya ito tumuloy ay siya na ang nag-aya sa silid nito. Nagi-guilty siya gayong hindi naman dapat. Si Mama Sylvia pa ang nag-assure sa kanya na walang masama kung lumabas siya. Nalaman ni Ariel ang tungkol sa date nila ni Matthew. At maliban sa pilyong ngiting sumilay sa mga labi nito ay wala nang iba pa itong sinabi. “Mickey...” alanganin pa rin siya. “Okay lang ba sa iyo na lumabas si Mommy?” “Saan ka pupunta?” Napakurap-kurap si Mickey. Lately ay mature nang kumilos si Mickey. Tila nagmamadali itong maging binata at gustong nagdedesisyon ng para sa sarili. Ngunit sa ekspresyon nito ngayon ay tila batang ayaw magpahiram ng laruan. Si Ariel na pumasok sa silid ni Mickey ang sumagot. “Why do you ask, young man? Puwede namang makipag-date ang mommy, `di ba?” Namula ang mga mata ni Mickey.  Nanulis ang nguso nito at may palagay siyang iiyak ito. Ngunit sa halip ay tumalikod ito sa kanila at nagkulong sa banyo. “Sige na, Sienna. Ako na ang bahala kay Mickey. Baka mamaya ay dumating na si Matthew.” Nahihiyang ngumiti siya kay Ariel at lumabas na. Mabigat pa rin ang dibdib na gumayak siya. Eksakto sa oras nang dumating si Matthew. Nakabawas sa bigat ng loob niya ang masayang ngiti na tinanggap mula rito. May paghangang minasdan siya nito mula ulo hanggang paa. “Lovely,” anito. Simpleng royal blue na gown ang suot niya. Ang nagbibigay sopistikasyon ay ang nagkikislapang alahas na si Mama Sylvia pa ang tumulong sa pagpili. Simple rin ang kanyang buhok at makeup. Maliban sa matingkad na pulang lipstick na bumagay sa kanyang gayak. “Where’s China?” tanong niya para mabaling sa iba ang paksa. Namumula siya. Hindi siya sanay na makatanggap ng papuri kahit na pagsasabi iyon ng totoo. “Hindi na kami magtatagal,” sa halip ay wika ni Matthew kay Mama Sylvia na nakamasid sa kanila. “Enjoy yourselves,” anito. Nilingon niya ito. At napangiti rin siya nang makita sa mukha ni Mama Sylvia ang isang sinserong ngiti. Malaking bagay sa kanya ang approval nito at ni Ariel. AWKWARD na umurong pa siya nang malamang wala si China. At isa pa, katanggap-tanggap ang ibinigay na excuse ni Matthew. Sumakit ang puson ni China. Nang dumating sila sa hotel ay may mabining kaba na lumapat sa dibdib niya. Makuwento si Matthew subalit hindi nakabawas iyon. At mientras hinihintay nila ang pagdating ng pagkaing in-order ni Matthew ay lalong lumalakas ang kaba niya. “Nervous?” amused na tanong ni Matthew. Ito man ay napansin ang uneasiness niya. “I guess so,” amin niya. “Honestly, this is my first time. Noong buhay pa si Mike ay hindi kami nagkaroon ng pagkakataon na kagaya nito. Kaswal na tinanggap ni Matthew ang pagbanggit niyang iyon sa dating kasintahan. “Sienna, hindi ka ba nahihirapang palakihin si Mickey?” direkta nitong tanong. Ibinaling niya sa iba ang paningin. Natumbok ni Matthew ang problemang naiwan sa bahay. At hindi man niya aminin ay totoong nahihirapan siya ngayon kay Mickey. Parang hindi na ito ang anak na inalagaan niya. Si Mickey ay nagtatayo ng pader sa pagitan nila. “Sienna?” concerned na untag ni Matthew. Nababasa nito ang kalungkutan sa mga mata niya. Napahinga siya nang malalim. At bago pa niya lubusang mapansin ay naihinga na niya kay Matthew ang problema. “I have a solution to your problem,” ani Matthew pagkaraan. Nagtatanong ang mga matang tumingin siya rito. “Let’s get married.” “What?” Napaawang ang mga labi niya. Kulang ang sabihing shocked siya sa narinig. Wala sa inaasahan niya ang alok nito. “Believe me, Sienna,” ani Matthew sa tonong tila negosyo ang pinag-uusapan. “Iyon ang pinakamabisang solusyon. At hindi lang sa parte mo kundi sa parte ko rin.” Wala siyang masabi. Ang tanging nagawa niya ay magpailing-iling. “Listen, Sienna. Your son is growing up. And so is my daughter. Alam mo naman siguro kung nasa anong estado ngayon si China. I realized she needs a mother. At ang anak mo ay nasa edad na rin na kailangan ng isang ama.” Mariin siyang umiling. “For twelve years, hindi kinailangan ni Mickey ng ama. Hindi niya rin kakailanganin ngayon.” “Sienna, alam ko kung ano ang ibig mong sabihin. At huwag mong ipagpilitan sa akin iyang sinasabi mo dahil nararamdaman ko na nahihirapan ka. Para sa kabutihan nating lahat ito. And it’s a good thing that you like my daughter, don’t you?” “China is nice. But Mickey—” “I’m optimistic. Give me a chance to get to know him.” “Matthew, hindi mo naiintindihan. Mula’t sapul ay sinasabi na ni Mickey na hindi niya ako gustong mag-asawa.” “That’s probably because he was pampered by you. At hindi mo rin ibinukas sa isip niya ang posibilidad na iyon—” “Dahil na rin hindi ko talaga balak na mag-asawa,” putol niya. “Maligaya na ako kay Mickey.” “Sienna.” Hinawakan ni Matthew ang kamay niyang nakapatong sa ibabaw ng mesa. “Hindi ba pumasok sa isip mo na puwede ring magbigay ng kaligayahan sa iyo ang ibang tao? Kami ni China, hindi mo ba kami bibigyan ng pagkakataong mapaligaya ka at ang anak mo?” “Matthew.” Tinangka niyang bawiin ang kamay, ngunit lalong dumiin ang hawak nito roon. “Mula nang mamatay si Mike ay isinara ko na ang isip ko sa bagay na iyan. Ni hindi ako nagpaligaw.” “There’s always a first time, Sienna.” Marahang pinisil nito ang palad niya. “Bigyan mo ako... kami ng pagkakataon. At sinisiguro ko sa iyo, ours will be a healthy family.” Malalim ang ginawa niyang paghinga. “Hindi ko alam, Matthew. Nalilito ako.” “Please, Sienna. I know you can love my China. And I promise I will love your son.” “Matthew, pakiusap din,” may kinig sa boses niya. “Huwag mo akong piliting sumagot ngayon. Hindi ko alam ang isasagot ko.” “All right. Maybe tomorrow, baka nakapag-desisyon ka na.” “Bukas?” bulalas niya. “Hindi pa ako makakapagdesisyon bukas, Matthew. Napaka-komplikado ng bagay na ito.”  “Sienna, I’m always in a hurry. Kung magpapakasal din lang tayo, bakit pa natin kailangang patagalin?” “Sinabi ko bang gusto kong magpakasal?” tanggi niya. “Ayaw mo ba sa akin, Sienna?” prangkang tanong ni Matthew. Napabuntunghininga si Sienna. Pakiramdam niya ay alam ni Matthew ang sagot doon kahit na hindi niya sabihin. Sukol na sukol siya nito. At alam niyang walang puwang para itanggi niya ang nararamdaman. “Kung para sa sarili ko lang, madali ang magdesisyon, Matthew,” amin niya. “Si Mickey ang inaalala ko—” “I’m in love with you, Sienna.” Pinutol nito ang sinasabi niya. “Matthew?” “Believe me. Ikaw, mahal mo ba ako?” Iniiwas niya ang mga mata. Ngunit sa ginawang iyon ay para na rin niyang inamin ang nararamdaman para kay Matthew.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD