Part 10

2229 Words
FORMAL dinner. Matutulog na lang ay iyon pa rin ang nasa isip ni Matthew. Hindi niya napigilang ngumiti. He was over thirty, ngunit parang bago pa rin sa kanya ang experience na iyon. Kaninang umaga nang ayain niya si Sienna ay kulang na lang na pagkrusin niya ang mga daliri para pumayag ito. Noon lang niya naranasang magduda sa sariling kakayahan. Aaminin niyang kung sakali ay ito pa lamang ang tatanggi sa paanyaya niya. He felt elated nang pumayag ito. At hindi niya gustong isipin na ginamit lang niyang dahilan ang “pagdadalaga” ni China. Iba naman ang pakiramdam niya kay China. Siyempre ay iba iyong pagtanggap niya sa kaalamang dumating na nga sa ganoong estado ang anak. Kaunting panahon na lang ay ganap na itong dalaga. May tuwang humaplos sa puso niya nang datnan si Sienna sa silid ng anak. Kay-gandang pagmasdan ng dalawa, para itong mag-ina. Napabuntunghininga siya. Gusto niya si Sienna. Gusto niya ito hindi dahil gusto niya ng girlfriend o kaya ng isang babaeng tutugon sa kanyang pang-pisikal na pangangailangan. He wanted Sienna. He wanted to spend the rest of his life with her. At para maging ina sa pinakamamahal niyang anak. Muli ay napangiti siya. Tiyak niyang walang magiging problema kay China dahil magkasundo     ang mga ito. Ang hindi niya sigurado ay kung matatanggap siya ni Sienna. At si China bilang anak niya. But then, malaking bagay nang nagpaunlak si Sienna. Magandang umpisa ang dinner date na iyon. At hindi niya naiisip na malaking hadlang ang presensya ni China kundi bentahe iyon para mas lalong magkalapit ang loob ng dalawa. Hindi niya alam kung kasakiman, pero nahiling niya sa sarili na lumalim ang damdamin ni Sienna sa anak. Kung hindi man siya matanggap agad nito ay malaking bagay ang katauhan ni China sa pagitan nila. Ipinikit niya ang mga mata. Anhin na lang niya ay hilahin ang mga oras at mag-umaga na. At nang sa gayon ay ilang oras na lang ang ipaghihintay niya para sa naturang date. HINDI na kailangang mamroblema ni Sienna kay Mickey. Kinagabihan pa lamang ay umalis na ito. Excited na sumama kay Ariel sa isang outing. “Magaling na ba ang sugat mo?” tanong niya sa anak nang magpaalam ito. “Yes, `My. Treat nga ito sa akin nina Tito Ariel at Tita Lucy. Bukas na kami ng hapon babalik.” “Baka naman makaabala ka sa kanila.” “Of course not.” Nalukot ang ilong ni Mickey? “Sila nga ang nag-aya sa akin, `di ba? And don’t worry, malapit lang naman ang Batangas. Doon daw kami sa private resort nina Tita Lucy pupunta. And we’ll call you pagdating namin doon.” “Okay, basta mag-iingat kayo.” “Bye, Mommy.” Humalik si Mickey sa pisngi niya at yumakap. Gumanti siya ng halik at yakap dito. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman habang tinatanaw ang anak palayo. That was not the first time na pinayagan niyang umalis si Mickey na hindi siya kasama ngunit may kaba sa kanyang dibdib. At inisip na lang niyang guilt lang iyon dahil siya man ay nakatakda ring umalis at lingid pa sa kaalaman ni Mickey. Kinabukasan nang dumating siya sa opisina ay tunog na kaagad ng telepono ang sumalubong sa kanya.  Naroon na naman ang pagsalakay ng kaba sa dibdib niya. Napatitig siya sa relo at pagkatapos ay sa telepono. Nasa resort na sina Mickey. O maaari ring namasyal sa karatig-pook. Ngunit bakit naman siya tatawagan nang ganoon kaaga? Baka may nangyaring hindi maganda. No! hiyaw ng isip niya. Huminga siya nang malalim at pilit binura ang masasamang pangitain sa isip. Patuloy ang pagtunog ng telepono. Isa pang pagbunot ng malalim na hininga ang ginawa niya bago iyon sinagot. “H-hello.” Hindi maikakaila ang tensyon sa boses niya. “Good morning, Tita Sienna.” Nakahinga siya nang maluwag nang marinig ang masiglang tinig ni China. Kagyat na nawala sa isip niya ang pangamba. “I bet, kadarating mo lang. Ang daming rings!” “Sorry, China.” “It’s nothing, Tita. Know what? I’m so excited. Kagabi ko pa nga kinukulit si Daddy saka si Yaya. I can’t decide which dress to wear. Tita, can you come over? Help me,” kagaya ng dati ay halos hindi humihingang wika ni China. Sasagutin sana niya ito nang maulinigan ang tinig ni Matthew. “Wait,” ani China. Mula sa kabilang linya ay tila nagtatalo ang mag-ama. “Sienna.” Tinig ni Matthew ang pumalit. “Pakihanda mo lang kaagad ang kontrata para sa Unibuilders. Maliban sa meeting ko sa kanila ay i-cancel mo na’ng lahat.” “May problema ba?” “Wala, wala. Kinukulit lang ako nitong si China. Naitaob na ang cabinet ay wala pang mapili. She wants a new dress. A gown, to be specific. Imagine, gown? Ganoon ba kabilis ang pagdadalaga?” tila shocked na wika ni Matthew. At bago niya masagot iyon ay tinig na naman ni China ang pumalit sa linya. “I hate dad,” maktol nito. “Yesterday, he was asking me what I want. Now he’s complaining. I wish I have a mom. Para may kakampi ako.” Nag-iba ang tono ng bata. At hindi niya maintindihan kung simpatya ang nararamdaman niya rito o ano. “ANG SAYA rito, Mommy,” anunsiyo ni Mickey. Alas-diyes na nang tumawag ito. Sa boses nito ay halatang nag-e-enjoy nga nang husto ang anak. “Basta ang bilin ko, Mickey. Take care. Baka mamaya, saway na nang saway sa iyo ang tito mo, hindi mo pa rin pinapansin.” “Mommy,” angal ni Mickey.  Kilala niya ang tonong iyon ng anak. Ayaw nito nang masyadong pinagsasabihan. Ganoon nga rin ang napansin ni Ariel sa kanya. Overprotective daw siya kay Mickey. Ngunit hindi rin naman niya maiwasan. I’m the mother, that’s why.  Iyon palagi ang katwiran niya. Wala pang tanghali ay tapos na ang meeting ni Matthew. At base sa ngiti nito ay alam nitong panibagong transaksyon na naman ang nai-deal. “You may take this day off, Sienna. Tutal ay may lakad tayo mamaya. Para makapag-prepare ka rin.” Ikinibit niya ang mga balikat. Sa isip ay naihanda na niya kung ano ang isusuot. At likas siyang mabilis kumilos para mag-alala sa kaunting oras na ipaggagayak niya kung kompletuhin man niya ang oras na ipasok sa opisina nang araw na iyon. “Sandali,” nakangiting paumanhin niya kay Matthew nang tumunog ang telepono. “Elegant Tiles—” “Mommy!” hiyaw ni Mickey. Sinalakay na naman siya ng kaba. “What happened?” may panic na tanong niya. Kahit si Matthew na nakikiramdam ay naalarma sa ekspresyon niya. “Nothing!” Humalakhak si Mickey. “Ang sarap nitong lobster, `My. Sayang, hindi ka sumama.” Humupa ang tensyon sa kanyang mukha. “Bakit, inaya mo ba akong sumama? Di ba’t nagpaalam ka lang sa akin na iti-treat ka ni Tito Ariel mo?” “Oo nga.” Humahalakhak pa rin ito. “`Di bale, iinggitin na lang kita. Hmmn, sarap talaga,, `My.” Natawa rin siya. “Sige na. Basta, ingat ka, ha?” Siya na ang pumutol sa linya. “Sino iyon?” kaswal na tanong ni Matthew nang ibaba niya ang telepono. “Si Mickey,” kaswal ding sagot niya. Taglay pa rin niya sa dibdib ang ligayang nadarama ng anak. At kahit na hindi siya kasama nito ay parang ganoon na rin. “Mickey?” Puno ng pagtataka ang tinig ni Matthew. “Anak ko,” kaswal pa ring sagot niya. Kitang-kita niyang namangha ito, nanliit ang mga mata at kumunot ang noo. “May anak ka?” Pigil ang kung anumang emosyon sa tinig ni Matthew. At bago niya nakuhang tumango ay humakbang na ito para iwan siya. Tumuloy ito sa sariling opisina. Nang maiwan siyang mag-isa ay saka lang niya napagkuro ang sinabi. Hindi nga pala niya sinabi kay Matthew ang tungkol sa bagay na iyon. Ngunit hindi niya iyon sadyang itinago. At hindi rin niya naisip kung kailangang malaman iyon ni Matthew. “I THOUGHT you’re single?” Iyon kaagad ang isinibat na tanong ni Matthew kay Sienna nang pumasok siya sa opisina nito. “I am,” aniya sa tinig na hindi napasisindak dito. “I was never married, so it’s legally right to claim I’m single.” “Pero may anak ka,” giit ni Matthew. Hindi niya alam kung betrayal para dito ang hindi pagkaalam sa bagay na iyon. “I do have a son at hindi ko itinatanggi iyon.” “Pero hindi mo rin ipinaalam noong una pa man.” “Hindi ko inisip na importante iyon. Matthew, sa buong panahon na nagtrabaho ako rito ay hindi nakasagabal ang anak ko sa job performance ko. May problema ba ngayon tungkol kay Mickey?” Umiral ang kanyang pusong-ina. Hindi pa man ay defensive na siya. Matamang tumitig sa kanya si Matthew. Iyong klase ng titig na nakakailang. Tila kinakabisa nito ang bawat bahagi ng kanyang mukha. Ngunit hindi siya nagpagapi. Nanatiling nakataas ang kanyang baba. Hindi niya ikinahihiya si Mickey. Kung anuman ang nasa isip nito ay hindi niya kayang arukin. Blangko ang mukha ng lalaki. Mahirap bigyan ng pangalan ang anumang emosyon na nasa likod niyon. Huminga ito nang malalim pagkuwa ay lumambot ang ekspresyon. “Sabagay, I also have China,” wika nito sa tinig na hindi niya malaman kung siya ang kinakausap o ang sarili nito mismo. “Anyway,” aniyang relaxed na isinandal ang likod sa upuan. May pakiramdam siyang sa pagbabagong-ekspresyon ng mukha ni Matthew ay gumaan din ang tensyong saglit na namuo sa pagitan nila. “I’m sorry, Matthew. Hindi ko intensiyong itago si Mickey.” Bahagya itong tumango. “It’s all right. Sabagay, wala naman talagang pormalidad na nangyari sa pagpasok mo rito sa kompanya. At isa pa, hindi naman ako ganoon kahigpit sa pagdating sa moral issues. You had him long before. Ilang taon na siya?” “Twelve.” “Halos kaedad pala ni China.” Marahan siyang napatango. May ilang sandaling dumaan ang katahimikan sa pagitan nila. Si Matthew ang naunang nagbukas ng usapan. “Sino ang ama ni Mickey?” “Miguel Sebastian.” “Si Mike!” pabiglang wika ni Matthew. “Ang kapatid ni Ariel?” dugtong na tanong nito. “You mean, si Mike ang dahilan kung bakit ka naging hipag ni Ariel?” “Yes, though it’s not legal, ganoon na rin ang turingan namin.” “Nang sabihin ni Ariel na hipag ka niya ay kapatid ni Lucy ang nasa isip ko. I was even admiring both families for being so close dahil ang sabi mo ay si Donya Sylvia ang kasa-kasama mong umiikot sa mga puwesto ng sanglaan. How come...?” nagtatakang wika nito. Sa mabilis na kuwento ay ipinaliwanag niya ang sitwasyon nila ni Mickey sa mansyon ng mga Sebastian. Waring naintindihan naman iyon ni Matthew, ngunit may mga bakas pa rin sa mukha nito na tila nalilito pa rin. Ngunit wala roon ang kaugnayan ng sumunod na sinabi nito. “Please, be reminded, Sienna. Our dinner will be at eight.” Nagulat siya. Sa likod ng isip niya ay inaasahan niyang hindi na siya kasali roon. Para namang nabasa ni Matthew ang nasa isip niya. “Let’s forget the thing about Mickey. Susunduin ka namin ni China nang alas-siyete y medya.” Muli ay tumango na lamang siya. NAIWAN si Matthew sa silid. Ilang sandali nang nakakaalis si Sienna ay hindi pa rin mawaglit sa isipan niya ang natuklasan tungkol sa babae. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman.  Shocked siya sa nalaman ngunit wala siya sa posisyong kuwestiyunin ang bagay na iyon. At alam niyang kahit na ano pa ang kanyang gawin ay hindi na maiaalis ang presensya ng anak nito sa buhay ni Sienna. At isa pa ay hindi niya gustong mawala ito. Noon ay nauunawaan na niya kung bakit bale-wala kay Sienna kung wala man itong asawa gayong nagkakaedad na. They were on the same boat, he thought. Nakadaragdag sa kalituhan niya ang damdamin para kay Sienna. Akala niya ay tatabangan siya sa dalaga. Buong akala niya ay dalaga pa ito sa tunay na kahulugan niyon. Ngunit ngayong natuklasan niya ang totoo ay hindi man lang nabawasan ang nararamdaman niya para rito. Gusto pa rin niya si Sienna. At bagama’t may ideyang pumapasok sa isip niya na pag-ibig ang tamang pagtukoy sa nararamdaman niya ay pilit niya iyong iniignora. Imposible. Dahil kailanman ay hindi niya naranasan ang umibig. Si China ay produkto ng kanyang kapusukan noong kabataan niya. Ang ina nito o ang kahit na sinumang babae na napaugnay sa kanya ay hindi niya pinag-ukulan ng damdaming kagaya ng nadarama niya kay Sienna. Umabala sa pag-iisip niya ang tunog ng intercom. “It’s Rowie on the line...” saad ng tinig ni Sienna sa intercom. “Thanks,” tipid niyang wika. Bumunot siya ng malalim na paghinga bago dinampot ang telepono. “Yes, Rowie?” “Darling, it’s been a long time. Gaano ka ka-busy para makalimutan mo na ako? Anyway, don’t bother. I’m coming over. I hope na hindi ka nagmamadali para sa kung anumang meeting. I missed you so much, Matt.” “I canceled all my appointments, Rowie. May pag-uusapan tayong mahalaga.” “Oh, darling. I can’t wait...” Puno ng antisipasyon ang tinig nito. At sadyang pinalambing ang tono na tila inaantok na pusa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD