MASAMA ang loob ni Sienna nang pumasok kinabukasan. Nagta-tantrums si Mickey. Kung kagaya lang sana ng normal tantrums nito ay kaya niyang mapagpasensyahan. Ngunit pakiwari niya ay ibang-iba ang attitude ng anak nang araw na iyon.
Malayo ang loob nito sa kanya. Tuwing lumalapit siya rito ay lumalayo naman ito. Nasasaktan siya sa isiping hindi na nga ganoon ka-dependent sa kanya ang anak. Parang gusto nitong ipakita sa kanyang kaya na nitong gawin ang lahat ng mga bagay na hindi kailangan ng pagtulong niya.
Kung hindi siguro sa nakasanayan na niyang regular na pagtawag ni China tuwing umaga ay matagal niyang dadalhin sa dibdib ang sama ng loob sa sariling anak.
Ngunit maging ang pagtawag ni China ay kakaiba rin nang umagang iyon.
“Tita Sienna.” May himig ng takot at nerbiyos ang tinig nito.
“May problema ba, China?”
“I’m not feeling well. There’s something...”
“What is it?” Pati tuloy siya ay hindi maiwasang kabahan sa pabitin-biting salita nito. “Nandiyan pa ba ang daddy mo?”
“Yes. Nasa room niya.” Ilang saglit pa itong nagbantulot bago muling nagsalita. At nang magsalita naman ay sadyang pinahina ang boses at may kinig pa. “Tita, I saw blood on my panty.”
“What?” Nagulat din siya. Ngunit kaagad na sumaisip ang posibilidad ng maagang nag-monthly period nito.
“Why?” Sa halip ay tanong din ang isinagot ni China. “I can’t tell this to anybody. Natatakot ako.”
“Where’s your yaya?”
“Nasa ibaba, preparing my breakfast. Tita, can you please come over?” Bago pa siya nakatango ay mabilis na nitong naidikta ang address.
She couldn’t say no. Mayamaya pa ay pababa na siya ng building at inilalabas sa parking lot ang kotse. Hindi niya kinalimutang bumili ng gagamitin ni China bago ito puntahan sa Corinthian Gardens.
Sinalubong siya ng yaya ni China sa gate. Expected na nito ang pagdating niya ngunit hindi nito alam ang tunay na dahilan. At bago pa niya maitanong ang kinaroroonan ni Matthew ay dinala na siya nito sa silid ng bata.
“Tita Sienna.” Nasa kama ito kaharap ang almusal na nasa bed table. Matamlay ang kilos. Ang mukha ay kababakasn ng kalituhan. Wala bang nagprepara sa damdamin ni China sa pagbabagong magaganap sa katawan nito?
Naramdaman ng yaya ang kalabisan nito sa eksena. Wala itong kibong lumabas ng silid.
Mabilis namang nagkuwento ang bata. “I woke up feeling messy. When I went to the bathroom, I saw blood.” May hindik sa tono nito.
“Ano`ng ginawa mo?”
“I washed myself. Pinatuluan ko iyong underwear ko sa gripo. Ngayon, parang sinisinat ako.”
Tumango siya nang puno ng pang-unawa. Hinayaan niyang ituloy nito ang almusal. At habang kumakain ito ay ipinaliwanag kung bakit nangyari iyon at ipinaalam na rin ang susunod pang mga pagbabago kasama na rin ang pagsibol ng damdamin sa opposite s*x. Normal ang pagkakaroon ng crushes.
Attentive naman ang bata. May mga pagkakataong napapangiwi ito. “Yuck!” Hindi nito napigilan ang ganoong reaksyon sa isang tema na binanggit niya.
“That’s normal. Lahat ng nagdadalaga ay nagdadaan sa ganoon. In time, you’ll get used to it.”
Nang matapos ay saka niya ito tinuruan ng dapat gawin. Inilabas niya ang biniling sanitary napkin. Si China naman ay kumuha ng isang panty sa drawer. Kasalukuyan silang nagtuturuan ng tamang paglalagay ng napkin nang maulinigan nila ang tinig ni Matthew.
“Si Daddy!” hintatakot na wika ni China. Hinablot nito sa kanya ang panty at itinago sa likuran nito.
“Chin—Sienna!” manghang wika nito pagkakita sa kanya.
“I... er —” Hindi niya malaman kung paanong pagbati ang gagawin. Si China naman ang maagap na sumalo ng sitwasyon.
“I called her up, Daddy. Pinapunta ko siya rito.”
“This early?” hindi kumbinsidong wika ni Matthew. “Paano ka na-contact ni China?” Bumaling ito sa kanya.
“I was already in the office. Malapit lang naman ito sa opisina.” Nilingon niya si China. Kababakasan ng guilt ang mukha nito kahit wala namang dapat ipagkagayon. Nginitian niya ito nang matamis. Sa ganoon man lang ay mapagaan ang damdamin nito.
“I’m going,” ani Matthew na walang partikular na pinatutungkulan sa kanilang dalawa.
Tumindig si China. Very cautious ang galaw. Tiniyak na hindi makikita ang inilagay sa likod. Nang lingunin niya ito ay nakita niyang ikinubli nito iyon sa isang malaking unan.
“Bye, Daddy.” Humalik ito sa ama. “Can I come with Tita Sienna? Puwede bang mamaya ko na siya pabalikin sa office?”
Sinulyapan siya ni Matthew. Nasa mukha pa rin ang pagtataka sa biglaang presensya niya sa bahay nito. Bumalik ang tingin nito sa anak. “Okay, on one condition,” anito sa tonong maawtoridad.
“Dad?” Nagpoprotesta sa tinig ng bata ngunit alam ding wala itong magagawa kapag ganoon na ang tono ng ama.
“I just want to talk to Sienna first.” Hindi na ito naghintay ng sagot kahit kanino sa kanilang dalawa. Tinungo na ang pintuan at lumabas.
May pagtutol sa anyo ni China ngunit binulungan niya ito bago tuluyang lumabas ng kuwarto.
“He has to know, `di ba? I’ll explain to him.”
Nasa makalabas lang ng pinto si Matthew. Inaasahan ang maliksi niyang pagsunod.
“Dito tayo,” pormal na wika nito at naunang humakbang patungo sa terrace ng second floor. Mula roon ay tanaw ang bean-shaped na swimming pool. May panghalina ang asul na tubig.
“Kadarating ko lang rin. I was trying to ask for you pero kaagad na akong dinala kay China ng sumalubong sa akin,” boluntaryo niyang wika bago pa siya nito tanungin.
“That’s not a problem to me. Ang ipinagtataka ko lang ay kung ano ang kailangan sa iyo ng anak ko nang ganito kaaga.”
She broke the news. “Dalaga na ang anak mo. She was ashamed of what happened, pero ipinaliwanag ko sa kanyang normal ang ganoon. Dumating nga lang sa kanya nang mas maaga. Anong grade lang ba siya pagpasok?”
“Grade six,” tugon ni Matthew. Ni walang pagbabago sa ekspresyon ng mukha nito.
“Sigurado sa batch nila ay wala pang ‘nagkakaroon.’ That’s why hindi siya masyadong oriented sa bagay na iyon.”
Parang noon lang napagtanto ni Matthew ang sinasabi niya. “You mean, si China...” Nag-apuhap ito ng sasabihin.
Tumango siya, hindi naiwasang mapangiti. Pakiramdam niya ay siya ang ina na nakakaramdam ng excitement sa pagdating ng anak sa estadong iyon. “Yes. I think normal lang sa bata ang ganoong pakiramdam. Anxieties, tension. Naninibago kasi siya sa changes.”
“What will I do now?” Matthew seemed helpless. At iyon ang unang beses na nakitaan niya ang lalaki ng ganoong damdamin. Matiim ang pagkatitig nito sa kanya, naghihintay ng kanyang isasagot.
“Nothing. Or maybe, kung mayroon man ay tugunan ang ekstrang paglalambing niya sa iyo. I remember when I was her age, ang feeling ko ay bigla na lang magbabago ang sukat ng mga parte ng katawan ko. I asked my father to bring me to the department store. Nagpabili ako ng maraming damit.” Binuntutan niya ng tawa ang sinabi.
“I’ll bring her to the mall,” ayon ni Matthew. “Ibibili ko rin siya ng maraming mga damit.”
Before she knew it ay tumatawa na siya sa sinabi ni Matthew.
“Why? Masama ba iyon?” tanong ni Matthew.
“Wala,” sagot niyang natatawa pa rin. “I was just amused.”
Pero kahit ngiti ay hindi gumuhit sa mga labi ni Matthew. Uncertainty ang bumadha sa mukha nito. He helplessly arched his head. Ilang sandaling tumitig sa mangasul-ngasul na ulap saka malungkot na luminga sa kanya.
“I guess I was depriving her of a mother. Nakalimutan kong darating ang panahon na magdadalaga siya. At kahit gaano kami ka-close sa isa’t isa ay darating ang panahong maghahanap siya ng isang ina. There are things na hindi na niya masasabi sa akin. And only a mother could give her an ear to listen to those things.”
Nawala rin ang tawa sa mga labi niya. Napalitan ng kaseryusohan. Naiintindihan niya ang damdamin ni Matthew. At minsan pa ay naisip niya ang sariling kalagayan kay Mickey.
Maaaring iyon din ang dahilan kung bakit tila lumalayo ang loob ni Mickey sa kanya. Hindi dahil sa nabawasan ang pagmamahal nito sa kanya kundi may posibilidad na dumating na ito sa estadong nagkakaroon na ng hiya na lumapit sa kanya.
Pero ano ang gagawin niya? Hindi niya gustong mag-asawa. Imposible iyon lalo at hindi siya nagpapaligaw. Isa pa ay hindi rin gusto ni Mickey ang ideyang iyon. Selfish ito pagdating sa kung sinumang lalaki na pag-uukulan niya ng atensyon.
Kinonsola niya ang sarili. Siguro ay sapat na ang katauhan ni Ariel para hindi maghanap ng father-figure si Mickey. Nagisnan na nito ang ganoon. At hindi na siguro maghahanap pa. Hopefully, nahiling niya sa sarili.
“Thank you, Sienna.” Bahagya pa siyang nagulantang sa tinurang iyon ni Matthew. She was about to say something ngunit inabot nito ang dalawa niyang kamay. Nagawang ipagsalikop sa mga palad nito. “Thank you,” madamdaming ulit nito. “Mabuti na lang at hindi ka tumanggi sa paglapit ng anak ko. I wouldn’t know exactly what to do kung sa akin siya tumakbo.”
“Matthew,” tangi niyang nasabi. Hindi niya alam kung paano ang gagawing pagbawi sa mga kamay. Definitely ay gusto niyang bawiin iyon.
She felt something. Nakakakilig ngunit nakakapaso rin. At hindi niya alam kung dala lang iyon ng maraming mga taon na walang nakakahawak sa kanya sa ganoong paraan. O dahil sa unaware sila sa mga nakakakuryenteng mensahe sa paraan ng paghawak nito.
“I want to treat her to dinner. Can you come with us?” walang kaabug-abog na anyaya nito.
“N-no,” tanggi niya. “Lakad ninyong mag-ama iyon. Magiging kalabisan ako.”
“I won’t accept your answer. Alam mo ba, sa iyo lang lumapit nang husto ang loob ni China nang ganito kabilis? Maliban sa amin ng Mama ay iilan lang ang taong naging malapit sa kanya.”
“I’m sorry, I can’t.” Kasabay ng pag-ulit ng pagtanggi ay binawi niya ang kamay. Iniwas din niya ang mga mata rito. Hindi niya gustong makita ang pagtatampo sa ekspresyon niyon.
Not in good terms sila ni Mickey. At bago siya lumabas kasama ng iba ay gusto niyang maayos na muna kung anuman ang hidwaan sa pagitan nila ng anak.
Pero insistent si Matthew. Mukhang wala itong balak na tumigil hangga’t hindi siya napapapayag. “Tell me when you’ll be free, Sienna.”
“Okay, tomorrow night.” Nahiling niyang sana ay wala nang problema sa kanila ni Mickey kinabukasan.
“Good.” Napangiti na si Matthew. “You can go home earlier para makapaghanda. We’ll pick you up.”
“Huwag na,” mabilis pa sa alas kuwatrong sagot niya. Hindi magugustuhan ni Mickey kung makikita nito na sasama siyang lumabas sa isang taong ni hindi nito kilala. At sa kaso ni Matthew, kasama pa nito ang anak. “Matthew, kailangan bang maging formal ang dinner date nating iyon?”
“As a matter of fact, that’s what I have in mind.”
Mabilis siyang nag-isip ng ibang paraan. “Do you think China would enjoy it? Ang alam kong gusto ng mga kagaya niya ay mag-stroll sa mall.”
Tumaas ang sulok ng mga labi nito. Matthew never liked the idea. Ngunit hindi naman ito magti-treat para sa sariling kapakanan kundi para sa anak.
“Let’s ask China kung ano ang gusto niya,” sa huli ay wika nito.
Bumalik na sila sa kuwarto ni China. Unconsciously, inabot ni Matthew ang kanyang kamay at magkahawak-kamay pa sila nang pumasok sa kuwarto.
Matalas ang paningin ni China. Iyon kaagad ang napansin nito nang mamalayan sila. But she was too smart to tease them. Isinawalang-kibo nito iyon, ngunit hindi mapigil ang pilyang pagngiti.
“Dalaga na pala ang baby ko,” ani Matthew.
Lumabi ito, visible ang embarrassment sa mukha. At bagama’t naiilang siya sa tagpong iyon ng mag-ama ay hindi niya maiwasang maramdaman ang kakatwang init na humaplos sa dibdib.
Humakbang si Matthew. Naiwan siya sa kinatatayuan. At kung hindi nito binitawan ang kanyang kamay ay hindi niya mapapansing hawak pala nito iyon.
Siya naman ang nakadama ng kalituhan. Paano iyon nangyari nang basta na lang? Kanina ay conscious na conscious siya sa mga hawak nito. At ngayong naulit ay halos hindi niya namalayan.
“You’re going with us, Tita Sienna?” Malakas ang naging tinig ni China. Excited ito.
“She can’t say no, China. Daddy will fire her.” Kumindat pa si Matthew sa kanya.
“That’s blackmail!” aniya kay Matthew. Nahawa sa kasiglahan ng mag-ama. “Saan mo gustong magpunta, China?”
Saglit itong nag-isip. “I want a formal dinner, Daddy.” Bumalik ang atensyon nito sa ama.
“Shoot!” sagot ni Matthew at sa kanya naman bumaling.
Nahulog siya ngayon sa kompromiso. At nag-iisip na siya ng tamang dahilan kay Mickey. Sa lahat ay sa anak siya posibleng magkaproblema. Kung kay Mama Sylvia ay walang kaso. She was always understanding.
Sumagi sa isip niya si Ariel. Ano kaya ang iisipin nito kapag nalaman nitong nagiging malapit sa kanya ang anak ni Matthew?