“WHAT’S the matter, Mickey?” Hindi maiwasan ni Sienna na kabahan. Unang pagkakataon iyon na tumawag si Mickey sa opisina. At hindi niya mahulaan ang dahilan nito.
“You’re overreacting, Mommy,” kantyaw ni Mickey sa ina. “Gusto ko lang sabihin sa iyo na dadalhin ako ni Tito Ariel ngayon sa doktor.”
Nakahinga siya nang maluwag. “Nandiyan na ba ang tito mo?” Mula nang makasal ito ay hindi na ito sa mansyon natutulog. At dalawang beses pa lang yata niyang nakita ito mula noon. Siya na ang nagdesisyon na dalhin sa doctor si Mickey sa darating na weekend. Hindi pa lang niya sinasabi sa anak dahil alam niyang tatanggi ito.
“Yes, kasama niya si Tita Lucy. Hindi na rin masyadong galit si Lola. She was even asking Tita kung hindi na palaging nahihilo.”
“Mabuti. Gusto mo rin bang sumama ako sa inyo ng tito mo?”
“No!” pabiglang sagot nito. “Kami na lang. Panglalaki lang ang ganoon.”
“Ang baby ko, magbibinata na.” Nasabi na niya iyon nang maisip ang magiging indikasyon sa anak. At taliwas sa inaasahan niyang magmamaktol si Mickey. Sa halip ay parang matanda na ito nang sumagot.
“Don’t call me ‘baby’ anymore, Mommy. Magkasintaas na nga tayo ngayon. At sabi ni Tito Ariel, `pag napatuli na ako, I’ll be taller.”
Ganoon nga siguro ang inog ng buhay. Parang kailan lang ay nagpapalit siya ng diaper ni Mickey. Bukas-makalawa ay siya na ang aakayin nito. How time flew.
“Anak,” nasambit niya.
“I’ll hang up na, Mommy. Maliligo na ako. Bye.”
“B-bye,” may bikig sa lalamunang ganti niya. Pati ba “I love you” ay nakalimutan na rin ni Mickey na banggitin sa kanya? Parang may pumiga sa puso niya sa isiping iyon.
At bago pa siya madala ng emosyon ay muli nang tumunog ang telepono.
“May I speak with Matthew Escalante, please?” anang tinig sa kabilang linya. Kumunot ang kanyang noo. Kahit na pilitin ng tinig na maging businesslike ang tono ay hindi maikakailang boses ng bata iyon.
“Who’s on the line, please.”
“China. Ay oo nga pala, on leave si Tito Ariel. What’s your name?” Nakalimutan na yata nito na gustong makausap si Matthew. Ang atensyon ay ibinuhos sa kanya.
“Sienna.”
“Sienna,” ulit nito. “Can I call you Tita Sienna?”
“S-sure,” napipilitan niyang sagot. “Ano ka ni Matthew?” Isinatinig niya ang katanungan sa isip.
“Anak. I’m eleven years old. Grade six this coming June,” dagdag pang detalye nito.
Ngunit parang hindi na masyadong rumehistro sa isip ni Sienna ang ibang tinuran nito. Nahinto ang interes niya sa unang binanggit. Si Matthew, may anak?
“Sienna...” Si Matthew, hawak ang isang file na lumalabas mula sa opisina nito.
“Hello?” balik niya sa kausap. “Would you like to talk to him now?”
“Please,” magalang na wika ni China.
“For you.” Walang mababakas na emosyon sa kanyang tono.
Tinanggap iyon ni Matthew nang walang tanong. “Hello?” Relaxed pa nitong ikinatang ang isang hita sa isang dulo ng kanyang mesa. There were times that Matthew tend to lose formality. Kagaya na lang ngayon. At tila lalong nakalimutan ang corporate code nang mapagsino ang caller. “China!”
Nagkunwang abala siya sa mga files. She was shocked. Ang akala niya ay binata si Matthew sa tunay na kahulugan niyon. Wala sa isip niyang may anak ito. Walang-wala kung anyo nito ang pagbabatayan.
Maigsi lang nag-usap ang dalawa. Nang ibaba nito ang telepono ay hindi kaagad na umalis.
“Si China iyon. Pasensya ka na kung mangungulit ng tawag paminsan-minsan. May kadaldalan iyon.”
“May anak ka pala,” sa halip ay sagot niya.
“Yeah.”
TAMA si Matthew. Mula noon ay madalas nang tumawag si China. Halos araw-araw. At karaniwan ay wala naman itong kailangan maliban sa pakikipagkuwentuhan sa kanya.
“Good morning, Tita Sienna.” Kilala na niya agad ang boses nito. “Have you eaten breakfast already?”
Napangiti siya. Kahit hindi pa niya nakikita nang personal ang anak ni Matthew ay may palagay siyang cute ito. Cute ang boses at nakakadagdag sa pag-asa niyang maganda ang anyo nito at malambing na ugali.
“Siyempre naman. Hindi naman ako umaalis ng bahay nang hindi nag-aalmusal.”
“Sayang. Maraming pancake si Yaya na iniluto. Papadalhan sana kita. Ngayon pa lang paalis si Daddy.”
“Thank you,” aniya. Na-touch siya sa tinuran na iyon ng bata. “Kaya lang, hindi ba hindi na iyan masyadong masarap kapag hindi na mainit?”
“Ay, oo nga, `no? Tita, when will I get to see you? Si Daddy kasi bihira na akong isama sa office. Dati, palagi niya akong isinasama.” May sasabihin pa sana ito nang maringgan niya ang tinig ni Matthew. Nagpapaalam sa anak na aalis na. “Tita Sienna, I’ll hang up. I’ll say goodbye to Daddy. Bye.”
Wala pang labinlimang minuto nang tumawag si China ay nasa harapan na niya si Matthew. Sa likod ay may kasama itong isang batang babae. Malakas ang kutob niyang si China iyon.
Malayo pa lang ay nakangiti na ito. At kung hindi lang siguro nakakasagabal ang isang malaking plastic box na dala nito ay nagtatakbo na ito palapit sa kanya.
May hawig kay Matthew ang bata maliban sa tsinitang mga mata nito. Mahaba ang makintab na buhok nito, na tuwid na tuwid at itim na itim. Napakakinis ng kutis. Bagama’t inosenteng-inosente itong tingnan ay halata ang magandang pagdadala ng sarili. China had an in-born poise.
“Good morning, Tita Sienna. Sumama ako kay Daddy so I can see you.”
“Ang kulit, eh.” Bago niya nasuklian ang bati ni China ay nagsalita na si Matthew. “Manggugulo lang rito iyan. Behave, China, kundi ay iuuwi kita `pag inabala mo si Sienna.”
Parang wala itong narinig. Inilapag nito sa mesa niya ang dala. “I brought my breakfast. Can I eat here? Marami akong pinabaon. Share tayo, ha?”
Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. Napakagiliw ni China at inaamin niyang naaaliw siya rito. Hindi pa siya nagbigay ng masyadong pansin sa ibang bata maliban sa sariling anak. Ngunit may pakiramdam siyang iba si China kumpara sa ibang bata.
“I’ll leave the two of you. China, don’t bother her so much,” muli ay paalala ni Matthew. “Sienna, bahala ka na sa kanya.”
“Look at Daddy, he always treat me like a child. Alam ko naman kung kailan ako nakaka-disturb at hindi,” katwiran ni China nang makatalikod na ang ama. “Let’s eat, Tita Sienna. `Pag busy ka na mamaya, I can play alone. I also brought my Gameboy with me.”
Inako na niya ang paghahanda ng almusal. Tinanggal muna niya ang mga gamit sa mesa pagkatapos ay sinapinan iyon ng mga lumang diyaryo. Kahit busog pa ay nagkaroon siya ng appetite na saluhan ang bata. Mahirap na i-reject ito lalo at napakainit ng pagtrato sa kanya.
Si China rin ang nagbukas ng topic na gusto niyang malaman bagama’t wala siyang guts na itanong kay Matthew o maging kay Ariel.
“Do you like Tita Rowie?”
Nabigla siya sa tanong nito. At hindi niya alam kung paano sasagot na hindi mahahalata ang disgusto niya sa babae. Ngunit si China na rin ang kaagad na sumalo ng tanong.
“I don’t like her. Kahit nga kaharap si Daddy masama ang tingin niya sa akin. One time, I spilled the juice near her, she scolded me. I don’t want her to be my mommy.”
“Where’s your real mom?”
“I don’t know. Sabi ni Daddy, may pamilya nang iba sa States. She left me with my Dad. Sila ni Lola Betty ang nag-alaga sa akin since I was small. Pero wala ngayon si Lola. She visited her sister in the States.”
“You don’t miss your mom?”
“No. I never saw her. That’s fine with me. Daddy loves me so much. I told him if he wants to get married I want my new mom to love me also. And that’s what he promised me.”
Napatango siya. At noon lang niya napansing nakatayo sa may hamba ng pintuan si Matthew, seryosong nakatingin sa kanila. Napayuko siya ulit. Hindi niya alam kung ano ang narinig nito sa mga pinag-usapan nila at gusto niyang mapahiya.
Hindi niya gustong mapagbintangan nito na nanghihimasok siya sa buhay ng mag-ama. At ayaw rin niyang isipin nito na interesadong-interesado siya sa mga ito. She was on her third week on the job. Isang linggo na lang at babalik na si Ariel sa trabaho. Gusto niya na kahit mawala man siya sa kompanyang iyon ay aalis siyang maganda ang pinagsamahan nila ni Matthew.
“Daddy, let’s eat.” Nakita rin ni China ang ama. Bale-wala sa anyo nito kung anuman ang kaseryosohan sa ekspresyon ni Mattthew.
“When did I eat pancakes?” Gumaan ang pagkakatiim ng face muscles nito. At pagkatapos ay bumaling sa kanya. “Sienna.”
Muntik na siyang mapapitlag. “S-sir?”
“You forgot my coffee.”
“I’m sor—”
“It’s all right,” maagap na putol nito. “Isunod mo na lang `pag tapos na kayo ni China.”
Nang matapos silang kumain ay magkatulong pa sila ni China na nagligpit ng mesa. She admired the child. Wala ang ere ng pagiging spoiled brat.
“Sit down, Sienna,” sabi sa kanya ni Matthew nang dalhin niya rito ang kape.
Tumalima naman siya. Awtomatiko ang pagdampot ng lapis. Her notepad was always with her. Yumuko siya at naghintay sa ididikta ni Matthew.
“Wala akong ipagagawa sa ngayon. I’ll just tell you things na kay China mo pinipilit na malaman.” Walang emosyon sa tinig nito, ngunit pakiramdam niya ay sanlaksang panunumbat ang nakakubli sa kalamigan niyon.
“Matthew, hindi naman—”
“Walang problema. In fact, I was just thinking if you’ll get interested when I tell you about her.”
Her. Siya man ay nag-iisip din kung ang “her” na tinutukoy nito ay ang anak o ang ina ng anak.
“China came unexpectedly. I didn’t even know that Laila was carrying her in her womb. Nang araw na malaman ko, ipinanganak na siya. She was only two-weeks old at karga ng isang private nurse. Her mother left her in the hospital. Premature baby siya at nang ilabas siya sa incubator ay sa akin siya dinala.
“Nagulat kami ng Mama. Sa isang sulat ay nalaman naming hindi interesado si Laila sa anak niya. She was just my fling. Hindi namin pareho inasahan na magbubunga iyon. At ipinasa niya sa akin ang bata.
“I was not ready. Twenty-two lang ako noon. Nagsisimula pa lang na tumulong sa negosyo ng pamilya. I didn’t know what to do. Si Mama ang tumanggap sa bata. Hanggang sa pauwi na lang ako sa bahay, hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko.”
Mula sa kanya ay lumipad ang tingin ni Matthew sa blangkong espasyo. Tila sinasariwa nito sa isip ang araw na iyon.
“Nag-aagaw ang pride, saya at kalituhan sa akin. I even doubted myself. Baka hindi ko kayang maging ama. But when I finally saw her, I felt something na hindi ko kayang ipaliwanag. Iyon siguro ang tinatawag nilang lukso ng dugo. Ang alam ko lang, I want all the best for her. At hindi ko gustong masaktan siya at madamay sa anumang gulo sa pagitan namin ng kanyang ina.”
“Where’s her mother?” nakuha niyang itanong.
“Ngayon? She has her own family abroad. Maliban sa sulat na kasama nang dalhin si China sa bahay ay wala nang komunikasyong nag-ugnay sa amin. At first I thought, simula iyon ng gulo. Na magde-demand ito ng kasal. But what she only wanted was freedom. Ang bumalik sa dating buhay niya na tila walang nangyari.”
“Alam ni China ang lahat ng iyan?”
“She does. She’s very smart. At kahit na wala siyang kinalakhang mother figure ay hindi iyon masyadong nakaapekto sa kanyang personalidad. My mother loves her. Kapag narito rin lang siya sa bansa ay pinipilit niyang punan kay China ang pagmamahal na kulang dito.”
“Hindi ba siya ang dahilan kung kaya hindi ka pa nag-aasawa?”
“Maybe yes, maybe no. Sa parte ni China, walang problema. All she wants was a mother na mamahalin din siya. I don’t know if that kind of woman exists nowadays. Ang mga naging girlfriends ko ay ako lang ang kayang tanggapin, hindi kasali ang anak ko. Kaya hindi na ako nagtataka kung kahit sa iyo ay nasasabi ni China ang disgusto niya kay Rowie.”
“What if you find a woman who’s very irresistible na hindi mo kayang i-give up?” Natagpuan niya ang sariling nagtatanong ng bagay na para ring ipinatungkol niya sa sarili. Somehow, they were on the same boat. Ganoon din ang stand niya pagdating sa kapakanan ni Mickey.
“It’s mind over heart, Sienna. `Di baleng ako ang masaktan kaysa ang anak ko. To me, falling in love is just a state of the mind. Hindi na ako tatalaban niyon.”
Tumango siya bilang pagsang-ayon. Kung may isang bagay kung saan sila nagkakapareho ni Matthew, iyon ay sa katwirang kaya nilang isakripisyo ang sariling kaligayahan para sa mga anak.
Bumunot siya ng paghinga. Siguro ay tama lang na banggitin niya kay Matthew ang tungkol kay Mickey. Hindi niya iyon binabanggit dahil hindi naman niya iniisip na importante iyon. Anyo siyang magbubuka ng labi nang may magbigay ng warning knock.
“Come in,” ani Matthew.
“Daddy, iniwan ninyo akong mag-isa roon.” Pinagsalit nito ang tingin sa kanilang dalawa.
“We’re working, China. Or have you forgotten?”
“Excuse me,” sabad naman niya. “Babalik na ako sa mesa ko.” Nagdesisyon siyang ipagpaliban na lang ang pagbanggit kay Matthew ng tungkol kay Mickey.