Ikawalong Kabanata
Mag-a-alas siyete na nang gabi ng makauwi si Krisler sa kanilang bahay. Nanatili pa siya roon ng ilang oras dahil tinulungan niya si Roselle sa kanyang portfolio at nakipaglaro pa nang DOTA ang nakatatanda nitong kapatid. Pagod siya sa mga ginawa niya ngayong araw sa kanilang paaralan pero masaya pa rin siya na kahit papaano ay nakapaglaan pa siya ng kaunting oras para sa kanila.
Papunta na siya sa kanilang kuwarto ng tawagin siya ng kanyang ina na galing kusina. “Bakit ngayon ka lang? Kanina pa nag-uwian ang iba ah?” tanong nito.
“May dinaanan lang po, Ma. Taga-rito lang din ‘yong kaibigan kong ‘yon sa barangay natin.”
“Ganoon ba? Gusto mo na ba kumain? May natira akong paninda, initin nalang natin para makapaghapunan na tayo.”
Napangiti bigla si Krisler na siyang ipinagtaka ng kanyang ina. Naglakad ito palapit sa kanya at inilapag muna ang bag nito sa bangko. “Ma, hindi ka ba nangangailangan ng tutulong sa ‘yo sa karinderya mo?”
“Bakit mo naman naitanong, anak?”
“May kilala kasi akong naghahanap ng extra, Ma. Nanay ng kaibigan ko. Baka puwede naman siya diyan sa karinderya mo, Ma. Hirap na rin kasi sila, eh.”
Napatango naman ang kanyang ina. “Ganoon ba? Kakailanganin ko pa siguro ng isa pang tatao sa karinderya para may katulong kami ni Sally. Lalo na ka kapag tanghali, ang daming kumakain.”
“Talaga, Ma? Maraming salamat po,” yumakap saglit si Krisler sa kanyang ina pero kumalas din kaagad. “Malaking tulong na po sa kanila ‘yon.”
“Masaya akong makatulong kung ganoon. Pero anak, hindi ganoon kalaki ang arawan dahil hindi naman ganoon kalaki ang karinderya natin. Libreng pagkain lang ang maiaalok kong pandagdag.”
“Bukas, Ma puwede na ba siya magsimula?”
“Oo naman. Kung kailangan niya talaga ng extra, pumunta nalang siya bukas ng umaga sa karinderya natin at doon niya kami hintayin ni Sally.”
“Sige po, Ma. Magbibihis lang po ako tapos sasabihin ko na po sa kanila ng personal. Bibilisan ko lang po para makabalik kaagad ako at makapaghapunan na tayong lahat.”
Nagmadaling nagtungo kaagad si Krisler papunta sa kanilang kuwarto upang makapagpalit ng pambahay. Kinuha nalang niya ang kahit anong maaabot niya at dali-dali itong sinuot. Nagmamadali siyang lumabas ng kanilang bahay at hiniram ang bisikleta ng kanyang ina upang makaalis.
Dali-dali siyang nagmaneho papunta sa bahay nila Roselle upang ihatid ang magandang balita. Hindi na niya mahihintay pa ang bukas para ipaalam kay Roselle ang tungkol dito.
Ipinarada ni Krisler ang kanyang bisikleta sa harapan ng bahay nila Roselle at kumatok sa pintuan ng kanilang bahay. Hinintay niyang bumukas ang pinto. Ilang minuto na siyang kumakatok dito pero wala pa ring sumasagot. Dinungaw niya ang bintana sa may sala at pansin na nakapatay ang telebisyon at marahil abala ang mga tao sa bahay nila.
Kumatok pa siya ng ilang ulit at pagkaraan ng ilang minuto, narinig niyang may nagtatanggal ng pagkakakandado ng pinto at bumukas ito. Humarap sa kanya ang isang babae na kasing edad ng kanyang ina. May kahabaan ang buhok at nakasuot na ito nang bestida na pantulog.
“Magandang gabi po,” bati ni Krisler. “Gising pa po ba si Roselle?”
“Kaibigan ka ba niya?”
“Opo. Pasensya na po sa abala. Puwede ko po ba kayong makausap. Ikaw po at si Roselle.”
Ipinagtaka naman ng ina ni Roselle ang sinabi ni Krisler pero hindi na siya nagdalawang isip na puntahan na lamang ang kanyang sa kuwarto nito. Dinungaw ni Roselle sa bintana si Krisler at laging gulat nito na nandoon nga ito.
Humarap si Roselle at ang kanyang ina kay Krisler. “May naiwan ka ba Krisler?”
“Wala, wala. May sasabihin lang sana ako. Natatandaan mo ba ‘yong sinabi ko sa ‘yo na tutulungan kita?” tumango naman si Roselle sa katanungan niyang ‘yon. Ipinagtataka pa rin ng ina ni Roselle kung ano ang nangyayari at kung ano ang sinasabi nito. “Nangangailangan kasi si Mama ng katulong niya sa karinderya namin. Sinabi ko na may kakilala akong puwede. At sinabi ko nga ‘yong Mama mo. Kung okay lang po sa inyo.”
Lumaki ang ngiti ni Roselle at kapansin-pansin ang kasiyahang nararamdaman nito. Nilingon nito ang kanyang ina na hindi makapaniwala sa sinasabi ni Krisler. “Narinig mo ba ‘’yon, Ma? May trabaho ka na!”
Pinunasan nito ang luha na dumaloy sa mga mata nito at tinapik ang balikat ni Krisler. “Maraming salamat sa tulong mo, hijo. Hindi mo alam kung gaano kalaking tulong na sa amin ‘yan.”
“Ayon nga lang po, tita, Hindi po ganoon kataas ang arawan kasi hindi naman po ganoon kalaki ang karinderya namin at may isa pang katulong si Mama. Ang sigurado niya lang po is may libreng pagkain po araw-araw. Kapag hindi naubos ang paninda sa gabi, puwede niyo pong iuwi para kainin dito sa bahay niyo.”
“Hindi na ako mag-iinarte diyan, hijo. Mahirap kumita sa paextra extra na paglalaba. Minsan, wala pa. Atleast kahit papaano, may sigurado akong kikitain araw-araw. Sigurado ring may makakain na kami sa hapunan,” hindi napigilan ng ina ni Roselle ang sayang nararamdaman nito at biglang niyakap si Krisler. “Hindi ko akalain na may ganitong kabait at kaguwapong kaibigan si Roselle. Maraming salamat, hijo.”
Hindi na rin napigilan ni Krisler na napangiti at tugunin ang yakap ng ina ni Roselle. Sinulyapan nito si Roselle at bakas pa rin sa mukha ng dalaga ang kasiyahan. Bumulong ito ng kanyang pasasalamat at tumango nalang si Krisler bilang tugon.
Kumalas na sa pagkakayakap ang ina ni Krisler at hinarap ito. “Sabihin mo sa Mama mo hijo, makakaasa siya sa akin. Hindi ko siya bibiguin.”
“Makakarating po kay Mama. Pumunta nalang daw po kayo bukas ng maaga sa karinderya namin. Sa may New Orleans street po ‘yong karinderya na katabi ng bakery.”
“Maraming salamat talaga. Baka may pag-uusapan pa kayo ni Roselle mauuna na muna ako sa taas. I-lock mo nalang ulit ang pinto, Selle.”
Naglakad na palayo ang ina ni Roselle sa kanila. Nilingon ni Roselle ang kanyang ina at nang mapansin na wala na ito, dali-dali itong lumapit kay Krisler at niyakap ito na siyang ikinagulat ng binata. Biglang bumilis ang t***k ng puso nito napako siya sa kinatatayuan niya. Hindi niya alam kung paano niya tutugunin si Roselle. Sobrang hindi niya inaasahang gagawin ito ng dalaga sa kanya.
“Maraming salamat, Krisler. Sobra! Hindi ko inaasahan na mabilis lang ang pagdating ng tulong na sinasabi mo. Sobrang na-appreciate ko ‘yon. Pati ‘yong personal mong pagpunta rito para ibalita sa ‘min ‘yon na imbes nagpapahinga ka na, talagang sinadya mo pa talaga kami. Maraming salamat at nakilala kita, Krisler.”
Namumula ang mukha ni Krisler at mabuting bagay na nakayakao ang dalaga sa kanya dahil hindi nito makikitang nagkakaganoon siya. Dahan-dahan nitong inilapat ang kanyang kamay sa likuran ng dalaga at niyakap ito. “Walang anuman, Roselle. Basta ikaw, handa akong tumulong sa ‘yo.”