VII.

1607 Words
Ikapitong Kabanata SALAMAT Natapos na ang programa as kanilang paaralan at pauwi na ngayon si Krisler sa kanilang bahay. Nakaramdam siya ng pagod sa maghapong pagtulong sa pag-oorganisa ng programa. Nagkaroon din ng maikling presentasyon ang kanilang baitang sa kanilang silid aralan para sa kanilang tagapatnubay. Inalayan din niya ito ng isang magandang awitin at nagbigay ng mensahe para rito. Patawid na nang kalsada si Krisler ng mapalingon ito sa kanyang likuran ng makarinig ito ng tumawag sa kanyang pangalan. Sa hindi kalayuan, natanaw niya si Roselle na tumatakbo palapit sa kanya at kumakaway. Tumabi muna si Krisler sa isang tabi at doon hinintay si Roselle. “Buti naabutan kita.” humahangos na sabi ng dalaga. “Ano mayroon?” tanong ni Krisler. Tumayo ng diretso si Roselle at inayos ang sarili. “Wala naman. Gusto ko lang sumabay pauwi. Kung okay lang naman sa ‘yo.” Ngumiti naman si Krisler. “Oo naman. Tara na.” Magkasabay silang tumawid sa tawiran at maglakad pauwi. Masayang nagkukuwentuhan ang dalawa tungkol sa mga nangyari sa kanila sa araw na ito. Parehas silang naging abala sa kanilang mga tungkulin at hindi nagawang makapag-usap sa kanilang paaralan. Labis ang pagod na nararamdaman ng dalawa pero sulit naman daw dahil nagawa nila ng maayos ang mga dapat nilang gawin. Dumating na sila sa huling kanto bago marating ang bahay nila Roselle. Huminto sa paglalakad ang binata at inayos ang pagkakakarga nito ng kanyang gitara. “Dito na ako. Kita nalang tayo bukas sa school.” “Nagugutom ka ba, Krisler?” biglang tanong ni Roselle. Napahawak sa kanyang tiyan si Krisler at natawa ng bahagya. “Medyo. Pero malapit naman na sa bahay makakakain na ako ng marami.” “Tara sa bahay!” Hinila ni Roselle ang braso ni Krisler na siyang kinagulat nito. Sinubukan niyang magpumiglas sa pagkakahila pero ayaw siya bitawan ni Roselle. Nahihiya siyang sumama sa dalaga at nais ng makauwi na lamang at doon nalang kumain pero tila walang naririnig ang dalaga sa mga sinasabi nito at patuloy lang sa paghila sa kanya. Nakarating na sila sa bahay nila Roselle at wala nang nagawa ang binata. Inayos nalang nito ang sarili at humakbang na papasok ng bahay. Nilibot nito ang paningin niya at napansin na maaliwalas at malinis ang tahanan ng dalaga. Nakabukas ang telebisyon at bentilador sa sala kaya alam sigurado siyang may nanunuod doon. Nagtungo muna si Roselle sa isang silid kaya naiwan si Krisler sa may pintuan ng bahay. Nagdadalawang isip siya kung hihintayin ba niyang makabalik si Roselle o mananatili siyang nakatayo lamang sa pintuan. Nakaramdam siya bigla ng kaba dahil hindi niya inaasahang dadalhin siya ni Roselle rito. Ilang saglit lang ay lumabas mula sa kusina ang isang lalaki na may katangkaran at may dalang plato at isang malaking baso ng juice. Nanlaki ang mga mata ni Krisler ng mapagtanto niyang ito ‘yong lalaki nakaraan sa computer shop na sumulsol sa kanya na i-add na raw si Roselle sa f*******:. Napansin na rin ng binata ang presensya ni Krisler at napangiti ito ng makita niya ito. “Anong ginagawa mo diyan? Halika ka rito at maupo ka. Mangangalay ka lang diyan.” Hindi na nag-atubili pa si Krisler at naupo sa bakanteng upuan sa sala. Inilapag niya ang kanyang gitara at nilibot ang paningin nito. “Parang nakaraan lang, pinipilit pa kitang i-add si Roselle, ngayon, nandito ka na sa bahay namin. Ang bilis naman.” “Hindi mo sinabing kapatid mo pala si Roselle.” Natawa ng bahagya ang kapatid ni Roselle sa sinabi ni Krisler. “Kung sinabi kong kaipatid ko siya, malamang hindi mo siya i-a-add. Walang napapala ang pagiging torpe, boy. Nililigawan mo ba siya?” Napailing naman si Krisler. “Hind. Hindi! Sinama niya lang ako rito.” Napatango nalang ang kapatid ni Roselle at kinuha ang platong nilapag niya sa maliit na mesang nasa harapan niya. “Ganoon ba. Kakaiba. First time magdala ni Roselle ng bisita rito sa bahay, eh.” Nagkibit balikat na lamang si Krisler at itinuon na lamang ang atensyon sa telebisyon. Pakiramdam ni Krisler ay umiinit ang kanyang mga pisngi kaya iniiwasan niyang magtagpo ang mga mata nila ng kapatid ni Roselle. Hindi nito alam kung ano ang maiisip nito kapag nakita nitong nasa ganoong sitwasyon si Krisler. Nagsimula na lang din kumain ang kapatid ni Roselle habang nanunuod. Ilang saglit lang ay lumabas na nang silid si Roselle at nakabihis na ito ng tipikal na pambahay.May kalakihan ang damit na suot nito at maikli ang shorts na siyang halos matakpan ng kanyang damit. Itinatali ni Roselle ang kanyang buhok habang naglalakad palapit sa kanila. Hindi napigilan ni Krisler ang titigan ang dalaga. Tila bumagal ang takbo ng oras at wala siyang ibang nakikita kung hindi lamang siya. Parang ‘yong mga nangyayari sa mga teleserye at sa mga napapanuod niya sa mga pelikula. Parang may mga pau-paro sa kanyang tiyan. Hindi niya maintindihan kung ano ang kanyang nararamdaman. “Baka pumasok ‘yong langaw,” napabalik sa kanyang ulirat si Krisler sa biglang pagsabat ng kapatid ni Roselle. Natauhan siya sa kanyang ginagawa kaya napaupo nalang siya ng diretso . “Pakainin mo na ‘tong jowa mo, Selle. May kanin at ulam pa sa kusina.” “Para kang sira! Nasaan si Mama?” tanong ni Roselle. “Bumili lang ng meryenda pero pauwi na rin ‘yon. Dumaan pa ata ‘yon sa kakilala niyang nag-aalok ng Avon.” “Sa kusina muna kami, Kuya.” Niyaya na ni Roselle si Krisler patungo sa kusina. Nagpaalam na si Krisler sa kapatid ni Roselle at sumunod na sa dalaga papunta sa kusina. Pinaupo ni Roselle si Krisler sa isang bakanteng upuan at pinaghintay doon habang naghahanda si Roselle ng kakainin nila. “Pasensya ka na. ‘Yan nalang pala ang natirang ulam.” saad ni Roselle. Inilapag nito ang isang maliit na mangkok na naglalaman ng ginataang tilapia at isang maliit na mangkok na may lamang kaunting liempo. “Okay lang ‘no. Salamat.” Naupo na si Roselle sa tabi ni Krisler at nagsandok na nang kanin. “In fairness, ah. Ginalingan mo kanina.” “Salamat. Kailangan, eh. Sayang ‘yong plus two points direct to the card na ibibigay ng adviser namin.” “May suhol naman pala. Gusto mo ba makita mga kuha ko sa ‘yo kanina? Mayroon din akong video.” Nilabas ni Roselle ang kanyang cellphone at nagtungo sa gallery upang hanapin ang bidyo niya ng pagkanta ni Krisler kanina. “The best talaga ‘to. Hindi ko in-e-expect na pagbibigyan mo ko sa request ko. Feeling ko, ang lakas ko na sa ‘yo.” Natatawang sabi ni Roselle. “Malakas ka naman talaga sa ‘kin,” ani Krisler. Napatingin si Roselle sa kanya at natatawa sa sinabi ng binata. “Ang ibig kong sabihin, kung may gusto ka lang na kanta, basta free ako, sige kantahin natin.” “Pangarap mo bang maging sikat na singer, Krisler?” biglang tanong ni Roselle sabay subo sa kinakain niya. “Napatango naman si Krisler. “P’wede. Kung mabibigyan ako ng opportunity para makilala sa pagkanta ko, bakit naman hindi. Pero kung hindi papalarin, pangarap kong maging architect. Gusto kong magpatayo ng sarili naming bahay. Para na rin kay Mama.” “Hindi malabong mangyari ‘yan, Krisler. May future ka sa pagkanta. Ang ganda kaya ng boses mo! For sure, magiging sikat ka kapag ganoon. Maraming kukuha sa ‘yong endorser, marami ring magbu-book sa ‘yo sa mga gig. Baka nga isang araw, mapanuod na kita sa TV, eh.” “Tiwalang-tiwala ka sa akin, ‘no? Maraming salamat.” “Sa totoo lang tayo, Krisler. I swear, may future ka. Huwag mo akong kakalimutan kapag nangyari ‘yon, ah.” Napailing nalang si Krisler habang kumakain. Uminom siya ng tubig at ibinaba ang basong hawak niya. “Ikaw ba, Roselle? Ano bang pangarap mo?” Ibinaba ni Roselle ang kutsarang hawak niya at isinandal ang likuran sa upuan. “Sa totoo lang, hindi ko pa alam kung ano talaga ang gusto ko. I mean, may mga gusto ako pero hindi ko alam kung ano ang ipu-pursue ko sa kanila. Gusto kong maging sikat na photographer. Pangarap kong makapunta sa iba’t ibang bansa para kumuha ng litrato. Pangarap kong magkaroon ng sariling art exhibit. Gusto ko rin maging scientist pero parang ang hirap maabot no’n kaya okay na ako kahit maging Science teacher lang.” “Bakit hindi parehas mong kunin? Parehas ka namang may potential sa dalawa. Magaling ka ring makisalamuha sa mga tao. Walang duda, makakamit mo naman parehas.” “Ayan ang hindi ko sigurado, Krisler,” tumayo muna sa kanyang kinauupuan si Roselle upang maglagay muli ng kanin sa mangkok na dala niya. Matapos no’n, bumalik na siya sa upuan niya at inilapag ang mangkok. “Mahirap ang buhay namin, Krisler. Hindi namin sigurado kung kaya ni Mama itaguyod ang pag-aaral ko. Nakakulong ang Papa ko dahil nasangkot siya sa illegal na droga. Si Kuya naman, matumal din sa trabaho dahil on call lang ang pagiging waiter niya. Si Mama, pasideline sideline lang sa kung kani-kanino. Nahihiya na nga ako sa kanila, eh. Gusto kong makatulong na sa kanila pero hindi ko alam kung paano. Walang tatanggap sa second year high school lang. Gusto kong makatulong dito sa bahay lalo na sa pinansyal na aspeto.” “Gusto mo tulungan kitang maghanap ng raket?” alok ni Krisler. Napalingon si Roselle kay Krisler at napangiti. “Talaga ba, Krisler? Tutulungan mo ako?” Tumango naman si Krisler. “Oo naman. Magtulungan tayong dalawa. Maging ako man, gusto ko rin makatulong sa pamilya ko. Kapag may nakita akong pupuwede tayong dalawa, pupuntahan kaagad kita rito.” “Maraming salamat talaga Krisler! Mabuti nalang at nakilala kita. Wala kasi ako masyadong kaibigan dito sa atin. Ngayon, alam kong kahit isa, may mapagkakatiwalaan ako. Maraming salamat talaga.” Tumango nalang si Krisler at napangiti. Itinuloy na nila ang kanilang pagkain. Masaya si Krisler na kahit papaano, makakatulong siya kay Roselle. Masaya siyang nakikita lang si Roselle na nakangiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD