VI.

1844 Words
Ika-anim na Kabanata HILING Ilang minuto nalang bago magsimula ang programa at halos mapuno na ang covered court ng mga estudyanteng sabik rin makapanuod ng magandang pagtatanghal. Maingay ang buong kapaligiran at hindi magkamayaw ang mga estudyante sa paghahanap ng magandang puwesto na pwede nila pagnuoran. Naging mas abala ang lahat. Ang ilang mga guro sa bawat departamento ay naging abala rin sa paghahanda rin sa maikling pagtatanghal nila. Ang supreme school government din ay abala sa pagpapanatili ng kaayusan ng mga estudyante, katuwang nila rito ang mga school marshals at C.A.T. officers. Nasa kantina ng kanilang paaralan sila Krisler at kumakain ng kaunti bago magtungo sa likod ng entablado para maghanda. Ikatlo siya sa magtatanghal at bigla siyang kinabahan do’n. “Ngayon ka pa kinabahan, eh kanila lang, may hinaharana ka sa Glee Club.” Ani John. “’Yon ata ‘yong student teacher nila, eh. Hindi mo sinabi na member pala ng journalism club ‘yon. Baka mamaya niyan, puro picture mo na laman ng f*******: page ng club.” panunukso ni Aldrin. Lumagok si Krisler ng buko juice na iniinom niya at hinarap ang nasabing kaibigan. “Gago! Ano bang pinagsasabi niyo? Napadaan lang siya sa Glee Club kasi kumukuha siya ng mga picture para sa newspaper ng school. Masyado kayong malisyoso.” “Defensive masyado. Napadaan ba ‘yong hinaharana mo siya? Kitang-kita namin na tutok na tutok siya sa ‘yo habang nagpapatugtog ka ng gitara at kumakanta.” “Wala lang ‘yon. Nag-request lang kasi siya ng kanta bago siya umalis. Ayon lang ‘yon. Huwag niyo nang bigyan ng iba pang kahulugan ‘yon.” “May ni-request din ba siyang kantahin mo mamaya?” tanong ni Aldrin sa kanya. Natahimik si Krisler sa tanong ng kaibigan. Hinintay nito ang pagsagot ni Krisler pero natagalan nito sa pagtugon. Hindi na hinintay ng mga kaibigan niya ang sagot niya at inakbayan ito. “Iba naman pala ang tama ng kaibigan natin kay ate. Isang request lang, pagbibigyan na kaagad. Sana all!” panunukso ni John sa kanya. Hinawi nito ang mga brasong nakaakbay sa kanya at binatukan ang bawat isa sa kanila. “Gago! May nakahanda na akong kakantahin at pinractice ko na sa bahay ‘yon. Bakit ko babaguhin ‘yon?” “Ulol! Lumalambot na ata talaga ang puso nitong kaibigan natin. May nagpapatibok na ata ng puso, eh.” Hindi nalang pinansin ni Krisler ang mga pinagsasavi ng mga kaibigan at itinuon nalang ang atensyon sa pagkain. Gusto niyang ipunin ang lakas niya para s pagkanta niya mamaya at ayaw niya itong sayangin sa pakikipagtalo lang sa mga ito. Nanatili lang ang magkakaibigan sa kantina hanggang sa tinawag na sa entablado ang magtatanghal bago si Krisler. Hinatid na nang mga kaibigan niya si Krisler at sinamahan itong maghintay doon. Naghalong kaba at pagkasabik na ang nararamdaman ngayon ni Krisler pero panatag siyang magagawa niya ito ng maayos. Handa na ang kantang aawitin niya para sa mga guro at ang isang kanta na inilaan niya para sa isang espesyal na tao. Umiikot sa covered court si Roselle at ang ilan sa mga kasamahan niya sa journalism club upang kumalap ng mga maaaring idagdag nila sa kaninang pahayagan. Nagsasagawa ng interview ang ilan sa kanila habang siya naman ay kinukuhaan ito ng litrato. Sinisiguro niyang madodokumento niya ang lahat ng ‘yon at ang mga mangyayari sa araw na ‘yon. “Okay lang ba na pumunta muna ako sa gitna? Para ma-picture-an ko ‘yong mga nasa stage?” pagpapaalam ni Roselle sa isa nitong kasamahan. “Oo naman, be. Kaya na namin ‘to at saka, may dala namang cellphone si Andrea.” saad nito. Ngumiti si Roselle bilang tugon at umalis na sa tabi ng mga kasama. Naglakad na siya patungo sa gitna nang covered court dala ang tripod na nakasabit sa balikat niya. Saktong pagdating niya roon, tapos na magtalumpati ang isa sa mga bisita ng kanilang paaralan at dadako na sa susunod na magtatanghal. Sinigurado ni Roselle na nasa maayos na kondisyon ang lahat ng gamit niya at hindi magkakaroon ng aberya. Puno ang battery ng kanyang camera, may sapat na kapasidad pa ang memory card nito upang kumuha ng magagandang litrato at maayos din ang pagkakatayo niya ng kanyang tripod. Nagpatango-tango naman si Roselle at alam niyang handa na siya. “Alam po naming abala kayo sa tungkulin niyo bilang division superintendent pero nagawa niyo pa rin po kaming paunlakan. Bigyan natin muli ng masigabong palakpakan si Ginang Joni Mariveles,” binigyan ng malakas na palakpakan ang kanilang bisita na may kasamang kaunting hiyawan. Sumenyas naman ang host ng programa para huminto na ang mga mag-aaral sa pagpalakpak na siya namang sinunod ng mga ito. “Maraming salamat po ulit sa pagdalao, Ginang Mariveles. Ngayon, dadako naman tayo sa susunod na presentasyon. Upang handugan tayo ng ilang awitin. Bigyan natin ng masigabong palakpakan ang isang mag-aaral mula sa II-Guyabano at miyembro ng Glee Club, Krisler!” Umalis ng entablado ang host at nagsimulang magpalakpakan ang mga mag-aaral. Dahan-dahang naglakad si Krisler papunta sa entablado dala ang kanyang gitara. Ipinihit niya nang bahagya ang kuwerdas nito at tinapik ang mikropono. “Magandang araw sa inyong lahat. Ang una kong kanta ay inaalay ko para sa mga masisipag at mababait nating mga guro. Kung hindi dahil sa pagsusumikap nila at sa pagtitiyaga kahit sobrang mga pasaway na estudyante tayo, hindi natin masisiguro ang future nila. Para sa mga minamahal naming teachers, maraming salamat po sa paggabay at mabuhay po kayo. Happy Teacher’s Day po. Para sa inyo po ang una kong kanta.” Lumayo ng kaunti si Krisler sa mikropono at hinanda ang sarili sa pagkanta. Huminga ito ng malalim at sinimulang patugtugin ang kanyang gitara. Hindi pamilyar ang karamihan sa napiling kanta ni Krisler pero ang ilan sa mga guro na nasa harapan ng entablado at nakaupo, napapangiti at pasimpleng pumapalakpak sa pagkanta ni Krisler. Kinakanta ni Krisler ang bersyon niya ng In Your Hands ni Ronno. Hindi pinalampas ni Roselle ang pagkakataong iyon para kuhaan ng ilang litrato ang kanilang mga guro. Masaya siyang makita na ganoon ang reaksyon nila sa pagkanta ni Krisler. Katulad niya, may ganoong epekto rin sa ibang tao ang pagkanta ni Krisler. Natapos ang unang kanta ni Krisler at umani ito nang masigabong palakpakan lalo na sa kanilang mga guro. Maging siya, pinalakpakan din ang ginawang pagkanta ni Krisler. Nakita naman ni Krisler ang ginawang ‘yon ni Roselle kaya napangiti ito at napatango. Muling kinuha nito ang kanyang mikropono. “Maraming salamat at sana nagustuhan niyo ang una kong kanta. Itong pangalawang kanta ko naman ay para naman sa lahat. Uso ‘tong kantang ‘to ngayon kaya naisip ko na kantahin na rin ito dahil panigurado, magiging hype kayong lahat. Sabayan niyo ako kung alam niyo ang lyrics.” Iniwan ni Krisler ang mic stand at dinala ang mikropono papunta sa harapan ng entablado. Plano nitong sabayan ang hinanda niyang musika at sa hudyat niya sa nag-aasikaso ng sound system, ipinatugtog niya ito. Unang tono pa lang, alam na ng mga mag-aaral kung ano ang balak kantahin ni Krisler kaya hindi magkamayaw ang paghiyaw nila lalo na ang mga babae niyang kamag-aral. Kasabay sa tugtog ang pagkanta niya ng What Makes You Beautiful ng One Direction. Sinasabayan ng mga mag-aaral ang pagkanta ni Krisler na siyang kinagiliwan din ng kanilang mga guro. Hindi naman pinalampas ni Roselle ang pagkakataon na kuhaan ng bidyo ang kaganapan. Mukhang ang mga estudyante ay nabuhayan ng dugo ng marinig pa lamang ang panimula ng kanta. Matapos ang ilang sandali na pagkuha niya ng bidyo, ibinalik niya ang atensyon ng camera niya kay Krisler na nakatayo sa gitna ng entablado, nakaharap sa kanya. “Baby, you light up my world like nobody else,” Napako sa kinatatayuan niya si Roselle. Hindi nito mawari kung para sa kanya ba ang liriko ng kantang ‘yon o nagkataon lang na nakatingin sa kanya si Krisler habang kinakanta ‘yon. Hindi nito matukoy kung ano ang nararamdaman niya. Pakiramdam niya, para sa kanya ang bahagi ng kantang ‘yon at ang mga titig ni Krisler sa kanya habang kinakanta ‘yon, parang nanaas ang mga balahibo niya at may kakaibang kaba siyang naramdaman. Hindi ‘yong kaba na nakakatakot, kung hindi ‘yong kaba na tila naguguluhan siya. Matapos ang kanta, bumalik na si Krisler sa kinaroroonan ng mic stand at ibinalik doon ang mikropono. Inayos niya muli ang kanyang ginatara at muling hinarap ang kanyang manunuod. “Itong huling kanta ko ay special request sa ‘kin ng isang tao. Kilala mo na kung sino ka. Maraming salamat dahil ikaw lang ang nakilala kong talagang nag-e-enjoy sa bawat pagkanta ko. Ikaw lang ‘yong nakilala kong hindi nagsasawa pakinggan ang pagkanta. Sa sandaling panahong nagkakilala tayo, ramdam ko ang suporta mo sa larangang ito na tinatahak ko. Sana, maging matagal pa ang pagsasama natin at maraming salamat. Para sa ‘yo ‘tong kantang ‘to.” Naghiyawan naman ang mga mag-aaral as paligid nila na tila kinikilig sa mga nabanggit ni Krisler. Tuluyan ng napako si Roselle sa kinatatayuan niya at iniisip kung ano ba ang mga nasabi ni Krisler. Hindi siya tanga para hindi maramdaman na para sa kanya ang mensaheng iyon ni Krisler. Sinimulang patugtugin ni Krisler ang kanyang gitara at diretso ang tingin. Pahapyaw niyang sinusulyapan si Roselle pero hindi niya ito pinahahalata. Dahil ang totoo, para sa kanya ang kantang ito. Ito ang ni-request ni Roselle na kantahin niya dahil paboritong kanta niya raw ito. Pabiro lang ang pagkakasabi ni Roselle no’n pero tinotoo niya. Hindi ito ang orihinal na plano niyang kakantahin pero sa huling minuto bago ang pagtatanghal niya, naisipan niyang palitan ito at pagbigyan ang hiling ng dalaga. “Minsan, hindi ko maiwasang isipin ka,” Hiling ang nais ni Roselle na kantahin ni Krisler sa kanyang pagtatanghal. Wala siyang ibang pinatutungkulan ng kantang ito, ito lamang ay isa sa pinakapaborito niyang kanta ng paborito niya ring banda, ang Silent Sanctuary. Hindi niya inaasahang pagbibigyan ni Krisler ang kahilingan niyang ‘yon. Matagal ng pangarap ni Roselle ang mapakinggan ng harap-harapan ang kantang iyon at hindi lang sa music player ng kanyang telepono. At ngayong pinaunlakan ni Krisler ang kahilingan niya, labis ang kasiyahang nararamdaman niya. Nilabas nito ang kanyang telepono at inabot ito sa katabing estudyante. Pinakisuyuan niya itong i-record ang buong kanta na siyang tinanggap naman nito. Itinuon niya ang atensyon niya sa camera niya upang makuhaan ng magagandang larawan si Krisler. Sinigurado niyang maganda ang mga makukuha niyang litrato at baka sakaling makapili rin si Krisler ng puwede niyang gamitin sa kanyang f*******: account. ”At hihiling sa mga bituin na minsan pa sana ako’y iyong mahalin. Hihiling, kahit dumilim ang aking daan na tatahakin. Patungo... sa ‘yo.” Doon na natapos ang pagkanta ni Krisler at binigyan siya ng masigabong palakpakan ng mga mag-aaral. Naging masaya ang ito sa handog nitong awitin para sa programa. Nanumbalik ang sigla ng ilan sa mga estudyante dahil sa pagkanta niya. Pero sa lahat ng nakapakinig ng kanyang mga awitin, si Roselle pa rin ang pinakanatuwa at paulit-ulit na mahuhumaling sa pag-awit niya, bagay na hindi niya maipaliwanag at maitanggi sa sarili niya. Bagay na hinding-hindi niya rin aayawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD