Ikalimang Kabanata
YOU ARE THE MUSIC IN ME
Mag-a-alas singko ng umaga nang gisingin si Krisler ng kanyang ina. Bilin niya ito sa kanyang ina dahil kailangan niyang pumasok ng maaga para ihanda at ayusin ang mga gagamitin niya sa pagtatanghal sa kanilang paaralan. Bumangon na kaagad ito ng kanyang higaan at kaagad nagtungo sa banyo upang maghilamos at magmumog. Tinignan nito ang repleksyon ng kanyang sarili sa salamin at napangiti na lamang. Mahimbing ang naging tulog niya at lagpas pa sa walong oras ito. May sapat na lakas siya para gawin ang lahat ng kailangan niyang gawin.
Bumaba na ito ng kanilang kuwarto at nagtungo sa kanilang kusina kung saan nakahain na ang mga niluto ng kanyang ina para sa almusal ng pamilya. Pababa pa lamang siya ng hagdanan ay naaamoy na niya ang mga ito; ang nilutong sinangag na may hotdog, ang pritong itlog, ang ininit na ulam nila kagabi, ilang pandesal at ang mainit na kape. Maganang-magana ang binata sa pagkain habang ang kanyang ina ay abala pa rin sa paghahanda ng mga rekado para sa mga ititinda nilang putahe sa kanilang maliit na karinderya. Niyaya ito ni Krisler na sabayan siya sa pagkain pero pinauna na lamang nito ang binata at itinuloy ang paghihiwa ng mga sangkap.
Matapos kumain ni Krisler, nagtungo na kaagad siya ng banyo upang makaligo. Nagpakanta-kanta pa siya habang naliligo. Sinasanay niya ‘yong kanta na kakantahin niya mamaya at maganda naman ang kinalabasan. Nasa kundisyon ang katawan at boses niya kaya panatag siyang makakapagtanghal siya ng maayos.
Matapos makapaghanda at makapag-ayos, nagpaalam na ito sa kanyang ina upang magtungo sa paaralan. Suot ang headset, pinatugtog niya ang mga paborito niyang musika habang naglalakad papasok sa kanyang paaralan. Magiliw niyang binabati ang mga nakakasalubong niya. Ramdam ni Krisler ang pagkasabik at ang kaunting kaba para sa pagtatanghal niya mamaya. Maraming estudyante ang manunuod sa kanya, kabilang na rin dito ang kanilang mga guro kaya nakaramdam siya ng kaba. Ayaw niyang mabigo ang mga ito pero alam naman niya sa sarili niya na gagalingan niya at ibibigay niya ang lahat ng makakaya niya.
Kalahating oras ng makarating na si Krisler sa kanilang paaralan. Kaagad siyang nagtungo sa MAPEH Department para kunin ang mic stand at mga kable na ikakabit niya sa kanyang gitara. Wala pang masyadong estudyante ng makarating siya sa paaralan kaya medyo tahimik pa ang kapaligiran. Nagpatugtog siya ng kaunti at sinubukang kumanta nang kaunti. Maganda ang reception at maayos ang lahat ayon sa isang pinakisuyuan niyang sumuri. Hindi masakit sa pandinig ang tunog at tama lang ang lakas para marinig ng maramihang tao.Napangiti naman si Krisler dahil doon.
“Ano ba mga kakantahin mo mamaya, Krisler?” tanong ni Aldrin, isa sa mga kasamahan ni Krisler na nag-aayos ng entablado.
Ibinaba na muna niya ang hawak na kable at hinarap ito. “Secret. Basta mamaya mapapakinggan niyo naman ‘yon, eh.”
“Blooming ng kaibigan namin ngayon, huh? Maganda ba ang gising? Masarap ang tulog?” tanong naman ni John, isa rin sa mga kasamahan nila.
“Siyempre! May nagpapatibok na ata sa puso ng Pareng Krisler natin, eh. Malamang ‘yong kakantahin niyan mamaya, dedicated ‘yan sa the one ng Pareng Krisler natin. Nabalitaan niyo ba ‘yong student teacher daw nila? Close raw sila no’n, eh.” pang-aasar ni Aldrin sa kanya.
Binato ni Krisler ang masking tape kay Aldrin at napailing. “Gago. Issue kayo. Kapitbahay kasi namin ‘yon.”
“Ayon na nga, eh. Kapitbahay niyo eh, ‘di mas madalas kayong magkita at mag-usap no’n?” panggagatong ni John sa kaibigan.
“Alam niyo, tapusin nalang natin ‘to para makapagpahinga tayo tapos makakain ng kaunti. Mga sira ulo talaga kayo kahit kailan.”
Nagtawanan nalang ang magkakaibigan at itinuloy na pag-aayos ng entablado. Napapakamot nalang si Krisler ng kanyang ulo sa mga pinagsasabi ng kanyang mga kaibigan.
Naglilibot si Roselle sa buong paaralan nila dala ang kanyang camera upang kumuha ng mga litrato. Alas diyes pa nang umaga ang simula ng programa kaya habang naghihintay sa pagsisimula, nagklase muna ang ilang guro. Nilibot ni Roselle ang buong paaralan upang makuhaan ng litrato ang ilan sa mga magagandang senaryo na maaari niyang makita. May ilan na siyang nakuhaan kagaya ng pagbibigay ng surprisa ng isang klase sa kanilang tagapatnubay. Masaya siyang nakuhaan ang masayang kaganapan na ‘yon at umaasa pa siyang makakakita pa maraming ganoon.
Dahil espesyal na araw sa kanilang paaralan at bilang bahagi na rin ng journalism club, pinapayagang lumiban ng klase ang mga miyembrong kagaya ni Roselle para makatulong sa paghahanda. Bilang photographer ng club, ang maiaambag niya sa grupo ay makapaghatid ito ng magagandang mga larawan at maitampok ito sa susunod na issue ng kanilang diyaryo.
Tinungo naman ni Roselle ang Glee Club kung nasaan naghahanda ang mga kakanta para sa programa. Kinuhaan niya ng litrato ang bawat anggulo at bawat sulok ng silid. Ang ilan sa mga kasapi ay nagpakuha rin ng kanilang mga litrato na siya namang masayang pinaunlakan ng dalaga. Pinakita niya ang ilan sa mga kuha nito at aliw na aliw ang mga kapwa niya estudyante sa ganda ng mga kuha niya.
Nilibot pa ni Roselle ang buong silid at natanaw niya mula sa kinaroroonan niya si Krisler na nakaupo sa isang sulok, suot-suot ang headphones nito at nagpapatugtog ng kanyang gitara. Pasimple siyang naglakad palapit rito at palihim niya itong kinuhaan ng mga litrato. Tila hindi pa namamalayan ng binata ang presensya ni Roselle kaya patuloy lang ito sa pagkuha ng litrato. Nakapikit ang binata at taimtim na sinasabayan ang kanta sa kanyang headphones.
Minulat ni Krisler ang kanyang mga mata at laking gulat niya na nakaupo na sa harapan niya si Roselle, nakangiti at mukhang giliw na giliw na pinakikinggan siya.
“Ginulat mo naman ako. Kanina ka pa ba diyan?” tanong ng binata.
Tumango naman si Roselle. “Medyo. ‘Yan ba ang kakantahin mo mamaya?”
Napatango naman si Krisler. “Ito ‘yong isa. Mayroon pa akong dalawa.”
“P’wedeng mapakinggan ko muna?” tanong ni Roselle.
Nanlaki ang mga mata ni Krisler at napakamot ng kanyang ulo. “Ano kasi, surprise ‘yon. Mapapakinggan mo naman mamaya ‘yon, eh.”
“Wow! May pas-surprise. Para kanino ‘yon? Suwerte naman no’n.” nakangiting sabi ni Roselle.
Nag-aalangang ngumiti si Krisler at hindi nalang sinagot ang tanong ni Roselle. Pinalo naman ng mahina sa braso si Krisler kaya natawa nalang ito. Umayos muli ito ng pagkakaupo at inayos muli ang pagkakahawak sa kanyang gitara. Naisipan nitong handugan nalang ng ibang awitin si Roselle upang hindi na siya kulitin sa kung ano pa ang ibang kakantahin niya mamaya sa programa.
Wala namang nagawa si Roselle dahil kahit anong pilit niya, hindi niya mapasagot si Krisler. Masaya na itong napapakinggang kumanta ang binata. Musika talaga sa pandinig kung ituring ni Roselle ang tinig ni Krisler habang umaawit. Kahit anong kantahin nito, magugustuhan ito ng kahit sino. Walang duda dahil siya mismo, nahuhumaling sa magandang tinig ni Krisler. Kung p’wede niya lang araw-araw at ulit-ulitin ang pakikinig rito, gagawin niya.