FEROIAN PROLOGUE
Sa loob ng isang delivery room ay pawis na pawis ang isang doktora. Hirap siyang ilabas ang sanggol na nasa sinapupunan ng mafia queen. Sumisigaw na ang pasyente sa sobrang sakit at lahat ng mga pangalan ay nababanggit na ng matapang na babae dahil sa labis na paghihirap.
Caesarean operation ang suhestiyon sana ng doktora dahil suhi ang bata sa loob ng tiyan at nakapulupot rin ang umbilical cord nito sa kan'yang leeg ngunit labis iyong tinutulan ng mafia king. Ayaw niyang pasugatan ang kaniyang minamahal na asawa kaya walang pagpipilian ang magaling na doktora kun'di ang piliting mailabas ang prinsipe ng Haito Mafia Group nang ligtas sa pamamagitan ng normal delivery.
Subalit sadyang malupit ang tadhana para sa kawawang doktora dahil patay na ang sanggol nang lumabas ito. Halos pinagsakluban ng langit at lupa ang manggagamot pero kailangan niyang ipaalam iyon sa pinuno ng organisasyon.
"Boss, patawad po. Patay na po ang sanggol ng iniluwal ng asawa mo. Ginawa ko po…"
"Buhayin mo ang anak ko dahil kung hindi ay kasama ka rin n'yang ililibing!" sigaw ni Miguel Rendon. Hinugot niya mula sa kan'yang baywang ang isang mataas na kalibre ng baril at itinutok ito sa babaeng obstetrician na nakayuko sa harapan niya.
"Patawarin mo po ako, boss," umiiyak na sabi ng doktora.
"Bumalik ka sa loob at buhayin mo ang anak ko!" mas malakas na sigaw ni Miguel.
Bilang pinuno ng Haito Mafia Group ay hindi katanggap-tanggap sa galit na lalaki ang kamatayan ng kaniyang magiging tagapagmana. Kay tagal niyang hinintay ang sandali na magkaroon siya ng anak na balang araw ay magiging prinsipe ng kanilang organisasyon.
Nanginginig ang mga tuhod na napaluhod na lamang ang doktora at hinintay ang hatol sa kan'ya ng lider ng kanilang samahan. Ngunit sa isang iglap ay bilang umiyak ang sanggol na nasa loob ng delivery room.
Nagtakbuhan ang lahat papasok sa silid at doon ay nakita nila ang batang namumula at ayaw tumahan sa kaiiyak. Ang doktora na kanina lang ay nanlalambot ang tuhod ay napaurong at nakailang beses na nag-sign of the cross dahil sa hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakikita. Halos sampung minuto na kasi niyang sinubukan na buhayin ang bata bago siya lumabas at hinarap si Miguel Rendon.
"Asikasuhin mo ang anak ko!" utos ng lider ng isa sa pinakasikat na mafia group ng bansa.
"O-opo!" natatarantang sagot ng doktora.
Buong katawan niya ay nangangatal sa matinding takot. Hindi alam ng doktora kung anong himala ang nangyari ngunit dahil sa takot sa pinuno nila kaya hindi siya nagsalita.
"Kung sino mang nilalang ang sumapi sa katawang ito para mabuhay muli ang sanggol na ito, salamat. Iniligtas mo ako sa aking kamatayan," mga katagang naglalaro sa isip ng doktora habang pinaliliguan ang sanggol na walang tigil sa kaiiyak.
Samantala, sa ibang dako ng mundo ay tila tumigil ang mabilis na galaw ng mga nilalang na nagulat sa bilis ng mga pangyayari. Hindi man bakas ang emosyon sa mga mukha nilang nababalutan ng makapal na bakal ay dama ang lungkot sa biglang paglaho ng pinakamagaling nilang mandirigma.
Ang lahat ay nakatingin sa malaking monitor kung saan nakikita nila ang pag-iyak ng isang maliit na nilalang na may dalawang paa at kamay.
"Paalam, Yu," malungkot na sabi ni Soe. Siya ang pinuno ng mga Feroian. Hinawakan niya ang monitor sa tapat ng umiiyak na nilalang at saka itinapat ang kamay niyang may dalawang daliri sa kaniyang bakal na dibdib.
Bawat isa sa mga mukhang taong robot na nilalang ay pumila at ginaya ang ginawa ni Soe.
Ang tumawid mula sa Feroia papuntang Earth ay katumbas ng kamatayan sa mga Feroian. Sa kasaysayan ng Feroia ay walang sinumang nilalang na katulad nila ang nakabalik pa pagkatapos nitong makatawid sa mundo ng mga tao.
Naiwan si Soe na nakatingin lang sa malaking monitor. Pinanood niya ang pagbalot kay Yu ng isang puting bagay na hindi niya alam ang tawag. Pinagmasdan niya ang ginawa ng nilalang na nakahiga nang ilabas nito ang bahagi ng katawan at isinubo iyon kay Yu.
Nakabuo ng isang pasya si Soe. Hindi pa iyon nagagawa ng kahit sino man sa Feroia ngunit susubukan niya. Gamit ang makabagong mga teknolohiya sa Feroia ay maglalagay siya ng isang kagamitan sa katawang napasok ni Yu upang muli niya itong makausap.
Lumipat ng pwesto si Soe sa malaking makina at nagsimula na siyang gumawa ng program. Isa, dalawa, tatlo, at marami pang beses niyang sinubukan ngunit nabigo siya. Nagpatuloy si Soe sa kan'yang ginagawa kahit nawawalan na siya ng pag-asa. Ayaw niyang sukuan ang isang Feroian na naging magiting habang nasa mundo pa nila. Bilang pinuno ay nais ni Soe na kahit paano ay may magawa siya sa isang Feroian na inalay ang sarili para sa kaligtasan nila.
Hanggang sa natapos ni Soe ang isang program na pwede niyang ikonekta sa katawan ni Yu. Agad niyang inilunsad iyon at sa isang iglap ay nakita niyang kumikislap ang pulsuhan ng nilalang na umiiyak habang nasa mga braso ito ng isa pang nilalang.
"Hanggang sa muli nating paghaharap, magiting na bayani," sabi ni Soe bago niya iniwan ang malaking monitor at tumungo sa bahay niyang nakadikit sa mga kumikislap na bato.