AGAPITO
Kaagad akong nagtago sa damuhan nang makita ko na bumalik ang isang sasakyan na naghulog ng isang patay na tao. Akala ko ay hihinto sila pero tuloy-tuloy lamang ang mga ito sa pagpapatakbo ng sasakyan.
Lumabas na ako sa pinagtataguan ko nang hindi ko alam ang gagawin. What if, tawagan ko na lang kaya ang mga bakla para naman may kasama akong magdesisyon? gosh, kalerkey naman itong napasukan ko. Father rainbow Lord, nais ko lang namang umuwi ng matiwasay pero hindi ang umuwi nang may kunsumisyon sa buhay.
Kaya ay wala na akong nagawa kung hindi ay tawagan na rin ang aking mga kaibigan na diyosa rin kagaya ko, pero mas lamang lang ako sa kanilang dalawa ng isang kembot. Gosh, super duper kinakabahan na ako ng bonggang-bongga. Come on, Aga. Huwag kang mag-isip ng mga negang bagay. Isipin mo na lamang ang mga papabols na may malalaking tinapay at talong.
“Tama, iyon na lamang ang iisipin ko para hindi naman ako ma-stress ng bongga,” pagkumbinsi ko pa sa aking sarili.
Natawagan ko na ang mga kaibigan ko ngunit hindi pa rin sila dumarating hanggang ngayon. Habang tumatagal ay hindi na talaga mapakali ang p***y ko, para akong maiihi na ewan dahil sa kaba na nararamdaman ko.
At para mawaglit sa isipan ko ang kabang nararamdaman ko ay inisip ko na lamang ang mga future na asawa ko. Ilang beses pa akong nagbilang ng mga pandesal sa isip ko bago dumating ang mga kaibigan kong mga cheapangga. Yes, cheapangga na sila dahil ang bagal nilang kumilos, nakakagigil!
“Yawa ka bakla! Anong sinasabi mong may inihulog na bangkay rito?” hinihingal na saad ni Pechay o mas kilalang Adolpho. Ugh, ayoko talaga sa pet name niyang masiyadong mabantot para sa isang diyosa, pero nevermind, ganoon din naman ang akin, super bantot nga rin pala. Lahat naman kami ay mababantot at dugyot, kaya ay keber na lang, diyosa pa rin naman kami kahit na anong mangyari. Like duh?!
“Sa lahat ng nilalang sa mundong ito, talagang ikaw pa ang nakasaksi sa bagay na iyon? Baka hindi naman talaga tao ang inihulog nila at nag-freak out ka lang bakla, kagaya no’ng ginawa mo nang elementary tayo,” napapaikot ang mga mata na wika ni Ambrosio.
“True ka riyan sis,” mungkahi naman ni Adolpho sa kaibigan namin.
“Hindi ba dati, sabi mo ay hinalikan ni Kelvin si Castor, pero ‘yon naman pala ay hinipan lang nito ang mga mata ni Castor. Masiyado ka lang nagre-react sa mga bagay-bagay ng supervicious and bonggalerious.” May pakeneng pang nalalaman si Adolpho kaya sa inis ko ay binatukan ko ito ng bonggang-bongga rin.
“Tumahimik nga kayo kung ayaw n’yong kayo ay isako ko rin at itapon sa Ilog Pasig. Kayo na lamang ang humusga kapag nakita niyo na ang isang malaking bagay na nakasilid sa mahabang plastic bag,” gigil kong aniya sa kanila na kulang na lang ay maging isa akong diyosang dragon na handa ng bugahan sila ng cutie na apoy. Wew, hindi dapat ako na-i-stress ng ganito.
“Nasaan na ba kasi ang sinasabi mo?” tanong ni Pechay sa akin kung kaya ay kaagad kong itinuro ang itinapon na sako ng isang lalaki na siyang sakay ng isang van.
“Ohmai ng kagandahan ko! Is that a bangkay? Aray naman, makabatok talaga?!” may kalakasan nitong sabi, pinandilatan ko ito ng mga mata at sinabing hinaan ang boses.
“Anong gagawin natin mga beks? Tatawag na ba ako ng mga papabols na mga pulis, ‘yong kamukha ni Massimo Torricelli?” tanong ko sa kanila pero malakas lang na hampas ang natanggap ko mula kay Ambo.
“Para sabihin ko sa cheapangga mong bibig na walang kasing byola [guwapo] na sinasabi mong papabols na pulis dito sa Pilipinas, lahat dito ay malalaki ang tiyan at kadalasan sa mga otokong pulis ay mga panot pa!” gigil na singhal ni Ado na kulang na lang ay umusok na ang ilong nito.
“K, fine. I know naman kasi bakla. Ang concern ko lang naman is kung kailangan na ba nating magtawag ng mga pulis?” ulit na tanong ko pa sa mga ito.
“Malamang! Sino ba dapat ang kailangan na tumawag, kami ba o ikaw? Sino ba ang nakakita, ako ba, ako ba?!” Napaatras naman ako nang ilapit sa akin ni Adolpho ang mukha niya.
“Eww ka naman Adolpho, alam kong diyosa ako, pero huwag mo namang ipahalata na may gusto ka sa isang gaya kong umaapaw ang alindog sa katawan.” Umaktong nasusuka naman si Ado kaya ay tinaasan ko ito ng napakaganda kong kilay.
“Yuck! Super yucky ka naman bakla, talagang iniisip mo pa ‘yan? Eh kung iwan ka na lang kaya namin dito ni Ambo? Hindi ba, Ambo? Wait... nasaan si Ambo?”
Sabay na napatingin kami ni Ado kay Ambong na nasa sako na ng bangkay. A-At talagang binuksan niya pa talaga ito. Hindi ba siya natatakot sa puwedeng mangyari?
“Mga bakla! Confirm... na isang tao nga ito at patay na.” Napamaang ako dahil sa sinabi ni Ambong, kaagad naman kaming lumapit sa kinaroroonan nito at tiningnan kung totoo ba ang sinasabi nito sa amin.
At ganoon na lamang ang takot na nararamdaman ko nang makita na bangkay nga talaga ng tao ang laman ng sako.
“Hala! Paano kung bumalik ang mga taong may gawa niyan? Edi napahamak pa tayo, tara na umalis na lang tayo rito,” natatakot kong ani sa dalawa ngunit hindi man lang sila nagpatinag sa sinabi ko, at talagang sinuri pa nila ang katawan ng bangkay. Hindi naman nila hinawakan ang bangkay dahil gumagamit sila ng kahoy, at talagang may nakalagay pa na plastic sa kanang kamay ni Ambong. Para siguro hindi maghalo ang finger prints niya sa katawan ng bangkay. Aba, mautak din pala ang mga bakla.
“Hoy mga bakla, hayaan na lang natin ‘yan dito, ayoko pang mamatay.” Akmang hihilahin ko na sana paalis ang dalawa ngunit sabay ang mga itong tumayo ng tuwid pagkatapos ay humarap sila sa akin.
“Hindi ka ba naaawa sa biktima? Paano na lamang siya mabibigyan ng hustisiya kung tayo mismo na saksi ay hindi magbibigay ng information sa mga pulis?” Seryoso pa itong tumingin sa akin.
“Naaawa syempre... pero paano kung tayo naman ang mapahamak dahil dito?” Ayoko pang mamatay dahil marami pa akong pangarap sa buhay at mas lalong marami pa akong gustong gawin.
“Luh! Naduduwag ka na naman. Akala ko ba ay wala kang kahit na anong kinatatakutan?” nakangising tanong sa akin ni Ambo.
“Wala naman talaga akong kinatatakutan, sadyang umiiwas lang ako sa gulo,” pagtatanggol ko pa sa sarili ko.
Akmang magsasalita pa sana si Ambo ngunit hindi namin inaasahan ang biglaang paghinto ng van sa gilid namin. Ito na nga ba ang sinasabi ko eh. Lumabas mula roon ang tatlong kalalakihan na may mga takip ang mukha. Mabilis silang pumunta sa kinaroroonan namin at tinutukan kami ng baril ng nasa gitna sa kanila.
Hindi ko alam ang gagawin ko at talagang natuod na lang ako sa kinatatayuan ko. Napatingin naman ako sa dalawa na nakataas na ang dalawang kamay kaya ay dali-dali ko ring itinaas ang dalawang kamay ko. Sino ba naman ang hindi matatakot sa kanila kung ang lalaki ba naman ng katawan nila, sabayan pa na may mga hawak-hawak silang mga baril na ngayon ay nakatutok na sa aming tatlo.
Ano na lang ang laban ng mga diyosang kagaya namin? Mga lalaki sila, at isa lang naman kaming mahihinang mga babae sa katawan ng isang lalaki.
“M-Mga kuya... p-parang awa niyo na. Wala kaming pera tapos wala kayong makukuha sa amin,” nanginginig ang boses na sabi ni Adolpho. Nanghihina rin ang mga tuhod ko. Ito na ba ang katapusan naming tatlo? Ayoko pang mamatay, hindi ko pa nararanasan ang yumaman.
“Wala rin kaming nakita na may iniwan kayong hugis tao na ibinalot sa plastic, pramis wala!” Nanginginig pa ang boses ni Ambrosio. Kahit kalian, ang boggarts talaga ni Ambo, inilalagay niya lang kami sa kapahamakan.
Isang malakas na tawa ng mga armadong lalaki ang nagpakunot sa aming noo.
“It’s a prank!” malakas at sabay-sabay na sigaw ng mga ito.
“Waahh!” malakas kaming napasigaw na tatlo nang biglang bumangon ang lalaking nakabalot sa plastic.
“Kaway kayo sa camera, mga kuya,” natatawang saad ng isa. Tumalim ang tingin ko sa mga ito.
“Prank? Sa tingin niyo ba ay maayos na prank ang ginagawa ninyong ito? Halos mahimatay na kami dahil sa ginawa niyo, kamuntik na kaming tumawag ng pulis,” inis at galit kong sabi.
“Ang kj niyo naman, sikat kami sa lahat ng platform online kaya baka pasalamatan niyo pa kami kung kayo ay sumikat bukas,” mayabang na usal ng isa sa akin.
“Wala akong pakialam kung sikat pa kayo o sumikat pa kami—” hindi ko natapos ang sasabihin ko nang patahimikin ako ng dalawa.
“Tama na ‘yan, pagod na tayo ngayong araw, huwag mo ng dagdagan pa. Halika na umuwi na lang tayo.” Hindi pa sana ako papayag pero hinila na ako ng dalawa kong kaibigan. Mga buwiset na kabataan talaga at buwesit na mga prank na iyan.
Hanggang sa makauwi ako sa bahay ay hindi pa rin humuhupa ang pagka-imbyerna ko. Pagkauwi ko ay kaagad akong napasalampak sa higaan. Kaagad kong ipinikit ang mga mata ko. Sa pagpikit ng mga mata ko ay nakarinig ako ng huni ng mga ibon. May kalakasang pagaspas ng mga sanga ng puno at ang marahan na paghampas ng mga alon.
Sa pagmulat ko ng mga mata ay labis na pagkamangha ang naramdaman ko. Nasa isang paraiso ako. Sa pagtingala ko sa kalangitan ay nakita ko ang mga lumulutang na bato, mayroon ding lumilipad na mga malalaking ibon sa kalangitan.
“Sino ka,” tanong ng isang tinig. Nang tingnan ko kung sino ang nagsalita ay napakunot na lamang ang noo ko dahil malabo ang mukha nito.
“Hindi ka dapat naririto sa planetang ito, umalis ka na hangga’t hindi pa nila napapansin ang iyong presensiya.” Hindi ko alam kung ako ba ang kinakausap niya.
“Umalis ka na!” malakas nitong sigaw sabay tulak sa akin. Pakiramdam ko ay nahuhulog ako sa isang napakalalim na tubig, sa tingin ko ay hindi na ako makakaahon pa.