AGAPITO
Alas-tres pa lamang ng umaga ay kailangan ko nang gumising dahil pupunta pa ako sa palengke upang ayusin ang mga paninda kong gulay. Uminom lang ako ng kape at kumain ng tinapay para magkalaman ang tiyan ko. Hays, ang hirap maging mahirap.
Tuwing alas-otso naman ng umaga ay pumapasok ako sa isang maliit na hotel dahil isa akong manager doon. Hindi ko nga alam kung ba’t ako nakapasok sa pagiging manager, kahit na high school lang naman ang natapos ko. Pero mas ginigiit kasi talaga ni Ma’am Lydia na isa raw akong masipag na nilalang kaya niya ako inilagay sa pagiging manager, at laking pasasalamat ko naman iyon sa kaniya dahil lumaki kahit papaano ang sahod ko.
Dahan-dahan lang ang bawat galaw ko dahil ayokong magising sina Mama at Papa. Napabuntong ng hininga na lang ako matapos kong makapagbihis. Sobrang hirap kung ikaw lamang ang kumakayod sa pamilya niyo. Mayroon akong dalawang kapatid na lalaki. Sina Edsel at Efren. Kahit na 28 at 29 na ang edad nila ay wala pa rin ang mga itong trabaho.
Malapit lang naman ang palengke sa amin kaya nilalakad ko na lang ito.
Pagkarating ko sa palengke ay kaagad kong nakita si Nina na nag-aayos ng aming mga paninda. Napansin ko rin ang ilang matatandang babae na nakapila sa harapan ng tindahan namin.
“Magandang umaga mga beautiful mother,” bati ko sa kanila at agad naman na nagkislapan ang kanilang mga mata.
“Mabuti naman at narito ka na pala, Sillio.” Ngumiti na lang ako ng matamis sa matandang babae na hindi ko na matandaan ang pangalan, pero palagi siyang bumibili tuwing umaga sa gulayan namin.
“Napakaguwapo mo talaga sa umaga, Sillio,” aniya naman ng isa na halos magpaikot ng mga mata ko. Imbyerna, sa gandang katawan ko na ‘to at sa gandang mukha kong ito, sasabihan lang akong guwapo? Mga shuwangit na tanders ites, girl kalmahan mo lang, ‘yong keps mo highblood na naman.
“Salamat po. Ano po ang bibilhin niyo mga madame?!” Nilakasan ko ang boses ko para marinig nila at para hindi na sila tumitig sa mukha ko.
“Isang kilo ng sibuyas at isang kilo rin ng talong. Gusto ko iyong mahaba at mataba.” Napangiwi ako sa mahinhin at ipit na ipit na boses ng babae na halos ka-edaran na yata ni Mama. Siniko naman ako ni Nina habang natatawa ito. Kaloka!
“Isang kilong talong para sa magandang kagaya niyo po.” Natatawang inabot ni Nina ang supot sa babae. Si Nina kasi ang nagkikilo ng mga paninda at ako ang kumukuha ng pera at nagsusukli.
Masama naman ang tingin na inabot no’ng babae ang binili niya, pero no’ng ibigay ko na ang sukli sa kaniya ay kumindat pa ito sa akin at pinisil pa nito ang aking kamay. Nakakadiri!
Ito ang madalas na gawain ko sa palengke at ganitong eksena palagi ang nangyayari sa akin. Nasanay na rin naman ako kaya hindi na big deal sa akin ang mga ginagawa ng mga customer. Maayos na rin ito, at least ilang oras lang ay ubos kaagad ang paninda naming gulay.
“Ikaw talaga ang nagpaparami ng benta rito sa gulayan natin,” natatawang wika ni Nina. Siya talaga ang may-ari ng gulayan na ito, at kinuha niya lang ako para may mag-asikaso ng sukli niya sa customer niya, dahil mahina raw siya sa Math at madalas ay naloloko lamang siya.
“Ganito talaga kapag maga—maguwapo.” Sabay posing ko pa. Natawa naman ito sa akin. Mas matanda lang siya sa akin ng limang taon, pero ayaw na ayaw niyang tawagin ko siyang ate.
“Oo siya, guwapo na kung guwapo. Hindi na ako kokontra pa kasi guwapo ka naman talaga.” Ano ba ‘yan! Kumontra ka! Bilisan mo, kumontra ka na dali, arrgh.
Isang tapik sa braso ang naramdaman ko kaya napatingin ako kay Nina. “Natulala ka na naman diyan. Hay naku, kung ako sa ‘yo ay ligawan mo na iyang anak ni Aleng Susan. Sus, hinding-hindi ‘yan tatanggi sa ‘yo, at tiyak na sasagutin ka agad niyan.” Napa-ha naman ako sa sinabi ni Nina.
“Ano bang sinasabi mo?” natatawa kong turan dito, samantala ay itinuro niya ang isang babae na kulot ang buhok at napakaputi ng balat. May malalaking mga mata at napakaperpekto ng hugis ng mukha. Oh gosh! Ang pinapangarap kong mukha at katawan.
Bumalik lamang ang diwa ko nang sikuhin ako ni Nina. “Kunwari ka pa ah, pero patay na patay naman.” Napangiwi na lang ako sa sinabi ni Nina. Kung alam mo lang dzai, hindi naman talaga monay ang gusto ko kung hindi ay isang talong na mahaba at malaki rin.
“Hindi ko siya gusto. Ano ka ba?!” Pasimple ko itong inikutan ng mga mata.
“Sus, deny pa Sil,” pagpupumilit na asar nito sa akin. Sinamaan ko ng tingin si Nina nang sikuhin ako nito, pagkatapos ay ininguso nito ang kaniyang bibig sa kinaroroonan ng anak ni Aleng Susan. Nakita kong lumalakad ito papunta sa... sa amin? Argh, wala akong pakialam kung saan siya pupunta. Imbes na pansinin pa ito ay inayos ko na lamang ang mga gamit ko dahil tutungo na ako sa hotel.
“Magandang umaga po, Nina. Aah... hmm... s-sa iyo rin, Sillio,” nahihiyang bati nito sa amin. Tumango na lamang ako. Hindi na ako ngumiti, hindi dahil sa ayoko, pero dahil naiinis ako sa ganda ng bruhildang ito. Arggh, sarap kagatin ng pisngi at sabunutan. Sobrang ganda naman kasi. Don’t get me wrong, okay. Siya ay maganda, pero ang akin ay isang diyosa sa kagandahan, kaya mas maganda pa rin ako.
“Oh, anong sadya mo Bea?” tanong ni Nina. Nakatalikod ako sa kanila dahil binabalot ko ang ulam na binili sa akin ni Nina.
“Hmm... Sillio. Puwede po ba kitang makausap. A-Ano kasi... birthday ko na sa sabado, baka naman puwede kitang maging escort? 18’th birthday ko kasi ‘yon,” ika niya na may namumulang pisngi. Oh my godness, naloloka ako sa tinatanong niya sa akin. Mukha ba akong pang-escort? Excuse me, nakakabastos ng kagandahan.
“Pasensiya na, pero marami pa akong gagawin sa mga araw na iyon. Maghanap ka na lang ng iba. Nins, alis na ako.” Hindi ko na hinayaan pa na makapagsalita ang mga ito at tumalikod na ako.
Nang makarating ako sa hotel ay nakita ko kaagad ang mga masisipag kong kaibigan. Nagbigayan pa kami ng flying kiss sa isa’t isa, dahil bawal mag-usap kapag oras ng trabaho. Dumiretso muna ako sa banyo para magbihis ng uniform at magpaganda na rin. Nakasabayan ko pa sa pagpasok ang babaeng mahadera sa front desk. Palagi niya akong nilalandi, like eww, kadiri.
Marami akong ginawa ngayong araw na ito lalo na’t may nasirang banyo sa isang kuwarto, at may nag-away na dalawang babae dahil nahuli niya ang asawa niya at ang kabit nito sa hotel namin. Hindi na rin iyon bago sa amin, lalo na at tahanan talaga ito ng mga kabit. Mga walanghiyang kabit, kapag nahuli sila ng mga legal na asawa ay sila pa ang galit.
Napapatanong lamang ako sa maganda kong sarili. Bakit may mga babae na pinipili nilang makipagrelasyon sa mga mayroon ng kasintahan, ang malala pa ay sa may asawa na? Bakit mo pipiliin na maging pangalawa ka lamang, kung maaari ka namang maging number 1? Hindi man lamang ba nila naisip na maraming nasisirang buhay at pamilya sa mga ginagawa nila. Dapat ay alam mo ang halaga mo bilang isang babae. Mas higit pa tayo sa isang brilyante o ginto. Huwag bubuka agad ang binti kung kani-kanino lang.
At isa na rin itong mga lalaki na alam na nilang taken na sila, aba’y napakakapal ng mukha para maghanap pa ng iba. Dahil sa hindi napunan ng karelasyon niya ang kaniyang pangangailangan, o ‘di kaya ay napagod lamang ito. Hindi dahilan ang lahat ng iyon para magloko. Sa oras na pumili ka pa ng isang babae, ibig sabihin lang no’n ay hindi mo na mahal ang asawa o girlfriend mo. Dahil kung mahal mo naman talaga ang karelasyon mo, dapat ay hindi ka na naghanap pa ng iba para lang mapunan ang kulang na hindi naibibigay ng karelasyon mo.
Napabuntong-hininga na lang ako. “Ang laki naman ng problema mo ngayon.” Napaangat ang tingin ko kay Ma’am Lydia. Lumiwanag kaagad ang mga mata ko nang makita ko ito, mabilis akong tumayo at sinalubong ng yakap si Ma’am Lydia. Nagbakasyon kasi ito, kaya nahirapan akong i-managed ang hotel niyang tambayan ng mga kabit.
“Balita ko, may gulo na namang nangyari,” natatawang bigkas ni Ma’am Lydia. Inikutan ko ito ng mga mata.
“Oo, grabe na-imbyerna ang kaluluwa ko sa salpukan ni legal at ni illegal,” natatawa kong sagot dito.
“At tamang-tama, katatapos lang ng eksena,” sunod kong wika. Umismid ako nang tumawa pa ito lalo.
“Kaya pala ang sama ng timpla mo ngayon. At nagpapasalamat rin ako dahil sa ilang araw na wala ako ay maayos mong pinatakbo ang hotel ko.” Mayumi siyang ngumiti sa akin.
“Oo, pinatakbo ko itong hotel mo papuntang China. My goodness, halos linggo-linggo na lang may boxing na nagaganap sa hotel mo, madame,” pagtataray kong sabi rito.
“Oh siya, para naman kumalma ‘yang ulo mo. May pasalubong ako sa ‘yo,” usal nito pagkatapos ay itinaas nito ang dala niyang malaking paper bag. Parang lahat ng bad trip ko ngayong araw ay nawala at napalitan ng pagka-excite.
“Salamat, madame. Alis ka ulit, tapos bigyan mo ulit ako ng pasalubong, dapat buong Japan naman ang sunod.” Tumawa lamang ito at inihagis sa akin ang ballpen.
“Loko. Hatian mo na lang ang mga kaibigan mo riyan. Aalis na ako at baka sabihin pa ng asawa ko na nilalandi kita rito,” umiiling-iling na wika ni Ma’am Lydia. Ikinasal sila ng asawa niya sa Japan, at sobrang nagseselos talaga ang asawa niya sa akin. Like duh! Ako nga itong bet na bet siya. Ang yummy pa naman ng asawa ni Ma’am Lydia, halatang malaki ang ano—ang braso.
“Sige na, shoo,” pagpapaalis ko rito. Same age lang kasi kami, at isa pa ay malapit na kaming tatlo kay Ma’am Lydia.
Matapos ang ilang oras ay uwian na. Inayos ko muna ang sarili ko bago ako lumabas ng hotel. Sobrang dilim na ng paligid nang makalabas ako. Hindi rin ako nagugutom dahil may pagkaing ipinapadala sa office na galing kay Ma’am Lydia. Ang bruhang ‘yon, alam ko naman na ikakaltas niya rin sa sahod ko ang mga ipinapadala niyang pagkain sa akin, hmp.
Halos tatlong minuto pa ang nilakad ko papunta sa sakayan ng jeep. Ngunit pagdating ko roon ay kahit ni isang jeep ay wala na. Ka-bad trip naman. Ngunit napaatras ako nang may humintong van sa unahan ko at lumabas ang limang kalalakihan. Mayroon ang mga itong buhat-buhat na isang bagay na nakabalot sa plastic... na pahaba na parang... jusko! Tao! Hindi ako magkakamali. Pagkatapos nila itong ihagis ay mabilis silang lumarga. Hindi ko alam ang gagawin ko. Tatawag ba ako ng pulis o deadmahin na lang ang bangkay?