ADOLPHO
Halos lumawit na ang dila ko dahil sa katatakbo para makatakas lang sa mga baliwag na merlat na ‘yon. Mabuti na lang at nakatakas ang diyosang si ako sa kamay ng mga bruha.
Agad akong sinalubong ni Mudra ng punas sa mukha at likod nang makapasok ako sa loob ng bahay. “Mabuti naman at narito ka na pala, nagluto ako ng pagkain para sa pinakaguwapo kong anak.” Halos masuka ako sa itinawag sa akin ni Mother rainbow, na isa akong guwapo. Yuck! diyosa kaya ako. Pero keber na lang.
“Maraming salamat po sa pagkain, mama.” Humalik ako sa pisngi ni Mudra bago naupo sa harap ng mesa.
“Walang anuman, ‘nak. Ang bait talaga nitong anak ko. Siya nga pala, gagabihin ng uwi ang tatay mo kasi may pinuntahan silang dalawa ng Tito Gal mo.” Napatango na lang ako sa sinabi ni Mudra at nilantakan ko na lang ang sandwich at juice. Si Tito Gal ang ama ng isa kong kaibigan na si Ambrosio, Ambong o Chuchay. Kasi tuwing umaga ay isa kaming lalaki, at tuwing gabi naman ay isa kaming... darna!
Tuwing naaalala ko ang paghalik sa balikat ko ng merlat na ‘yon ay gusto kong mahimatay at mawala na lang sa mundo. Binaboy niya ang pagkatao ko, kamuntik niya na naman akong magahasa. Paano na lang kung nagahasa ako? Ano na lang ang mangyayari sa napakaganda kong katawan? Magiging isang maruming diyosa na ako. Hindi ko kayang isipin na kapag nagkataon na matapos nilang babuyin ang katawan ko ay itatapon lang nila ito sa ilog. Ugh, ang kawawang katawan ko. Kailangan ko nang gumawa ng hakbang para sa mga merlat na iyon! Hindi maaaring magalaw nila ang mala-diyamante kong katawan. Ang sexy-ing katawan na ito ay para lamang sa lalaking mamahalin ko at mamahalin ako.
“Anak, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Mudra sa akin, hindi ko na pala namalayan na napapayakap na pala ako sa sarili ko. Umayos ako ng upo at ngumiti ng malawak kay Mudra.
“Opo naman, ma. Ako pa ba? Always kayang okay itong anak mo,” tatawa-tawa kong ani, mukhang nakahinga naman ng maluwag si Mudra.
“Umamin ka nga sa akin, ‘nak,” sunod na usal pa nito pagkatapos ay naupo pa sa harapan ko, kaya marahan akong napalunok ng laway. Nakakatakot pa naman itong si Mudra kapag nag-imbestiga, tinalo pa ang mga pulis. Bigla naman akong pinagpawisan dahil sa inaakto ni Mudra. Buking na kaya ako?
“Kilalang-kilala kita anak. Alam ko kung mayroon kang problema o dinaramdam at sekretong itinatago...” Napatuwid ako ng upo at mabilis na napainom ng tubig. Alam na kaya ni Mudra na hindi talaga ako isang adonis dahil isa naman talaga akong diyosa? Oh, mahabaging Lord rainbow in Heaven and Earth, guide my soul.
“Mama, huwag ka pong mag-alala dahil lalaking-lalaki itong anak mo,” maagap kong sambit, at mas nilakihan ko pa lalo ang boses ko habang ikinukumpas ko ang mga mala-kandila kong daliri sa harapan ng nakakunot ang noo na si Mudra.
“Ha? Hindi ko naman sinasabing hindi ka tunay na lalaki,” naguguluhan nitong aniya kaya napangiwi na lang ako dahil mali pala ako ng iniisip. Ano ka ba naman Pechay, padalos-dalos ka talaga kahit kailan.
“Biro lang ‘yon, ma.” Sabay peace sign ko kay Mudra at kinindatan ko ito, natawa na lang ito sa akin.
“Kapag may nang-aaway sa ‘yo sa trabaho mo... sabihin mo lang kay Mama, ha? Dahil ako na ang bahalang gumanti para sa ‘yo anak. Isa pa, nagpapagutom ka siguro sa trabaho mo kaya ka pumapayat.” Hinawi ni Mudra ang buhok na nakaharang sa noo ko. Napangiti na lamang ako ng matamis at pagkatapos ay hinawakan ko ang kamay ni Mudra.
“Mama, wala pong nang-aaway sa akin doon sa trabaho ko. Hindi ko naman hahayaan na apihin ako ng ibang tao. Ako pa ba? Anak niyo kaya ako, manang-mana ako sa pagiging matapang, makisig, at diyosang tulad niyo.” Napatango-tango si Mudra at kinuha ang face towel na ipinunas niya sa akin. Namilog ang magaganda kong mga mata nang ipunas niya iyon sa mesa.
“Ma, ‘yan ang ipinunas mo sa akin, bakit mo ipinupunas sa mesa?”
“Anak? Pamunas natin ‘to sa mesa.”
“Ma! Kadiri ka, ipinunas mo ‘yan sa mukha ko kanina!”
“Ay siya ba? Napunas ko pala sa ‘yo. Pasensiya na, nak. Peace lang tayo. He-he-he.” Pagkatapos niya iyong sabihin ay bigla na lang itong nawala sa paningin ko na parang isang bula. Napakamot na lang ako sa ulo ko. Si Mudra talaga.
Pumasok muna ako sa loob ng kuwarto ko. Saktong pagbukas ko ng pintuan nang bumungad sa mga mata ko ang larawan ng lalaking papakasalan ko balang araw. Ang mukhang anghel na lalaki na inihulog ng kalangitan para sambahin ng kagaya kong diyosa.
“Balang araw ay magiging tayo rin, Papa Jethro,” kinikilig na bigkas ko. Mabilis akong nagbihis at bumaba muli para ayusin ang mga paninda ko.
Habang inaayos ko ang mga paninda ko, sinasabayan ko namang kantahin ang isa sa pinakapaborito kong kanta. Ipinikit ko ang mga mata ko at dinama ang bawat lyrics ng kanta. Kahit ilang ulit ko na itong narinig ay hindi pa rin ako magsasawa na pakinggan ito, kagaya ng pagbabasa ko roon sa pinakapaborito kong libro.
Nang matapos kong maayos ang lahat ng paninda ko ay nagpaalam na ako kay Mudra na ro-ronda na ako sa buong Gagalangin Tondo Manila.
“Mag-iingat ka sa pagtinda, ‘nak. Hay! Sinasabi ko naman kasi sa ‘yo na tumigil ka na sa pagtitinda tuwing gabi, lalo na at may trabaho ka pa kinaumagahan. Paano na lang kung mapagtripan ka ng mga tamba—”
“Mama, huwag kang mag-isip ng kung ano-ano, kasama ko naman si Ambo na magtinda. Isa pa po ay matagal ko na itong ginagawa, ma, dont worry may panlaban naman akong nakatago rito.” Tumaas baba ang dalawang kilay ko at proud kong inilabas ang...
“Batuta ni Lolo. Ipinamana niya pa ito sa akin, kaya alam kong ililigtas ako sa kapahamakan ng batuta ni lolo,” nakangisi kong sabi kay Mudra.
“O siya, basta mag-iingat ka. Kapag umulan ng malakas ay huwag na huwag kang magpapabasa at sumilong ka. Kapag naman 10 o’clock na ay umuwi ka na dahil maaga pa ang pasok mo bukas. Huwag ka ring papatol sa mga tambay riyan... ratatatatat...” Sumaludo muna ako kay Mudra bago ako umalis. Wews, sumakit yata ang tainga ko sa mga bilin ni Mama na gabi-gabi niya na lang sinasabi.
“Balut! Pinoy kayo riyan. Bili na kayo ng balut at pinoy! Pampatibay sa tuhod! Pinoy... balut kayo riyan!” paulit-ulit kong sigaw.
“Baron, pabili ako ng limang pinoy. Samahan mo na rin ng anim na balut, ughh, sumasakit na kasi ang tehed ke,” turan sa akin ng isang matabang babae kaya kaagad na lumapit ako sa may gate ng bahay nila. Napangiwi ako nang kindatan ako nito at dinilaan pa nito ang pang-ibabang labi niya. Jusmiyo marimar!
“Napakaguwapo mo talaga, Baron. Masipag pa at madiskarte, kitang-kita naman sa mga muscle na malalaki. Ang sarap mo sigurong kayakap,” tuloy-tuloy na sabi nito at pinisil-pisil pa ang braso ko. Father rainbow Lord, ohmai! Kadiri naman itong si Aleng Bebang key tanda na pero kumekerendeng pa rin.
“Ito na po Aleng Bebang.” Sabay bigay ko ng mga pinamili niya. Matapos niyang ibigay ang bayad ay nagawa pa nitong haplusin muli ang braso ko na nagpangiwi sa akin lalo.
“Kung nais mong magkaroon ng sideline na malaki ang kita, puntahan mo lang ako rito, Baron. Lahat ay ibibigay ko sa ‘yo.” Mabilis kong hinawi ang kamay nito sa braso ko. Nakakadiri naman, pakiramdam ko ay mayroon na akong isang nakahahawang germs.
“Ahaha... sige po Aleng Bebang. Salamat po sa pagbili sa mga paninda ko. Bukas po, bili po kayo ulit sa akin para mas tumibay pa lalo ang tuhod niyo.” Pekeng tumawa pa ako rito ng marahan at hindi ko na hinintay na makapagsalita pa itong muli, bagkus ay mabilis na akong lumakad palayo. Saka lang ako nakahinga ng maluwag nang makalayo na ako sa bahay ni Aleng Bebang, pero kung mamalasin ka nga naman!
“Ang kapal naman ng mukha mo para takbuhan ako kanina, Baron!” Naman, bakit si Linda na naman itong nakasagupa ko.
“Oyy, ikaw pala ‘yan Linda. Nagmamadali kasi ako kanina. Gusto mo ng pinoy at balut? Bili ka na,” nakangiti at labas ngipin na saad ko kay Linda. Bakit kasi ako ang hinahabol ng babaeng ito? Hindi sa pangit ang babaeng ito, pero ayaw ko lang talaga sa monay, okay?
“Sige bibili ako ng benteng balut at pinoy, basta may kiss ako na makukuha.” Ngisi nito na kahit hindi masiyadong maliwanag ang paligid, nakikita ko pa rin ang mala-dem*nyo niyang ngisi.
“Ayy! Sold out na pala. Bukas na lang ng gabi.” Tatalikod na sana ako nang bigla niya namang hawakan ang braso ko.
“Bakit ba kasi ayaw mo sa akin? Maganda naman ako ah, saka sexy pa. Mahal na mahal talaga kita Baron, please naman love back naman.” Napahawi ako sa maganda kong bangs. Love back, love back pang nalalaman ang bruhildang ito! Palihim kong pinaikot ang mga mata ko. Kung puwede ko lang tirisin ang babaeng ito ay ginawa ko na. Gosh! Nakasisira talaga siya ng beauty.
“Wala akong panahon sa mga ganiyan, Linda. Alam mo, kung ako sa iyo ay maghanap ka na lang ng isang lalaki na handang suklian ang pagmamahal mo. Huwag kang habol nang habol sa isang lalaki na ayaw naman sa ‘yo dahil ghurl, hindi ka aso, okay? Sige magtitinda na ako.” Hindi pa man ako nakalalayo nang biglang may maramdaman akong pagyakap mula sa likuran ko, kaya ay halos maging bulate ako sa pagtanggal sa kamay ng warkang nilalang na ito.
“Ano ba?!” nandidiri kong sigaw sa nakasalampak na babae na nasa harapan ko.
“Kung hindi ka talaga madadala sa santong dasalan, pwes dadaanin na lang natin sa santong paspasan!” Mala-dem*nyo itong tumayo pero mabilis din itong napasalampak nang may tumama na isang sapatos sa ulo nito.
“Tigilan mo na nga ang kaibigan ko kung ayaw mong manghiram ng mukha sa lupa,” cool at matapang na mungkahi ni Agapito o Kempay sa gabi. Nakakadiri talaga ang pinili niyang alyas, kasuka.
“Aray, walanghiya ka Agapito, may araw ka rin!” nagngangalit na singhal ni Linda pagkatapos ay matalim na tumitig ito sa akin at mabilis na tumakbo. Wews, nakahinga naman ako ng maluwag.
“Woay... pulutin mo nga ang sapatos ko. Gosh, ayaw kong marumihan itong paa ko.” Mabilis kong kinuha ang sapatos niya, at dahil iniligtas niya ang buhay ko ay ako na ang nagsuot ng sapatos nito sa kaniyang paa. Nakasuot pa ito ng tuxedo at black slacks na kaniyang uniform at may name plate pa sa kanang dibdib.
“Salamat, bakla. Utang ko ang buhay ko sa ‘y—aray naman sis!” Malakas na batok ang natanggap ko mula sa kaniya.
“Huwag maarte sis, hindi bagay sa ‘yo, mukha kang paa. Pero keber, hinihintay ka na ni Ambo sa waiting shed. Hintayin niyo na rin pala ako roon kasi sasamahan ko kayo na magtinda, magbibihis lang ako.” Ilang ulit akong napatango rito.
Nanliit ang mga mata ko nang matanaw ang kaibigan ko na nakaupo habang may kausap na isang lalaki. At nang makarating ako roon ay halos lumambot ang mga tuhod ko at parang sumikip ang little cutie heart ko, nakita ko si Papa Jeth na masayang nakikipagkwentuhan sa kaibigan ko.
“Narito ka na pala Pech—este Adolpho. Sinamahan lang ako rito ni Jethro kasi nag-iisa lang daw ako,” mahinhin nitong bigkas na parang hindi makabasag pinggan. Palihim ko siyang sinamaan ng tingin. Alam ko kung gaano naming tatlo kagusto si Jethro at mapagsamantala ang baklang ito!
“Mayroon ka bang balut diyan, pre? Kanina pa ako naghihintay sa balut mo.” Pre? What the h*ll?! Sa ganda kong ito? Tinawag akong pre ni Jeth? Argh keber na nga, kinikilig naman ako dahil hinihintay pala ni Jeth ang balut ko.
“Oo Jeth, marami pa akong balut. Alam ko namang gustong-gusto mo ang balut ko.” Niliitan ko pa ang boses ko kaya nakatanggap ako ng malakas na batok mula sa kaibigan ko.
“Ha?” gulong-gulo na tanong nito.
“Tanga, naubos na kasi ang paninda ko, kasi pinakyaw no’ng babaeng nakasakay sa magandang sasakyan, kaya sa iyo na lang siya naghintay,” pagdidiin nito sa bawat salita na binitiwan.
“Sige, salamat. Mauna na ako sa inyo dahil naghihintay sa akin ang girlfriend ko.” Para kaming pinagsakluban ng kalangitan sa narinig namin. Hindi ko kayang tanggapin na mayroon na palang girlfriend ang Papa Jeth namin.
Maaga akong nakauwi dahil mabilis na naubos ang mga paninda ko, tinulungan din kasi ako ng mga kaibigan ko. Kinaumagahan, matamlay akong lumabas ng kuwarto, hindi ko pa rin matanggap na may mahal ng iba ang mahal kong lalaki.
Pagkadating ko sa kusina ay nadatnan ko na nagkakape si Pudraka habang nagbabasa ito ng diyaryo. Binuksan ko ang refrigerator at kumuha ako ng fresh milk.
“Good morning, ‘nak,” bati ni Mama sa akin at humalik pa ito sa pisngi ko.
“Good morning din po, ma,” balik na bati ko rin kay Mama.
“Umupo ka na riyan at ipaghahain kita ng pagkain.” Umupo ako sa kanang parte ng mesa, samantala si Papa ay nasa kabisera naman.
Nagulat ako nang malakas na inilapag ni Pudraka ang diyaryo sa mesa at mariin ako nitong pinakatitigan. “Ano itong kumakalat na balita na isa ka raw bakla?”