“Ano ba! Bitiwan mo nga ako!” angil niya sa gwapong kaharap.
Ngunit lalo lang siyang hinila ng lalaki sa braso. Mahigpit nitong hinawakan 'yon. Halos maramdaman na nga niya ang pagbaon ng mga daliri nito sa balat niya.
“Not until umamin ka sa akin,” mariing sagot nito. Kitang-kita niya ang pag-igting ng panga nito. Galit din ang nakikita niya sa mga mata nito.
At aaminin niyang natakot siya — para sa sarili at para sa Daddy niya. Mali ang iniisip ng lalaking ito tungkol sa kanila ng Daddy niya. Pero paano niya ito itutuwid? Kapatid ito ng asawa ng Daddy niya. Hindi pwedeng maisiwalat ang katotohanan tungkol sa kanya.
Hinding-hindi niya sisirain ang pangarap ng Daddy niya. Ngayon lang din nakamtan ng Daddy niya ang magandang buhay. At hinding-hindi niya ipagkakait 'yon sa kanya.
“Let me go, please. You’re hurting me, Mr.,” pakiusap niya.
“Just answer my question first. Kabit ka ba ni Bernard?” muling tanong nito sabay pisil ng mariin sa braso niya.
“Ahh! Aray,” daing niya. Nasaktan siya ng husto sa higpit ng hawak nito.
Sinulyapan nito ang braso niyang namumula. Nag-iba ang ekspresyon nito, pero saglit lang. Muling bumalasik ang gwapong mukha nito.
“Pinapaaral ka ni Bernard sa San Miguel University. Binilhan ka niya ng condo sa Tragora Condominium. Sinusustentuhan. Nilalabas at pinapakain sa mga mamahaling restaurant!” litanya nito, nanlilisik ang mga mata.
“Paano mo ipapaliwanag sa akin na halos ibigay na lahat sa iyo ni Bernard? Ginagastusan ka niya ng malaki. Para saan? Para wala lang?” tuya nito.
Napalunok siya. Paano nito nalaman ang lahat ng 'yon? Kailan pa sila nito pinasusundan? Naging maingat naman sila ng Daddy niya. Pero bakit may nakahuli pa rin sa kanila? At ang mas malala, kapatid pa ito ni Asena.
At sa reaksyon nito, hindi siya nito tatantanan.
“Lahat ng ginagastos sa iyo ni Bernard ay galing lahat sa bulsa ng kapatid ko!” dagdag nito. Namimilipit siya sa sakit ng pagkakahawak nito.
“Bitiwan mo ako! Nasasaktan ako!”
“Masasaktan ka talaga kung hindi ka aamin sa tunay n’yong relasyon ni Bernard!”
“Wala kaming relasyon. Mali ang iniisip mo,” nakuha niyang isagot. Mali naman talaga ang akusa nito.
Lumingon siya sa paligid. May mga ilang taong naroon, pero walang pumapansin. Kailangan niyang makatakas sa lalaking ito.
“Paano mo maipapaliwanag sa akin ngayon ang mga larawan na 'yan? Lumalabas kayo ni Bernard. Nagpupunta siya sa eskwelahan mo. Personal ka niyang dinadalaw sa condo na siya mismo ang bumili. Pinadadalhan ka niya ng pera sa account na nakapangalan sa iyo!” mahabang litanya ng lalaki.
“Ipaliwanag mo sa akin. Kung bakit ginagawa ni Bernard sa iyo ang lahat ng 'yan, kung hindi ka niya mistress!” mabalasik na sigaw nito.
Sunud-sunod na lunok ang ginawa niya habang nakatitig sa mga mata ng lalaki. Gwapo ito, walang duda. Malakas ang s*x appeal nito. 'Yung tipong kung makasalubong mo, mapapalingon ka ng ilang beses.
Dahil sa pagkakahila nito sa kamay niya, nagkalapit sila. Amoy na amoy niya ang mamahaling pabango nito na bagay na bagay sa kanya.
“Wala akong alam sa sinasabi mo, Mr. Bitiwan mo na ako bago pa ako sumigaw dito at ma-eskandalo ka!” banta niya rito.
“Mukhang sanay na sanay ka sa eskandalo ah,” tuya nito sabay bitiw sa braso niya.
“Ahh. s**t,” mura niya nang pakawalan siya nito. Halos namumula na ang braso niya. Bakas na bakas doon ang mga daliri nito.
“Lubayan mo si Bernard kung ayaw mo ng gulo!” sabi nito at sumandal sa upuan.
“Tapusin mo na ang ugnayan n’yo ngayon din. Dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin ko kung magpapatuloy pa ang relasyon n’yo. At kung patuloy n’yo pang lolokohin ang kapatid ko!” pagbabanta nito.
Nanahimik lang siya at nakatitig sa gwapong mukha ng kaharap. Marami na siyang nakitang gwapo, pero iba ang dating ng lalaking nasa harapan niya ngayon.
“I am William Villanueva. And I can destroy you kung hindi ka susunod sa gusto ko!” mariing banta nito. Saka siya sinulyapan. Masamang tingin ang pinukol sa kanya.
Napalunok siya. Kahit masama ang tingin nito, lutang na lutang pa rin ang kagwapuhan nito. Bagay na hindi niya maitatanggi.
“Wala akong alam sa mga sinasabi mo, Mr. Villanueva.”
“I hired the best PI. Imposibleng magkamali siya. Ikaw at si Bernard ang nasa mga larawan. You can’t deny that.”
Iniling niya ang ulo.
“How can you have an affair sa lalaking halos doble na ng edad mo? Na halos tatay mo na? And worst, how can you have an affair sa isang lalaking may asawa na?” tanong nito.
Iniling lang niya ulit ang ulo.
“Is this about money? Gusto mo ng easy money kaya ang mukha at katawan mo ang ginagamit mong puhunan para makuha ang lahat ng luho mo?” patuloy nito. Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa.
Napansin niyang nagtagal ang tingin nito sa dibdib niya bago nito iniling ang ulo.
“Maganda ka nga at may dating. Sayang naman at mas pinili mong kumabit sa lalaking may asawa.”
“Hindi ako kabit!” mariing sagot niya sabay tayo. Hinila niya ang brown envelope.
“Mali ang iniisip mo sa akin, Mr.”
“Fine. Then explain mo sa akin ang mga larawan na 'yan. Sabihin mo sa akin na hindi mo kilala si Bernard,” hamon nito. Tumayo rin ito at hinarap siya.
Masyadong malapit ang mga mukha nila sa isa’t isa. Nasasamyo niya ang mabangong hininga nito.
“Hindi ko gagawin!” mabilis na sagot niya.
Bago pa siya nito mapigilan, tumakbo na siya palayo, bitbit ang brown envelope na may laman na larawan nilang mag-ama. Nagtatakbo siya para makaiwas sa gwapong lalaki.
Pinagpasalamat niyang hindi siya nito sinundan.
Pagkasakay sa elevator, doon pa lang siya nakahinga ng maluwag. Napahawak siya sa dibdib na mabilis ang t***k dahil sa kaba at takot. Napasandal siya sa dingding. Mariing pinikit ang mga mata.
Paano na ngayon sila ng Daddy niya? Kapatid ni Asena ang lalaking 'yon. At kung natakasan niya ito ngayon, asahan niyang hahanapin at hahanapin pa rin siya nito para alamin ang tunay na relasyon nila ng Daddy niya.
Hindi ito ang panahon para malaman ni Asena kung sino siya sa buhay ng Daddy niya. Hindi siya ang hahadlang sa kaligayahan nito.
Nagmulat siya at napasulyap sa hawak na envelope. Nakagat niya ang labi. Paano niya haharapin ang lalaking 'yon?
Pagdating sa condo unit, nais niyang tawagan ang Daddy niya at ipaalam ang nangyari. Pero nagdalawang-isip siya. Ayaw niyang ma-stress ang Daddy niya, lalo na’t masaya ito ngayon dahil sa pagbubuntis ni Asena. Ayaw niyang sirain ang kaligayahan nito.
Hangga’t kaya niya, siya na muna ang haharap sa lalaking 'yon. Hindi naman siguro kokonprontahin ni William ang Daddy niya dahil wala naman itong nakuhang impormasyon sa kanya. Wala siyang inamin.
Kailangan lang niyang maging handa, dahil paniguradong susundan siya ng lalaking 'yon at hindi titigil hangga’t hindi siya umaamin.
Wala siyang aaminin. Dahil mali ang akala nito. Hindi siya mistress ni Bernard. Anak siya ni Bernard sa pagkabinata.
Ibinagsak niya ang katawan sa kama. Pinikit niya ang mga mata. Pumasok sa isip niya ang gwapong mukha ng lalaki kanina. Kahit galit ito, hindi nakaligtas sa kanya ang kagwapuhan nito. Naramdaman din niya ang appeal nito.
“William Villanueva,” bulong niya sa pangalan nito.
Bakit parang sa dami na ng gwapong nakita niya, iba ang dating ng kagwapuhan ni William?
Ang dami ring gwapo sa San Miguel University at halatang lahat may kaya. May manliligaw nga siya, si Rodney. Gwapo at mayaman. Si Rodney ang unang nagpakita ng paghanga sa kanya. Pero dahil na rin sa sitwasyon niya sa Daddy niya, agad niyang sinabihan si Rodney na hindi pa siya pwedeng ligawan.
Isa pa, bente pa lang siya at naka-focus siya sa pag-aaral.
Pero kung isang tulad siguro ni William Villanueva ang manliligaw sa kanya... hindi na siya magdadalawang-isip pa.
Nagulat siya sa sariling naisip. Napabalikwas siya ng bangon.
“That guy is dangerous. Kailangan iwasan mo siya, Bianca. He will destroy everything once na makalapit siya sa iyo at malaman kung sino ka,” bulong niya sa sarili.