Hindi niya maiwasan ang manginig at kabahan habang nakaupo, katapat ang lalaking kanina pa titig na titig sa kanya. Nanginginig ang mga kamay niya habang dinadampot ang baso ng tubig.
Niyaya siya ng lalaki sa isang coffee shop sa loob ng condo para mag-usap. Nais man niyang tumanggi para makaiwas, hindi niya nagawa. Kaya kahit takot na takot, sumama pa rin siya.
“Obviously may idea ka na about Bernard Titular,” sabi ng lalaki.
“I-I don’t know him,” sinubukan niyang mag-deny kahit nanginginig ang boses.
“Liar,” agad na sagot nito. “I know who you are, Bianca, and I know kung ano ang relasyon mo kay Bernard!” mariing akusa nito, galit ang boses.
Nakasiguro na siyang alam ng lalaking ito kung sino siya. At hindi ito ang tamang panahon para mabunyag ang lihim ng ama sa asawa nito, lalo na’t magkakaanak na ang mga ito.
“I don’t know what you’re talking about, Mr.,” sabi niya, pilit na pinatatatag ang boses.
Akmang tatayo na siya para makaiwas nang biglang hawakan ng mahigpit ng lalaki ang kamay niyang nasa mesa para pigilan siya.
“Stay!” mariing utos nito.
Napalunok siya at napasulyap sa kamay niyang mahigpit na hawak nito. Agad naman ‘yong binitiwan ng lalaki nang mapansing hindi na siya aalis.
“We need to talk, Ms. Tuazon. Marami kang dapat ipaliwanag,” sabi nito at inilapag ang brown envelope na bitbit.
Napatingin siya sa envelope. Kumunot ang noo niya.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya. Aaminin niyang nakakaramdam na siya ng takot sa gwapong kaharap. Nai-intimidate siya rito.
“See for yourself,” sabi nito at iniusog sa harapan niya ang envelope.
Matagal niyang tinitigan ang envelope at sinulyapan ang lalaki. Nahuli niya itong nakatitig sa kanya. Doble-doble tuloy ang kabog ng dibdib niya — takot sa laman ng envelope at kaba sa lalaking kaharap.
“Open it,” utos nito at hinila ang basong nasa tabi.
“Ano ba ‘to?” tanong niya, hindi magawang hawakan ang envelope. Ewan niya, pero nakaramdam siya ng takot at panganib sa kung ano man ang nasa loob.
“Bakit hindi mo buksan para malaman mo,” sagot nito.
“Sino ka ba?”
“I am Liam Villanueva,” confident na sagot nito. Nagpakilala na ito kanina. Villanueva ang apelyido ni Asena. Posible kayang ang kaharap niya ngayon ay ang kapatid ni Asena?
“Buksan mo na,” muling utos nito habang hindi inaalis ang mga mata sa kanya.
Ewan niya, pero hindi niya mapigilan ang panginginig ng mga kamay. Nais man niyang mag-relax, hindi pa rin tumitigil ang panginginig. At alam niyang nakikita ‘yon ng lalaki.
Dinampot niya ang envelope at kinapa ang laman. Kumunot ang noo niya nang mahawakan ang tila mga photo paper — posibleng larawan ang laman. Anong klaseng larawan naman kaya?
Sinulyapan niya ang lalaki na naghihintay. Kinuha niya ang isa at inilabas. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang siya ang nasa larawan, kasama ang daddy niya. Kuha ‘yon sa condo building niya. Papasok silang mag-ama.
Nanginginig ang mga kamay na nabitawan niya ang larawan. Sinulyapan niya ang lalaki na ngayon ay nakatiim-bagang at masama ang tingin sa kanya.
“Tingnan mo lahat!” mariing utos nito.
Napahawak siya sa sariling bibig at iniling ang ulo. Alam na kaya ng lalaking ito ang relasyon nilang mag-ama? Ito marahil ang kapatid na lalaki ni Asena na nabanggit ng kanyang ama. Pero ano’ng ginagawa nito? Pinasusundan ba nito ang daddy niya?
Hindi ito ang tamang panahon para lumantad siya at makilala ni Asena. Nagdadalang-tao si Asena at baka makasama rito kapag nalaman ang tungkol sa anak ng pinakasalan nito.
“Tingnan mo lahat!” pigil-galit na muling utos ng lalaki at hinila ang brown envelope. Inisa-isa nitong inilabas ang mga larawan sa harapan niya.
“Tingnan mo!” mariing sabi nito.
Natigalgal siya sa mga nakita. Halatang pinasusundan ng lalaki ang daddy niya. Maraming kuha sa condo, papasok at palabas silang mag-ama. May mga kuha rin sa unibersidad kung saan palihim siyang sinusundo ng ama. Pati ang palihim nilang pagkikita sa San Sebastian, may larawan.
“Don’t even try na mag-deny pa. For sure kilala mo ang lalaking kasama mo sa mga larawan,” matigas na sabi ni Liam.
Hindi siya sumagot. Wala siyang dapat sabihin sa lalaking ito. Masisira ang pamilyang binubuo ng ama.
Siya, okay lang kahit mag-isa na lang matapos magkapamilya ang ama. Kaya niya ang sarili. Sanay siyang mag-isa. Huwag lang sana ang ama niya na ngayon pa lang nakakaramdam ng kaligayahan sa buhay. Siya, bata pa siya. Kaya pa niyang ayusin ang buhay niya. Pero ang ama niya, hindi na pabata.
Kaya nga masaya siya nang makilala nito si Asena. Kwento kasi ng mga tiyahin niyang nag-aalaga sa kanya, mula raw nang mamatay ang mommy niya sa panganganak sa kanya, wala nang ibang babaeng kinasama ang daddy niya — hanggang kay Asena.
Kaya alam niyang mahal ng daddy niya si Asena. At ayaw niyang siya ang maging dahilan ng pagkasira ng samahan ng mag-asawa. Handa nga siyang maglahong parang bula para lang lumigaya ang ama niya.
“Pinasusundan mo ba kami?” garalgal na tanong niya.
“Obviously, yes!”
“Bakit?” galit na tanong niya. “Sino ka para pasundan kami?!”
Nagulat siya nang hilahin ng lalaki ang kamay niya sa mesa. Mahigpit ang pagkakahawak nito, at nasasaktan na siya.
“Lower your voice,” banta nito. Napalakas kasi ang boses niya sa pinaghalong takot at kaba.
“Kung ikaw, sanay ka sa eskandalo, huwag mo kaming idamay,” patuloy nito. “I am Liam, at kapatid ko ang asawa ng lalaking kasama mo sa larawan. Kaya may karapatan akong alamin kung ano ang relasyon ninyong dalawa ng bayaw ko!”
Pigil ang boses nito, halatang ayaw nitong may makarinig sa pinag-uusapan nila.
“Bitiwan mo ako!” mariing sabi niya at pilit na hinila ang kamay, pero hindi ito pinakawalan.
“Tell me, Ms. Bianca Tuazon, are you Bernard’s mistress?”