SA BATANGAS ang farm. Mahigit tatlong oras din bago sila nakarating doon. Sa dashboard clock, ibinabadya niyong oras na ng tanghalian. Walang arko ang entrada ng solar na iyon ngunit mataas ang malaking gate na yari sa bakal. Doon nakahinang ang malalaking letra: Familia Agustin. Parang hudyat sa buong farm ang pagbubukas sa kanila ng gate ng isang tauhan. Bagaman may ilang distansiya pa ay natanaw na ni Yssa ang pagbubukas ng higanteng pintuan ng tisang bahay. Estilong bahay-Kastila iyon ngunit bago ang pahid ng pintura. Hindi nakakatakot tingnan. At malinis na malinis ang paligid. Dalawang katulong ang nakita niyang nakaabang kaagad sa kanila. Ang isa ay mahihinuhang mayordoma. “Mike,” tuwang sabi nito nang huminto sila sa tapat ng main door. Si Mike ay madaling nakaibis. Hindi na s

