Chapter 1
“Friendship, it’s your turn na!” sigaw ni Jana habang hawak nito ang basong may lamang alak.
Kasalukuyang nasa isang beach resort kami sa Batangas dahil ipinagdiriwang namin ang kaarawan nito. Three days and two nights kami rito kasama ang mga barkada namin. Nagkataon naman at nataon sa friday ang holiday kung kaya’t napagdesisyunan ng barkada na ipagdiwang ang kaarawan ni Jana sa isa sa mga beach resort dito sa Batangas.
“Anj, okay ka lang ba?” tanong nito sa akin nang mapansin nito na hindi ako umiimik. Pakiramdam ko kasi parang umiikot ang paligid ko sa dami ng nainom kong alak.
“Okay lang ako, Friendship!” nakangiti kong tugon dito habang namumungay ang aking mga mata.
“Dahil okay ka pa, shot na!” muling sigaw nito.
Walang pag-aalinlangang tinungga ko ang alak na nasa baso na inabot nito sa akin. Pagkatapos kung lagukin iyon pakiramdam ko naman maduduwal ako kung kaya ay nagmadali akong tumakbo palayo sa mga ito at sumuka sa isang tabi. Narinig ko pa na tinatawag ako ng mga ito habang natatawa ngunit hindi ko na sila pinansin pa. At isa pa mga lasing na rin ang mga ito kung kaya ay hindi na nila ako sinundan pa. Napaupo na rin ako sa buhanginan dahil ramdam ko ang panghihina ng aking katawan dahil panay ang pagsuka ko. Matagal bago ako nahimasmasan kung kaya ay dahan-dahan akong tumayo at tinungo ang public toilet.
Nahihilo pa rin ako pero pinilit ko pa rin ang lumakad dahil naiihi na ako kahit medyo may kadiliman sa dinadaanan ko papunta ng banyo. Pumasok kaagad ako upang maghilamos ng aking mukha bago pumasok sa isang cubicle upang umihi. Pakiramdam ko ay gumaan ang aking pakiramdam. Akmang lalabas na ako ng cubicle nang bigla akong nakarinig ng ungol ng isang babae na tila nasa kabilang cubicle lamang ito. Inilapit ko ang aking tainga sa kahoy na dingding upang pakinggan kung tama ba ang narinig ko kung may umuungol o baka guni-guni ko lang din dahil sa huwisyo ng alak. Ilang segundo na rin ang lumipas at hindi ko na ulit narinig ang tunog na iyon kung kaya ay nagpasya na lamang akong lumabas. Muli kong tiningnan ang reflection ko sa salamin bago tuluyang lumabas ng banyo.
Kaunti pa lamang ang aking naihakbang ngunit hindi ko napansin ang nakausling bato sa labas ng banyo kung kaya ay nawalan ako ng balanse. Ngunit hindi natuloy ang aking pagbagsak sa lupa sapagkat may isang ekstranghero na nagmagandang loob upang ako’y saluhin.
“Are you okay?” tanong ng baritonong boses nito.
Nasa mga bisig ako nito habang nakatitig sa mga mata nito. Tila nawala rin ang pagkahilo ko dahil sa mabangong amoy nito na nanunuot sa aking ilong.
“Ah—eh, okay lang ako,” nauutal kong sambit at agad na umalis sa mga bisig nito.
“That’s good you’re okay,” nakangiting wika nito na lalong nagpalitaw sa mapuputing ngipin nito. “Dahil okay ka na maiwan na kita.”
“Thank you!” agad na sambit ko bago ito tumalikod.
Hindi na ito nagsalita pa bagkus ngumiti lang ito sa akin at agad na pumasok ito sa banyo ng mga lalaki. Naiwan naman akong tulala habang nakatingin sa pinto na pinasukan nito. Saka lang ako bumalik sa aking sarili nang mapansin ko ang babae at lalaki palabas sa banyo ng mga babae. Ibig sabihin hindi guni-guni ang narinig ko kanina sa loob ng banyo kun’di totoo talaga iyon. Napailing na lamang ako habang tinitingnan ko ang mga ito. Tila hindi pa sila nakuntento sa ginawa nila sa loob ng banyo at naghahalikan pa sa harapan ko na parang hindi ako nakikita ng mga ito. Dahil nakakahiya naman habang pinapanuod ko silang dalawa kung kaya ay ako na ang unang umiwas.
Muli akong bumalik sa mga kaibigan ko at nadatnan ko ang mga ito na natutulog na at humihilik pa maliban kay Jana na gising pa rin at lango na sa alak ngunit tumatawa pa rin itong mag-isa.
“Anj, nandiyan ka na pala, tagay pa!” ani ni Jana kahit halos papikit na ang mga mata nito. “It’s my birthday, let’s enjoy the night.” Itinaas nito ang bote na hawak na wala nang laman.
“That’s enough, Jan!” Inagaw ko ang boteng hawak nito.
“Inom pa tayo, Anj,” lasing na wika nito saka yumakap ito sa akin.
“It’s my birthday, Anj! It’s my birthday!” sumisinghot nitong wika kung kaya ay inangat ko ang mukha nito. Nakita ang luha sa mga mata nito na kaagad ko namang pinunasan.
“I know… I know, Jan.” Muli ko itong niyakap at inihilig sa aking dibdib. Ganito ito palagi sa tuwing nasosobrahan ng alak, nagiging iyakin.
Tinulungan ko ito na makatayo upang dalhin ito sa kuwarto na inuukupa namin. Tila nawala ang kalasingan ko sa mga ito. Nang maihatid ko na si Jana sa kuwarto, sunod ko namang ginising si Ivy at tinulungan ko rin ito na makatayo at dinala ko rin sa kuwarto namin. Pagkatapos ni Ivy, binalikan ko naman sina Lea at Irene. Ang hirap maging baby sitter sa mga ito kapag nalalasing.
Bumalik ako sa cottage at iniligpit ang mga nagkalat na bote at pagkain. Pagkatapos kong ligpitin ang mga iyon, hindi kaagad ako bumalik sa room namin bagkus namalagi pa ako sa cottage ng ilang oras habang nakatitig sa maliwanag na buwan sa kalangitan. Halos tahimik na rin ang buong paligid dahil madaling araw na at wala na gaanong mga tao. Ngunit pakiramdam ko hindi ako nag-iisa dahil may narinig akong tumikhim sa aking likuran.
“Miss, mukhang nag-iisa ka lang yata?” Tumingin ito sa paligid ko kung may ibang tao akong kasama. Nang makumpirma nito na wala akong kasama, unti-unti itong lumapit sa akin na agad ko namang pinigilan.
“Huwag kang lumapit sa akin, diyan ka lang.” Pigil ko rito at unti-unti rin akong umaatras palayo rito.
“Gusto ko lang naman makipagkilala sa’yo.” Ngumiti ito ngunit bago pa ito tuluyang makalapit sa akin kumaripas na ako ng takbo. Hindi ko alam kung saan ako patungo basta ang mahalaga makalayo ako rito.
Nakasunod pa rin ito sa akin.
“Run, baby, run…” Tumatawa ito habang humahabol sa akin.
Napansin ko naman na may isang room na nakabukas pa ang ilaw kung kaya ay tumakbo ako ng mabilis at pumunta ro’n bago pa ako nito maabutan. Kaagad na kumatok ako sa pinto nito.
“Tulong! tulong!” sigaw ko habang kinakalampag ko ang pintuan nito.
Napansin kong malapit na ang lalaki sa akin kung kaya ay nilakasan ko ang pagsigaw. Bahala na kung nakabulabog ako ng kapitbahay, ang mahalaga hindi ako maabutan ng lalaking humahabol sa akin.
Maya maya ay bumukas ang pinto bago pa makalapit sa akin ang lalaki. Agad akong pumasok nang walang pahintulot sa umuukupa ng kuwarto dahil ang mahalaga ay safe ako. Kaagad din akong nagtago sa likod ng kung sino man itong tao na pinasukan kong kuwarto.
Napansin ko rin na napatigil ang lalaking humahabol sa akin at agad na sinapo nito ang kaniyang ulo at bigla itong natumba sa buhanginan. Bigla rin akong kinabahan sa nangyari rito. Dahan-dahan naming nilapitan ito habang nagtatago pa rin ako sa likod ng lalaki. Napansin ko na tila nanginginig ang katawan ng lalaking humahabol sa akin at bahagyang tumirik ang mata nito.
“Oh my God!” bulalas ko. “He’s having a seizure.”
Napalingon naman ang lalaki sa akin. Napatulala ako rito dahil siya ‘yong lalaki kani-kanina lang sa labas ng banyo na sumalo sa akin nang muntikan na akong madapa.
Tila nahipnotismo ako sa titig nito. Ilang segundo rin kaming nagkatitigan bago naalala namin ang lalaking humabol sa akin na hinimatay.