Chapter 13: Father's approval
"Astralley..." nambabantang sambit nito sa pangalan ng pinsan at seryoso siyang tinitigan.
Gusto ko rin sabunutan ang buhok nito, eh. Kung ano-ano kasi ang pinagsasabi niya. Ang daldal talaga ni Astralley, sarap tahiin ng bibig niya.
"Biro lang, Kuya," wika niya at nag-peace sign pa.
Tumingin sa akin si Alked at mag-iiwas sana ako ng tingin sa kanya. Kasi naman, bakit ang umaamo ang mukha niya kapag nakatingin siya sa akin? Ano ba talaga ang mayroon sa akin na napapansin niya?
"Puwede ba kitang makausap?" tanong niya sa marahan na boses. Tumango ako bilang pagsang-ayon at pinihit ko ang ulo sa direksyon ni Alley. Ang babaeng `to oh, nakangiti na naman siya. Halatang nang-aasar na naman siya.
"Mauna ka na sa loob ng opisina ko, Astralley," utos sa kanya nito. Parang ang tanga niya sa sobrang lapad ng mga ngiti at ilang beses na tumango.
"Saan pala kayo magdi-date, Kuya Alked?" pahabol na tanong pa niya. Mariin na napapikit ako.
"Puntahan mo na nga lang si Tatay, Alley. Ang kulit-kulit mo," ani ko. Tawa lang ang isinagot niya at hindi na siya dumiretso pa sa opisina ng pinsan niya.
Iginiya na lamang ako roon ni Alked at tahimik na sumunod din naman ako sa kanya.
"Have a sit," sabi niya at inaya akong umupo sa sofa niya.
Ano kaya ang pag-uusapan naming dalawa, `no? Tungkol kaya sa deal ng kapatid niya? Gusto na niyang umatras? Pero buo na rin naman ang desisyon ko na pumayag, eh.
Kahit hindi ko pa kilala ng lubos si Alked Herran ay nararamdaman ko naman na mabuti siyang tao. Mabait kahit mukha siyang suplado pero tahimik at seryoso lang din siya. Pero kung hindi nga siya ganoong klaseng tao ay bakit niya ako tinutulungan ngayon? Bakit pati ang kapatid niya ay kinakalaban din niya para lamang makuha namin ang hustisya para kay Tatay Jasper?
Saka... kung puwede naman... Kung posible nga na may magbago sa amin ang lahat ay bibigyan ko iyon ng oras, ng pagkakataon na magustuhan siya.
Pero mukhang hindi ako mahihirapan sa bagay na iyon. Napasapo ako sa aking dibdib. Nararamdaman ko ang pagbilis ng t***k nito. Naalala ko ang unang beses na makita ko siya.
Hindi ako naniniwala sa love at first sight. Dahil naisip ko noon na sobrang napakaimposible pero ngayon... Mukhang maniniwala na ako. Naramdaman ko na kasi ito bigla, ng hindi ko inaasahan.
"Ayos ka lang?" tanong niya sa akin, may bahid na pag-alala sa kanyang boses. Tumango ako at kumuha pala siya ng bottled water. Binuksan niya ang takip no'n at ibinigay niya sa akin. Sa simpleng gesture niya lang ay nagwawala na agad ang sistema ko.
Hindi ako nagdalawang isip na kunin iyon sa kanyang kamay at napapitlag pa ako dahil dumikit pa ang balat niya sa akin. Mabilis tuloy nag-init ang mukha ko.
"S-Salamat," nauutal kong saad. Natataranta pati ang kaibuturan ko. Wala pa siyang ginagawa sa lagay na`yan. Pero sobra-sobra na kung mag-react ang puso ko.
"I have a deal, too, Kirsten," sabi niya. See? Second name basis na agad siya. Feeling close siya pero napaka-natural naman no'n. Parang sanay na ako agad na iyon ang itatawag niya sa akin. Wala kasing tumatawag sa second name ko at kung hindi lang galit sa akin ang tatay ko, na buong pangalan ko ang itatawag niya. Pero minsan lang naman nagagalit sa akin ang aking ama.
"M-May deal ka rin?" kinakabahan na tanong ko pa. Siyempre sa presensiya niya ako kinakabahan. Ano ba...
"Dalawa," tumatangong sabi niya. Napahawak pa siya sa batok niya. Ano'ng nangyari? "Puwede ka rin naman na hindi sumang-ayon sa deal ko," dugtong niya.
"Sige. Ano ba iyon?" tanong ko at sumimsim na ako ng tubig. Pinagmamasdan pa niya ako kaya nag-iwas na ako ng tingin sa kanya.
"Dalawa ang deal ko, tumanggi ka sa pinag-usapan natin nina Keo. Hindi ka magpapakasal sa akin, ayokong pinipilit ang isang tao na labag sa loob nila, Kirsten. Handa naman akong tulungan ka at ipagtanggol sa magtatangkang lalaban sa `yo o mananakit dahil lang sa kaso ng tatay mo," seryoso at mahabang saad niya. "Malaya ka sa desisyon mo, hindi ka dapat napipilitan at hindi mo dapat sabihin na wala kang choice kundi ang tanggapin ang inaalok sa `yo," dagdag pa niya na halos ikaawang ng mga labi ko.
May sarili rin siyang prinsipyo and I think, pasok na yata siya sa standard sa mga lalaking type ko. Tumango na rin ako and he sighed with relief.
"May deal din ako," sabi ko.
"Okay, what is it?" he asked me.
Napainom ako ng tubig dahil paano ko ba sasabihin ito sa kanya? Bigla ko rin kasing naisip iyon.
"Maganda kasi ang offer ng kapatid mo... Kahit na puwede naman niya talagang ibigay sa akin ang sketching book ni Tatay Jasper para matapos na ang lahat," sabi ko.
"Tuso si Keo, Kirsten. Kapag may kailangan ka sa kanya ay dapat sundin mo ang gusto niyang ipapagawa sa `yo. Dapat may kapalit ka para ibigay rin sa `yo ang gusto mo," sambit niya. Mabuti naman ay hindi siya katulad ng kuya niya.
"Sundin na lang natin ang deal ng kapatid mo...at..." sabi ko at nakagat ko ang pang-ibabang labi ko dahil nahihiya talaga akong sabihin iyon sa kanya.
"Ano?" marahan na tanong niya at naghihintay rin siya sa idudugtong ko.
"Puwede naman nating subukan, kung magwo-work ang marriage...ang relasyon natin," sabi ko at hindi na ako makatingin pa sa kanya. Dahil alam kong pulang-pula na talaga ang pisngi ko. Nakakahiya!
Napatingin na ako sa kanya dahil hindi na siya nakakibo pa. Nabigla lang ako sa reaction niya dahil nakahilig na siya sa headrest ng sofa at hawak-hawak niya rin ang kanyang dibdib. Parang aatakihin pa yata siya sa puso in no time. Namutla s'ya agad tapos namumula rin ang tainga at leeg niya.
Dahil nag-aalala ako sa naging reaksyon niya ay wala sa sariling inabot ko sa kanya ang tubig ko.
"Ayos ka lang ba?" tanong ko sa kanya. Visible sa mukha at boses ko ang pag-aalala sa kanya. Nanginig pa ang kamay niya na kinuha sa akin ang bottled water ko at inisang tungga lang niya iyon. Wala ng natira at naubos niya. Ayos lang naman.
Tapos nang may na-realize na naman siya ay natigilan na naman siya at napatingin sa hawak niya na wala ng laman.
"Shet..."
"Bakit? May nangyari ba?" tanong ko pa. Dahan-dahan na napatingin siya sa akin at bumuntonghininga. Naguguluhan ako sa kanya.
"Wala... Tungkol sa sinabi mo... Sigurado ka ba? Sigurado ka ba na pakakasalan mo ako?" tanong niya na halos ibulong na lamang ang huling salita. Mukhang nahihiya pa siya.
"K-Kung napipilitan ka rin... Ang kuya mo na lang ang--"
"No," putol niya sa sasabihin ko sana. Ayaw naman niya na ang kuya niya ang pakakasalan ko. Hindi ko alam kung bakit natuwa ako roon.
***
"Makakalabas ako rito at malilinis ang pangalan ko?" tanong sa akin ng aking ama nang kausapin ko na siya.
Medyo kinakabahan pa kasi ako. Baka kasi kung ano rin ang sasabihin niya o hindi siya sang-ayon sa deal namin ni Keo Fortalejo. Baka isa si Tatay ang hahadlang no'n pero iyon na lang din kasi ang pag-asa ko upang makalaya na siya at hindi na rin mananakaw pa ang mga pinaghirapan niya. Dahil nangako sila na hahanapin ang lalaking iyon at ipapakulong pa rin nila.
"Paano, anak? Paano naman ako makakalabas dito? Wala sa atin ang sketching book ko, na puwedeng mapawalang sala ako," malungkot na sabi niya. Hindi ko talaga kayang sabihin o paano ko ba ipapaliwanag sa kanya ang lahat.
"Nag-alok po ng tulong ang KIDS Production, `Tay," sabi ko at agad na lumalim ang gatla sa kanyang noo. Nalilito niya akong tiningnan. "Nakausap ko po ang CEO nila."
"P-Paano? Sa pagkakatanda ko ay sila ang nagpakulong sa akin, Jam," sabi niya at tumango ako. "Hindi ka ba nila sinaktan, anak? Ayos ka lang ba? Sino ang kasama mo na nagpunta roon?" sunod-sunod niyang tanong.
"Uhm, si Chief Alked po, `Tay. Wala pong nangyari sa akin. Saka po iuurong ho nila ang kaso laban sa inyo at hahanapin nila ang taong nagnakaw ng mga laruan mo at pati pangalan mo, `Tay. Tutulungan po nila tayo. Nangako ho sila sa atin," sabi ko at dumilim ang mukha ng tatay ko. Na tila may naisip na siya na posibleng nangyari.
"May kapalit `yan, Jam tama? May kapalit ang tulong nila. Sigurado akong mayroon," matigas na saad ni Tatay Jasper. "Silang mga mayayaman ay alam ko na hindi sila tutulong sa mga katulad natin kung walang kapalit," saad pa niya.
"Tatay, iyon na lang po ang alam kong paraan at nasa kanila iyong mga kopya mo," sabi ko.
"Ano, Jam? Ano ang gusto nilang kapalit? Ano?" walang emosyon na tanong niya sa akin.
Bumilis ang t***k ng puso ko. Dahil sigurado akong tatanggi na agad si Tatay. Mas gugustuhin na niya agad na hindi na makalabas pa sa kulungan kaysa ang tanggapin ang tulong ng kuya ni Alked. Kahit isang deal lang naman iyon.
"Ano iyon, Jam Kirsten? Ano ang gusto nilang kapalit?" malamig na giit na tanong pa rin ng aking ama. Mariin na kinagat ko ang daliri ko at nakita iyon ni Tatay Jasper.
Huminga ako ng malalim at handa na sanang magsalita nang may lalaki na agad ang sumulpot sa pagitan ng pag-uusap namin.
"Good morning, I'm Keo Herron Fortalejo. I'm here for your case." Napatayo ako sa gulat nang makita ko si Keo Fortalejo, ang kuya ni Alked. Ano'ng ginagawa niya rito?
Expected na may kasama siya. Mga bodyguard niya at nanatili itong nasa labas. Dalawa rin ang mas malapit sa kanya.
Lumapit sa akin si Alley at tuwang-tuwa siya nang makita si Keo. Si Alked lang naman ang pinsan niya pero masaya rin siyang makita ito.
"Ayos lang kayo rito?" tanong sa akin ni Kuya Asher, halos magkasabay lang sila ni Keo na dumating. Kasama rin niya ang family attorney nila.
"Keo? Ano'ng ginagawa mo rito?" kunot-noong tanong ni Kuya Asher.
"I'm here for Mr. Celestial. Siya ba ang abogado? Ang family attorney niyo? Tamang-tama, Asher at may pag-uusapan tayo," sabi nito at napatingin pa sa akin. Bahagya lang tumaas ang sulok ng mga labi niya.
"Lumabas muna kayo, Astralley, Jam," mahinahon na sabi sa amin ni Kuya Asher.
"Dito lang ako, Kuya Asher. Gusto kong malaman at marinig ang pag-uusapan niyo," sabi ko. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang magkabilang balikat ko.
"Oo, Jam. Pero kami na ang bahala rito, sige na. Saka ka na namin tatawagan at papasukin dito kapag na-settle na namin ang kaso ng tatay mo."
"Pero kuya..." ani Alley.
"Sige na, Astralley. Dalhin mo muna sa labas si Jam," saas nito at napanguso ang kaibigan ko.
Paglabas namin ay sumalubong sa amin si Alked. Napatingin ako agad sa hawak niyang paper bags.
"Where are you going, Astralley?" tanong niya sa kanyang pinsan.
"Pinalabas nila kami, Kuya, eh. Dumating po si Kuya Keo at Kuya Asher," sagot niya.
"Si Keo? Ano'ng ginagawa ng isang iyon dito?" naguguluhan na tanong niya.
"May pag-uusapan daw ho sila, Kuya." Nagulat ako nang hinawakan ni Alked ang kamay ko at ibinigay sa akin ang dala niyang paper bags.
"A-Ano ito?" gulat kong tanong.
"Your lunch," sagot niya at hayan na naman ang puso ko.
"Sa akin, Kuya? Mayroon din akong lunch?" makulit na singit ni Alley.
"Of course," sagot lang nito saka malalaki ang mga hakbang na pumasok sa loob.
Nagkibit-balikat na lamang ako dahil sa inaakto niya. Kinuha ni Alley ang isang paper bag at sinilip ang laman no'n.
"Ang sosyal ni Kuya Alked ko, `no, Jam?" pagyayabang pa niya sa akin. Napanguso ako. "Mabait naman si Kuya Alked, Jam. Wala kang dapat ipag-alala sa kanya. Hindi siya katulad ng mga lalaki riyan. Responsible iyon at sobrang mahal no'n ang Mommy niya, kaya hindi niya iisipin ang manakit ng babae," sabi niya sa akin.
"Alam ko. Nararamdaman ko, Alley. Pero natatakot lang ako sa malalaman ni Tatay. Baka hindi niya gusto, baka ayaw niya sa deal ni Keo Fortalejo," nababahalang sabi ko.
"Kung ano man ang magiging desisyon ni Tito Jasper. Kung ayaw niya at ayaw niyang magpakasal ka, kasi iisipin no'n na bina-blackmail ka lang ng mga Fortalejo, kaya kung ano man iyon ay ang tatay mo pa rin ang masusunod, Jam. Si Tito pa rin ang magdedesisyon at wala kang magagawa," sabi niya at napatango na lamang ako.
"Tara kainin na natin ito," pag-aaya niya at sinipat ko ang relo ko sa braso.
"Ang aga pa, Alley. 10AM pa lang," sabi ko sa kanya. Sanay kasi kami na sa 12PM iyong lunch time namin.
"Mainit pa kasi ito oh. Baka lumamig kapag mamaya pa natin kakainin. Sayang naman. Libre pa ito." Hindi lang pangdalawang tao itong pagkain na binili ni Alked. May extra pa at alam ko pati si tatay ay nilibre niya rin.
Eksaktong natapos kami sa pagkain ni Alley ay pinatawag na kami ni Kuya Asher. Tumawag pa ito sa phone ng kapatid at ako naman ay nagsimula ng kabahan.
Kasi malalaman ko na ang komento at hinaing ni Tatay Jasper tungkol sa pag-alok sa amin ni Keo ng tulong at kung ano rin ang naisipan nitong kapalit para sumang-ayon ako. Tama naman talaga si Tatay, lahat ng bagay ay may kapalit.
Nanlalamig pa ang palad ko at ang lakas ng tambol sa dibdib ko. Nakaangkala ang braso ni Alley sa akin at alam niyang kinakabahan talaga ako kaya dikit nang dikit lang siya sa akin.
Pagpasok namin sa loob ay wala na roon si Keo at mga tauhan niya. Si Kuya Asher, ang abogado ni Tatay Jasper at si Alked na lamang ang kasama ng aking ama.
"`Tay," sambit ko at sa akin agad tumutok ang atensyon niya.
"Jam, halika rito," sabi niya at mabilis naman akong lumapit. Si Alley ay tumabi lang nang upo sa Kuya Asher niya at nakikipagkuwentuhan pa yata sa pinsan niya.
"Alam mong mahal kita, anak," agad na wika niya at mabilis naman akong tumango.
"Mahal din kita, `Tay," nakangiting sambit ko.
"At gagawin ni Tatay ang lahat para sa `yo... Pero nakakulong pa rin ako sa mga oras na ito. Kaya ikaw ang gumagawa ng paraan para makalabas ako sa lugar na ito. Matanda na ang Tatay mo, anak... Kaya alam kong napakadelikado para sa ating dalawa ang lahat ng ito, kaya pumapayag na ako." Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko pa medyo nakuha ang ibig niyang sabihin na payag na siya. Saan?
"A-Ano po iyon, `Tay?" tanong ko.
"Pumapayag na si Tatay na magpakasal ka. Naisip ko kasi na...maganda ang buhay na maibibigay sa `yo kung isa sa kanila ang mapapangasawa mo. Sumang-ayon ako hindi dahil gusto kitang ipamigay agad, anak. Hindi ganoon iyon, pero may tiwala ako..." sabi niya at lumapit pa sa akin para bumulong. "May tiwala ako sa batang `yan, Jam," aniya sabay na sulyap kay Alked.