CHAPTER 1

2210 Words
Sabi nila, ang lahat ay may hangganan. Ang buhay raw ay tila isang gulong na umiikot. Minsan ikaw ay nasa ibaba, at minsan din nasa itaas. Kung naghihirap ka man sa sandaling ito, huwag daw mag-alala bagkus hintayin lang ang tamang pagkakataon upang makamtam ang minimithing ginhawa. Potek! Kung sino man ang may pakana ng kasabihang iyan, gusto ko siyang sapakin! Naiinis lang ako tuwing maglaro sa aking isipan ang katagang ginhawa gayong simula't sapol pa lang, hindi ko naranasan ang guminhawa man lang ang aming buhay. Sa dalawampu't dalawa kong pamamalagi dito sa mundo, ganoon pa rin ang buhay na kinagisnan ko. Isang dukha, na kahit anong kahig, ni minsan ay di man lang umangat sa putikan kung saan ako nagkamuwang. "Bilisan mo, Marcus!" sabay hataw ko ng latigo sa kabayong sinasakyan, dahilan para maramdaman ko ang pagbilis ng pagtakbo nito. Kailangan kong magmamadali dahil maaga raw ide-deliver ang mga naaani kaya sako sako na naman ng palay ang aking bubuhatin ngayon. Ano pa bang bago? Iyan naman yata talaga ang dahilan kung bakit ako isinilang ng aking ina, ang maging kargador ng hacienda Salvatore kung saan kami naninilbihan. Kasabay ng paglitaw ng araw, nakikita ko ang kasagaanang pumupuno sa malawak na lupain. Mula sa aking harapan ay matatanaw ang hekta-hektaryang papahinog na palayan. Ang mga bunga nito ay waring pinong ginto na mayabang na nakayuko. Sa kabilang dako ay naroon din ang malawak na manggahan. Hitik ito sa bunga na nakabalot sa diyaryo. Sa kabilang dako rin naroon ang tubuhan. Mula doon sa tuktok ng mga burol, tanging natatanaw ko lang ay ang mga malalagong dahon ng niyog na pumupuno hanggang sa dulo ng hangganan ng teritoryo ng hacienda Salvatore. Nasa halos dalawang daang hektarya ang kabuuan ng hacienda. Marami pang mga pananim ang pumupuno sa buong lupain ngunit hindi na ito maabot pa ng aking paningin. Tunay na hindi maliparan ng uwak ang haciendang ito. Si Senior Flavio Salvatore ang nagmamay-ari ng lupain na ito. Sa lawak ng kaniyang lupain, halos sakop na niya ang kabuuan ng bayan. Lahat ng mga trabahador ay dito na rin naninirahan. Lahat ng manggagawa ay may kanya-kaniyang village na pinananahanan depende sa mga pananim kung saan ito nakatokang magserbisyo. Bata pa lang si mama, naninilbihan na siya bilang magpapalay ng hacienda. Bagamat ang pasweldo ay hindi naman ganoon kalakihan ngunit sa kadahilanang wala siyang ibang mapupuntahan, pinili niyang manatili na lang rito. Hanggang sa mag-asawa sila ng aking ama na namatay sa sakit noong nasa pitong taong gulang pa lang ako. Apat kaming magkakapatid. Ako ang panganay kaya ako na ang tumatayong father figure sa aming tahanan. Sa kahirapan ng buhay, kaya sa murang edad ay tumutulong na ako kay mama sa paghahanap buhay. Mahirap ang buhay rito. Magpapalay rin ang gawain na nakaatang sa akin. Sa kasamaang palad, bilang isang lalaki ang pagiging kargador ang responsibilidad na ibinigay ni Senior Flavio para sa akin. Bawat araw, gigising ako ng madaling araw para maligo. Pagkatapos mag-almusal, diritso na ako sa kamalig na nasa gitna ng palayan kung saan nakatambak ang daan daang sako ng palay upang kargahin paakyat sa dam truck na magdedeliver ng mga ani patungo sa bayan. Kasabay ng pag-ihip ng hangin, naamoy ko rin ang mahalimuyak na bango na nagmumula sa papahinog pa lang na mga bunga ng pananim. Sa bawat araw ng pamamalagi ko rito sa palayan, 'di ko talaga maiwasan ang hindi mamangha sa kasaganaan bumabalot sa buong lupain. Nakakainggit nga minsan, gayong sa bawat araw na ginawa ng Diyos upang kumayod kami, at magpatulo ng pawis sa pagtatrabaho, wala kaming pag-asa na umangat sapagkat bawat batak at sipag namin, ang mga Salvatore lang ang yumayaman. Isaang daan at singkwento pesos lang ang kinikita ng mga trabahador bawat araw. Sapat lang ito para sa aming pang-araw araw na kakailanganin. Nakakatawa ngang isipin na kahit kami ang nagsasaka, hindi namin napapakinabangan ang aming mga pananim sapagkat bawat ani na ninanais naming tikman ay kailangan naming bilhin mula sa sweldo naming isang daan at sinkwenta pesos! Pero anong magagawa namin? Ito ang buhay na mayroon ako. Gugustuhin ko man sanang makipagsapalaran sa labas ng haciendang ito, ngunit sa kadahilanang elementarya lang ang natapos ko, tiyak na kargador lang din ang mapapasukan kong trabaho kaya dito na lang ako nang sa gano'n ay makakasama ko pa ang pamilya ko. "Pareng Saymon!" tawag ko sa aking kasamahan dito sa kamalig nang matanaw ko siyang kasalukuyang nagtatali ng kaniyang kabayo sa silong ng punong mangga sa malapitan. "Uy, Sabio, mabuti at nandito ka na," nakangiti niyang tugon. "Mahaba ang araw na ito, tiyak na maglupaypay na naman tayo nito pag-uwi mamaya." "Sinabi mo pa." Nang makalapit sa kaniyang kinaroroonan, tumalon na ako panaog sa sinasakyang kabayo saka ko itinali ito sa kalapit na punong mangga. Sinimulan na namin ang pagbubuhat ng mga sako ng palay mula sa loob ng kamalig palipat sa nakagaraheng mga truck. Buhat dito, buhat doon ang aming ginawa. Tanghaling tapat na. Napupuno na namin ni Saymon ang tatlong truck. Bakas sa aming mukha na dinidiligan ng malalagkit na pawis ang pagod. Kapwa hinahabol namin ang aming mga paghinga sa sandaling ito. "Tama na 'yan," ang hinihingal na sambit ni Saymon na kasalukyang nagpupunas ng kaniyang pawis gamit ang lumang panyo niya. "Mananghalian na muna tayo," muling sabi niya saka tumalikod para muling makabalik sa taas ng kamalig. "Sige." Sumunod na ako sa kaniya. Nasa kalagitnaan kami ng aming panananghalian nang magtanong siya sa akin. "Pupunta ka ba mamaya?" Tinapunan ko siya ng aking tingin habang nakangunot ang aking noo, "pupunta, saan?" "May padisco daw si Senior Flavio sa bakuran ng mansion mamayang gabi. Dumating daw kasi galing America ang kaisa isang anak niya na si Seniorito Pancho kaya naglunsad siya ng isang kasiyahan bilang pagsalubong sa Senyorito." "Senyorito, Pancho?" balewalang tanong ko sa kaniya habang ang aking atensiyon ay nasa pakbet na nakalagay sa baunan. " Akala ko ba matandang binata iyang si Senior." "Ano ka ba naman,Sabio? Eh, sa tagal mo ng paninirahan sa haciendang ito, wala ka talagang kaalam alam sa kasaysayan ng hacienda Salvatore?" ng natatawa niyang tugon sa akin. "Eh, sa wala naman akong oras para pakialam ang buhay ni Senior Flavio." Makatotohanang pahayag ko. Bawat araw gigising at uuwi ako sa kubo namin ng pagod. Eh, sa halip na aalamin pa ang kaninununuan ni Senior, mabuti pa ay matulog na lang ako. Ang tanging alam ko lang ay nag-iisa lang sa buhay ang matandang haciendero. Simula ng ako ay magkaisip, siya lang ang mag-isang nagtaguyod ng malawak na lupain na ito kaya naiintriga ako nang malaman na may anak pala ang Senyor. "Sa bagay," pagsang-ayon niya. "So, ano, pupunta ka ba, o hindi?" "Naku! Pass muna ako sa kasiyahan na iyan. Mas mabuti nang magpahinga na lang ako sa kubo dahil bukas, itong mga gasakong mga palay na naman aatupagin natin." "Ano ka ba naman, Sabio. Eh minsan lang naman ito. Kahit minsan lang ay matatakasan natin sandali ang kahirapan ng ating mga buhay. Isang gabi lang naman." Pangungbinsi niya sa akin. "Paniguradong maraming kadalagahan ang pupunta sa kasiyahan mamaya. Mamingwit na rin tayo ng chiks," natatawa niyang pahayag. Dahil sa kaniyang sinabi kaya napatawa ako ng bahagya. "Kahit kailan ay napakababaero mo talaga, Saymon!" "Kilos kilos din kasi 'pag may time!" "Bakit, takot ka bang mauubusan ng babae?" "Hindi, ah! Itim lang ako pero may maghahabol pa rin naman sa akin ano?" "Ang yabang natin, ah!" pang-aalaska ko sa kaniya. "Makatotohanan naman ang bagay na iyan. Teka bakit ba tayo napunta sa usapang ito, eh sa nagtatanong lang naman ako kung pupunta ka ba?" "Pag-isipan ko," ang sabi ko. "Naku, kaya ka tatandang binata kasi di ka marunong makisama," ang naiiling niyang pahayag sa huli. Pagkatapos kumain, balik trabaho na naman kami. Ang kaninang tigdalawang sako ng palay na sabay kong kargahin ay di ko na kayang ipatong sa aking balikat dahil sa labis na pangangalay. Nagsimula na ring manginig ang aking katawan dahil sa pagod ngunit kailangan naming mapuno ang anim na truck dahil ngayong gabi nakatakdang ibiyahe ang mga ito sa bayan. Araw-araw ito ang linya ko. Nakakapagod ngunit ang pagsuko ay wala sa aking isipan sapagkat kailangan kong tulungan si mama sa mga gastusin lalo na at kasalukuyang nag-aaral ng kolehiyo sa Maynila ang aking kapatid na si Gera, habang ang dalawa ko pang kapatid ay kasalukuyang nasa hayskul. Mahirap ang buhay, lalo na at wala kang natapos na mas mataas na pinag-aralan. Ngunit, sa kabila ng lahat hindi ko sinisisi ang magulang ko kung bakit kami mahirap. Siguro ito talaga ang linya ng aming kapalaran kaya kahit nakakapagod at nakakasawa na, makiayon na lang ako. Sa ngayon, masisiguro ko lang na maging maayos ang kinabukasan ng aking mga kapatid sa hinaharap, ayos na ako kahit tatanda ako bilang kargador ng haciendang ito at magdildil ng asin habang buhay. "Pumunta ka, ha?" huling bilin sa akin ni Saymon nang maghiwalay na kami ng aming mga landas. Alas singko ang oras ng aming uwian. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya tumigil sa pangungulit sa akin na pumunta sa padisco ni Senior. Eh, wala naman akong interest sa mga kasiyahan na ganyan. Bukod sa nakakabingi ang mga tugtog, 'di pa ako marunong sumayaw. "Subukan ko," ang tugon ko na lang saka hinataw ng latigo si Marcus dahilan para tumakbo ito ng mabilis. Mahigit kinse minutos ang tinakbo ng kabayo bago ko marating ang aming village. Ang village na ito ay para sa mga trabahante lang ng palayan. Tipikal lang ang lahat ng mga kabahayan na narito. Ito ay gawa sa pawid at kawayan. Pumasok na ako sa aming munting kubo matapos mapainom si Marcus at mapakain ng mga dayami. Bukas ang pinto kaya tuloy tuloy na akong pumasok sa loob. Tumambad sa akin si mama na kasalukuyang nakatuon ang pansin sa tinatahing damit. "Ma," agaw pansin ko dito. "Oh, Sabio, nandito ka na pala," wika niya. "Hinanda ko na ang susuutin mo para sa sayawan mamaya." "Bakit ka pa nag-abala, eh hindi naman ako pupunta doon." "Pumunta ka doon, Sabio," matatag na sambit ni mama. "Medyo masama ang pakiramdam ko ngayon, kaya ikaw na lang muna ang pumunta doon." Muli niyang ibinalik ang pansin sa tinatahing polo ko na may kalumaan na. Tatalikod na sana ako ngunit muli siyang nagsalita. "May mahalaga daw na sasabihin ang Senior. Ipakilala na raw niya ang kaniyang tagapagmana sa hacienda. Pancho yata ang pangalang ng anak niya na iyon?" "Ibig mong sabihin maging iba na ang amo natin?" ang nakangunot kong tanong sa kanya pabalik. "Siguro. Kaya nga dapat pumunta ka doon para malaman natin kung ano ang mahalagang sasabihin ni Senior Flavio." Wala akong nagawa kundi ang magpakawala na lang ng isang malaking buntong hininga. Alam ko rin naman na kahit makipagtalo pa ako kay mama, sa huli alam kong siya pa rin naman ang masusunod. "Maligo ka na," utos niya sa akin. Mabigat ang aking mga yabag na pumunta sa aking kwarto para maghanda sa pagpunta sa mansiyon. Uuwi na lang ako agad pagkatapos malaman kung ano ang iaanunsiyo ng Senior. BUKAS ANG malaking tarangkahan ng mansion ng Senior. Kahit medyo nasa kalayuan pa ako, halos mabingi na ako sa lakas ng mga tugtog na pumailanlang sa buong kapaligiran. Gabaha din ang maraming nasasakupan sa bakuran ng mansiyon na napupuno ng kumukutitap na mga samot saring kulay ng ilaw. Ngayon pa lang, gusto ko nang umatras at umuwi. Sadyang hindi para sa akin ang ganitong kasiyahan. Mas pipiliin ko na lang ang matulog kaysa sa magpakabingi sa mga musikang tila tawa ng demonyo. "Sabio!" napalingon ako sa gawi ni Saymon nang marinig ko ang pagtawag niya sa aking pangalan. "Mabuti naman at nakarating ka." "Pinilit lang ako ni mama dahil may mahalaga daw na ianunsiyo ang Senior." "Bakit 'di ko alam ang bagay na iyan?" takang tanong niya. "Eh, malalaman naman natin siguro ang bagay na iyon mamaya maya." Agad nabaling ang aking paningin sa gitnang bahagi ng bakuran nang unti-unting namatay ang nakakabinging tugtig ng musika. Doon, nakita ko ang matandang Senior na magarbong nakatayo. Hawak ng isang kamay niya ang isang baso ng mamahaling bino, habang sa isang kamay naman hawak niya ang mikropono. Bagamat bakas na sa matanda ang katandaan ngunit naroon pa rin ang kakisigan nito. Kung hitsura lang ang pag-uusapan, halatang may ipagmamayabang pa rin ang Senior kahit namaputi na ang buhok nito at ginuguhitan na ng kulubot ang mukha. "Magandang gabi sa inyong lahat," panimulang bati niya, dahilan para matahimik ang lahat at nabaling ang atensiyon ng lahat ng panauhin sa kanya. " Ang kasiyahang ito ay hindi para sa akin kundi para sa aking nag-iisang anak na si Pancho." "Mga mahal kong manggagawa, matanda na ako, tila hindi ko na kaya pa ang pamunuan kayong lahat kung kaya panahon na upang ipaubaya ko kayo sa aking nag-iisang tagapagmana. Bagamat hindi pa ganoong bihasa ang aking anak sa pasikot sikot ng ating munting lupain ngunit hangad ko na ang inyong katapan ay mananatili sa akin at sa kanya. Ikinagagalak kong ipakilala sa inyo ang aking nag-iisang anak, ang tagapagmana ng hacienda Salvatore, si Senyorito Pancho."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD