Lahat ng tingin ay napako sa lalaking kasalukuyang lumalabas mula sa pintuan ng mansiyon. Elegante itong bumaba sa marmol na hagdanan panaog sa berdeng bakuran kung saan naghihintay ang mga tauhan sa kanya. Bagamat hindi ko pa masiyadong maaninag ang mukha nito dahil nangangapa pa rin ang aking mga mata sa nakakasilaw na mga ilaw na bumabalot sa lugar, ngunit hindi nakaiwas sa aking mga mapanuring tingin ang kulay tsokolate nitong buhok na maayos na nakabrush up sa likurang bahagi ng kaniyang ulo na may maayos na gupit. Kapansin pansin rin ang galabanos na kompleksyon ng lalaki. Napakinis ng mestiso nitong balat wari bang hindi man lang nakaranas masugatan.
Bagay na bagay sa lalaki ang suot nitong magarang maroon na long sleeve na humahapit sa katawan nito dahilan para bumabakat ang malapad nitong dibdib dagdagan pa ng batak na batak nitong mga masels na tila nagnanais ng pumutok sa suot nitong damit.
Kung pagmasdang mabuti, siguro isa siyang sporty na lalaki na babad sa gym. Sa tindig pa lang nito na hindi kumulang 6'4, marahil isa itong manlalaro ng soccer o di ba kaya ay football mula sa bansang pinanggalingan nito.
Mula dito sa kinatatayuan ko na ilang metro ang layo sa kung saan siya kasalukuyang nakatayo upang harapin ang panauhing naghihintay sa kanya, hindi ko masiyadong maaninag ang kabuuang itsura niya, subalit bakas sa kaniya ang katangian ng isang makisig na lalaki na kadalasan kong nakikita sa mga modelong nakalagay sa mga kalendaryo o mga magazines. May matangos itong ilong na sadyang bumabagay sa matigas na ekspresyong bumabalot sa mukha niyang tinutubuan ng pino at maayos na nakatrim na balbas.
Taas noong lumapit ang lalaki sa Senior na naghihintay sa gitna, kasabay rin ng masigabong palakpakan ng mga manggagawa, tanda ng mainit na pagtanggap sa bagong mamamahala ng hacienda.
Pati ang paggalaw ng kaniyang mga kamay at kilos ng kanyang katawan ay wari bang kalkulado niya. Ngunit hindi nakaiwas sa akin ang blangkong ekspresyong ng Senyorito. Ang manipis at ang mapupula niyang mga labi ay tila hindi sinserong nakangiti, ni hindi nga umabot sa magkabilaang tainga ang pagngiti niyang iyon.
Hindi naman sa panghuhusga sapagkat ito pa lang ang unang pagkakataon na makita ko siya, ngunit may pakiramdam akong hindi maganda sa kanya o ewan na sadyang hindi ko maitindihan. Hindi ko masabing strikto siya. Baka kasi ay pagod lang siya sa sandaling ito kung kaya nararamdaman ko ang tila kawalan niya ng gana sa mga pangyayaring naganap.
"Sabio, nakikinig ka ba sa akin?" ang pag-aagaw ni Saymon ng aking atensiyon dahilan para mapalingon ako sa kaniya.
"Ha?" takang tanong ko sa kaniya.
"Ang sabi ko, di ba masyado pang bata iyang si Seniorito para pamunuan ang hacienda? Eh, hindi ba sa America naman 'yan lumaki? Ibig sabihin, hindi pa niya galamay lahat ng pasikot sikot dito?"
"Hintayin na lang natin kung paano niya lakarin ang lupain nila. Mapag-aralan naman niya siguro ang bagay na iyan. Ano man ang mangyari sa hinaharap, labas na tayo doon dahil trabahador lang naman tayo sa haciendang ito. Basta ba'y ganoon pa rin ang pasahod niya sa atin, sapat na iyon para hindi tayo mabahala," ang aking tugon, sabay muling dako ng aking paningin sa Senyorito na ngayon ay bisi sa pakikipagsalamuha sa mga bigating negosyante na kapartner ni Senior Flavio.
Muling nabuhay ang nakakabinging tugtog. Ang mga tao ay ay nagsimula na ring magsaya ngunit sa paglipas ng ilang minuto, nanatili pa rin akong nakatayo, habang pinagmasdang mabuti si Senyorito Pancho.
Lahat ng nandirito ay talagang hindi maiwasan ang hindi mamangha sa katangiang taglay ng anak ni Senior. Angat na angat din kasi talaga ang kulay ng balat nito na wari bang siya lang talaga ang natatanging may kompleksyon na ganoon kompara sa aming lahat na naririto na kulay brown dahil sa kabibilad sa gitna ng mainit na araw.
Hindi rin nakaiwas sa aking pandinig ang pinipigilang pagtili ng mga kadalagahan na wari bang kinikilig sa Senyoritong paglilingkuran. Napailing na lang ako.
"Pansin ko na kanina mo pa tinitigan iyang si Senyorito Pancho," dinig kong sabi ni Saymon. Inilapit pa nito ang kaniyang bibig sa aking tainga para marinig ko ang inihayag niya na iyon. "May problema ba?" muling dagdag niya.
Marahas akong umiling, sabay kunot noong ibinaling ang aking tingin sa kanya. "Wa-wala!" tanggi ko.
Tumango tango na lang si Saymon ngunit di nakaiwas sa akin ang kaunting ngising aso na gumuguhit sa kaniyang brown na labi dahilan para madagdagan ang pagkunot ng aking noo.
"Bakit?" takang tanong ko.
"Wala naman," ang sabi niya.
"Gago!" asik ko sa kaniya na ikinatawa naman niya. Malamang kanina pa niya napansin ang madalas kong pagtitig sa Senyorito.
Umiwas ako ng tingin sa kaniya upang itago ang nararamdaman kong pamumula ng aking pisngi upang itago ang hiya na unti-unting nagpapainit sa aking mukha.
Pakiwari ko tuloy isa akong kriminal na nahuli niya sa akto dahil sa makahulugang pagngisi niya na iyon.
"Gusto mo?" makahulugan niyang pagtatanong ulit dahilan para manumbalik ang mga mata ko sa kanya na puno ng kalituhan.
"Sino?"
"Si Seniyorito," diritsong saad niya ni wala ngang pag-alinlangan ang paraan ng pagkasabi niya sa akin ng bagay na iyon.
"Hindi ako, bakla!" matigas kong tugon sa kaniya dahilan para bumulanghit siya ng tawa.
"Gago!" ang naiinis kong pahayag sabay pakita ko sa kaniya ng aking kamao.
"Biro lang naman iyon, pareng Sabio!"
Hindi ko maiwasan ang hindi kilabutan sa inihayag niya na iyon. Ang isipin pa lang na magkagusto sa isang lalaki ay talagang nakakadiri!
Hindi naman sa homophobic ako kasi wala naman talagang mali sa pagiging bakla, ngunit kapag magkagustuhan na ang magkaparehong kasarian... Aba! Ibang usapan na 'yan! Ang lalaki ay para sa babae lang. Mahigpit na batas iyon na itinuturo ng simbahan. Pati nga ang mga hayop na walang kamuwang muwang alam nila ang katotohanan na ang babae at lalaki lang ang para sa isa't isa. Siguro common sense na naman siguro ang bagay na iyan, dahil pagbabaliktarin mo man ang mundo, talagang sa lalaki at babae ang ating pinagmulan.
"Saan ka pupunta?" dinig kong tanong ni Saymon nang talikuran ko siya.
"Uuwi na ako," walang lingong tugon ko.
"Uuwi? Hindi pa tapos ang kasiyahan."
"Inaantok na ako. Mukhang wala na namang mahalagang sasabihin si Senior Flavio kaya magpapahinga na ako sa bahay. Kita nalang tayo sa kamalig bukas."
"MABUTI NA lang at maaga tayong natapos ngayong araw. Makapagpahinga tayo ng maaga," ang pahayag ni Saymon habang kasalukuyan niyang sinusuot ang kaniyang may kalumaang puting sando.
Alas tres pa lang ng hapon, napuno na namin ang truck ng mga gasakong palay. Bagamat alas singko pa ang aming uwian ngunit tapos na rin naman kami sa aming responsibilad dito sa kamalig kaya pwede na kaming mamahinga sa aming mga kubo.
"Eh, mas maaga naman tayong nagsimula kaninang madaling araw."
"Paano 'yan? Bukas ulit?"
"Sige."
Pinatakbo ko na ang kabayo palayo. Mula dito sa aking kinaroroonan, nanonoot sa aking ilong ang magkahalong halimuyak ng mga palay at amoy ng mga berdeng dahon sa kagubatan na naroon sa aking unahan.
Mas binilisan ko pa ang aking pagpapatakbo kay Marcus. Ngunit, sa halip na patakbuhin ang hayop sa daan pauwi ng aming village, hinila ko ang lubid nito dahilan para lumiko ang takbo nito sa kabilang direksyon patungo sa bungad ng kagubatan.
Kung may isa mang bagay na narito sa hacienda Salvatore na talagang nakakamangha bukod sa mga masaganang pananim na pumupuno sa buong lupain, iyon ay ang lawa na nakatago sa gitnang bahagi ng kagubatan na aking pupuntahan. Ang lawa na iyon ay isa sa mga natatanging kayamanan ng hacienda.
Puno ng pananabik na pinapasok ko si Marcus sa makipot na daanan paloob sa gubat. Ni wala akong pakialam sa makakating mga dahon na tumatama sa aking pawisang katawan.
Mula dito, naririnig ko na ang maluming pag-agos ng tubig. Napupuno rin ng mga huni ng ibon ang kapaligiran kasabay ng pagsasayawan ng mga dahon ng malalagong puno.
Patuloy ang pagtakbo ni Marcus hanggang sa matanaw ko na ang asul na lawa. Para itong isang natural na swimming pool na wari bang sinadya talagang inilagay sa pusod ng hindi naman ganoon kalakihang gubat na ito. Nakakamangha ang kalinisan nito dagdagan pa na ang mismong lawa ay pinapalibutang ng berdeng puno na mas lalong nagpapatingkad sa kagandahan bumabalot sa lugar.
Marahil ay sadyang likas na sa akin ang pagiging nature lover kaya, naapreciate ko ang kagandahang bumabalot sa lugar na ito. Sa tuwing napapagod ako, ang lawa na ito ang natatanging aking pahingaan.
Matapos maitali si Marcus sa kalapit na puno, sinimulan ko ng hubarin ang aking damit. Hinubad ko na rin ang aking lumang maong at kulay itim na brief dahilan para hubo't hubad na ako sa sandaling ito. Panatag rin naman ako na walang magawi rito ngayon sapagkat lahat ng mga tao sa hacienda ay bisi pa sa pagtatrabaho sa kani-kanilang mga gawain.
Ipinatong ko ang aking mga pinaghubaran sa likod ni Marcus saka ko inihakbang ang aking mga paa palapit sa pangpang ng lawa.
Ang paggalaw ng tubig ay tila kumakaway sa akin dahilan para wala na akong sinayang pa na sandali. Tumalon ako at sumisid sa kailalimang bahagi ng tubig. Bagamat hindi naman ganoon kalaliman ang lawa ngunit sapat na ito upang mapawi ang pagod na aking nadarama. Naramdaman ko ang pagyakap ng maligamgam na tubig sa aking balat. Napapikit ako sa labis na kapayapaan habang ninamnam ko ang unti-unting paglaho ng pangangalay ng aking katawan dahil sa sako sakong palay na binuhat ko kanina.
Tumihaya ako at nagpalutang lutang sa ibabaw ng tubig. Nasilayan ko ang bughaw na langit. Kasabay ng isang malaking buntong hininga, kusang kumawala sa aking bibig ang isang matamis na ngiti.
Sana ganito na lang lagi ang buhay. Iyong tipong pawang kaginhawaan na lang ang aking nararanasan. Ngunit ito marahil ang nakatadhana sa akin, kaya piliin kong makiayon sa pag-agos ng aking buhay gaya ng isang bangkang papel kahit 'di ko alam kung ano ang aking hinaharap.
Nang mapagod sa kakalangoy, umakyat ako sa malapad na bato sa gilid ng pampang. Humiga ako sa ibabaw nito. Malamig ang simoy ng hangin na tumatama sa aking balat. Masarap rin sa pandinig ang tila hagikhik ng tubig dahilan para maramdaman ko ang pagbigat ng aking talukap. Hindi ko nilalabanan ang aking antok hanggang sa tuluyan na akong nilamon ng dilim.
Ang marahas na kalabog sa tubig ang biglang nagpagising sa akin. Wari bang may kung anong nilalang ang tumalon doon dahilan para tamaan ng ilang tilamsik ang aking nakapikit na mata.
Napabalikwas ako ng bangon sabay suyod ng aking paningin sa gawi kung saan nanggaling ang kalabog ngunit wala akong nakita kundi ang marahas na paggalaw lang ng tubig ang aking natanaw, tila may kung anong sumisisid sa ilalim nito.
Hindi ko inalis ang aking paningin doon hanggang sa nakita ko ang paglitaw ng isang tao mula sa ilalim dahilan para magulat ako.
Nakatalikod sa akin ang estranghero. Ngunit kapansinpansin ang kulay tsokolate nitong buhok. Teka...pamilyar sa akin ang kompleksiyon ng estrangherong iyon. Hindi ako maaring magkamali sapagkat siya lang ang may natatanging may ganoong tila galabanos na balat!
A-anong ginawa niya rito?
Bakit nadito si Senyorito Pancho?
Maingat ang aking mga kilos nang sa gayon ay 'di ko maagaw ang atensiyon niya. Tatalikod na sana ako ngunit hindi pa man ako nakaisang hakbang nang magsalita ito, "aalis ka na agad?" dahilan para matuod ako sa aking kinatayuan. Malalim ang baritonong tinig niya na iyon na talaga naman bumabagay sa maskulado niyang katauhan. "Nagising ba kita?"
Humarap ako sa kanya na nandidilat ang mga mata. Ang kaniyang buhok ay maayos na ulit na nakabrush up sa likurang bahagi ng kaniyang ulo. Hindi rin nakaiwas sa aking mga mata ang pinong butil ng tubig na naroon sa kaniyang matipunong dibdib na komportable niyang idinisplay sa akin.
"Se-Senyorito Pancho," bakas sa aking nagkandautal na tinig ang labis na pagkailang.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko lalo na't hubot hubad akong nakaharap sa kaniya. Ang aking isipan ay nagtatalo kung tatakpan ko ba ng aking kamay ang aking ari upang iiwas ito sa kaniyang mapanuring tingin.
Hindi ko rin alam kung ano ang tumatakbo sa kaniyang isipan sa sandaling ito ngunit wala akong mababanaag sa kaniya na hindi siya komportable sa nakikita niyang kinalagyan ko bagkus pakiramdam ko,sa paraan ng kaniyang pagtitig sa akin mula sa madilim niyang mga mata, ay tila tinitingnan niya ang aking buong pagkatao patagos hanggang sa kasuloksulokan ng aking kaluluwa.
Para akong kandilang nauupos dahil sa pagkapahiya. Pakiramdam ko'y sinisilaban ng apoy ang aking mukha.
"A-anong ginawa mo rito?" ang aking tanong sa halip na sagutin ang katanungan niya sa akin.
Agad umarko ang kanyang dalawang makapal na kilay. "Pag-aari ko ang lupain na ito. Hindi ba ako ang dapat na magtatanong sa iyo tungkol sa bagay na iyan?" arogante niyang tanong pabalik dahilan para tila umurong ang aking dila sa kailalimang parte ng aking bibig.
An: Keep scrolling for the next page.