Nakatingin lang ako sa kaniya habang nag-uusap sila ni Elvi. May sinasabi ito na hindi ko marinig dahil nagbubulungan sila pero ang kapatid ko naman ay tawa nang tawa. Minsan ay titingin silang pareho sa akin tapos ay magtitinginan. Kukunot ang noo ko sa kanila kaya mas natatawa sila.
Hindi naman siguro ako sinisiraan ng kapatid ko, ‘no?
Hanggang sa mapagod ang kapatid ko ay si David ang kausap niya. Nag-cr lang ako tapos ay pagbalik ko ay nasaktuhan ko na inaayos nito ang kumot niya. May humila sa puso ko at hindi ko maipaliwanag kung bakit parang sasabog ito sa loob ng dibdib ko.
“Thank you pala rito.” Tukoy ko sa emergency hygiene kit niya. Hindi ko na ginamit ang iba dahil nasabihan ko na si Gaile na dalhan ako. Kinapalan ko na ang mukha ko kahit na alam kong busy siya. Wala rin naman siyang sinabi at sinabi na papunta na kahit kasasabi ko lang.
“No problem,” he said. Nagtagal ang tingin niya sa akin kaya mas na-concious ako. Siya nakaligo na habang ako ay suot pa rin ang damit kahapon. “Should we eat outside? Tulog na rin naman si Elvi. Let’s have a quick lunch.”
Hindi ko na sinubukan na tumanggi pa dahil nahihiya na ako. Hindi ko naman siya pinipilit, siya ang kusa na kumikilos. Sabay kaming lumabas pero bago iyon ay pinakiusapan ko ang isa sa bantay na naroon na tignan-tignan lang si Elvi at kung sakali na magising ay sabihin na nasa labas lang ako.
Sa malapit na convenience store kami pumunta. Hindi ko pa rin nababawi ang appetite ko kaya siopao na lang ang binili ko. Naghiwalay kami sandali sa loob kaya nagulat ako nang makita siya na may dalang instant meal at dalawang protein bar. May dalawang canned coffee.
“Ayan lang kakainin mo?” Tukoy niya sa hawak ko na parang kinamumuhian niya ang siopao ko.
“Oo. Ayan ba sa ‘yo? Sabay mo na, ako ang magbabayad.”
Mukha siyang na-offend sa sinabi ko. “Hindi ko pinababayad sa ‘yo—and this is not only for me, sa ating dalawa ito. Hindi pwede na ‘yan lang ang kakainin mo. Gusto mo ba na ikaw ang sumunod na humiga sa hospital bed?”
Napatingin sa amin ang cashier. Nagmukha siguro kaming couple na nag-aaway dahil bahagya itong nangingiti habang pasimple na tumitingin.
Kinuha niya sa akin ang maliit na tray na hawak ko. “You can eat this but eat first the food I got for you. Wala kang energy na makukuha sa siopao lang.”
Pagdating sa kaniya ay palagi akong walang ibang nagagawa. Independent akong babae pero kapag siya na ang kaharap ko ay nagiging maamong tuta ako. I couldn’t even disagree with him.
Nilagay niya lahat sa isang malaking tray at naglakad kami papunta sa upuan na naroon, sa gilid ng glass window. Mismong tapat lang nito ang hospital at nakikita namin ang daloy ng mga sasakyan.
“Salamat,” sinserong sabi ko habang inaayos niya ang pagkain namin.
“This is nothing. Na-miss ko rin na kumain sa ganito—”
“Hindi lang ito. Salamat dahil hinayaan mo ako na sumabay sa ‘yo, binilhan mo pa kami ng pagkain ng kapatid ko. Ipinahiram mo pa sa akin ang emergency bag mo. At ito, kahit na hindi naging maganda ang pakikitungo ko sa ‘yo kahapon ay nandito ka pa rin. Sorry pala about doon.”
Diretso ang tingin ko sa kaniya. Hindi ko na nga naririnig ang sarili kong boses dahil sa lakas ng t***k pero nilakasan ko ang loob ko. Hindi ako vocal na tao pero sobra-sobra na kasi ang ginagawa niya kaya hindi ko na nakaya pa na itago. Gusto kong magpasalamat sa kaniya.
Akala ko ay mauuna akong bibitaw ng tingin pero iba ngayon ang tingin niya. Malumanay at may kung ano sa tingin niya na hindi ko maintindihan. Ang alam ko lang ay maraming sinasabi ang mga mata niya na sa tingin ko ay kailangan kong malaman.
“You don’t have to thank me. It is my choice to help you and besides, lahat ay nagkataon lang. But you’re welcome, Amber… you’re always welcome.”
Pagtapos niyang sabihin iyon ay ako na ang unang umiwas ng tingin para kumain. Para akong lalagnatin pero hindi naman masama ang pakiramdam ko, kabaliktaran pa nga dahil may munting saya akong nararamdaman. Parang may sariling utak ang puso ko dahil hindi ko kontrolado.
Umalis din si David pagtapos namin na kumain. Bago siya umalis ay bumili pa siya ng mga vitamins, akala ko sa kaniya pero binigay niya sa akin ang kalahati ay sinabi na huwag kong kalimutan na uminom. Sinabihan niya pa ako na kapag nagpa-inject silang magkapatid ng anti-flu at isasabay niya ako. Noong una ay nilagyan ko ng ibang meaning pero baka naisip niya lang na mahirap magkasakit, lalo na nagtatrabaho ako sa ama niya.
“Sino si David?” biglang tanong ni Gaile. Pagkaalis ni David ay siya namang pagdating niya.
Pangalan lang pero parang guilty ako.
Napansin niya ang pagkabigla sa reaction ko kaya ngumisi siya. “Sino si David? Nabanggit ni Elvi ang KUYA David niya. May lalaki ka na?”
Sandali kong tinignan si Elvi pero nag-iwas ito ng tingin sa akin. Ano kaya ang sinabi nitong bata na ‘to? Hindi naman niya siguro sasabihin na jowa ko kasi malaking NO.
“Anak ng boss ko. Isinabay kasi ako papunta rito. Ang hep! Before ka mag-assume, pauwi talaga siya rito at sakto na nagkaroon ako ng emergency.”
May nakakaloko pa na tingin sa mata niya kaya pakiramdam ko ay nasa interogation room ako.
“Walang feelings involved?”
“Wala!” depensa ko.
“Bakit ka namumula?” tanong niya pa, Napahawak ako sa pisngi ko. “Dinalhan ka raw ng pagkain tapos maaga na nagpunta rito para dalhan ka ulit ng pagkain.”
Umiwas na ako ng tingin. “Mabait lang talaga siya.”
“Hmm. Hindi ikaw ‘yan. Changed person ka na? Mayaman ‘yon, ah? Nasaan na ang motto mo na kapag may mayaman na lalaki ay susunggab ka kaagad? Oh, baka naman nasunggaban mo—” Tinakpan ko ang bibig niya dahil nakikinig si Elvi.
“Huwag ka nga maingay. Wala, okay? Sasabihin ko sa ‘yo kapag may something.”
Ang babae, ayaw talaga ako tigilan sa tingin niya. Naligo na lang ako sa cr habang nandiyan siya. Pagtapos ko ay umalis na rin siya dahil kailangan pa nito na mag-aral. Oo nga pala, hindi ko pa nababanggit sa kaniya na mag-aaral na ulit ako.
Dumating ang food ni Elvi kaya pinakain ko na muna siya. Sumasakit daw ang ulo niya kaya natulog siya agad. Pinatabi niya pa ako sa kama kaya kaming dalawa ang nakahiga ngayon. Nakayakap siya sa bewang ko.
Hindi ko alam kung nasaan ang magulang ko pero ayaw ko na muna sila isipin. Ang kapatid ko lang ang gusto kong pagtuunan ng pansin ngayon. Kung concern talaga sila ay magagawa nila na tawagan ako para mangumusta man lang. Iniisip ba nila na sila ang magbabayad ng hospital bills?
Sir D
You up?
Kinuha kanina ni David ang numbe ko. Sa tagal ay ngayon lang ako nagkaroon ng number niya, ganoon din siya.
Nakahiga na. Bakit?
Sir D
Nothing, just want to check on you.
Anong ire-reply ko roon? Hindi na lang ako nag-reply. Nagtingin-tingin na lang ako sa social media para makatulog ako. Bukas ay lalabas na ulit ang bagong result sa mga test na ginawa kay Elvi kaya hindi ako makatulog agad.
Sir D
Hindi ka nagugutom?
Kumunot ang noo ko.
Hindi
Sir D
Okay. Good night, Amber.
Hindi na ako nag-reply. Akala ko busy na siya pero nagawa niya pa na mag-text. Kinatulugan ko na rin ang panood ng reels.
Nagising na lang ako ng alas tres nang mahinang umiiyak si Elvi. Alas tres iyon at kinukuhanan siya ng dugo. Chineck din ang BP niya. Hawak-hawak ko lang siya habang ginagawa sa kaniya ang lahat ng iyon. Pinatulog ko na lang siya ulit, ako ang hindi na muling nakatulog.
Kabado ako nang dumating na si Doc. Lahat naman ay kinausap niya sa loob ng kwarto pero ako ay sinabihan niya na sa office niya mag-usap. Alam ko na may mali kaya malamig ang buo kong katawan habang naglalakad. Kung hindi lang ako tinawag ay lumagpas na ako.
“I will be straight to the point, Miss Lagarzon. Hindi bumubuti ang kalagayan ng kapatid mo.” Inilabas niya ang result sa isang envelope. Hindi ko maintindinhan ang mga iyon pero sa loob-loob ko ay alam ko ay parang alam ko at alam ko rin na hindi ko magugustuhan ang mga susunod niyang sasabihin.
“Your brother has leukemia… we run tests including blood work and a bone marrow biopsy. Unfortunately, lumabas sa result na may leukemia ang kapatid mo—which is a type of cancer that affects the blood and bone marrow.”
Gumuho ang mundo ko. Kusang pumatak ng sunod-sunod ang luha
“L-Leukemia?” hirap na hirap na tanong ko.
Bumuntong-hininga siya at tumango. Lalong lumakas ang iyak ko kahit na hindi pa siya tapos sa paliwanag niya sa sakit ng kapatid ko. Nahihirapan ako sa paghinga dahil pigil na pigil ang paghikbi ko.
“A-Anong… Anong d-dapat gawin… D-Doc?”
Inabutan niya ako ng tissue. “We can talk about this later kung hindi mo kaya. I know how painful it is—”
“Doc, anong kailangan nating gawin?” tanong ko sa mas buo na boses. Hindi ko hahayan na lumipas ang oras na wala akong gawin. Nakataya rito ang buhay ng kapatid ko!
Sandali siyang natigilan pero tumango na rin. “Since it’s acute leukemia, kailangan natin na maagapan agad. Marami tayong treatment na pwedeng gawin na makakatulong sa kapatid mo. We’ll go over chemotherapy, potential side effects, and any other therapies that might be necessary.”
“G-Gagaling naman ang kapatid ko, hindi ba, Doc?” desperadong tanong ko sa kaniya.
“We’ll try our best, Miss Lagarzon. For now, I suggest that you talk about this with your family because this will be a big fight for your brother.”
Big fight? Gusto kong sumigaw dahil buong buhay ng kapatid ko ay lumalaban na ito. Kasalanan ko ang lahat ng ito!
Hindi na muna ako bumalik sa kwarto dahil kapag nakita ko si Elvi ay baka maglumpasay ako sa harapan niya. Ayaw kong makita niya ako sa kalagayan na ito dahil malulungkot lang siya. Dumiretso ako sa convenience store. Bumili lang ako ng tubig at tumambay sa upuan kung nasaan kami kahapon ni David.
Paulit-ulit na naglalaro sa isip ko ang sinabi ng doctor kaya hindi na tumigil sa pagtulo ang luha ko. Panay ang punas ko pero parang gripo naman ito sa pagtulo. Pinagtitinginan na ako ng mga tao pero anong pakialam ko sa kanila?
Puútangina, may leukemia ang kapatid ko! Bakit ang kapatid ko pa?!
Naisubsob ko ang mukha sa palad ko dahil hindi ko na talaga kaya. Humagulgol na ako at sana walang lumapit sa akin. Gusto ko lang na umiyak nang umiyak dahil hindi ko kaya. Ang sakit-sakit, hindi ako makalunok ng maayos dahil parang sinasakal ako sa sakit. Bakit ang kapatid ko pa? Pwede naman ‘yong masasamang tao, bakit ang kapatid ko pa?
“Amber?” rinig kong boses.
Agad akong nag-angat ng tingin. Alam kong ang pangit na ng itsura ko pero wala na talaga akong pakialam ngayon. Nanlaki ang mata ni David nang makita ako. He didn’t say anything but what he did next made my heart swells more. Umiyak lang ako sa tiyan niya dahil nakatayo siya habang nakaupo ako. Tahimik lang siya na hinaplos ang buhok ko habang umiiyak ako.
Ilang minuto akong umiiyak bago mahimasmasan pero iyong sakit ay naroon pa rin. Napatingin ako sa damit niya, basa iyon. Nakakahiya naman!
“S-Sorry, nabasa ang damit mo.” Sinubukan kong punasan na akala mo maaalis ang basa pero pinigilan niya lang ang kamay ko. “Gusto mo labhan ko na lang? May extra shirt ka naman siguro sa sasaky—”
“f**k, Amber—I don’t care about this shirt. Look at you… why are you crying? May nangyari ba?”
Napalabi ako dahil nagbabadya na naman ang luha ko. Nakatingala ako sakaniya habang nagpipigil ng luha. Lumambot lalo ang ekspresyon niya. Ang dalawang kamay niya ay humawak sa magkabilang pisngi ko at pinunasan ang tumulo na luha gamit ang hinlalaki niya.
“What happened, hmm?” malumanay niyang tanong.
“David,” mahina kong tawag sa pangalan niya. Muli ko siyang tiningala.
“Yes, I am here.”
Sinabi niya iyon na parang walang magma-matter sa kaniya sa oras na ito kung hindi ako.
Bahala na.
“Gusto mo ba ako?”