Seryoso akong nakatitig kay David habang kumakain mag-isa sa malaking lamesa. Pareho kami ni Aling Mirasol na nakatayo lang sa gilid para sa oras na magbigay ito ng utos ay matugunan daw namin agad.
“Sumabay na po kayo sa akin. Hindi ako makakain ng maayos kung nariyan lang layo.” Aya niya sa amin pero nasa akin ang mga mata niya. Umiwas ako ng tingin dahil hindi ko alam ang iaaakto.
Napag-alam ko na siya ang panganay na anak ni Don Miguel sa namayapa nitong asawa. Tuwing weekend daw talaga ay bumibisita ang magkapatid. Si Adlei ay wala dahil may inaasikaso raw itong importante–iyan ang pagkakarinig ko na pag-uusap nilang dalawa.
Ang galing ko nga naman dahil buong pamilya nila ang pinagkainteresan ko. Lahat sila ay nagawan ko ng plano sa utak.
Ngayon, ano na ang gagawin ko? Ano pa ba? Malamang ang magpanggap na hindi siya kilala at iwasan na lang.
Sumabay nga kami kumain ni Aling Mirasol. Kaunti lang ang kinuha kong pagkain para mabilis akong matapos. Bawat pagnguya ko ay ramdam ko ang mabigat na titig sa akin ni David. Hindi na ako nagbalak na mag-angat ng tingin hanggang sa matapos ako kumain. Nauna ako nagpunta sa kusina para ilagay doon ang pagkain, doon na rin ako naghintay ng mga pinggan.
Laking gulat ko nang si David ang may dala ng mga pinaggamitan.
“Diyan na lang, ako ang maghuhugas… Sir.”
Kumunot ng bahagya ang kilay niya. Magsasalita pa sana pero pumasok din si Aling Mirasol at pinaalis na siya para makapagpahinga pa. Mabuti naman dahil magagawa ko ng maayos ang trabaho ko.
Pagtapos ko maghugas ay wala na akong nakitang anino niya. Nasa kwarto na siguro, nagpapahinga. Sinamantala ko iyon para sundin ang mga utos ni Aling Mirasol. Pinalinis na naman nito ang pool dahil maraming dahon. Mahilig daw maligo si David kaya kapag nandito siya ay dapat laging malinis ang pool.
Tsk! As if mamamatay siya sa mga dahon lang.
Hindi pa ako tapos maglinis ay dumating na siya. Mabilis akong nag-iwas ng tingin dahil walang sabi-sabi niya hinubad niya ang pang-itaas na damit mula sa batok. Kahit sa maikling sandali ay tumatak sa isip ko kung gaano kaperpekto ang katawan niya at tattoo sa dibdib. Nakakapag-gym pa ba siya kahit sobrang busy niya? Parang inukit ng magaling na sculptor ang katawan niya. Nasa tamang lugar ang bawat muscles niya.
May naiwan pang ilang dahon ay binitawan ko na ang panglinis at pumasok sa loob. Papasok na rin sana ako sa kwarto ko pero nakita na naman ako ni Aling Mirasol.
“Magtimpla ka ng juice, at gawan ng sandwich si Sir David. Peanut butter ang gamitin mo, iyon ang gusto niya.”
Sa utak ko ay sumusuntok na ako sa hangin dahil sa dami ng utos niya pero bawal ako magreklamo.
Ginawa ko ang gusto niya. Nagtimpla ako ng juice at gumawa ng peanut butter sandwich. Daming kaartehan, pwede naman na pumunta rito sa kusina kapag nagutom.
Paglabas ko ay nakita ko agad siya sa pool na lumalangoy. Kitang-kita ko ang malaki nitong braso na ginagamit para makausad sa tubig. Hindi niya ako napansin dahil busy siya sa paglangoy ng ilang beses pabalik-balik sa magkabilang dulo. Ilang minuto bago siya huminto.
Bahagya siyang hinihingal nang tumayo sa gilid ng pool, sakto na nakaharap sa pwesto ko. Sa dibdib niya ay napansin ko agad ang tattoo niya sa dibdib na malaking ahas. Napatitig ako roon dahil parang aabot pa hanggang sa likod niya ang tattoo.
Sinuklay niya ang paatras ang buhok kaya nag-iba lalo ang mukha niya. Ibang-iba ang aura niya ngayon na basa at nakahubad.
Teka… ano ba itong iniisip ko? Nabeberde na ang utak ko. Sa pagod ito, tama. Pagod lang ako.
“Pinagawan ka ng meryenda ni Aling Mirasol, dito ko na lang ilagay.” Ibinaba ko ang tray sa lamesa.
Tatalikod na rin sana ako pagkababa ko ng tray pero tinawag niya ako.
“Pakiabot ng towel, please.”
Huwag kang magreklamo, Amber–tiis-tiis muna.
Kinuha ko ang towel. Habang naglalakad ako sa kaniya ay siya namang pag-ahon niya kaya nahulog ang tubig sa katawan niya. Lumabas pa ang ilang tubig mula sa gilid ng pool. Pag-ahon niya ay saktong nasa harapan na niya ako.
“Oh,” abot ko sa towel niya.
Ngumisi siya sa akin. “Thanks,”
Tumalikod na rin ako.
“I wonder why you are avoiding me now. Sa pagkakatanda ko, wala naman akong ginawang masama sa ‘yo.”
Bastos kung bastos pero nagpanggap akong walang naririnig. Hindi naman ako takot sa kaniya dahil hindi siya ang nagpapasweldo sa akin. Kailangan ko lang sundin ang mga utos nila para magtagal dito sa trabaho ko.
Sumapit ang gabi at hinayaan na ako magpahinga ni Aling Mirasol matapos makapagluto ng hapunan. Hindi ko maintindihan ang mayayaman. Kahit kaunti lang sila ay kay dami ng iniluluto nila. Samantalang tulad kong mahihirap ay kahit kaunting masarap na ulam ay madalang lang makapagluto.
Dahil sa pagod ay nakaidlip ako. Hindi pa ako nakakaligo at kailangan ko pa linisin ang banyo pagtapos gamitin, iyon ang utos ni Aling Mirasol.
Alas dies na nang magising ako. Patay na rin ang ilaw sa sala at kusina kaya alam kong nasa kwarto na si David at Aling Mirasol. Naligo na ako at nagpalit ng madalas kong isinusuot na pang-tulog. Nalinis ko na rin ang banyo na kaming dalawa lang ni Aling Mirasol ang gumagamit.
Naglalakad na ako pabalik sa kwarto ko nang may maaninagan akong malaking bulto sa kusina. Muntik na ako mapasigaw sa takot pero umilaw ang phone niya kaya nakita ko ang nakakunot na noo ni David.
“G-Gabi na, hindi ka pa tulog?” Nayakap ko ang pinaghubaran na damit sa katawan ko.
Inangat niya ang baso ng gatas. “Can’t sleep,”
Dahan-dahan akong tumango. “Okay, balik na ako… sa kwarto ko.”
Hindi siya sumagot o tumango man lang pero bumalik na ako sa kwarto. Pagkasara ng pinto ay doon ko naramdaman ang malakas na kabog ng dibdib ko. Napahawak pa ako roon dahil sa pagtataka. Siguro dahil sa gulat?
Kinabukasan ay hindi ko na siya naabutan. Hindi ko na tinanong kay Aling Mirasol dahil hindi naman na ako interesado.
Dahil Lunes ngayon ay maagang umalis si Aling Mirasol para mamalengke. Sigurado na raw siya na ngayon ang dating ni Don Miguel. Iniutos naman niya sa akin na i-trim ang halaman sa garden dahil mayabong na. Ang lawak ng garden, anong araw pa kaya ako matatapos.
Saktong nakaluto na si Aling Mirasol ng pananghalian nang may dumating na naman na kotse. Mabilis akong tumabo sa loob ng kwarto ko para mag-ayos ng mukha kahit papaano.
“Sir, kumusta ang byahe?”
Isang matandang lalaki na puti ang buhok ang nakaupo ngayon sa sofa at nagtatanggal ng medyas. Hindi maipagkakaila na magandang lalaki ito dahil sa tangkad at kisig pa rin ng katawan. Muling pumasok sa isip ko si David, pinatandang version niya ito.
“Traffic na naman pero salamat sa Diyos dahil nakauwi pa rin ako ng ligtas. Nakailang delay ang flight ko dahil sa bagyo.”
Ibang-iba sa inaasahan kong matandang amo.
Nang maalis ang medyas ay nagtama agad ang tingin namin. Si David agad ang nakita ko dahil sa tingin niya. Magkamukhang-magkamukha talaga sila. May wrinkles at puting buhok lang ang isang ‘to.
Ngumiti siya–a fatherly smile. “Siya na ba ang bagong kasama natin dito? Anong pangalan mo, iha?”
Iha? Very lolo naman.
“Amber po,” magalang na sagot ko. I tried doing the flirty smile but I just couldn’t make it.
“Suit yourself here, Amber. Kay Mirasol ka na lang magtanong kung naguguluhan ka. Magpapahinga na muna ako at hindi naging maayos ang byahe ko.”
“Sige, Sir. Iinit ko na lang ang ulam kapag kakain na kayo.”
Tumango siya at ngumiti sa amin. “Salamat.”
Iyon pala ang Tatay ni David at Adlei. In fairness, wala sa itsura nito ang edad niya. Hindi nakakapagtaka na gwapo siya dahil gwapo at makikisig ang mga anak niya. Kaya lang, si Adlei lang yata ang nakamana ng ugali niya. Bukod sa palangiti ito, may vibes sa kaniya na gagaan talaga ang loob. Salungat na salungat kay David na parang laging naiirita.
Matapos ng mga gagawin ko ay bumalik ako sa kwarto at nag-ayos ng mukha. Gusto ko maganda ang impression niya sa akin. Nakakadiri isipin na halos pwede na niya akong maging anak pero ‘yong plano ko ay akitin siya para lang sa pera.
Nawalan ako bigla ng gana. Why am I still doing this?
Binura ko ang pulang lipstick na inilagay ko sa labi. Hinayaan kong nakalugay ang natural kong buhok bago lumabas ng silid.
Naabutan ko si Don Miguel na kumakain mag-isa sa lamesa habang may binabasa sa tablet nito. Wala si Aling Mirasol dahil sumakit daw ang ulo nito kaya nagpapahinga na sa kwarto niya. Kahit naman masungit siya sa akin ay nag-aalala pa rin ako.
“Kung may kailangan po kayo, sabihin niyo lang po sa akin.” Naagaw ko ang atensyon niya. Mukhang hindi ko na dapat sinabi dahil naabala ko siya sa pagbabasa niya na sa tingin ko ay about sa business niya.
Ngumiti siya. “Salamat, hija. Matanong ko lang, ilang taon ka na?”
Nabigla ako sa tanong niya. Hindi ko inaasahan iyon. Huwag mong sabihin na tinatablan na siya sa akin kahit wala pa akong ginagawa? Pero wala rin sa mukha niya na papatol siya sa bata.
Ilang segundo bago ako sumagot. “21 po,”
Natigilan siya at tumango-tango. “Matanda pala ang bunso ko ng apat na taon sa ‘yo. Iyong panganay ko naman ay seven years ang tanda sa ‘yo.”
Akala ko kung ano na. Kahit na ganoon ay makikita na kung gaano siya ka-proud sa mga anak niya. Na-curious tuloy ako lalo sa asawa niya na namayapa na.
“Ganoon po ba? Nasaan po sila ngayon?” tanong ko kahit na alam ko naman kung nasaan sila. Gusto ko lang malaman kung bakit hindi sila magkakasama. Tatlo na nga lang sila ay hindi pa sila magsasama, hindi ba?
Bumuntong-hininga siya. Lumandas ang lungkot sa mata niya. “Mas pinili nila na sa syudad magtrabaho at mamuhay, hindi ko sila masisisi dahil mas maganda ang mga opportunity doon. Umuuwi naman sila rito tuwing weekend pero madalas ay hindi nagtutugma ang schedule namin. Saka hindi ko sila masisisi kung ayaw nila na rito mag-stay dahil ang mommy nila ang naaalala nila rito. Matagal nang patay ang mommy nila.”
Kaya pala.
Pagak siyang natawa. “I am sorry for oversharing.”
“Okay lang po. Kung kailangan niyo po ng makakausap, nandito lang po.”
“Salamat, hija. Kung nandito ang mga anak ko ay sigurado ako na magkakasundo kayo.”
Talaga po ba? Eh, sa tuwing nagkikita kami ng panganay niyo ay lagi na lang ako naiirita. Ngumiti na lang ako bilang sagot.
Umalis na ako sa hapag-kainan para kuhanan ng tubig si Aling Mirasol. Kumuha na rin ako ng mga cold patches para kung sakali na may masakit sa katawan niya. Pagkabigay ay pumunta ako sa garden para tignan ang nalilinis ko. Wala pa ako sa kalahati dahil sa laki.
Nakatingin ako sa mga halaman nang bumukas ang gate. Automatic kasi ito at hindi na kailangan buksan. Hindi pamilyar na sasakyan ang pumasok. Nanliit ang mata ko para aninagan kung sinong nasa loob pero hindi ko makita.
Bahagya akong napatalon sa gulat nang bigla itong bumusina. Maiinis na sana ako kasi bakit kailangan niya pa na bumusina? Ngunit agad din na nanlaki ang mata nang bumaba ang nasa loob.
“Miss Amber!” nakangiting tawag sa akin ni Adlei pero nasa boses pa rin nito na gulat siya. “Totoo nga na nagtatrabaho ka rito?”
Nakangiting naglakad ako papalapit sa kaniya. “Oo… Sir. Nabanggit ng kuya mo?”
Tumango siya bilang sagot. “Wow! Hindi ko inaasahan. HIndi ka naging empleyado ni Kuya, hindi rin kita na-hire pero ang papa ko ang nakakuha sa ‘yo. Meant to be ka talaga sa pamilya namin.”
Hindi ko napigilan na hindi mapangiti. Ang cute niya talaga. Mas matanda siya sa akin pero kung umasta siya ay parang bata na laging excited. Naaalala ko sa kaniya si Elvi.
“Pasok na po muna kayo sa loob dahil mainit po rito.”
Imbis na sundin ang sinabi ko ay nakatingin pa rin siya sa akin habang may ngiti sa labi. Nasa mukha talaga nito na hindi siya makapaniwala na narito ako.
“Sir?”
“Oh, sorry. Mukhang mas mapapadalas ang uwi ko rito.”
“Po?”
Ngumisi siya bago tumalikod. “Wala.”