Ilang beses kong hinanap ang pangalan ni Adlei pero kahit isa ay walang lumalabas. Grabe, ano ba ang ginamit nitong username?
Nahinto lang ako sa paghahanap nang tumawag si Gaile sa akin.
[“Busy ka?”] bungad na tanong niya sa akin.
“Hindi naman, bakit?”
[“May kaibigan si Mama ko na naghahanap ng extra na katulong, baka lang gusto mo.”]
Napabangon ako sa pagkakahiga.
“Oo naman! Alam mo naman kung gaano ako kadesperada sa trabaho ngayon. Kahit taga-kiskis ng inidoro ay papatulan ko na. Teka, saan naman ‘yan?”
[“Ayun nga, ang downside lang ay sa ibang probinsiya kasi nakatira. Byudang lalaki ang may-ari ng bahay.”]
Mayaman… na matandang lalaki?
“Mayaman?”
[“Oo, mayama–teka! Never mind, I will not recommend you for this job. My gosh, Amber!”]
Humalakhak ako dahil ang bilis magbago ng mood niya.
“Joke lang, okay? Dali na, paano ako mag-a-apply.”
Hindi pa siya kumbinsido noong una na sabahin pero napilit ko rin. Binigyan niya ako ng pwede kong tawagan para malaman pa ang ibang detalye.
Pagkabigay ng numero na binigay niya ay agad akong tumawag. Ilang ring bago sagutin ang tawag.
[“Sino ire?”]
“Hello po. Kayo po ba ‘yong naghahanap ng katulong? Inirekomenda sa akin ng kaibigan ko ang trabaho.”
Natahimik ng ilang segundo sa kabilang linya. [“Oh? Kailangan nga namin ng dagdag katulong. Kailan ka makakabyahe rito?”]
Hindi ito malaking kumpanya, hindi rin professional na trabaho pero nang sabihin niya iyon ay tumalbog ang puso ko sa tuwa. May trabaho na ako.
“Pwede po ba sa makalawa–”
[“Bukas kailangan ka na namin dito dahil maraming gagawin.”]
Tinanong niya pa ako kung siya rin ang masusunod.
“Pero—”
[“Kung ayaw mo ay maghahanap na lang ako iba–”]
“Hindi po! Bukas na bukas ay nariyan na ako.”
[“Sige, mag-text ka na lang kung nasa terminal ka na para masundo kita.”]
Pabagsak na naupo ako sa kama. Natulala ko ng ilang segundo. Kung hindi pa pumasok si Elvi sa kwarto ay hindi ako mababalik sa wisyo. Sa una lang ako natuwa na may trabaho na ako pero nang mag-sink in sa akin na kailangan kong umalis ay parang piniga ang puso ko.
Kaya ko ba na iwan si Elvi?
“Ate? May problema ba?”
Umiling ako at pilit na ngumiti. “May trabaho na ako, totoo na ‘to. Pero kailangan kong mag-stay doon ng matagal.”
Nalungkot ang bilog nitong mga mata. Akala ko ay pipigilan niya ako pero sa halip ay niyakap ako ng maliit niyang mga braso.
“Okay lang, ate. Kaya ko na ang sarili ko. Magtrabaho ka para maging masaya ka at mabili mo ang mga gusto mo.”
Nanubig ang mga mata ko dahil sa kung paano siya mag-isip. Humigpit ang yakap ko sa kaniya. Anong nagawa kong mabuti para pagkalooban ng ganitong kabait na kapatid?
Kinagabihan ay nagpaalam ako sa magulang ko. Hindi tulad kay Elvi ay parang mas masaya sila na aalis ako ng bahay. Kung pwede lang na isama ko ang kapatid ko ay ginawa ko na. Nag-impake na rin ako, tinulungan naman ako ni mama. Habang nag-aayos ng mga gamit ko ay pinaaalalahan ko rin siya tungkol sa kapatid ko.
“Basta, sa akin mo agad ibigay ang unang sweldo mo para makabili agad ng mga gamot ng kapatid mo.”
Hindi ako sumagot dahil alam ko naman na hindi sa gamot ng kapatid ko mapupunta ang pera.
Habang nakahiga rin ay pinaalalahan ko ang kapatid ko sa lahat ng bagay, lalo na sa pag-inom ng mga gamot niya.
Tulala lang ako sa bintana ng bus habang umaandar ito. Ito na ang matagal kong hinihintay, ang magkaroon ng trabaho pero bakit malungkot ako ngayon? This is the reality of being away. Mas ano kaya ang hirap ng naramdaman ng mga OFW, mas matagal silang nawala sa pamilya nila para magtrabaho.
Nang makarating sa terminal ay agad akong nag-text kay Aling Mirasol. Ilang sandali lang ay may huminto na tricycle sa hindi kalayuan, lumabas doon ang may laman na babae na halos hindi an makita ang balat sa sobrang dami nitong balot sa katawan. Ako ang naiinitan para sa kaniya.
Alam ko na si Aling Mirasol na ‘to dahil ito ang dinescribe niyang suot niya. Bitbit ang mga gamit ko ay naglakad ako patungo sa kaniya. Kahit wala pa ako ay nakasimangot na agad siya.
“Aling Mirasol?” tanong ko rito.
Masungit niya akong tinignan mula ulo hanggang paa. Mas nakita ko ang namumula nitong mukha na halatang babad sa rejuv.
“Ikaw ba ang kausap ko?”
“Opo, ako nga po si Am–”
“Halika na, sa itaas mo na lang ilagay ang gamit mo. Bilisan mo dahil walang naiwan sa bahay.”
Nataranta ako nang pumasok na siya. Buti na lang ay tinulungan ako ng driver sa pagkabit. Papasok na rin sana ako sa loob pero sinamaan niya ako ng tingin, saka ko napansin na hindi na pala ako kasya dahil nasakop na niya ang buong pwesto.
“Ah, sige sa likod na lang po ako ng driver.”
Habang nasa byahe ay hindi ko mapigilan na pagmasdan ang kapaligiran. Alam kong nasa probinsiya na nga ako dahil sa dami ng puno at ang binibilad na palay sa lupa. Medyo malayo rin ang naging byahe hanggang sa pumasok ang tricycle sa loob ng isang subdivision. Kinailangan pa i-check ng guard kung sino-sino kami.
“Ituturo ko ang kwarto mo para ilagay doon ang mga gamit mo. Hindi pa ako nakapagpatahi ng uniform mo kaya kahit ano na lang ang suotin mo pero tandaan mo na ayaw na ayaw ko ng crop-top. Lumabas ka rin pagtapos mong mag-ayos, samahan mo akong maglinis ng sala at kusina.”
Hindi ko na nagawang magreklamo pa. Hindi rin naman ako pagod sa byahe.
Maliit lang ang kwarto ko pero ayos na ito dahil may maayos na kama, isang kabinet, at electic fan na. Nagpalit na lang ako sa itim na leggings at malaking T-shirt na dala ko. Buti na lang ito ang isinuot ko dahil saktong paglabas ko ay suot ko agad ang tinignan ni Aling Mirasol.
Base sa balot ng katawan niya ay halata naman na conservative siya pagdating sa pananamit. Kung gusto kong magtagal ay kailangan kong makisama sa kaniya.
“Marunong ka naman siguro maglinis?” nakataas ang isang kilay nitong tanong.
Nginitian ko siya. “Oo naman, ako lagi ang naglilinis sa–”
“Akyatin mo ang itaas ng bintana, doon ka magsimula.”
Tinignan ko ang bintana. Hindi iyon basta bintana lang dahil halos umabot na ito sa ceiling. May nakalagay na hagdan doon kaya alam kong kailangan ko pa iyon gamitin para maabot ang dulo.
Wala na akong ibang sinabi at nagsimula na lang.
Kailan kaya uuwi ang may-ari ng bahay? Narinig kong tinawag niya na Don Miguel. Sa pagtawag pa lang nito ay halatang marami nang ari-arian. Inabala ko ang sarili sa pag-iisip tungkol sa amo ko habang nagpupunas ng bintana na dambuhala.
Puno ako ng pawis hanggang sa matapos ako. Hindi ako hinayaan na magpahinga ni Aling Mirasol dahil pinasunod niya agad sa akin ang sahig. Mano-mano ang pinagawa nito sa aking pagpunas dahil mas effective daw ito kaysa sa mga electronic.
Bawal magreklamo–paulit-ulit kong sabi sa sarili ko.
Kaming dalawa ang sabay na kumain. In fairness, masarap ang luto niya. Kahit nagtataka ako kung bakit kaming dalawa lang ay hindi na ako nagtanong dahil para siyang laging galit. Habang kumakain ay nabanggit niya na next week pa darating ang amo namin dahil may importanteng business meeting ito sa ibang bansa.
Ako ang naghugas pagtapos naming kumain. Ilang minuto lang niya ako pinagpahinga tapos ay inuutasan na ako agad na linisin ang pool sa likod dahil puno na raw ng dahon.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Bukas na agad ang dating ni Don Miguel. Hindi ko alam pero kabado ko. Sinubukan ko na trabaho lang ang isipin pero ayaw ko rin pakawalan ang pagkakataon na ito. Wala ng asawa si Don Miguel kaya… napalunok ako sa naisip.
Talagang ibababa ko ang sarili ko para sa pera?
Natulala ako sa pool habang nakaupo sa gilid–nakababad ang paa.
Ngayon pa ba ako mandidiri sa sarili? Halos araw-araw nga ako sa club. Hindi lang bata ang mga nakausap ko, may mga nakakausap din akong malapit na mag-senior na mayayaman. Hindi ko naman sila kakausapin kung alam ko na wala silang pera. Ganoon na kababa ang sarili ko kaya wala lang itong plano ko.
Wala na akong dignidad na iniingatan para sa pera–wala akong pakialam.
Dumating ang bukas, naghintay ako. Nagkabit din ako ng polbo at kaunting lipstick sa labi pero nagdilim na ang paligid ay wala pa rin siya.
“Akala ko po ay ngayon ang uwi niya?”
Nagpatuloy siya sa pagnguya. “Baka mga madaling araw na, may paparating na bagyo.”
Bumagsak ang balikat ko, nawalan ng gana kumain. Pinilit ko na lang ubusin ang kinuha ko sa pinggan dahil ayaw kong magalit si Aling Mirasol.
Naligo lang ako sa banyo rito sa first floor bago pumasok sa kwarto ko. Hindi ako makatulog kaya inabala ko ang sarili ko sa panunuod ng mga mayayamang tao sa internet. Kapag nanunuod kasi ako ay mas nai-inspire akong maging mayaman.
Hindi ko na namalayan ang oras pero gising pa rin ako nang may marinig akong sasakyan na papasok sa garahe. Napabangon ako ng wala sa oras. Sakto, mahilig mag-lock ng mga pinto si Aling Mirasol kaya dali-dali akong lumabas para mapagbuksan ng pinto si Don Miguel.
Hindi ko na naisip na magsuot ng tsinelas sa pagmamadali.
Dahil sa garahe nito ilalagay ang sasakyan ay malamang sa pintuan mula sa kusina ito papasok. Doon ako nagpunta. Inayos ko ang buhok ko gamit ang daliri bago buksan ang pinto.
“Good eve–ikaw?!”
“Ikaw?” mas gulat nitong tanong.
Nabura lahat ng excitement ko sa katawan. Bakit sa mga panahon na hindi siya ang inaasahan ko ay nagpaparamdam siya bigla?
Nabalik lang ako sa pagkakabigla nang bumaba na naman ang tingin niya sa katawan ko. Namilog ang mata ko nang mapansin na lace nightgown ang suot ko, wala pa akong suot na bra kaya bakat na bakat ang dulo ng dibdib ko!
Naiyakap ko agad ang braso ko sa sarili.
“Sir David, nariyan–ano ba, Amber?! Bakit ganiyan ang suot mo?!” Hinampas niya ako sa braso kaya napadaing ako pero imbis na mainis ay tumakbo na ako pabalik sa kwarto ko.
Sinigurado kong naka-lock ang pinto ko.
Bakit siya nandito? Tinawag siya na Sir ni Aling Mirasol.
Hindi kaya…
Siya si Don Miguel? Pasok lahat sa description ni Aling Mirasol. Matanda at magandang lalaki. May business din ito na restaurants. Peke lang ang pangalan niyang David?
Ay, bahala na nga! Kung nandito pa siya bukas ay tatanungin ko na lang. Kailangan ko rin mag-isip ng dahilan kay Aling Mirasol dahil mahabang sermon na naman ang aabutin ko dahil sa suot kong damit.