Mabilis na lumipas ang araw at sa bawat araw na iyon ay pahirap nang pahirap ang lahat. Lalong lumalala ang nararamdaman ng kapatid ko. Naging madalas na rin ang pag-aaway ng magulang ko dahil sa babae at bayarin. Madalas na ako ang pinagbubuntungan ng galit dahil wala raw akong silbi dahil wala akong trabaho.
Noong una ko iyon narinig ay nasaktan ako pero ngayon ay immune na ako sa magsasakit na salita nila.
“Ako ngayon ang guguluhin mo sa kuryente’t tubig?! Eh, may narinig ka ba sa akin noong pinayagan mo ‘yang batugan mong anak na mag-aral pa ng kolehiyo?! Tignan mo ngayon, anong ginagawa?! Wala! Tambay sa bahay ang palamunin!”
Pasok sa isang tenga, labas sa kabila.
“Ate, bakit sila nag-aaway?”
Pilit akong ngumiti sa kaniya bago umiling. “Wala, gusto mo makinig ng music?”
Nang pumayag siya ay ikinabit ko sa kaniya ang headset ko. Sakto lang na hindi niya marinig ang away ng magulang namin ang lakas ng volume. Habang nakikinig siya ay inabala ko ang sarili sa pagtutupi ng mga damit namin.
Iyong bagay na hindi normal ay nakasanayan ko na lang, tulad ng halos araw-araw nilang pag-aaway.
Kinahapunan ay umalis ako para pumunta kina Gaile. Babalik ako sa club dahil baka naroon ulit si Adlei. Alam ko gusto ko niya ako at hindi malabo na maging kami. Swerte na rin ako kung siya ang magiging boyfriend ko… o maging asawa kung aabot kami roon. Basta ang gusto ko sa kaniya ay pera.
“Adlei? Nakilala mo sa club na ‘yon?”
Masaya akong tumango habang nagkukwento kay Gaile.
“Gwapo siya, mabango, bonus pa na mayaman siya at ang kuya niya!”
May pagdududa ang tingin niya sa akin habang inaayos ang buhok ko.
“I am not sure about this… kinakabahan ako para sa ‘yo. You barely know the person, Amber! Malay mo sindikato pala sa sobrang yaman?”
“Trust me with this one, mabuting tao si Adlei, sigurado ako.”
Hinayaan niya na lang ako pero hindi pa rin mawala ang pag-aalala sa mukha niya. Hinatid niya pa ako kahit na ilang beses akong tumanggi dahil kailangan niya pa na mag-aral. Nahihiya na nga ako dahil lagi ko siyang naiistorbo pero siya naman lagi ang nagpiprisinta na ayusan ako.
“Basta alam mo na gagawin mo kapag kailangan mo ng tulong, ah? Huwag mong papatayin ang location mo.”
“Yes, yes, alam ko na.”
Hindi na siya bumaba ng kotse. Kumaway pa ako sa kaniya para paalisin na siya pero ilang segundo pa siya roon bago tuluyan na umalis. Bumuntong-hininga ako bago pumasok sa loob.
Dahil may balak ako rito, hindi na ako nagsayang ng oras. Agad akong pumunta sa bar counter. Ang una kong napansin ay si Gin dahil sa berde nitong buhok. Nang makita ako ay ngumisi siya, alam na alam kung bakit ako narito.
“Hindi ko alam kung pupunta ‘yong dalawang magkuyang pogi,” wika niya habang nagsusuot ng apron.
“Hindi naman sila ang pinunta ko rito. My usual order, please.”
Nakalolokong ngumiti siya. “Sige, sabi mo.”
Nang makuha ang order ko ay inabala ko ang sarili sa panonood sa dagat ng tao. Lahat ay may kaniya-kaniyang paraan kung paano magsaya. Kung mayaman din ako, katulad ko din sila kung paano magsaya. Hindi ko na maalala kung kailan ang huling beses na naging masaya talaga ako.
Ang dami kong pinagkait sa sarili ko na gusto-gustong kong makuha ngayon.
Mabilis akong napalingon nang may umupo sa tabi ko. Ang ngiti sa labi ko ay kusang nabuo pero agad din nabura nang makita kung sino iyon. Hindi siya ang inaasahan ko na pupunta rito.
“Anong problema? I am not the one you’re expecting to be here? Sorry to say, busy ang kapatid ko.”
Polo-shirt na itim at khakis ang suot niya. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang mamahalin nitong relo sa kaliwang kamay niya. Maging ang mamahalin nitong pabango ay para akong niyayakap–hindi matapang, tama lang at masarap amuyin.
Sumimangot ako. “Ikaw, hindi ka busy?”
“One martini,” wika niya. Hindi niya pinansin ang tanong ko pero tinaasan niya lang ako ng isang kilay.
Sungit.
Hindi ko na lang siya pinansin. Nasayang ba ang punta ko rito? Wala si Adlei? Dapat pala ay kinuha ko na ang number nito noong nandito kami. Bakit hindi ko naisip iyon? Ngayon ay wala akong ibang paraan para makausap siya kung hindi rito sa kapatid niya.
It is now or never.
Humarap ako sa kaniya. Hindi pa siya tumingin sa akin pero sumimsim muna siya sa iniinom bago ako harapin din. Bumaba ang tingin niya sa nakalantad kong hita dahil high-waist short ang suot ko.
Manyak!
“Sir David, may favor ako…”
Pero pwede ko naman hanapin sa social media si Adlei.
“Ay, wala pala.” Umayos ulit ako ng upo. Buti na lang ay naisip ko agad na sa socials ko na lang hanapin si Adlei. Mas safe iyon. Mamaya nga ay hahanapin ko siya.
“Seriously? Ano iyon?” may bakas ng inis pero mas lamang ang pagka-intriga sa boses niya.
I crossed my legs and I noticed that his eyes dropped on it again. Aha! May pagnanasa talaga ang lalaking ito sa akin, kunwari pa siya.
“Wala! Tatanungin ko sana ang number ng kapatid mo, huwag na lang pala. Pero anong name niya sa socials? Para hindi na ako mahirapan mamaya.” Inilabas ko sa purse ko ang phone ko.
Tumiim ang bagang niya. Hindi ako makapaniwalang nagawa nitong pasimple akong tarayan. Sumimsim siya sa iniinom niya.
“Dali, ano na?”
“Five-thousand first.”
Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya. 5k?! Saan naman ako kukuha ng ganoong halaga.
Napansin niya ang pagkabigla ko. “Why? May bayad din naman sa ‘yo kapag kinukuha ang number mo, ah? It’s the same thing for me.”
Grabe! Hindi ko inaakala na ganitong klase ng tao siya. “Ang yaman mo na magpapabayad ka pa ng 5k?”
Tinunggap niya ang iniinom at tumayo sa pagkakaupo. “It’s all about business.”
Nagmamadali ko rin na inubos ang juice ko para sundan siya. Lakad-takbo ang ginawa ko para mahabol siya. Hindi siya papunta sa exit kaya nagtaka ako. Huminto lang ako nang nasa tapat na siya ng men’s comfort room.
Nilingon niya ako habang nakakunot ang noo.
“Sama ka?”
I pouted a little. “Akala ko aalis ka na.”
“Kung aalis ako, sasama ka?”
Hindi ako nakasagot. Bakit nga ba ako sumunod? Ano? Para kulitin siya sa kapatid niya? Oo, tama. Hindi ko dapat sayangin ang pinunta ko rito. Kailangan ay may mahithit ako sa kaniya tungkol sa kapatid niya.
“See? Get lost.” Tumalikod na siya at pumasok sa loob ng comfort room.
Bumagsak ang balikat ko. Anong gagawin ko nito? Give up na ba? Kung kailan naman may nahanap akong matino, parang bula na lang na nawala.
“Amber? Amber Lagarzon, right?”
Tinignan ko ang grupo ng babae. Lahat sila ay nakatingin sa akin at hindi ko pwedeng magkamali, sila ang mga kaklase ko noong senior high school. Kumalat ang tingin ko sa kanila. Lahat sila ay malaki ang pinagbago, lalo silang gumanda. At ang mga suot nila ay mapaghahalataan na hindi biro ang presyo.
“Ikaw nga!” Lumapit sa akin ang isa at walang pasabi na isinukbit ang kamay niya sa akin. “Muntik na kitang hindi makilala. You changed a lot! Halika, samahan mo kami mag-inom at magkwentuhan tayo.”
Tatanggi na sana ako pero nahila na nila ako. Pinilit nila akong maupo sa pabilog na sofa. May iilang lalaki rin na naroon na sa tingin ko ay mga boyfriend ng ilan. Hindi nakaligtas sa akin ang mga kakaiba nilang tingin na hindi lamang sa mukha ko tumatama ngunit maging sa ibabang parte ng katawan ko.
“Kumusta ka na? Ang tagal mong paramdam. Wala na rin kaming nakikita na mga post mo sa socials mo.” Inabutan niya ako ng isang baso ng alak. Nag-alangan pa akong kunin pero kinuha ko na rin.
“Busy lang,”
Bumilog ng bibig ng isa sa mga kaibigan nito. “Sabagay, tanda ko pangarap mong maging nurse noon. Iyon ang lagi mong sinasabi kapag introduction. Kumusta naman ang journey so far?”
May kung anong bumara sa lalamunan ko. Hindi ko mahanap ang tamang salita na isagot sa tanong niya.
“Kami kasi busy rin at ngayon lang nakahanap ng time together. Itong Micah, ilang beses na lumabas at pumasok ng bansa dahil sa lumalago niyang business. Si Jessica naman ay busy sa pagtuturo sa malaking university. Ako naman ay busy sa law school pero nag-iipon na ako para business na ipapatayo ko. Ikaw?”
Lahat sila ay successful na. Lahat sila may napatunayan na sa buhay kahit magkakalapit lang ang edad namin. Habang ako…
Peke akong ngumiti sa kanila. Tulad ng nakasanayan ko… magkunwari.
“Ngayon lang din ako nakahanap ng time na magsaya. Sunod-sunod kasi ang mga cases sa hospital na pinagtatrabahuhan ko. I think deserve ko naman na magsaya kahit papaano.”
Dahan-dahan silang tumango.
“By the way, naalala mo ‘yong ex mo na si Lim? Kasal na siya ngayon.”
Bakit nila bini-bring up ito ngayon?
“Nawala ka kasi agad pero galit na galit siya noong nalaman niya na ginagamit mo lang siya para sa pera niya noon. Minahal ka raw niya ng totoo pero ang kapalit ay ang paggamit at pananakit mo sa kaniya.”
Dahil sa namumuong inis sa akin at inisang tungga ko ang binigay nilang alak sa akin. Humiyaw pa ang ilan dahil sa ginawa ko. Gumuhit agad ang mapait at mainit sa lalamunan ko.
“Mga bata pa tayo noon, hindi ko pa alam ang ginagawa ko. All I wanted at that time was to be spoiled. First boyfriend ko kaya siya.”
“I know! Pero alam mo na pinagkakalat niya na may nangyari daw sa inyo kaya nag-iba ang tingin namin sa ‘yo that time.”
I gritted my teeth. Kung makapagsalita sila ay parang wala lang sa kanila. Hindi ako makapaniwala na sa kanila mismo nanggaling iyon, sa kapwa babae ko pa.
“Bakit naman mag-iiba ang tingin niyo sa akin? Kapag sa akin nagbago pero sa ex ko hindi? Dahil lalaki siya? Come on, s*x is s*x–a normal thing when you are in a relationship. As if naman pumatay ako ng tao.”
Walang nangyari sa amin ni Lim, kahit kiss ay wala. Sinagot ko lang talaga siya dahil mayaman siya, iyon na iyon.
Halatang hindi nila nagustuhan ang naging sagot ko dahil nagtinginan sila.
“Slut,” rinig kong bulong sa kabila ng ingay sa paligid.
Tuluyan nang nabura ang lahat ng pagpapanggap ko sa mukha ko. Hinanap ko ang maaaring nagsabi noon. Lahat ay busy sa kanikanilang iniinom, maliban sa isa na nakatingin sa akin bago tumungga ng alak.
“Comfort room lang ako,”
Tumango lang sila kaya tumayo na ako. Ayaw kong makipag-plastikan sa kanila. Parepareho silang mga bobo.
Malapit na ako sa exit nang may humablot ng braso ko. Paglingon ko, iyon ang boyfriend ni Jessica. Kumunot ang noo ko. Base sa mata niya ay may tama na siya.
“Ganda mo, single ka?”
“Bitaw,” masungit na sabi ko.
Imbis na bitawan ako ay ngumisi lang siya. “Feisty, the way I like it.” Humigpit lang ang hawak niya sa akin.
Ihahampas ko na sana ang dala kong purse nang may sumunggab sa akin.
“Sinasabi ko na nga ba! Ang landi mo pa rin hanggang ngayon!” Kalmot sa braso ang nakuha ko mula kay Jessica. Tinulak pa ako nito dahilan para muntikan na akong mawalan ng balanse.
Napatingin ako sa braso ko, ang haba ng kalmot at dumudugo dahil sa mahaba nitong kuko na peke tulad niya.
“Pinagsasabi mo?!” inis na singhal ko.
Sumulpot na rin ang mga alipores niya na nasa likod niya na parang ready na rin sumunggab kapag gumawa ako ng kilos.
“Malandi ka! Sabi mo sa cr ka pero nandito ka at sinundan ang boyfriend ko! Nakakadiri ka!”
Tinignan ko ang boyfriend niya–mas maayos pa ang mukha ng palaka.
“Excuse me?” hindi makapaniwalang sabi ko. “Boyfriend mo? Papatulan ko? Sinaksak mo na lang sana ako.”
Parang may invisible na usok na lumabas sa ilong niya.
“Ang kapal ng mukha mo!” Susugurin niya pa sana ako nang humarang sa harapan ko.
“What are you doing, woman?” isang maaligasgas at malalim na boses ang nagsalita.
Sa amoy pa lang at likod ay kilala ko na kung sino ito. Wala na akong makita sa harapan dahil sa lapad ng likod niya.
“Sino ka naman? Huwag kang humarang dahil babalatan ko ng buhay ang babaeng iyan.”
Nakita ko ang kamay nito na humawak sa braso ni David pero hindi natinag ang lalaki sa harapan ko. Umakyat naman ang dugo ko sa ulo ko dahil sa sobrang inis. Dumaan ako sa kabilang gilid para hablutin siya sa buhok.
Nahawakan agad ako ni David at binuhat sa bewang. Hindi ko pa naabot ang buhok nito! Napigilan naman ng mga kaibigan nito si Jessica.
“Ang pangit ng boyfriend mo para patulan ko!” naiiritang sigaw.
Dumating na ang ilan sa bouncer para ayusin ang gulo.
Sisigaw pa sana ako nang maglakad na palabas si David. Buhat pa rin ako nito sa bewang na parang wala lang. Nagmukha akong bata na buhat-buhat ng magulang dahil ayaw ko pa tumigil sa paglalaro.
“Bitawan mo ‘ko!” Pinilit kong inaabot ang lupa pero mabilis ang lakad niya.
“Not until you calm down,” he said.
Bumuntong-hininga ako at kumalma kaya nagmukha akong lantang gulay na buhat niya.
Ibinaba niya ako sa gilid ng sasakyan. Inayos ko ang suot dahil bumaba ang top ko kaya kita ang ilang parte ng tyan ko. Naroon din ang tingin niya, umiwas lang siya dahil sinamaan ko siya ng tingin.
“Hindi mo naman kailangan gawin iyon. Uuwi na ako.”
Tinalikuran ko siya.
“Ihahatid na kita,” wika niya pero patuloy pa rin ako sa paglalakad palayo.
“Get lost,” gaya ko sa sinabi niya sa akin kanina.