“In my dreams, you and me… we’re together.”
“... you and me… we’re together.”
“... we’re together.”
“Miss?”
Napaayos ako ng upo nang tawagin ang atensiyon ko. Bumaba ang tingin ko sa brown envelope na iniaabot niya.
“N-Nandito na po lahat?”
“Wala pa, kunin niyo na lang sa registrar office ang iba. May babayaran ka rin doon.”
Tumayo na ako. “Salamat po,”
Kaya lang ay ayaw ko pa na lumabas dahil alam kong naroon si David. Anong sasabihin ko paglabas ko? Noong sinabi niya ang paulit-ulit na naglalaro sa utak ko ay naubusan ako ng sasabihin kaya tumalikod na lang ako at pumasok dito sa loob. Ngayon ay kailangan ko na lumabas at harapin na naman siya.
I silently groaned from frustration.
“Miss, pwede ka na lumabas.”
Nahihiya akong ngumiti. “Lalabas na po, pasensiya na.”
Kung pwede lang mag-slowmo rito ay ginawa ko na para lang hindi na muna lumabas kaya lang ay naiirita na sa akin ang nandito sa office. Bumuntong-hininga ako bago tuluyan na lumabas.
Alam ko na narito siya pero nagulat pa rin ako nang makita siya. Wala naman siyang ibang ginagawa kung hindi nakatayo pero agaw pansin na agad siya. Gray na polo shirt at black slacks lang naman ang suot pero parang may pupuntahan na runaway show.
“Nakuha mo na?” tanong niya.
“Mayroon pa na hindi, sa registrar office raw. Kung gusto mo, sa kotse ka na lang maghintay, mabilis na lang naman ‘to.”
Kita ko rin kasi na naiinitan siya dahil sa namumuong pawis sa noo niya.
“No, it’s fine, sasamahan na kita.”
Iniisip ko tuloy na kaya ayaw niya akong iwan ay dahil sa pag-uusap namin kahapon. Alam niya na may iba akong nararamdaman sa lugar na ito kaya nababahala ako na bumalik.
“Pero—”
“Let’s go.”
Umawang ang labi ko nang kinuha niya ang palapulsuan ko at hinila paalis sa tapat ng office. I tried to get my hand but his grip was strong, but not too strong. Agaw pansin tuloy kami sa loob ng campus.
“Baka may mag-report sa atin!” mahinang giit ko sa kaniya.
“Bakit?”
“Kasi PDA!”
Nilingon niya ako bago bumaba ang tingin niya sa kamay ko na hawak niya. Umangat ang dulo ng labi niya.
“PDA? Hindi naman kita hinahalikan. College universities ito, hindi elementary school.”
Tignan mo siya!
Nagpatinaod ako sa kaniya dahil ayaw ko na iba ang isipin ng mga nakakakita. Ano na lang isipin nila kapag nagpumiglas ako?
Huminto siya sa isang lugar. “Dito ba?”
Ang galing din sa daan ng isang ‘to. Nakita niya agad ang registrar—considering na hindi naman maliit ang university na ‘to.
Mabuti naman at hindi na niya ako hinayaan na sabihin pa sa kaniya na bitawan ako dahil siya ang kusa na bumitaw sa akin. Mabilis kong inasikaso ang ibang requirements pero may iisa na lang ako kulang na bukas ko pa makukuha.
“Bukas? What time?”
“Umaga raw pwede ko na makuha. Mauna ka na, uuwi na lang muna ako sa amin.”
Sandali siyang nag-isip. “Bukas na lang din ako, sabay na tayo bumalik.”
“Hindi mo naman ako kailangan na hintayin.”
“I insist. I’ll also check the restaurant.”
Ayaw kong mag-isip ng iba pero kung palagi siyang magiging ganito ay natatakot na ako para sa sarili ko. Parang biglaan ay nawalan ako ng lakas ng loob sa mga lalaki, or maybe this is a different case.
“Amber? Amber Lagarzon?”
Pareho kami na lumingon sa tumawag sa akin. Noong una ay hindi ko siya namukhaan pero nang makilala ay parang nanlamig ang buong katawan ko.
Please, huwag ngayon.
Mula sa akin ay nalipat ang tingin niya sa kasama ko. May kakaiba sa tingin at ngiti niya na mas lalong nagpakaba sa akin.
“U-Una na kami,”
Ngayon ay ako na ang humawak sa kamay ni David para hilahin siya paalis doon pero kilala ko siya, hindi siya magpapatinag ng ganoon-ganoon lang.
“Amber, hindi mo ba ako na-miss? Ngayon na lang ulit tayo nagkita, oh. Anong ginagawa mo rito? Ang balita ko ay may bagong target ka na naman, eh. Tapos na ba kaya iba naman?” Alam ko na tinutukoy niya sa David sa huli nitong sinabi.
Natulos ako sa kinatatayuan ko. Ayaw kong lumingon pero si Ezra mismo ang nagpunta sa harapan ko. Wala ang tingin niya sa akin kung hindi sa lalaki na hawak ko.
“Kaano-ano mo si Amber?” malambing niyang tanong. “Kilala mo ba talaga siya?”
Wala sa boses niya na may iba siyang balak dahil inosente at matamis pa rin ang boses at mukha niya. Ilang taon na ang nakalipas pero parang bago pa rin ang galit niya sa akin.
If only I had another choice…
Unti-unting lumuwang ang pagkakahawak ko sa kaniya pero hindi ko pa tuluyan na naaalis ay pinagsiklop na niya ang kamay namin. Alam kong nakita niya iyon kaya nabura ang ngiti niya.
“If you’ll excuse us—me and my wife, still have errands to do.”
Himala na hindi na siya nagpumilit pa dahil hinayaan niya kaming makadaan nang hilahin na ako paalis ni David doon. Hanggang sa makarating sa kotse ay tulala pa rin ako.
“Gutom ka na?” unang tanong niya, hindi ko iyon inaasahan.
“O-Oo,” sagot ko dahil hindi rin ako handa na sagutin ang itatanong niya kung sakali man. Ang gusto ko na lang mangyari ay umalis sa lugar na ‘to.
Pumarada siya sa mismong restaurant niya. Hindi ko napansin na malapit lang din pala rito ang university ko dati. What are the chances that our path crossed?
“Kuya! Amber!”
Namilog ang mata ko dahil nandito si Adlei. Akala ko si David ang sasalubungin niya pero nasa harapan ko agad siya. He held both of my hands as if we didn’t see each other for years. Kaunti na lang ay magtalon-talon siya sa harapan ko.
“Go back to what you are doing. Pagod si Amber, give her a rest.”
Dumaan ang pag-aalala sa mukha niya. “Ganoon ba? Saan ba kayo galing?”
Ngumiti ako sa kaniya. “Mag-aaral na ulit ako,”
“Talaga?! Mabuti naman at naisipan mo na mag-aral ulit, alam ko noong una pa lang na magaling ka talaga.”
“Adlei?” tawag ng kung sino. Mula sa likod niya ay nakita ko ang maliit na babae, tingin ko ay college student din. Bahagya pa siyang nakasimangot habang nakatingin sa lalaki pero namumula ang dalawang matabang pisngi.
“Oh, sorry may kasama kasi ako. Amber, si Xyna, kapatid ng kaibigan ko.”
Maliit akong ngumiti sa kaniya, ganoon din siya. Grabe, ang cute naman ng isang ‘to!
Iginaya ako ni David sa office niya. Muling nanumbalik ang unang alaala ko rito. Dito nangyari ang unang kahihiyan sa buhay ko. Ngayon ay napapaisip ako kung bakit ko ba iyon ginawa.
“May naiisip ka ba na gustong kainin?”
“Ikaw,”
He seems stunned and flustered. “Ako?”
Tumango ako. “Oo, ikaw, anong gusto mong kainin? Wala kasi ako ibang maisip saka ikaw naman yata ang magluluto, hindi ako.”
He didn’t say anything afterwards—bigla na lang siyang lumabas. Nakita ko na muntik pa niyang mabunggo ang gilid ng pinto. Pagod na yata siya.
Inaba ko ang sarili sa mga magazines na naroon. Akala ko normal lang na magazines iyon, hindi ko alam na makikita ko siya roon. Nakasuot siya ng damit niya na kulay puti lahat, chef na chef ang itsura niya. Ano kayang itsura niya noong marino pa siya? Mas malaki siguro ang katawan niya roon.
Wait… what?!
Bakit ko naman iniisip ang katawan niya? My goodness.
Tumawag na lang ako kay Elvi at sinabi na uuwi ako ngayong araw. Tuwang-tuwa naman ito at nag-demand pa ng jollibee. Bibili na lang ako mamaya kapag nagkahiwalay kami ni David.
Kalahating oras ay narito na siya kasama ang tray ng pagkain. Nagluto ba talaga siya? Bakit parang hindi naman siya galing sa kusina?
Binanggit niya ang tawag sa mga iyon pero wala akong maalala dahil kakaiba ang mga pangalan.
“Ang mahalaga, mukhang masarap naman.”
“Taste it, saka mo sabihin mung mukhang masarap lang talaga.”
Yabang!
Masarap naman, hindi maipagkakaila na walang kapintasan ang luto niya. Kahit sa dessert ay 10/10, would recommend.
Matapos naming kumain ay nagpaalam na ako at sinabi na uuwi muna ako sa bahay. Hindi naman pwede na pati sa condo niya ay sumama ako, may bahay naman akong uuwian.
“Ihahatid na kita,”
“Kaya kong umuwi mag-isa, malapit na lang naman ang bahay namin dito.”
“Mamasahe ka pa kung uuwi ka mag-isa. Kapag sa akin ka sumakay, libre lang.”
The silence was deafening. Hindi niya pa na-gets noong una kung bakit natigilan ako pero namula ang tenga niya nang mapagtanto ang sinabi. Walang malisya ang sinabi niya, mahilig lang talaga ako maglagay ng meaning.
“W-Well… both are free rides and—”
“Una na ako!” hindi ko na siya pinatapos dahil ayaw kong marinig ang susunod niyang sasabihin. Lumabas na ako ng office niya.
Hinanap ko sandali si Adlei para magpaalam pero wala na siya at ‘yong kasama niya.
—
Pagdating sa bahay ay naroon sila lahat. Nasa sala si Papa, natutulog ng walang pang-itaas sa sofa. Si Mama naman at nasa kusina, naghuhugas ng pinggan.
“Ma,” tawag pansin ko sa kaniya.
Wala man lang kagulat-gulat ang mukha niya. Nilingon niya lang ako sandali bago balikan ang ginagawang paghuhugas.
“Sumweldo ka na?”
“Hindi pa, may inasikaso lang ako sa dati kong school. Mag-aaral ulit ako.”
Bahagya akong napatalon nang bigla na lang siyang may naibagsak na pingga. Hindi iyon aksidente, alam kong sinadya niya iyon.
“Ano? Anong sabi mo? Mag-aaral ka ulit?”
Napalunok ako. “Oo, mag-aaral ulit ako.”
“Jusko naman! Ang liit na nga ng binibigay mo rito sa bahay, mas mababawasan pa? Nasaan ang kokote mo, anak?”
It's funny how she can call me Anak but proceed to disrespect and hurt me.
“Ganoon pa rin ang ibibigay ko. Pinapaalam ko lang na mag-aaral ako. Alam niyo, hindi na nga dapat pero sinabi ko pa rin dahil may respeto ako sa inyo kahit na alam kong kahit piso ay wala naman kayong maibibigay.”
Pumasok na lang ako sa kwarto dahil alam ko na naman ang sasabihin niya. Iinsultuhin na naman ako pero sa huli sa akin pa rin naman lalapit kapag may kailangan.
Nadatnan ko si Elvi na natutulog. Nagising naman siya agad nang yakapin ko siya.
“Ate?” antok pa ang boses.
“Sleep ka ulit, bukas pa ako aalis.”
“Okay po, paggising ko dapat nandito ka pa, ah.”
“Okay po, dito lang si ate hanggang gumising ka.”
Maging ako ay nakatulugan ang pagod. Paggising ko ay wala na si Elvi sa tabi ko. Lumabas ako at nakita na mag-isa siya sa sala. Tahimik lang siyang nakaupo pero pinagpapawisan.
Lumapit ako sa electric fan para buksan iyon.
“Bakit ayaw mo buksan ang electric fan?”
Ngumuso siya. “Kapag ginamit ko mas lalaki ang babayaran na kuryente. Pwede naman ako magpaypay na lang, ate.”
Lord, hayaan niyo akong yumaman.
Wala naman si mama at papa, hindi ko alam saan nagpunta at hindi ako interesado na malaman pa kaya kaming dalawa ang kumain ni Elvi. Tuwang-tuwa siya na Jollibee ang pagkain namin kahit na malamig na.
Mahirap man at maaga akong umalis kinaumagahan. Nagpunta ako mag-isa sa school para kunin ang nag-iisang requirement na kailangan ko. Ilang dasal ang nagawa ko na huwag kong makita si Ezra. Mabuti naman at hindi.
Hindi ko na inasahan na magsasabay kami ni David. Balak ko na dumiretso na sa terminal para bumalik ng mag-isa pero nagulantang ako dahil naabutan ko siya sa labas. Nakasandal sa mamahalin niyang kotse. Umayos siya ng tayo nang makita ako.
“Nakuha mo na?”
Wala sa sarili akong tumango.
“Okay. Breakfast?”
Tumango na lang ulit ako. Bahagyang siyang ngumiti at pinagbuksan ako ng pinto.
Pagpasok ko ay hindi niya agad isinara ang pinto. Naroon lang siya nakatingin sa akin. Nag-init ang magkabila kong pisngi sa tingin niya.
“By the way, good morning.”
Saka niya isinara ang pinto. Hanggang sa sumakay siya ay wala na akong ibang narinig kung hindi ang malakas na t***k ng puso ko.