Kabanata 1

2096 Words
‘... DATING MARINO AT MARAMING BRANCH NG FINE DINING RESTAURANT DITO SA PILIPINAS.’ Paulit-ulit na naglaro ang mga katagang iyon sa isip ko. Hindi ba malaki ang sahod ng marino? Higit sa lahat, ang laki na ng kita sa isang restaurant, paano kung marami pa itong branch? “Kilala rin iyong tatay niya–” Hindi ko na pinatapos magsalita ang bartender na may berdeng buhok dahil mabilis akong umalis sa pwesto ko para habulin si Mr. Faustino–iyon ang narinig kong sinabi niya kaniya. Luminga-linga ako sa dinaanan niya pero hindi na siya makita. Hanggang sa napadpad ako sa parking lot. Ang daming sasakyan, paano ko malalaman kung saan ang sa kaniya rito? Kagat ang labi kong nilibot ang parking lot. Madilim ang ibang parte at may isa pa akong nakitang sasakyan na umuuga. Napangiwi ako sa nasaksihan pero hindi ko na pinagtuunan ng pansin dahil may iba akong sadya rito. Hindi pa naman siya siguro nakakaalis? Madadaanan ako kung sakali na may sasakyan aalis na. Saan ang sasakyan niya rito? “Yes, uuwi ako. Kumain ka na?” Huminto ko nang marinig ng pamilyar na boses. Sa may bandang dilim ay naroon nakatayo si Mr. Faustino. Nakabukas na ang pintuan ng driver’s seat at mukhang papasok na kaya lang ay may tumawag sa kaniya kaya naudlot. Namilog ang mata ko dahil sa ganda ng kotse niya. Tangína… sana palarin ako sa isang ‘to. “Naiintindihan ko, huwag niyo na akong hintayin dahil may dadaanan pa ako.” Nang makita ko na babaling siya sa direksiyon ko ay natakot ako kaya mabilis akong nagtago sa katabing kotse. Sa sobrang bilis ng kilos ko ay napasubsob ako sa sahig dahil tumabingi ang heels ng suot ko. Pigil na pigil ang pag-alpas ng inda sa bibig ko para lang hindi niya ako makita. Bakit ba ako nagtatago? Gusto ko nga ay makita niya ako. Tinignan ko ang suot na stiletto. Wala na! Sira na. Kaya ayaw kong bumili ng mumurahin dahil ang bilis masira! Hindi man lang nagtagal sa akin ng isang araw. Nakakainis! Nakaupo pa rin ako sa semento at tinitignan ang nasira kong sapatos nang tumunog ang sasakyan na pinagtataguan ko. Namilog ang mata ko dahil sa pagpasok ng may-ari ng sasakyan na pinagtataguan ko. Kahit masakit ang paa ay pinilit ko na tumayo pero wala na dahil mabilis na umandar ang sasakyan habang pilit kong inaalis ang isang pares ng stiletto ko. Parang nag-slow motion ang paligid ko. Dahan-dahan sa paningin ko ang paglisan ng sasakyan na pinagtataguan ko. Pilit ko pa ring inaalis ang suot ko sa paa nang magtama ang mata naming dalawa. Ang itim na itim niyang mata ay para na akong sinusunog at bahagyang nanliliit ang tingin sa akin. “H-Hi…” bati ko. Bumaba ang tingin niya sa paa ko. Para akong natuod sa pwesto ko nang lumapit siya at yumuko sa harapan ko. Yumuko rin ako para tignan ang gagawin niya at doon ko napagtanto kung gaano na umakyat ang suot kong mini skirt. Kaunting taas pa ay makikita na ang panty ko! Hindi ko inaasahan na tutulungan niya ako sa pag-alis ang suot ko sa paa. Nang maalis niya ay iniwan niya rin iyon doon sa gilid. Tulala pa rin ako hanggang sa pag-angat niya. Bumuntong-hininga siya. “Akala ko hindi ka interesado sa akin?” Huh? “Hindi nga! May tinignan lang ako rito. I-Iyong… Iyong hikaw ko! Alam ko rito gumulong, eh.” Akmang yuyuko ulit ako para magpanggap na naghahanap pero tumalikod na siya kaya hindi ko na nagawa. “Wala kang suot na hikaw kanina, kahit kwintas at singsing ay wala.” Iyon ang huli niyang sinabi bago sumakay ng mamahalin niyang kotse at iwan akong nakatulala rito sa parking lot. Ano ang nangyari? Sa sobrang bilis ay para akong nahihilo kahit na juice lang ang ininom ko. Naglakad ako pabalik sa loob na flats na ang suot. Dahil wala ng heels ang isa kong stiletto ay sinira ko an rin ang isa para magpantay silang dalawa. “ATE!” Sinalubong ako ni Elvi ng yakap pagkauwi ko sa bahay. Tanghali na ako nakauwi dahil tumulong ako sa pagtitinda sa kakilala ko. Tumawag lang ito na kailangan niya ng katulong sa lugawan at paresan niya, hindi na ako tumanggi. Para kahit papaano ay may pera ako. Gumanti rin ako ng yakap rito habang marahan na hinaplos ang walang buhok nitong ulo. Parang kinurot ang puso ko. “Sina mama?” tanong ko dahil himala na tahimik ng bahay. Madalas kapag uuwi ako ay maingay dahil laging nagtatalo si Mama at Papa. “Si Mama kumuha ng labada sa kabilang kanto. Si Papa… hindi ko alam kung saan nagpunta. Hindi pa siya umuuwi simula kaninang umaga.” Nagngitngit ang mga ngipin ko sa galit. Iniwan nilang mag-isa si Elvi rito sa bahay? Kahit galit na galit na ako sa magulang ay hindi ko ipinakita sa kapatid ko. Malambing akong ngumiti sa kaniya. “Kumain ka na?” Dahan-dahan siyang umiling na lalong ikinabigat ng nararamdaman ko. “Ibig sabihin ay hindi mo pa nainom ang mga gamot mo?” Muli siyang umiling at hindi na magawang tumingin sa akin. “Maupo ka lang diyan, bibili lang ako ng pagkain sa labas.” Bumili ako sa karinderya na sakto lang para sa aming dalawa na magkapatid. Matapos ko siyang pakainin ay pinainom ko agad ng gamot at pinatulog. Gusto ko na lagi siyang nagpapahinga dahil mahina ang resistensiya niya. Habang natutulog siya ay nakatingin lang ako sa kaniya. Ang dating masigla ang mukha ay ngayon matamlay na. Maputla ang mga labi ay malalim ang mga mata. Tumingin ako sa itaas para pigilan ang pagbadya ng luha. Saktong paglabas ko ng kwarto ay siyang pagdating ni Mama. Hulas ang itsura nito. Ang buhok niya ay dumidikit na sa leeg nito dahil sa pawis. “Ang papa mo, hindi pa umuwi?” casual na tanong niya na parang walang bata na iniwan rito. Sa mga ganitong senaryo ay hindi ako sumasagot sa kaniya pero ngayon ay parang naipon ng galit ko dahil sa ginawa nilang pag-iwan sa kapatid ko mag-isa sa bahay. “Hanapan ba ako ng nawawalang asawa?” pabalang na sagot ko sa kaniya. Lalagpasan ko sana siya ng pigilan niya ang braso ko. “Ayan ka naman, Amber! Bakit ganiyan ka na naman magsalita? Kita mo na galing ako sa paglalabada pero ganiyang ugali ang ibubungad mo sa akin?” “At ako ano ang bumungad sa akin? Iyong kapatid ko, iniwan niyong mag-isa rito sa bahay na wala pang laman ang tiyan, ayun hindi nainom ang gamot. Anong gusto mo, matuwa ako na nakipaglabada ka roon? Magkano ba ang bigay nila para ilagay mo sa panganib ang buhay ng kapatid ko?” Dumaan ang pag-aalala sa kaniyang mata. Parang ngayon niya lang naalala na may anak nga pala siyang may sakit at iniwan niyang mag-isa sa bahay. Tuluyan ko na siyang tinalikuran. “S-Saan ka pupunta, anak?” Parang kanina lang ay hindi sumigaw sa galit sa akin kanina. Naging maamong tupa na naman. “Diyan, hahanap ng pambili ng gamot ni Elvi, paubos na.” Ang totoo ay hindi ko alam. Isang linggo na akong naghihintay ng mga tatawag sa akin sa mga in-apply-an kong trabaho pero kahit isa wala. Halos mga cashier at crew lang naman iyon pero bakit walang gustong kumuha sa akin kahit na katuntong naman ako sa kolehiyo? Naglalakad na kamalasan yata ako. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Totoong paubos na ang gamot ng kapatid ko. Tambak na rin ang electric at water bill sa refrigerator namin na ginawang tambakan ng gamit dahil dagdag lang sa bill ng kuryente. Ilang beses na rin na naniningil ang ilang tindahan malapit sa amin dahil sa pagkakautang ni Papa sa kanila. At ano ang inuutang ng magaling kong ama? Alak, puro alak. “Uy, Amber!” Naningkit ang mata ko sa babaeng papalapit sa akin. Kahit malayo ay kumikang ang maputi nitong balat. Lantad ang dibdib nito dahil pulang spaghetti strap at maiksing maong short ang suot. Ang mg kuko nito ay halatang bagong palinis din dahil mamula-mula. “Amber, anong nangyari? Naging sampo na ba ang anak mo? Kahapon ay parang siyam pa lang?” Inismiran ko siya pero hindi ko magawang magalit sa kaniya. Kaibigan ko siya, si Ate Lenie. “Mama mo labing-isa anak,” ungos ko sa kaniya. Totoo naman, labing-isa silang magkakapatid at lahat sila ay magkakasama sa iisang bubong kahit na may pamilya na ang mga panganay. Hindi ko nga alam kung paano sila nagsisiksikan sa bahay nila gayong hindi rin naman malaki ang bahay nila. “Hmp, nasarapan lang ang nanay at tatay ko. Kita mo, ako ang pinakamaganda sa lahat.” “Baka ikaw ang pinaka-complicated na gawin? Parang nag-uumpisa pa lang ay natapos na agad,” dagdag ko pa na ikinatawa niya. “Gaga! So, anong atin? Bakit parang pinagbaksakan ka na naman ng langit at lupa?” Doon na nabura ang ngiti ko. “Paubos na ang gamot ni Elvi, kailangan ko maghanap ng pagkukuhanan ng pera.” “Ha? Hindi ba ang dami mong in-apply-an na trabaho last week? Wala pang tumawag?” Umiling ako. “Wala! Sana man lang nagsabi sila na hindi pala ako matatanggap, hindi ‘yong umaasa ako rito sa wala.” Hinila niya sa may tindahan para doon namin ipagpatuloy ang pag-uusap. Nilibre na rin niya akong soft drinks at mga kutkutin. Balak niya sana ay alak ang bilhin pero pinigilan ko. Tanghaling tapat, alak? “Oh, anong balak mo niyan? Alam mo naman na mahirap talaga maghanap ng trabaho ngayon. Hindi bale, kapag may kakilala ako na naghahanap ay ikaw ang sasabihin ko.” Sinuri ko siya. Kahit na labing isa sila sa pamilya ay medyo magaan na ang buhay nina Ate Lenie dahil nagtatrabaho naman ang lahat ng matatanda sa kanila pwera na lang sa magulang niya. “Ipasok mo na rin kaya ako?” wala sa sariling sabi sa kaniya. Naibuga niya sa mukha ko ang iniinom na soft drinks. “Tangína mo! Hinding-hindi kita ipapasok sa trabaho ko. Huwag ka ng dumagdag sa makasalanang tao sa mundo. Hayaan mo na akong sa impyerno pero hindi ko hahayaan na sumama sa akin. Bata ka pa, Amber at iyong trabaho ko? Hindi para sa ‘yo.” Isang prostitute si Ate Lenie pero kaunti lang ang nakakaalam dahil sa ibang lugar ito nagtatrabaho. Tuwing weekend lang siya umuuwi rito sa lugar namin. Ang alam ng pamilya niya ay sa casino siya nagtatrabaho. “Hoy, babae, alam kong mahirap pero huwag mong susubukan na gayahin ako. Maraming opportunity na darating sa ‘yo kaya ang gawin mo kapag dumating ang opportunity na iyon ay huwag mong sayangin, sunggaban mo agad.” “Sana sinunggaban ko na pala siya agad,” wala sa sariling wika ko. Pinahiram ako ng isang libo ni Ate Lenie para may maipandagdag sa gamot ni Elvi. Pagbalik ko sa bahay ay naabutan ko si Mama na nagtutupi ng damit habang nakikinig ng radyo. Simula ng nahirapan kami ay binenta na ang TV. Ang radyo na ginagamit niya ay hiniram niya pa sa kapitbahay. Dumiretso ako sa kusina para uminom ng tubig. “Anak, may tatlong daan ka ba diyan?” “Para saan?” “Ang Tita Mariel mo kasi, hindi pa raw kumakain kaya nanghihiram–” “At tayo? Mukha ba na may makain tayo?” Parang napahiya naman siya na umiwas ng tingin dahil napahiya. Kahit anong pagpapaawa niya sa akin ay hindi ko makaramdam ng awa. “Talagang naisip niyo pa ang ibang tao kaysa sa sarili nating pamilya? Alam niyo naman na hirap na hirap na tayo, nagagawa niyo pa na isipin ang ibang tao.” “Hindi naman ibang tao ang Tita Mariel mo, kapatid siya ng Papa mo kaya–” “Sige, pahiramin niyo kung gusto niyo pero wala akong maipapahiram sa inyo.” Nakakawalang-gana. Paano nila nasisikmura na tumulong sa iba gayong nahihirapan din sila? Hindi ba pwede na magbigay sila ng sobrang tubig kapag umaapaw na ang timba? Mahirap ba na unahin ang pamilya bago ang iba? Tumabi ako kay Elvi an mahimbing ang tulog. Papikit na rin sana ako nang mag-vibrate ang phone ko. Ayaw ko pa na kunin dahil baka message sa sim na naman iyon pero ginaw ako pa rin. Nakasimangot kong tinignan ang nag-message at namilog ang mata. Marahas kong naitakip ang kamay sa bibig nang makita kung saan galing iyon. Isa sa mga in-apply-an ko last week, tanggap daw ako!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD