‘I AM PLEASED TO INFORM YOU THAT YOU HAVE BEEN SELECTED FOR THE POSITION. WE ARE EXCITED TO WELCOME YOU TO OUR TEAM. PLEASE BE AT THE OFFICE TOMORROW FOR CONTRACT SIGNING.’
“Hala, totoo nga! Ang galing!” Sabay kaming tumili ni Gaile. Hawak niya ang dalawang kamay ko at nagtatalon din kami. “Yayaman ka na!”
Napabungisngis ako lalo. “Sira! Akala mo naman talaga mataas na posisyon ito, pinakamababa nga ito.”
Hinampas niya ako. “Nagsisimula naman sa mababa ang lahat. Hindi pwede na nasa ibabaw ka kaagad, ‘no! Basta galingan mo para ma-promote ka nang ma-promote sa trabahao para tumaas nang tumaas ang sweldo mo.”
Hindi ako nakatulog kinagabihan dahil sa sobrang excitement na nararamdaman. Nagtataka na nga sa akin si Elvi dahil panay ang yakap ko sa kaniya at halik. Ganito talaga ako kapag masaya at excited ako.
Hindi ko namalayan na umaga na. Napuyat ako sa pagtitig sa susuotin ko ngayong araw. Si Gaile ang nagpahiram sa akin. White blouse na hanggang siko ang sleeve, at black slacks. Maging ang sapatos na susuotin ko ay siya ang nagpahiram–black stiletto na may dalawang pulgada ang taas.
“Ate, saan ka pupunta?”
Kanina pa nakatingin sa akin si Elvi dahil pabalik-balik ako sa kwarto. Sa tuwing lalabas ako ng kwarto ay parang may nakakalimutan ako kaya babalik na naman ako para kunin iyon. Sinisigurado ko rin na maayos ang mukha at buhok ko. Ito ang unang trabaho ko kaya gusto kong plakado lahat. Ika nga nila, first impression lasts.
Huminto ako sa pag-aayos ng buhok ko para lapitan siya na nakaupo sa dulo ng kama. Ngumiti ako habang nakaluhod sa harapan niya.
“Anong gusto mong pasalubong? Mayroon ng trabaho si Ate kaya mabibili ko na ang gusto mo.”
Namilog ang mata nito. “Yehey! Gusto ko ng Jollibee!”
“Jollibee? Promise, pag-uwi ko may dala akong Jollibee. Basta promise mo sa akin na magpapahinga ka lang buong araw. Dito ka lang sa bahay, okay? Sa susunod ay bibili rin ako ng mga libro para may babasahin ka rito. Uminom ka ng maraming tubig. Nagluto na ako ng almusal at tanghalian mo, alam mo naman kung saan ko inilalagay, hindi ba? Pagtapos mong kumain ay huwag mong kalilimutan ang gamot mo.”
“Alam ko na, Ate. Araw-araw mong sinasabi sa akin, kahit sa panaginip ko ay ayan pa rin ang sinasabi mo sa akin.”
Pinisil ko ng marahan ang pisngi niya. “Aba, mas mabuti nang paulit-ulit ako para hindi mo talaga makalimutan.”
Wala si Mama dahil hinanap nito ang magaling niyang asawa na hindi pa rin umuuwi. Hindi ko hinayaan na masira niyon ang mood ko. Masyado akong masaya para isipin pa ang mga magulang kong pasaway.
Sa utak-utak ko ay iniisip ko na kung ano ang mga dapat kong gawin para magustuhan nila ako.
Pagbaba ko sa jeep ay inayos ko muli ang damit ko na medyo nalukot dahil siksikan. Naka-high ponytail ako kaya medyo presko naman ang pakiramdam ko. I confidently walk inside the establishment. Maging ang guard ay binati ko sa sobrang tuwa ko. Tinanong pa ako nito kung ano ang sadya ko, sa tuwa ko ay ipinakita ko ang text message mula sa HR.
“Congratulations, Ma’am!”
“Salamat po!”
Malapit na ako sa office nang maramdaman ang pag-vibrate ng phone ko. Dali-dali ko iyong inilabas habang naglalakad pa rin. Binasa ko ang mensahe na pinadala sa akin.
‘Apologies for the confusion. The prior text message was sent to you mistakenly. Unfortunately, you did not meet the criteria for the position you are applying for. We sincerely appreciate your trust and interest in our company, and we wish you good luck in your future endeavors.’
Nauna pang huminto ang mga paa ko bago maiproseso sa utak ang nabasa na panibagong mensahe.
“Excuse me,”
Hindi ako nakakilos sa kinatatayuan ko. Natulala lang ako sa hawak ko na phone. Hindi pa rin nagsi-sink in sa akin ang nabasa.
Hindi ako… pumasok sa criteria?
“Ay, bingi?” Nilagpasan na lang ako ng babaeng kanina lang ay nasa likod ko.
Bakit?
Dinala ako ng mga paa ko sa malapit na comfort room. Tinitigan ko ang sarili sa salamin. Walang-wala ang itsura ko ngayon sa itsura ko bago umalis ng bahay. Walang kabuhay-buhay ang mukha ko. Matamlay ang mga mata, sarado at mariin ang pagkakalapat ng labi ko.
Masakit sa puso pero hindi ko magawang umiyak. Gusto kong umiyak dahil parang ang bigat sa dibdib pero bakit wala akong mailuha? Napapagod na ako at parang pag-iyak ang nakikita kong solusyon pero bakit hindi ako maiyak? Please, gusto kong umiyak.
Kalahating oras ang lumipas pero nakatingin lang ako sa salamin. Kung hindi pa nangawit ang paa ko ay hindi pa ako matatauhan. Huminga ako ng malalim.
Hindi naman ito ang unang beses na natanggap ka kaya umayos ka, Amber. Tinanguan ko ang sarili bago lumabas ng CR.
Paglabas ko ng building ay naramdaman ko agad ang gutom, hindi ako nakakain kagabi at kaninang umaga dahil hindi ako nakaramdam ng gutom sa sobrang saya. Ngayon ay nanlalambot na ako, sinabayan pa ng tirik na tirik na araw.
Lumapit ako sa malapit na nagtitinda sa gilid para bumili ng buko juice. Saktong umiinom ako nang mahagip ng mata ko ang kotse na papasok sa parking lot. Namilog ang mata ko. Masyadong pamilyar ng sasakyan na iyon para hindi makilala. Pati ang plate number ay parehong-pareho.
Inisang tungga ko ang baso ng buko juice at marahas na itinapon sa basurahan. Lakad-takbo ang ginawa ko para mahabol ang sasakyan na pumasok sa parking lot.
“Miss!” sita sa akin ng guard na nasa bungad ng parking lot.
“Kuya, sandali lang late na ako sa trabaho!”
Hindi na rin naman siya sumunod at mukhang naniwala na. Nasa itsura ko naman talaga na nagtatrabaho rito. Kaya lang ay sa maraming beses, hindi na naman ako pinalad.
Lumabas na si Mr. Faustino sa sasakyan niya nang makalapit ako. Pigil na pigil ang hininga ko. Nagkunwari ako na napadaan lang. Alam kong papasok siya sa may elevator kaya doon ang tingin at lakad ko.
Mula sa peripheral view ko ay nakita kong natigilan siya. Ganiyan nga, matigilan ka sa ganda ko.
Pumasok ako sa loob. Pinindot ko ang floor na pinuntahan ko kanina. Akala ko ay hindi na siya papasok dahil malapit na magsara ang pinto pero mabilis na humarang ang kamay niya para muling magbukas. Pasimple akong ngumiti. Ang ganda ko.
Nagkunwari akong nagulat nang makita ang mukha niya. “Ikaw?”
Tumikhim siya, hindi ako sinagot. Tinignan niya ang wrist watch niya at nagdiretso lang ng tiningin. Alam kong nakilala niya ako, bakit siya umaasta ng ganiyan?
“Ikaw iyong lalaki sa club noong isang gabi, hindi ba?”
“I don’t know what you’re talking about.”
Wow! Be f*****g for real. Anong klaseng drama ito? Ang alam ko ay ako lang ang umaakting sa aming dalawa. Nakatingin kaming pareho sa reflection sa harapan namin.
“Oh, sorry, nagkamali yata ako." Umiwas ako ng tingin mula sa reflection. "Pero sabagay, mas gwapo ka kaysa sa lalaki na iyon.” Bulong ko sabay iwas ko na ang tingin ko sa kaniya.
“Lasing ka yata, baka hindi mo masyadong nakita ang mukha niya. I bet he was the most handsome in that place that night.”
Hindi ko na napigilan ang pag-alpas ng tawa ko. Inilagay ko sa likod ng tenga ko ang imaginary na buhok na nasa mukha ko bago siya muling harapan. Bahagya akong nakatingala dahil matangkad siya.
“How would you know? You don’t know him. Saka inaamin mo ba na mas gwapo siya sa ‘yo?”
Bago pa siya makasagot ay bumukas na ulit ang elevator. Palapag ito na pinindot ko kanina. Ayaw ko pa na lumabas! Kailangan kong makuha ang lalaking ito para naman hindi ko maisumpa ang araw na ito.
“Hindi ka ba lalabas?”
“L-Lalabas na,”
Eh, wala akong maisip na ibang dahilan para mag-stay pa!
Para akong pagong sa ginawa kong paglabas. Hinarap ko pa siya para sana tanungin kung anong pangalan niya kahit na alam ko na pero nahalina ako sa mata niya na seryosong nakatingin sa akin. Hanggang sa unti-unting sumara ang pinto ay nakatingin lang kami sa mata ng isa’t isa, hanggang sa tuluyan itong magsara.
Nagpakawala ako ng malalim na hininga. Palpak na naman!
Bumaba na naman ako. Nilapitan ko ang kotse niya na mamahalin. Pinalandas ko ang kamay ko.
“Pangako, masasakyan din kita…” bulong ko. “Well, pwede rin naman ‘yong amo mo pero ikaw na muna.”
Inilabas ko ang maliit na notebook na dala at nagsulat. Pagtapos ay inipit ko sa sweeper ng sasakyan niya.
Bagsak ang balikat ko na umalis sa lugar na iyon. Anong oras pa lang, hindi pa ako pwedeng umuwi. Ang saya-saya kong nagkwento sa kapatid ko tapos ito ang mangyayari. Bumigat na naman ang pakiramdam ko. Ayaw ko na rin gumastos para sa pamasahe ko. Lalakarin ko na lang pauwi kahit na ang layo-layo ko pa.
Kada kainan na madadaanan ko ay napapatingin ako. Kumakalam na ang sikmura ko sa gutom. Idagdag pa na nauuhaw na naman ako.
Nahinto ako sa isang mamahalin na restaurant. Nilapitan ko pa para masiguro ko na tama ang nababasa ko. Hiring sila ng dishwasher.
“Kuya, hiring pa rin?” tanong ko sa guard.
“Yes, Ma’am. Kung interesado po kayo, ihahatid ko kayo sa mismong office na. Urgent kasi, eh.”
Please, Lord, ibigay niyo na sa akin ‘to.
Tumango ako kaya naman inihatid niya sa loob. Namamangha akong napatingin sa loob. Sobrang ganda at iyong mga taong kumakain ay alam mong may mga kaya sa buhay. Nahagip pa ng mata ko ang menu kung nasaan ang presyo, halos lumuwa ang mata ko sa mahal.
Ginto ba ang pagkain dito?
Huminto kami sa may isang pinto sa bandang likod na ng restaurant. Nakaramdaman ulit ako ng kaba. Siya na ang kumatok bago buksan ang pinto. Iminuwestra niyang pumasok na ako.
Sorang lamig ng office.
“G-Good morning po,” nahihiya kong bati.
Sumalubong sa akin ang isang lalaki. Nanliit pa ang mata ko dahil parang may kamukha siya. Gwapo siya at parang amoy baby powder. Ang nakakataka lang ay nakapambahay lang siya. Ganito ba talaga kapag mayaman ka na? Hindi mo na kailangan na magdamit ng pormal. Sabagay, maaaring sa kaniya ang restaurant na ito o siya ang namamahala.
“Good morning, take a seat. Wala pa si Kuya, hindi naman iyon papayag na ako ang mag-interview sa ‘yo.” He chuckled. “Tubig?”
Napalunok ako dahil talagang nauuhaw na ako. Hindi na niya hinintay ang sasabihin ko, ipinangkuha na niya ako ng tubig sa dispenser na nandito. Nahihiya naman akong kinuha iyon.
“Ah, may dala ka ba na resume? Importante kasi iyon kay Kuya.”
“O-Oo!” Buti na lang ay hindi ko inalis ang mga nakalagay sa bag na ito noong huling nag-apply ako, may extrang resume pa ako na naiwan sa bag na ‘to.
Nanginginig ang kamay ko na iniabot iyon sa kaniya. Napansin niya iyon kaya natawa na naman siya. Namula ang pisngi ko dahil hiya. Gwapo, matangkad, mabango, at kapatid ng mag-i-interview sa akin, malamang mahihiya ako.
“Miss Amber Lagarzon?”
“Po?”
“Hanggang senior high school lang ang natapos mo? What about college?”
Ito na naman tayo. Huwag mong sabihin na kailangan college graduate para lang maging dishwasher nitong restaurant na ‘to.
“Umabot naman ng second year college, hindi lang talaga kinaya.”
Tumango-tango siya at muling ibinaling ang tingin sa resume ko. “I see,”
Ang tagal naman ng Kuya niya.
Hindi na lumipas ang ilang minuto ay bumukas na ang pinto. Mabilis ang naging pagtayo ko dahil sa gulat sa pumasok. Pasimple kong inayos ang suot kong blouse pero agad din na nahinto dahil sa lalaking bagong dating.
Siya?! You gotta be kidding me.
Maging siya ay halatang nagulat sa presensiya ko dahil para siyang na-stuck sa may pintuan.
“Kuya, pangatlong aplikante mo na ‘to, tanggapin mo na.”
Muli kong naalala ang iniwan kong sulat sa kotse niya. Gusto kong matampal ang sarili dahil sa ginawang katangahan. Nakita niya ba? Sana ay nilipad ng hangin!
Nang makabawi siya ay naglakad na siya papasok. May iilang paper bag siyang hawak na sa tingin ko ay gamit para sa kusina. Nakagat ko ang ibabang labi dahil hindi ko alam kung nabasa niya ba at kung alam niya ba na ako ang naglagay ng note na iyon.
Matamis na ngumiti sa akin si ang kapatid. “Maupo ka lang diyan, pahinga lang sandali si Kuya–”
“Umuwi ka na Adlei,” maaligasgas na utos ni Mr. Faustino sa kapatid.
Kaya pala pamilyar ang mukha ni Adlei, kapatid niya para ang lalaking noong isang gabi ko pa gustong pikutin.
“Eh? Sabi mo nabo-bore ka rito kaya pinapunta mo ako?”
Hindi siya pinansin ni Mr. Faustino. Inalis nito ang relo na suot bago naglakad palapit sa akin. Kakarating lang niya pero nanunuot na ang panglalaki nitong pabango. May dinukot siya sa bulsa niya na pamilyar na maliit na papel at inilapag sa center table.
Yumuko roon si Adlei para basahin. Nanlaki naman ang mata niya. Habang ako ay parang sasabog na sa hiya. Alam niyang ako ang nagsulat! Tangina!
Pakasalan mo na ako kapag nagkita ulit tayo. #Destinyspeaking
- future wife
Hindi lang iyon, nakasulat pa sa ibaba ang numero ko.
“Naiwan mo yata sa kotse ko.”
Tang-ínang buhay ‘to.