Chapter 06
Malia Shanaya Torres
KINANUKASAN, matapos ang mahabang biyahe, sa wakas ay nakarating din kami sa bahay-ampunan. Sobrang init ng pagtanggap ng mga madre, lalo na ni Sister Catalina. Agad niya kaming nakilala, dahil sa mga larawan na pinapadala sa kanya ni Lani.
Binigyan kami ng sariling kwarto, maliit pero maayos naman. Magkasama kaming tatlo sa isang silid, at iyon pa lang ay nakagaan na ng dibdib ko. Ang kambal, halos hindi na mapigilan ang tuwa nang makita ang ibang bata sa ampunan. Sa isang iglap, may bago na silang kalaro, para bang hindi dumaan sa takot at habolan na pinagdaanan namin.
Ako naman, pinatawag ni Sister Catalina. Doon, isa-isa kong isinalaysay ang lahat ang pinagdaanan namin. Hindi ko pinalampas kahit ang mga sakit na dinanas namin sa kamay ng tiyahin ko. Pakiramdam ko'y natanggal ang bigat sa dibdib ko habang nagsasalita, kahit paulit-ulit akong naluha. Sinabi ko rin ang pangarap ko, na sana makapag-aral ako ng Nursing. Na balang araw, kaya ko ring tumulong sa iba, gaya ng pagtulong sa amin ngayon.
Nakinig si Sister Catalina nang tahimik, ramdam ko ang awa at malasakit sa bawat titig niya. Hindi siya nangako, pero mahina niyang sinabi, "We'll find a way. We'll try to look for a sponsor."
Napatigil siya saglit at napasulyap sa kabilang dulo ng bulwagan. Sinundan ko ng tingin ang paningin ni Sister Catalina patungo kay Adrian. Nakatayo ang lalaki roon, abala sa pag-iinspeksyon ng mga naka–kahon na gamot, seryoso't malalim ang mukha.
Maya-maya'y nagpaalam si Sister Catalina. "May kakausapin lang ako, Malia. I'll come back to you later."
Tumango ako at pinilit ngumiti. Hindi ko na pinansin kung saan siya pupunta, pero sa gilid ng mga mata ko, nakita ko kung paanong lumapit siya kay Adrian. Sandaling nakipag-usap, tila may ibinulong. Hindi ko na sinubukang intindihin. Ang mahalaga, safe na kami.
Bumalik ako sa silid na itinuro sa amin. Kinuha ko ang mga dala naming gamit, naglatag ng bed sheet, isinalansan ang ilang damit sa isang maliit na cabinet. Nagpalit din ako ng kurtina, pagkatapos sinimula kong walisin ang sahig. Maliit lang ang kwarto, hindi marangya, pero sapat na sa aming tatlo.
Habang pinagmamasdan ko ang magiging higaan namin, naisip ko—ito ang unang pagkakataon na ramdam kong may totoong tahanan kaming uuwian at matutulogan. Hindi man perpekto, hindi man kumpleto, pero ligtas kami.
At sa loob-loob ko, nagdasal ako. Lord, sana dito na magsimula ang bagong buhay namin. Sana wala nang mananakit sa amin.
Pero kahit anong pilit kong ituon ang isip ko sa paglilinis, hindi ko matanggal sa isip ko si Adrian. Sa buong biyahe namin, hindi ito nagsasalita panay si Zaldy ang nagkukwento.
Parang ang hirap—hirap niyang abutin.
Napabuntong–hininga na lang ako at nagpatuloy na maglinis nang marinig ko ang mahinang katok. Napatigil ako at agad na sumilip sa pinto. Pagbukas ko, bumungad si Sister Catalina, dala ang isang ngiti na parang may magandang balitang bitbit.
"Malia," mahinahon pero masigla ang boses niya. "I have good news for you."
Agad akong napatingin sa kanya, may halong kaba at pag-asa. "Ano po 'yon, Sister?"
"May taong gustong mag-sponsor sa pag-aaral mo," diretsong sabi niya, nakatingin sa akin na para bang gustong makita mismo ang reaksyon ko.
Namilog ang mga mata ko. Hindi ko napigilan ang mapahawak sa dibdib ko. "Talaga po? As in...totoo po 'yan?" Hindi ko alam kung iiyak ba ako o tatawa. Kanina lang, iniisip ko kung paano ko matutupad ang pangarap ko, tapos ngayon parang biglang nagbukas ng pinto ang langit para sa akin.
"Yes, anak. Totoo. Ngayon pa lang, you should prepare yourself," sagot niya habang nakalapat pa rin ang banayad na ngiti sa labi.
"Pwede ko po bang malaman kung sino siya?" tanong ko, halos nanginginig pa ang boses ko. Curious na curious ako. Gusto kong magpasalamat agad, gusto kong makita ang taong iyon.
Umiling lang si Sister Catalina. "Confidential, Malia. Ang mahalaga, hindi ka na kailangang mag-alala tungkol sa tuition at mga kailangan mo. Basta pangako mo sa akin, mag-aaral ka ng mabuti."
Napakagat ako ng labi, ramdam kong nag–init ang mga mata ko. Pero hindi ko na napigilan ang luha ko, kusa na silang tumulo at dali-dali kong niyakap si Sister Catalina. "Thank you po, Sister. Thank you so much. Promise po, I'll do my best. Hindi ko po sasayangin ang pagkakataon na ito."
Naramdaman ko ang haplos niya sa likod ko,,parang yakap ng isang ina. "That's all I ask, Malia. Show your sponsor that their trust is worth it."
Tumango-tango ako habang nakayakap pa rin. Para akong bata na nakahanap ng pag-asa. Sa wakas, hindi lang basta pangarap ang nursing para sa akin—unti-unti na itong nagiging reality.
Napatingin ako sa malayo. "Someday,?whoever you are," bulong ko sa sarili, "you’ll see...I'll make you proud."
‐----
Hawak pa ni Sister Catalina ang kamay ko nang maglakad kami palabas ng kwarto.
"Malia," sabi niya sa akin, malumanay ang tono, "before we eat, may isa lang akong hiling sa'yo. Tulungan mo rin kami dito sa bahay ampunan. Kada katapusan ng buwan may programa kami, dumadating ang mga sponsor, at may mga batang inaampon. Malaking bagay ang bawat tulong."
Tumango ako agad. "Opo, Sister. Wala pong problema. Basta kaya ko, I'll help."
Ngumiti siya at hinaplos ang braso ko bago kami pumasok sa canteen.
Pagpasok ko, agad na humagod sa aking pandinig ang halakhakan ng mga bata. Masaya silang naglalaro, nagtatawanan, at sa gitna nila, si Adrian.
Halos mapahinto ako sa kinatatayuan ko. Nakita kong nakaupo siya sa bangko, magiliw na nakikipaglaro. Si Atlas nakasampa pa sa binti niya, nakapulupot na parang matagal na silang magkakilala. Si Adler naman nasa gilid niya, hawak ang braso nito na parang takot maiwan.
"Kuya, tingnan mo ito!" sigaw ni Atlas habang ipinapakita kay Adrian ang laruan.
"Kuya, dito ka lang, ha?" sabi naman ni Adler, halos nakadikit na sa gilid niya.
Nakangiti si Adrian, tinatapik ang ulo ng kambal. Para siyang ibang tao sa harap nila, hindi 'yong cold and distant na unang nakilala ko,,kundi isang tao na marunong, makibagay, magbigay ng init, ng comfort.
Napangiti ako ng bahagya, kahit may kung anong kurot na naramdaman sa dibdib ko.
Samantala, 'yung ibang bata naman, sabay-sabay na nagsisigawan: "Dok! Dok! Dito ka naman!"
Para bang siya ang sentro ng mundo nila ngayon.
Humakbang kami papalapit at saka kumalabog ang tinig ni Sister Catalina. "Attention, everyone."
Biglang natahimik ang paligid. Lahat ng mata, tumingin sa amin.
"Mga anak," patuloy niya, may lambing ang boses, "gusto kong ipakilala sa inyo sina Malia, Atlas, at Adler. Mula ngayon, bahagi na sila ng ating pamilya dito."
Sumabog ang palakpakan sa loob ng canteen. May mga batang nag-cheer pa, may ilan nagtatakbuhan palapit para kamayan ang kambal.
Nararamdaman ko ang init ng pagtanggap nila. Hindi man ito ang orihinal naming tahanan, pero ramdam ko agad—this is a safe place. A home.
PAGKATAPOS kumain ang lahat. Napuno nang tawanan, kantahan, at halakhakan. Halos hindi mapakali ang kambal, panay ang pasikat.
"Kuya, ate, look at me!" sigaw ni Atlas bago bumirit ng kanta.
Sumunod naman si Adler, hindi nagpatalo. Magka-duet pa sila kaya mas lalong natuwa ang mga bata, pati mga madre at staff sa bahay ampunan. Ramdam ko 'yong saya sa paligid. Kahit ako, hindi napigilang mapangiti.
Pero higit sa lahat, napansin ko siya. Si Adrian. Tahimik lang siyang nakaupo sa gilid, pero may bahagyang ngiti sa labi habang pinapanood ang kakulitan ng kambal. Hindi ko alam kung bakit, pero parang nakaka-soften ng loob makita siyang gano 'n.
Matapos ang kasiyahan, hindi ako nagdalawang-isip tumulong magligpit. Nagpunas ng mesa, nag-ayos ng mga plato, naglinis ng sahig. Ang gaan ng pakiramdam—iba 'yong saya ng pagiging tinatanggap.
Nang matapos, agad kong hinanap ang kambal para patulogin. Pero wala sila sa kwarto. Siguro nakikipaglaro pa. Napalingon ako at nakita ko siya—sa ilalim ng malaking puno ng mangga.
Nakaupo si Adrian sa isang lumang bangko, nakayuko, seryosong nagbabasa ng libro. Tahimik ang paligid, tanging ihip ng hangin at kaluskos ng dahon ang naririnig.
Humugot ako ng malalim na hininga, kinabahan, pero nilakasan ang loob ko. "Uh...Doc Adrian?"
Itinaas niya ang ulo, tiniklop ang libro. Diretso ang tingin niya sa akin, malamig, hindi ko mabasa pero nagpatuloy pa rin ako magsalita.
"Gusto ko lang magpasalamat," mahina pero buo kong sabi. "For everything you did for us... sa lahat ng tulong mo. Hindi ko alam kung saan kami pupulutin kung wala ka."
Sandali siyang natahimik bago sumagot. "There's nothing to thank me for," malamig at casual ang tono niya. "Maliit na bagay lang 'yon. At least, hindi na kayo masyadong nahirapan."
Parang may diin sa dulo, may kasamang uyam. Napakagat ako ng labi, medyo na-offend, pero hindi ko hinayaan na lamunin ako ng hiya.
"Still," sagot ko, medyo matigas na, "para sa akin malaking bagay 'yon. Kaya pasensya na, Doc, pero magpapasalamat pa rin ako. Kahit hindi mo gusto."
Tinitigan niya ako ng diretso, walang trepidation. Bahagyang kumunot ang kilay niya, saka siya mapaklang ngumiti.
"Suit yourself," sabi niya. "Pero tandaan mo... thanks don't pay debts. Kung gusto mong may marating, huwag kang umasa na may laging sasalo sa inyo. Hindi lahat ng tao, kasing swerte niyo na may mga madre at sponsor na handang magpaluwag ng buhay ni'yo."
Parang may tumusok sa dibdib ko sa bawat salita niya. Hindi ko alam kung concern ba iyon o insulto.
"Don't get me wrong," dagdag pa niya, medyo yumuko ulit para kunin ang libro, "pero ang mundo, hindi laging mabait. Hindi lahat ng tao tutulong out of kindness. Tandaan mo, kadalasan may kapalit iyan. Kaya huwag kang basta–basta magtiwala."
Napakunot ang noo ko. Pakiramdam ko, kinakalabit ang pride ko. Gusto kong sumagot, pero natuyo ang lalamunan ko. Nakatitig lang ako sa malamig niyang gwapong mukha. Hindi ko siya gets.