Chapter 2: The End or the Start?

2009 Words
Tunay na ang mundo ay puno ng misteryo. Tunay na ang mundo ay tila ba isang puzzle na bagaman buo ay nanatiling palaisipan. Tunay nga na ang mga mundo ay nababalot ng misteryo at kababalaghan. Sabi nga ng nakararami, maaaring ito ay mga kinatatakutang kakaibang nilalang, misteryosong kaganapan, o hindi kaya ay mga bagay na hindi akalaing ganap na nag-e-exist. Hindi maikakaila ang ganitong konsepto sa kadahilanang ang mundo ay isang napakalawak na buhay. Maraming mga bagay, tao, pangyayari ang nagaganap ngunit hindi maipaliwanag. May mga bagay namang nagaganap ngunit isa namang malaking katanungan. Pagtataka, mangha, gulat, pagkabahala, ilan lamang sa mga karaniwang nararamdaman ng tao sa tuwing nakatatagpo ng ganitong pangyayari. Patunay na rito ang nangyayari ngayon kay Vina Oliveros. Bakit may tato ng isang Tramos na nilalang ang lalaking nang-hostage kay Vina sa likod nito? Para saan ang tato na iyon ng lalaki? Ano ba ang kahulugan noon para sa lalaki? Naniniwala ba ang lalaking iyon sa mga nilalang na kung tawagin ay Tramos? At paanong wala namang ginawa ang lalaki na dumating ay biglang nawalan ng malay ang nagwawalang lalaki dahilan para madakip ito? “Sino ba ang lalaking iyon? Ano ang ginawa niya? May ginawa nga ba siya? Ano kaya ito?” Ilan lamang sa mga katanungan na namayani sa isipan ni Vina ang mga iyon nang sa isang iglap ay nawala sa kinatatayuan ang lalaki na ngayon ay masasabi niyang misteryo ang presensiya. Sa halohalong nararamdaman ni Vina, sa kakaiba at hindi maipaliwanag na naiisip niya sa mga nangyayari, dali-dali siyang umalis sa tapat ng jail na iyon at nagtatakbo pauwi. Kailangan niyang masabi ito sa tiyahin niya! Kailangan niyang maikuwento ito sa kahit sino upang hindi lamang siya ang mapaisip! Ngunit pagkarating ni Vina sa tapat ng kanilang bahay ng kaniyang tiyahin, napahinto siya at napabuntonghininga. Mali ang naisip niya. Paano niya gagawin iyon kung malupit at minamaltrato siya ng tiyahin? Paano siya rito magkukuwento ng karanasan kung sisigawan lamang siya nito at pagsasabihan ng kung anu-ano? Bagsak ang mga balikat na pumasok sa loob ng bahay si Vina. Nakalimutan niya, masungit ang tiyahin kaya't hindi makakukuwentuhan. “Ano at saan ka na naman galing?! Hindi ka pa rin ba nakahahanap ng bagong trabaho?!” agad na bungad ng kaniyang Tiya Isabel. Kapapasok pa lamang ng dalaga, nakasigaw na agad ang tiyahin! “Parang napapansin ko, puro lakuwatsa na ang pinaggagawa mo, Vina, ah! Ano at saan ka galing? Umamin ka kung naghanap ka ba ng trabaho o lumandi ka lang. Sinasabi ko talaga sa iyo...” “Hinihintay ko pa po ang sa convenience store na pinag-apply-an ko, Tiyang. May hinihintay rin po kasing signal ang nag-interview sa akin kaya waiting pa rin po ako sa ngayon. Pasensiya na po.” Uminom si Vina ng isang basong tubig na malamig. “Araw-araw ko naman pong binibisita iyon, bumabalik, at tinatanong din kung nakapasa po ba ako—” Hindi na natapos pa ni Vina ang sasabihin nang padabog na ipinadyak ng tiyahin ni Vina ang paa nito. Agad namang nabigla at napaatras ang dalaga. “Iyan! Diyan ka magaling! Isa lang kasi ang inaasahan mo at hindi ka pa naghahanap ng iba!” Tumataas na naman ang boses ng tiyahin ni Vina! “Ano ang sabi ko sa iyo? Maghanap ka rin sa iba at huwag makuntento sa isa! Matuto ka namang mangalap ng mga oportunidad sa buwisit na mundong ito na madamot sa mga pribilehiyo! Gumising ka nga, Vina! Huwag tanga!” “Tiyang naman. Naghahanap—” “Tigilan mo na ang mga dahilan mo, Vina! Araw-araw ko nang naririnig iyan! nakasasawa! Hindi makatuwiran ang paliwanag at rason mo!” putol ni Isabel na kasalukuyang naglalaba dahil isa itong labandera sa kanilang barangay. “Alam mo, dapat ay ginagamit mo ang kukuti at pag-iisip mo! Kung mayroon kang isip, Vina, ah? Pero parang wala, e! Tama bang isa lamang ang pag-apply-an mo? Dapat ay matuto kang mangalap ng mga oportunidad! Reyalidad tayo, Vina! Magising ka sa katangahan mo!” Napalunok si Vina at napakapit sa kaniyang braso. Gusto niyang ipagtanggol ang sarili at sabihin sa tiyahin na mahirap. Wala siyang panglakad ng mga requirements. Ang ilan ay hindi pa tanggapan, may educational attainment pa, experience, at may record pa ang kaniyang ama dahil nasa kulungan ito kung kaya’t tinatanggihan siya ng mga ina-apply-an na trabaho! Gusto niyang sabihin lahat ng iyon at ipagtanggol ang sarili. Ngunit natahimik na lamang si Vina. Tila ba naubos ang kaniyang lakas. Animo’y nawala ang kaniyang boses at nanuyo ang lalamunan. Mahirap magsalita at magpaliwanag kapag may sama ng loob sa dibdib—lalo pa at malapit sa iyo o kadugo mo ang dahilan nito. Hindi mo alam ang sasabihin o gagawin. Hindi mo alam kung paano ka magpapaliwanag ng side mo. Baka kasi masabihan ka pang bastos at hindi marunong tumanggap ng pangaral. “Vina Oliveros, malaki ka na! Huwag kang maging tanga! Maghanap ka ng trabaho at hindi ‘yung palamunin ka rito! Habang ako ay makukuba na sa kalalaba rito, ikaw naman ay pasarap lang diyan? Huwag kang tanga! Kumilos ka!” bulyaw pa ni Isabel kay Vina. Halos araw-araw ay ganito na lamang ang kanilang set-up. Parang wala nang bago. Araw-araw na nilalait, tinataasan ng boses, at ipinapahiya sa mga tao. Dahil tabi-tabi lamang ang bahay at magkakadikit, malamang sa alamang ay rinig na naman sila ng mga kapitbahay. Sa panahon pa naman ay mabilis kumalat ang mga chismis. Ano pa ba ang aasahan sa Pilipinas? “Palibhasa kasi ay hindi napalaki nang maayos ng mga magulang!” buwelta ni Isabel. “Palibhasa, lumaking tatanga! Hindi napalaki nang maayos ng mga magulang! Hindi nagabayan! Lumaking kulang sa diskarte! Tingnan mo ngayon...” Kahit pabulong lang iyon, rinig pa rin iyon ni Vina. Masakit sa dibdib, nakasasama ng loob dahil kumikilos din naman siya. Gumagawa naman siya ng paraan at nakalulungkot na hindi makita at hindi ma-appreciate ni Isabel ang effort at pagpupursigi ng dalaga. Palibhasa ay walang pakialam sa pamangkin. Mariin na lamang na kinagat ni Vina ang ibabang labi. Malalim ang kaniyang paglunok. Bumigat ang kaniyang paghinga. Lalong bumibigat ang kaniyang dibdib dahil sa mga pinagsasabi ng tiyahin. “Ito namang mga magulang ni Vina, mga tanga at bobo! Parehas na inutil! Sa bagay, inutil ang anak, inutil din ang mga magulang! Matik na iyan!” Napakuyom ang mga kamao ni Vina. “‘Yung tatay, gagawa ng krimen na hindi naman kayang takasan! Iyong nanay naman, iyon, kinuha na ni Satanas! Oh, hayan, naiwan pa sa akin ang walang silbing anak na palamunin at maliit ang kukuti. Ewan ko ba at napabilang ako sa angkan na ito! Mga sakit sa balakang ang mga katangahan nilang lahat! Sana nga ay hindi na lang ito ang lahing pinanggalingan ko. Who know, ‘di ba? Baka isa pala akong donya kung hindi sa pamilya na ito ako galing. Buwisit!” Kahit nakatalikod si Isabel na bumubulong na tila ba bubuyog, rinig pa rin ito ni Vina. Lalong sumama ang kaniyang loob sa mga narinig. “Wala man lang pangangamusta, Tiyang? Ang daya ninyo naman, Tiyang. Nakasasakit na kayo sa araw-araw! Nalagay sa peligro ang buhay ko, oh! Tapos, pag-uwi ko, sisigawan pa ako at lalaitin? Ang malala, idaramay pa ang pamilya ko. Ang daya ninyo, Tiyang!" saad ni Vina sa kaniyang isipan lamang at mapait na ngumiti sa kawalan dahil sa nararamdaman. Nangilid ang mga luha ni Vina at dahan-dahan ang paninikip ng dibdib. Pinigilan niya ang nagbabadyang luha at umiling-iling sa sarili. May nangyari kay Vina. Nalagay ang buhay niya sa panganib. Hindi man alam ng kaniyang tiyahin ang nangyari sa kaniya sa pagkakalagay sa peligro, ngunit kahit kumustahin man lamang siya nito ay wala. Bagkus ay nabulyawan pa siya nito. Sa halip na kumustahin, nilait at minaliit pa siya. Sa bagay, ano nga ba ang aasahan niya sa kaniyang tiyahin? Wala. Wala siyang dapat asahan sa kaniyang tiyahin na walang pakialam sa kaniya—na tila ba hindi siya nito kadugo kung itrato. Kung kaya’t ganoon na lamang ang pagpursigi ni Vina sa pag-iipon. Nais niya ng umalis sa puder ng tiyahin. Nais niyang maging malaya sa pang-aalipusta nito. Palibhasa, wala pa ring asawa si Isabel kaya’t iniintindi na lamang ni Vina. Iniintindi niya na lang dahil nakititira lang naman siya rito. Ngunit may mga pagkakataon din na tila ba hindi na nakakayanan ni Vina ang mga salita at pangungusap nito. Sumosobra na minsan. “Ano pa ang tinatayo mo riyan?! Kumilos ka na at maghanap ng trabaho! Magpupunta pa ako ng simbahan! Lumayas ka na!” sigaw pa nito. Hipokrito. Malaking kahipokritohan kung maituturing si Isabel. May katungkulan pa ito sa simbahan ngunit ang ugali ay talaga nga namang wala kang magagawa kung hindi ang mapatawa. Paanong ang tulad ni Isabel Florencia ay maamong tupa sa simbahan ngunit mabangis na hayop naman sa pangungutya sa mga tao? Kauuwi pa lamang ni Vina ngunit pakiramdam niya, kailangan niya ulit umalis ng bahay. Kailangan niyang lumayo sa tahanan na iyon upang kahit papaano ay gumaan ang loob. Kaagad siyang naglakad nang nakayuko paalis at dire-diretso lamang ang lakad. Siya ay nakarating sa high way at dire-diretso ang lakad sa sama ng loob sa kaniyang dibdib. “Ang daya talaga ni Tiyang! Ako na lang sana, dinamay pa ang mga magulang ko,” naluluha na saad ni Vina. “Ako lang dapat. Masakit, oh. Nananahimik ‘yung mga magulang ko, nilait-lait pa...” Hindi naman madaling masaktan si Vina dahil matapang itong babae. Ngunit ang makarinig ng mga masasakit na salita, panghuhusga, at panlalait sa taong kadugo mo ay para bang sinaksak ka sa puso nang makailang ulit. Hindi ba’t ang magkadugo, magpamilya, o kahit magkamag-anak ay nagdadamayan? Hindi ito nananakit ng damdamin ng isa’t isa? “Ang pinag-uusapan namin ay ang paghahanap ko ng trabaho. Kumikilos naman ako. Ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko. Hindi naman ako tatamad-tamad! May pagkilos at aksiyon akong ginagawa! Pero bakit napunta ang usapan sa panlalait at pangmamaliit sa mga magulang ko? Ako na lang sana, e!” Kulang ang mga salita upang sabihing masama ang loob ni Vina. Para bang kinukurot ang kaniyang puso. Walang mapaglagyan ang sakit na nararamdaman—lalo pa at nanggaling sa tiyahin ang mga masasakit na salitang iyon. Sa lalim ng mga iniisip ni Vina... Hindi niya namalayan na dire-diretso lamang siya sa paglalakad hanggang sa makarating sa malawak na highway kung saan ay may nakalagay na No jaywalking. Sa taas ng highway ay may under construction na malaking overpass pero nagsisimula pa lang. Napakaingay ng highway dahil sa sunod-sunod na dumaraang mga sasakyan na karamihan ay mga truck. Nakarinig si Vina ng sigaw at nakitang galing sa isang enforcer iyon—na gulat na gulat ang mukha. Huli na nang mapagtanto ni Vina kung nasaan siya dahil kasabay ng pagtulo ng luha sa mata niya ay ang paparating na truck sa harapan... Nanigas ang buong katawan ni Vina! Napako ang kaniyang mga paa sa kinatatayuan at hindi alam ang gagawin! Tila ba nabato ang kaniyang mga paa at naestatwa sa sarili habang ang buong paningin ay nasa parating na truck na palapit na nang palapit sa kaniya! “Hindi...” bulalas ni Vina sa kaniyang sarili. Nagsimulang pumatak ang mga luha sa mata nang tuloy-tuloy, animo’y mga patak ng ulan. Napako si Vina sa kaniyang kinatatayuan. Para bang binuhusan siya ng nagyeyelong tubig. Nanginig ang kaniyang buong katawan sa matinding takot sa maaaring kahantungan. Oo, maraming problema si Vina. Mabigat at masama ang kaniyang loob. Minsan, naiisip niya na lamang na maglaho dahil animo’y hindi na matapos-tapos ang kaniyang paghihirap mula sa mental, pinansiyal, pisikal, emosiyonal, maging sa sikolohikal. Ngunit kailanman, hindi hiniling ni Vina na mamatay at mamaalam sa mundo! Hindi ito ang hiniling niyang pansamantalang kapahingahan! Hindi ito ang hinihingi niyang sagot sa lahat ng kinakaharap na problema! Dahan-dahang pumikit ang mga mata ni Vina at kasabay nito ay ang paninikip ng dibdib. Hanggang dito na lamang ba ang buhay ni Vina? Matatapos na lamang ba ang lahat ng mga pinaghirapan at pinagdaanan niya rito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD