KABANATA I: ANG SIMULA NG WALANG HANGGAN

1455 Words
Sa mundong magulo, maingay, at mapanukso, sino ang maninindigan para sa isa’t isa? Kailan uusbong ang tunay na pagmamahalan? Kapag umusbong, paano ipaglalaban itong pag-ibig na kinasusuklaman? Bakit may mga pag-ibigang pilit na pinagbabawalan? Kapag pinagbabawalan, saan nga ba magsisimula ang kwento ng walang hanggan? “Maraming mga katanungan ngunit iisa lamang ang kasagutan,” nakangiting wika ni Policarpio Buenavista o mas kilala bilang si Pepe, 19 na taong gulang, anak ng makapangyarihang Mayor ng bayan ng Pinagpala na si Don Sebastian. Hawak- hawak niya ang malambot na kamay ni Delilah, 18 taong gulang, at anak naman ng maimpluwensyang Bise- Mayor ng parehong bayan na walang iba kundi si Don Constancio. “Ha? Ano namang nag-iisang sagot sa lahat ng katanungan, aber?” “Pag-ibig, mahal ko.” Napatitig si Delilah sa binata. Walang ano- ano ay napangiti na lamang ito dahil sa narinig niya. “Sa tuwing hawak mo ang aking mga kamay, para akong nakaupo sa alapaap, mahal ko. Sa tuwing may problema ako, yakap mo ang hanap- hanap ko. Kapag nalulungkot ako, mga ngiti mo ang nais kong masilayan. Tunay ngang pag- ibig ang kasagutan sa lahat,” sabi ni Delilah sabay sandal kay Pepe habang sabay nilang pinagmamasdan ang mga sasakyang dumadaan. Tanaw nila ang kalsada mula sa kanilang kinauupuan, sa ilalim ng puno ng acasia na nasa tuktok ng isang burol. Dito sa burol na ito palaging nagtatagpo ang magkasintahan. Tatlong beses sa isang lingo kung sila ay magkita na sabik na sabik sa yakap ng bawat isa. Walang nakakaalam ng tagpuan nilang ito, tanging sila lamang. Isang lugar na mayroong matataas na damo at maraming mga puno. Lugar kung saan nila malayang mabibigkas ang kanilang nararamdaman. “Mahal mo ba talaga ako, Delilah?” biglang tanong ni Pepe nang ito ay humarap sa minamahal niya. “Huwag mong pagdudahan ang pag-ibig ko sa iyo, Pepe. Sigurado ang puso ko at kailanman, hindi ito nagkakamali,” sagot niya. “Kung ganon, bakit hindi mo pa ako sagutin?” muling tanong ni Pepe. Napabuntong hininga na lamang si Delilah. “Hindi ganun kadali ‘yun. Alam mo ‘yan, Pepe,” mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng lalaki. “Kung bakit ba kasi ganito ang sitwasyon natin. Katulad tayo ng mga ibong hindi makalipad dahil sa hawlang gawa ng ating sariling mga pamilya,” ani Pepe. “Ngunit, mahal, ang pag-ibig natin hindi kailanman maikukulong ng kahit anumang hawla, kahit saan pa ito gawa. Kahit imposible man, kakayanin natin… tayong dalawa, mahal ko,” sigurado namang sumbat ni Delilah habang hindi pa rin nakakawala ang kanyang mga kamay sa mahigpit na paghawak ni Pepe. Ilang oras din silang nagsama, nagpalitan ng matatamis na salita at mababangong pangako. Dahil dito, hindi na nila namalayan ang oras at naabutan na sila ng takip- silim. Tumingin si Delilah sa kanyang orasan at nakita niyang alas- siyete na pala ng gabi. Agad itong tumayo mula sa kanyang kinauupuan at malungkot na nagpaalam sa minamahal. “Mahal ko, datapwat ang pag- ibig ko sa iyo ay walang hanggan, ikinalulungkot kong sabihing kailangan ko nang magpaalam pansamantala. Tiyak kong hinahanap na ako ng aking mga magulang lalo pa’t kaninang alas- tres pa ako umalis sa aming tahanan,” usal niya sa binata. “Naiintindihan kita, Delilah. Halika na. Sabay na tayong bumaba sa tagpuan nating ito.” Inalalayan ni Pepe ang dalaga pababa ng burol. Mahigpit namang hinawakan ni Delilah ang kanyang kanang kamay samantalang hawak- hawak din niya sa kanyang kabilang kamay ang dulo ng kanyang saya. Magkahawak- kamay ang dalawang nagmamahalan habang binabagtas nila ang kalsada pauwi sa bahay nina Delilah. Nagboluntaryo si Pepe na ihatid ang babae kahit hanggang sa kanto lamang nang sa gayon ay hindi siya makita ng mga tauhan ni Don Tacio, ama ni Delilah. Tumigil ang dalawa sa kanto malapit sa bahay nina Delilah. Kahit madilim dito ay maaaninag pa rin ang mukha ng dalawa dahil sa street light na nasa kabilang bahagi ng kalsada. “Hanggang dito ka na lang, mahal ko. Baka may makakita pa sa iyo. Nagsisi- uwian na ang aming mga tauhan kaya’t marami nang mga tao sa labas,” “Masakit man sa akin na hindi kita maihatid sa mismong mansion ninyo, mahal, tanggap ko ang ating sitwasyon,” wika naman ni Pepe sabay yakap kay Delilah. Agad namang yumakap si Delilah pabalik. Sa mismong pagyakap nila sa isa’t isa, isang kalesa ang dumaan sa kanto kung saan sila nakatayong dalawa. Lulan ng kalesang ito ang apat na babaeng may mga edad na rin. Ang mga ito ay tauhan nina Delilah kaya naman agad nilang nakilala ang dalaga kahit pa nakatalikod ito sa kanila. “Senorita Delilah?” mahinang tanong ng isa sa mga babaeng nakasakay sa kalesa. “Diba si Dona Delilah ‘yan? Sino ‘yang kasama niya?” tanong pa ng isa. “Naku! Jusmeo! Tama ba itong nakikita ko? Si Don Policarpio?” nagatatakang wika ng pangatlong babae. Agad na kumawala sina Pepe at Delilah sa pagkakayakap sa isa’t isa. Gulat. Nangangamba. Nanginginig. Ganito humarap si Delilah sa kalesang tumigil sa malapit sa kanila. Sa madilim na kantong kinatatauyan niya, sa pagtama ng ilaw sa kalye sa kanya, kitang- kita ang pagiging pula ng kanyang kutis labanos na mukha. Nanginginig siya at hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Hindi siya makagalaw at tila estatwang nakatayo na lamang. Lumingon siya sa kanyang likuran kung saan nakatayo kanina si Pepe ngunit bigla na lamang itong kumaripas ng takbo papalayo sa kanila. Naiwang mag- isa si Delilah na wala nang ibang nagawa kundi ang tumakbo na rin papalayo sa mga babaeng kanina pa nakatingin sa kaniya. Habang tumatakbo papalayo, unti- unting gumulong ang mga luha ng dalaga. Hinawakan niya ang kanyang dib- dib habang tahimik na umiiyak. Sabi nga nila, ang tahimik na mga luha ang may hawak ng pinakamingay na sakit. Nang nasa tapat na ito ng kanilang mansion, huminto ito at pinunasan ang kanyang mga luha gamit ang kanyang mga kamay. Sinubukan niyang ngumiti upang hindi mapnsin ng mga tauhan nila ang kanyang pag- iyak subalit kahit ano pa man ang kanyang gawin, kahit ngumiti pa ito, halatang pilit at hindi totoo. “Magandang gabi po, senorita. Kanina pa po kayo hinahanap ni Don Tacio,” pambungad na wika ng isang babaeng sumalubong sa kanya. “Nasaan si ama?” tanong ni Delilah. “Nasa hapagkainan po, senorita. Halina po kayo,” sagot ng kasambahay. Halos hindi maihakbang ni Delilah ang kanyang mga paa patungo sa kusina. “Saan ka galing, Delilah?!” galit na tanong ni Don Tacio sa kanya. Nakapo ito sa harapan ng mesang puno ng mga pagkain. Sa pagsigaw nito ng bise- mayor ay napayuko na lamang ang mga kasambahay nila na nakatayo sa may gilid. “Nag- pa- ah- pahingin lang po, ama,” nauutal na sagot nito. “Sinungaling!” galit na sigaw ng kanyang ama. “Kailan ka pa natutong magsinungaling sa akin?! Simula ba noong palihim kayong nagkikita ng anak ni Sebastian?!” Lalong nabigla si Delilah sa binanggit ng ama. Nanlaki ang kanyang mga mata habang hinahaplos- haplos niya ang kanyang dib- dib. “Pa- papano niyo po nalaman, ama?” mangiyak- ngiyak na tanong ng dalaga. “Tumawag sa akin sina Aling Marites. Nakita nila kayong nagyayakapan sa gilid ng kalsada,” “Ganun na ba kababa ang tingin mo sa sarili mo, anak?” bumaba ang tono ni Don Tacio habang sinasabi niya ang linyang ito. “Sa gilid ng kalsada? Kasama mo pa ang anak ng pamilyang mortal na kaaway ng ating pamilya? Hindi ka ba nag- iisip? Ano na lamang ang sasabihin ng mga tao kung malaman nila?” Naglakad si Don Tacio papalapit sa nakatayo at tamemeng si Delilah. “Kailanman, ang pamilya Sadiwa at Buenavista ay hindi pwedeng magsama. Tayo ay katulad ng tubig at langis na kahit ano ang gawin mo ay hindi maghahalo. Tigilan mo na ang pakikipagkita kay Pepe. Putulin niyo na ang kung ano man ang namamagitan sa inyo kung meron man. Ito na ang huling pagkakataong pagsasabihan kita.” Matalim ang tingin ni Don Tacio kay Delilah na animo’y nagbabanta. Hindi nakaimik ang dalaga at tinanggap na lamang ang mga sinabi ng kanyang ama. “Kumain ka na d’yan. Tapos na ako,” sambit ni Don Tacio kay Delilah bago ito naglakad palabas ng hapagkainan. Nang makaalis ang ama, saka namang tumalikod si Delilah at naglakad paakyat papunta sa kanyang kwarto. “O, minamahal kong Pepe. Kay pait ng ating pagmamahalan. Sa iyong pagbitiw sa aking kamay nang tayo ay nasilayan ng ibang mga tao, iniwan mo akong mag- isang humarap sa malupit na mundo,” sambit ni Delilah habang walang tigil na umiyak at humagulgol yakap- yakap ang kanyang unan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD