Maraming namimili ng special bibingka at puto bungbong kaya naman kailangan ko ng katulong ngunit hindi ko magawa na iwan ang pwesto para tumawag ng kasamahan.
Wala rin akong dala-dalang cellphone para kontakin ang kahit na sino sa kanila.
Hindi na talaga ako magkandaugaga na natataranta na ako kung ano ang una kong uunahin. Kung papaypayan ka ba ang nakasalang, kukunin na kung anong luto o kukunin ang bayad ng mga nagbabayad.
“Ako na ang bahala sa mga nakasalang,” isang tao ang tumabi sa akin at kinuha na naman ang hawak kong pamaypay.
Wala naman akong nagawa.
Hindi ako pwedeng mag-inarte sa pagkakataong ito dahil kailangan ko talaga ng tulong kung ayaw kong mawalan ng mga customer.
Ewan ko at kung anong nangyari at ordinaryong araw naman ay dinagsa ang tindahan ko mga tao.
Kung bakit naman kasi wala man isa sa pamilya ko ang maligaw dito sa tindahan para tulungan ako?
Magkakaroon pa tuloy ako ng utang na loob dito sa taong grasa na kinaiinisan ko.
“Nag-asawa ka na pala, Miss?” tanong ng babae at sabay tingin kay Zakarias. Pamilyar na sa akin ang mukha ng babae na siguro ay madalas na siyang bumibili sa akin.
“Ay! Naku! Mali, mali, mali. Hindi ko siya asawa.” Sagot ko kasabay ng pagkumpas ng aking dalawang kamay.
“Sa ngayon ay hindi pa kami mag-asawa dahil nililigawan ko pa lang siya. Ayaw niya pa kasi akong sagutin,” biro ni Zakarias at saka pa ako kinindatan.
Nagsingitian ang mga mamimili na naghihintay ng kanilang mga order sa narinig kay Zakarias.
“Grabe, miss! Kung ako sayo ay sasgutin ko na itong si Koyang at taon na yata itong nanliligaw sayo!” buska pa ng babae na siguro ay nasa forties na ang edad.
Hindi ko naman alam kung paano ako magrereact lalo pa at mukhang masaya talaga itong mga customer sa nalaman nila galing mismo sa taong grasa.
“Ewan ko ba sa Manang na yan. Ano pa kaya ang hahanapin niya sa akin? Nasa akin na kaya ang lahat.” Patuloy na biro ni Zakarias.
Pero hindi ko na lamang siya pinapansin lalo pa at marami akong ginagawa.
“Naku, koyang! Kung ako sayo na hindi ko madaan sa santong dasalan ay gawin mo na ang santong paspasan! Dalian mo na at baka bukas ay magunaw na ang mundo.” Ang biro naman ng isang Lola kasama pa ang kanyang nasa pitong taong gulang na babaeng apo.
“Kapag talaga naubos na ang pasensya ko at hindi ko na talaga kaya pang magtimpi pa ay itatanan ko na talaga ang Manang na yan!”
Tiningnan ko ng masama si Zakarias dahil sumusobra naman siya.
“Bagay na bagay kayong dalawa. Magkawangis nga kayo kaya buong akala ko ay mag-asawa na kayo.” Ani na naman ng babaeng unang nagsalita.
Magkawangis?
Hindi ko mahanap kung saan banda kami magkawangis ni Zakarias para sabihin sa amin na bagay nga kami.
Mga tao nga naman ngayon. Kung ano na lang ang mga lumalabas sa bibig.
Patuloy pa rin ang pagdami ng mga tao kaya hindi ko na talaga kayang punasan man lang ang mukha ko kahit namumuo na ang pawis sa noo ko.
Ngunit bahagya akong natigagal ng dampian ni Zakarias ng hawak niyang panyo ang noo ko. Kaya naman pinanlakihan ko siya ng mga mata dahil ano ba ang kanyang ginagawa?
“Huwag kang mag-alala at malinis ang panyo ko. Kahit amuyin mo pa.” Pang-iinis pa ni Zakarias na bumalik na rin sa ginagawa niya.
Ilang mga sandali pa ang lumipas at naubos na rin ang mga tao kaya natigil na rin ako sa pagkilos na parang trumpo.
Nagbukas ako ng malamig na softdrinks at inabot ko kay Zakarias na mukhang nagulat din sa ginawa ko.
“May pa softdrinks ka pa, Manang. Hindi mo naman kailangan na magpasalamat at handa naman talaga akong tulungan ka kapag kailangan mo ng tulong. Gaya ng kung kailangan mo ng mapapangasawa talaga ay handa akong isuko ang kalayaan ko para sayo.” Tila makata pa na pagkakasambit ni Zakarias at saka na itinungga ang bote ng softdrinks.
Ewan ko ba at bigla akong napalunok ng mapagmasdan ko na gumagagalaw ang kanyang adam's apple dahil nga sa paglagok ng soft drinks.
“Gusto mo rin ba?” alok ni Zakarias saka nagpunas ng bibig gamit ang likod ng kanyang palad.
Alam ko galing pa siya sa kanyang talyer base na rin sa kanyang suot.
Pangarap niya yatang maging hubadero dahil halos mawarak na ang kanyang pantalon na kulay itim at ang suot niya naman na tshirt ay sadyang tinastas ang magkabilang gilid.
Oo at may abs siya. Wala siyang tiyan pero hindi naman kailangan na ibalandra ng ganito.
Kung nang aakit siya ng mga kababaihan ay ibahin niya ako.
Hinding-hindi ako maaakit kahit maghubad pa siya sa harap ko.
Nagbukas din ako ng softdrinks dahil pakiramdam ko ay doble ang panunuyo ng lalamunan ko. Kinuha ko ang isang natitirang bibingka sa mga niluto namin at saka ko hinati.
Gutom na rin kasi ako kaya kahiy gustuhin ko man na ibigay sa kanya lahat ay hindi ko magawa.
“Hati tayo? Ang sweet mo naman. Hindi ako sanay, Manang. Baka mamaya may lason itong kutsilyong pinanghati mo.” Biro na naman ni Zakarias pero kumagat na agad sa bibingka na ibinigay ko.
Nakardam din naman ako ng pagod at pangangalay pero batid kong mas pagod si Zakarias dahil galing siya sa talyer.
“Gusto mo pa ba ng bibingka? Sayo na to kung gusto mo at kung hindi ka rin naman maselan?”
Walang anuman na kinuha ni Zakarias ang inabot bibingka na kinakain ko.
“Dito na ako kakagat sa kinagatan mo para naman kahit sa ganito lang ay nahalikan na kita.”
Napailing na lang ako. Puro talaga kalokohan si Zakarias.
Hindi naman siya dating ganito
Hindi siya madaldal lalong hindi siya palabiro.
“Huwag mo akong masyadong titigan at baka ma inlove ka na naman sa akin,” aniya ng mapansin na nakatitig ako sa kanya.
Napaismid na lang ako.
“Bueno, salamat sa pagtulong. Alam kong hindi ka tatanggap ng cash bilang bayad kaya hayaan mong bukas ay libre na ang bibingka para sa inyo lahat sa talyer,” saad ko bilang kabayaran sa pagtulong niya sa akin.
“Bakit ganun? Ayoko ng ganun ang bayad. Dapat ako lang ang makikinabang ng bayad mo dahil ganun ako ka possesive sayo.”
Hindi ko na alam kong anong klase ng biro pa ba itong lumalabas sa bibig ni Zakarias.
“Napakagahaman mo naman kung ikaw lang ang kakain at uubos ng lahat ng mga bibingka na ibibigay ko. Baka naman maimpatso ka.” Pambabara ko sa kanya.
“Hindi naman ako nanghihingi ng kapalit sa pagtulong ko pero ikaw itong nagbibigay kaya dapat hayaan mo akong pumili kung anong gusto kong ibayad mo.”
Kunot-noo akong nag-isip.
Sigurado akong may kalokohan na naman sa utak ni Zakarias.
“At ano naman ang hihingin mong kapalit? Sinasabi ko sayo taong grasa ka, huwag mo akong malokoloko sa hihingin mong bayad. Ikaw ang isasalang ko sa uling.” Banta ko pa.
“Kalokohan agad?!” tanong niya sa mataas na boses.
“Inuunahan na kita at kilala kitang lalaki ka.” Tugon ko.
Ang nakangiti na mukha ni Zakarias ay bigla na lang naging seryoso.
“Talaga ba? Kilala mo ako?” mataman niyang tanong habang nakatingin sa mga mata ko.
“Ikaw si Zakarias Montemayor na nakatira sa tapat ng bahay namin.” Literal ko namang sagot.
Wari namang medyo nalungkot si Zakarias sa sinagot ko.
Tama naman ako na Zakarias ang pangalan niya. Wala naman siyang second name.
“Bakit malungkot ka sa sagot ko? Tama naman pangalan mo hindi ba? May Maria Zakarias ka ba?” ako naman ang nang-asar.
Buong akala ko ay gaganti ng pang-aasar si Zakarias pero hindi nagbago ang seryoso niyang mukha.
Baka napagod ng husto kaya hindi na magawang gantihan ang pang-aasar ko.
“Bakit bigla kang nagbago, Manang?”
Napakunot na naman ang noo ko sa narinig na tanong niya
“Anong nagbago? Ako nagbago?” nalilito ko ng tanong.
Tumago si Zakarias.
“Bakit nagbago ka sa Jona na kilala ko dati?”
Sa pagkakataong ito ay ako naman ang naging seryoso.
Pasimple akong humugot ng hininga at saka sumagot.
“Dahil nakakapagod ang maging pabebe girl.” Tapat kong tugon.
Dahil Papa”s girl ako kaya naging pabebe ako. Pabebe ba kinaiinisan na sa kaartehan.
Ang lahat naman ay nagbabago. Walang permanente sa mundo.
“Ang layo mo na nga Jona na kilala ko. Para ka bang naging ibang tao?” untag pa ni Zakarias.
“Talagang malayo na ako sa batang Jona, dati. Ang batang Jona ay iyakin at mahina. Pero ang Jona na nakaharap mo ngayon malakas at hindi basta napapaiyak.”
Kung dati kapag nakakarinig ako ng hindi magandang salita lalo na kung kay Zakarais nanggaling ay umiiyak ako ng umiiyak.
Pero noon yon. Wala na ang batang si Jona.
“Talagang malayo ka na sa batang si Jona dahil matanda ka na ngayon. Manang Jona ka na nga hindi ba? At sa sobrang tapang mo, hindi ko na alam kung ano pa ba ang pinaglalaban mo?” sabay tungga muli sa bote ng softdrinks na hawak ni Zakarias.
Mas gusto ko itong ganitong Zakarias kaysa sa seryoso.
At ano naman ang hugot niya sa kung anong pinaglalaban ko?