Nakakunot ang noo ko nang sinalubong ako ng katahimikan pagpasok ko sa bahay. Galing ako kila Cassandra pagkatapos ay dumiretso sa palengke para maninda at umuwi agad. Napakurap-kurap akong inilibot ang tingin sa loob ng bahay. Nauhaw ako kaya't pumasok ako sa kusena. Nag-igip ako ng tubig at habang umiinom ay narinig ko ang tilian mula sa likod ng aming bahay.
Inubos ko muna ang tubig sa baso at naglakad sa isa pa naming pinto sabay bukas nito. Sumalubong agad sa akin ang sariwang hangin ng probinsiya at amoy mula sa mga prutas. Hinanap ng mga mata ko ang ingay at di kalayuan sa isang puno ng mangga nakita ko ang dalawang bata naglalaro ng habol-habolan habang naka suot ng bestida. May korona rin sa ulo ng mga 'to at nakita ko rin ang isang maliit na table with chairs. Mukha may tea party ang nagaganap habang di ako ang nagbabantay sa kanila.
Hinanap ko ang bantay nila at doon ko nakita si Aling Linda na nakaupo sa isang silya habang pinaypayan ang sarili at kachika niya si Frozina.
Kumunot ang noo ko at napakamot. Naalala ko kase kung paano ako nabuking ni Aling Linda pero di bale, past is past. Pero buti na lang at wala ang dakilang Zeus. Kung sabagay, grade one na yun at whole day ang klase. Ang anak ko naman ay day care pa pero matalino.
Napatigil sa pagtatakbo ang anak ko mapansin ang pagdating ko. Mabilis itong ngumiti at patakbo akong sinalubong ng yakap. Yumuko ako at niyakap siya ng mahigpit sabay halik sa kanyang ulo. Nagtitiling tumatakbo sa direksyon namin si Azyl at huminto ito sa likurang bahagi ni Athena. Malawak ang ngiti nitong pinagmasdan kaming mag-ina na nagyakapan. Pero sana hindi na lang siya nagsalita dahil muntik na akong matumba sa revolution niya.
"Tita Lory, Tita Lory. I saw Zeus kissing Athena in the backyard kanina." Bibong kwento sa akin ni Azyl. Ang anak ni Frozina at Dr. Montero.
Mabilis nanlaki ang mga mata ko at tinitigan ang anak ko na nakakunot ang noong nakatingala sa akin. Inosenteng pinagmasdan ang reaksyon na kulang nalang mahimatay.
Anak ng tinapa! Kissing?! Hinalikan ni Zeus ang prinsesa ko?! Sinasagad na talaga ng batang yun ang pasensiya ko. Paano na lang kaya kapag malaman ito ni Nix?
"... I'll tell Tito Phoenix what I saw kanina."
Napalingon ako kay Azyl na masayang iniwagayway sa ere ang wand niya na may star sa dulo.
Naiimagine ko ang reaksyon ni Nix kapag malaman niya ito. Kung paano mainis, tataas ang kilay, at magbabanta sa batang Zeus. Nilingon ko si Azyl, at kahit gusto kong patigilin siya, alam kong hindi ko siya mapipigilan sa kanyang bibong pagkukwento.
"Anong...kissing? Bata pa kayo. For adults lang yan." Sabi ko nang mahinahon, kahit na bumibilis ang t***k ng puso ko sa ideya ng batang si Zeus ay hinalikan ang prinsesa ko.
Tumawa lang si Azyl at muling nagsabi, "Pero nakita ko po talaga, Tita Lory! Kaya sasabihin ko kay Tito Phoenix!"
Bumuntong-hininga ako at humarap kay Athena na mukhang walang kamalay-malay sa sitwasyon. "Anak, ano naman ba yung ginawa ni Zeus? Totoo ba ang sinasabi ni Azyl?"
Napakunot ang noo ni Athena at umiling siya, halatang hindi niya naiintindihan ang nakita ng kanyang kaibigan.
"He said ‘goodbye, princess!’ po, tapos kiniss niya ako sa kamay," paliwanag niya, inosenteng nakangiti.
Napangiti ako at natatawa na rin sa pagkaka-overreact ko. Halatang ginawang big deal ni Azyl ang maliit na aksyon ni Zeus. Ngunit hindi pa rin mapipigilan ang pag-aalala ko, dahil alam kong si Nix….si Nix na overly protective kay Athena ay hindi magugustuhan ang kahit na simpleng kiss on the hand mula sa kahit sinong bata, lalo na kay Zeus.
"Ah, Azyl...." Nilingon ko si Azyl na ngayon ay nakangiti pa rin. "Don't tell Tito Phoenix what did you saw kanina, okay?" Pakiusap ko sa kanya pero umiling siya.
"No. Keeping secret is bad po, Tita Lory. That was papa told me." Medyo masungit nitong tutol.
Napakamot ako sa ulo at tinignan siya. Matigas bungo nito at makapal din ang mukha tulad ng kanyang ina kaya dapat may laban ako sa batang 'to. Buti na lang at meron.
"Sige. Sasabihin ko rin kay Virgil na crush mo siya." Nakangiti kong pananakot kay Azyl. Mabilis na nag-iba ang ekspresyon ng mukha niya, nanlaki ang mga mata, at namula pa ang pisngi niya. Alam kong may crush si Azyl kay Virgil, at gamit ko na ito bilang "bargaining chip" sa tuwing may gusto akong patahimikin ang bibig ng batang ito.
Di ko rin alam kung bakit crush niya ang batang yun eh pinaglihi rin ng sama ng loob. Ang huli kong kita kay Virgil ay noong dinala siya ni Phoenix sa bahay namin at yun din ang huli. That time rin ay nakilala ko rin ang bata kaya hindi ko na rin natanong kung sino ang ama niya. Pero may kahawig ang bata sa isa ko pang nakilala na kaibigan ni Nix bukod kay Dr. Montero.
"Hindi ko siya crush." Matinis na tili nitong pagtutol pero namumula parin ang pisngi.
Natawa ako sa reaksyon niya at umiling. "Okay. Sabi mo eh."
Napasimangot itong nagkrus arm at nagmartcha palapit sa pwesto ng kanyang ina na ngayon ay nakatanaw pala sa amin. Kumaway ito sa akin at pabiro akong umirap sa kawalan.
Hawak ang kamay ni Athena ay lumapit na rin kami sa kanila. Paglapit namin ni Athena kina Frozina at Aling Linda, kita kong may pilyong ngiti si Frozina, parang alam na niya ang pinaguusapan namin ni Azyl kanina. Nakataas ang kilay nito, at mukhang naghihintay ng chismis.
"Oh, anyare? Nakasimangot anak ko, Lory." nakangiting sabi ni Frozina habang kinikindatan ako. "Ano na naman ang pinag-uusapan n'yo nitong si Azyl? Rinig ko parang involved pa yata si Zeus at si Athena?"
Napapailing akong natawa, pero sumulyap din ako kay Athena na ngayon ay masiglang nakikipaglaro ulit kay Azyl, parang wala lang nangyari. "Hay nako, simple lang naman. Overacting lang itong anak mo tulad mo."
Tututol sana ito pero pinaglakihan ko siya ng mga mata at nagpatuloy sa pagsasalita. "Sinabi lang ni Zeus kay Athena na ‘goodbye, princess’ tapos nag-kiss sa kamay. Nagmana talaga sayo, Frozina." sabi ko.
Tumalim ang tingin ni Frozina sa akin. "Rozy nga. Isa pang Frozina, Lorena, makikita mo talaga."
Inirapan ko lang siya.
Natawa naman si Aling Linda habang umiling-iling. "Ay, naku, magsitigil nga kayo. Naku, hindi pa rin kita napapatawad, Lory. Bakit mo itinago sa akin ang manikang Athena? Kung hindi lang kita namukhaan habang hinatid ang apat na bata sa school nila, naku, baka hanggang ngayon hindi ko pa rin nalalaman na meron ka palang anak, Lory!" pabirong sabi ni Aling Linda, pero alam kong may kaunting kurot ng tampo sa kanyang boses.
Napakamot ako sa batok at tumawa nang mahina. "Aling Linda, sorry na po! Eh, nagkataon lang po talaga... mahirap ipaliwanag noon. Kumbaga, hindi pa ako ready." Medyo nahihiya akong magpaliwanag, lalo na't totoo naman at maraming bagay ang kailangan kong itago.
Pero si Frozina, ayan na naman ang pang-aasar. "O, ayan ka na naman, Lory. Bakit kasi itinago? Baka may tinatago ka pa dyan?" Kinindatan ako ni Frozina, na para bang alam niya ang lahat ng sikreto ko.
Lumukot ang mukha ko at tinaasan siya ng kilay. "Hoy, baliw! Huwag mo na akong intrigahin dyan at baka isupalpal ko sayo kung paano mo ipinaako kay Nix ang an—."
Napahinto ako nang tinakpan niya ang bibig ko. Pilit kong inalis ito at sinamaan siya ng tingin pero pinaglakihan niya ako ng mga mata.
"Nawrong turn nga ako, okay? Di ka pa rin nakakamove on? Sorry na nga. Nagkamali ako, okay? Malay ko ba na mali ang nakuha kong information mula sa kuya ko." Nakasimangot nitong sabi.
Natameme naman ako at inalis ang kamay niya sa bibig ko. Napasuklay ako sa buhok at bumuntong hininga.
Umirap ako. "Whatever na lang."
Nawala sa isipan namin ang tungkol kay Zeus at Athena dahil nagchismisan kami sa ibang bagay. Hanggang sumapit ang gabi, sinundo na si Frozina at Azyl ng asawa niyang si Dr. Montero, at matapos magpaalam ay iniwan na nila kami ni Athena. Si Aling Linda naman ay umuwi na rin sa bahay nila. Nang mag-isa na lang kami ng anak ko sa bahay, napansin kong nakatulog na pala siya sa aking kandungan habang nagkukuwento ako tungkol sa mga kwento ng kabataan ko.
Napangiti ako habang pinagmamasdan ang kanyang mahimbing na tulog. Kahit na ilang taon ko nang kasama si Athena, parang bawat araw ay bago sa akin. Lalo akong nakadarama ng kakaibang init sa puso ko habang naiisip ko kung paano siya lumaki nang masaya at puno ng pagmamahal, kahit pa mahirap ang ilan sa mga pinagdaanan namin.
Habang inilalapag ko siya sa kama, naramdaman ko ang cellphone kong nagvibrate sa bulsa ko. Nakita kong may mensahe mula kay Nix.
Nix Pangga:
Darling....How are you and Athena? I heard some gossip from Aling Linda earlier about ‘kissing incident.’ Maybe you have something to explain, Darling?
Napakurap-kurap ako at napakamot sa ulo mabasang si Aling Linda ang nagsumbong kay Nix. Binantaan ko pa si Azyl. Tsk!
Napakagat-labi ako at natawa ng mahina. Alam kong protective si Nix, lalo na sa anak namin, pero minsan hindi ko maiwasang asarin siya. Kaya, sinagot ko siya.
Relax ka lang, Nix. Hand kiss lang ‘yun. Mas mabait pa nga si Zeus kaysa sa pagiging protective mo. Baka gusto mong kalmahan nang konti?
Ilang sandali lang, natanggap ko agad ang sagot ni Nix, pero hindi na ako nagulat sa sagot niya.
Nix pangga:
I’m not joking, Athenarose. Who knows what that kid might think and get ideas about our daughter in the future. Anyway, take care both of you. If I hear anything that doesn’t sit well, I'll hunt that kid. I missed both of you, Darling.
Napailing ako habang binabasa ang huling mensahe ni Nix. Sa totoo lang, gusto ko siyang asarin pa nang kaunti, pero alam kong may halong totoo ang pagiging protective niya. Kahit minsan ay nagiging OA, hindi ko maikakailang nakakatawa ang pagiging maalaga niya sa amin ni Athena. Napansin kong namumula na ang mga pisngi ko sa ngiti, oo na, ang pangga kong Nix, mas lalo siyang gwapo at charming kapag nag-aalala.
Bago matulog, sumagot ako ng may kaunting lambing at pang-aasar.
Nix, kalma ka lang, ha? Baka ikaw pa ang maging dahilan para masabi ni Zeus secret natin kay Cassandra. Pero seriously, we're both okay. Miss ka rin namin ni Athena, as always. Ingat ka dyan.
Agad itong nagreply sa huling pagkakataon.
Nix pangga:
He wish... Let's not talk about him, darling. I'll be there as soon as possible after this. I love you both of you and I can't wait to see you soon. Take care of yourself and our little princess. Goodnight, darling.
Ps. Kiss Athena's forehead for me.
Pinatay ko na ang cellphone ko at ipinikit ang mga mata, sabay halik sa noo at yakap kay Athena na mahimbing na natutulog sa tabi ko. Sa ilalim ng malamlam na liwanag ng buwan na sumisilip sa bintana, naramdaman kong ang lahat ng pagod at pag-aalala sa araw ay tila naglalaho, palitan ng tahimik na kapanatagan na kasama ko ang pinakamamahal ko sa buhay.
Sa puso ko, naroon ang simpleng kaligayahan. Isang masayang buhay sa probinsiya kasama si Athena, ang mga kaibigan na tumutulong at nagpapasaya sa araw-araw, at si Nix na, kahit minsan ay malayo sa amin, ay patuloy na nagmamahal at nagpoprotekta sa amin. Pero alam kung darating ang araw ay bagong pagsubok na naman ang haharapin namin.