Viscit’s POV
Saan kayang lupalop nakarating si Lemonsquare at hindi nito nagawang umuwi kagabi? Wala siya sa kuwarto niya ngayon. Hindi ko naman ito napansin na maagang umalis dahil madilim pa lamang ay gising na ako at nagsimula nang magdamo dito sa likuran.
“Sipag talaga ni Viscit,” puri sa akin ni mareng Butter. Siya lang ang malapit naming kapitbahay dito sa kagubatan. Minsan ay dinarayo niya ako dito upang makapag-irong at bigyan ng kaunting ayuda. Nakakaluwag na kasi ito sa buhay dahil may mga trabahado na ang mga anak.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo ko bago nagsalita…
“Ikaw pala iyan, Mare. Sus, sino ba ang mas masipag sa ating dalawa? Hindi ba’t ikaw ‘yon?”
“Naku, nagbolahan pa tayo. Oh eh siya pala mare, parang napansin ko kagabi si Pareng Hawk na tumatakbong walang pang-itaas at sumisigaw pa ito,” kuwento niya. Masisira ata ang araw ko ngayon dahil ayoko ng marinig pa ang pangalan nabinanggit niya. Napakawalang kuwentang lalaki. Hindi marunong magmahal ng totoo. Porket ba hindi na ako kasing alindog noong una niya akong nakita ay iiwanan na niya ako ng ganon ganon lang? At ipagpapalit sa mga mas batang babae kaysa sa akin? Naku! Hindi tunay na lalaki!
Naramdaman naman ni Mareng Butter na natahimik ako dahil sa sinabi niya.
“Sorry Mare. Kaya ko lamang nabanggit iyon e akala ko ay nagkaayos na kayo. Kasi parang dito ko siya napasin na nanggaling sa direksyon niyo,” wika niya.
Ano ang sabi niya? Dito sa direksyon namin nanggaling? Eh ano naman kaya ang ginawa ng lalaking iyon sa gawi namin at wala pa daw itong saplot pang itaas? Nagloloko na naman siguro iyon. Bahala na nga siya!
“Ay mare, baka namalikmata ka lang? Hindi na babalik iyon dito. Siguradong sigurado ako,” sagot ko.
“Ganon ba mare? Patawad talaga kung nabanggit ko pa ang pangalan na iyon. Nalungkot ka pa ata?” maypag-aalala niyang saad.
Mabait itong si Mareng Butter. Alam kong hindi niya nais na malungkot ako. Nabanggit niya lamang iyon dahil siguro ay umaasa pa rin siya na magkakabalikan kaming dalawa ni Hawk. Siya kasi ang naging daan noon upang magkakilala kaming dalawa ni Hawk.
Kung sa dating kagandahan lang ang pagbabasihan ay tiyak na lalaban ako diyan. Kaya nga iyan ang dahilan kung bakit sa unang pagkikita pa lamang namin ni Hawk ay nagustuhan na niya kaagad ako. Ayon, hindi din nagkataon ay nabighani siya sa akin at agad akong niligawan. Hindi ko na din naman pinatagal pa ang panunuyo niya at sinagot ko din agad siya. Guwapo din kasi at matipuno. Ngunit ilang taon na kaming nagsasama ay hindi pa rin kami makabuo ng sarili naming supling. Nakakapagtaka lang dahil sa hilig ni Hawk sa pagkikipagtalik at sa laki ng alaga nito na umaabot ata hanggang sa utak ko. Hay, jusko, ano ba iyan! Ano ba ang nasasabi kong ire!? Ayon nga, at hindi kami makabuo ng bata na isa sa magsisilbing pundasyon upang maslalong mapatibay ang aming relasyon.
Doon ako nagsimulang mawalan ng gana sa pag-aayos ng sarili at hindi ko namalayan na unti-unti na palang lumalayo ang loob sa akin ng aking asawa. Ngunit muling bumalik ang alab ng pagmamahal niya nang matagpuan namin ang isang sanggol na umiiyak sa ilalim ng puno ng papaya na kinababalutan ng mga alahas at ginto. Napagdesisyonan naming mag-asawa na i-uwi sa amin ang sanggol at alagan ito. Kinuha ko ang mga alahas at ginto. Ginamit ko ang mga ito pambili ng materyales ng bahay at kung anu-ano pang mahalagang bagay. Mayari ay itinabi ang sumobra. Pinangalanan namin ang bata ng Lemonsquare Fants dahil kasing lambot ng tinapay ang kanyang mga pisngi at dahil sa puro hugis parisukat ang mga ginto at alahas na nakalibot dito.
Lumipas ang ilang taon at mabilis na ubos ang mga alahas at ginto dahil sa madalas na pagkakasakit ni Lemonsquare. Dito ko napansin na unti-unti na namang nawawala ang pagmamahal sa akin ng dati kong asawa. Madalas ay hating gabi na ito kung umuwi ng bahay. Sa inis ko sa asawa ko ay kay Lemonsquare ko na ibabaling ang lahat ng galit ko dito. Mahal ko naman talaga si Lemonsquare kaya lang minsan ay hindi ko talaga maisipang mabuwisit sa kanya kapag nakakagawa siya ng hindi magandang bagay at kapag pumapasok sa isip ko ang aking walang kuwentang asawa. Iniwanan kami Hawk at sumama ito sa ibang babae tangay-tangay ang mga natitirang ginto at iilang alahas. Hindi batid ni Lemonsquare ang lahat ng ito. Dahil doon ay napilitan akong patigilin siya sa kanyang pag-aaral sapagkat wala ng susuporta sa mga gastusin nito para sa mga matrikula sa eskwelahan. Lubha akong nalungkot simula nang iwanan ako ni Hawk pero pinilit kong patatagin ang sarili ko dahil iyon ang kailangan upang malaya ako sa lahat ng pighating inukit niya sa puso ko.
“Hoy mare, bakit bigla kang natulala diyan?” Kalabit sa akin ni Mareng Butter na nagpabalik sa sa akin sa Realidad. Susmaryosep, nai-kwento ko pa tuloy ang pinagkakaingatan kong sikreto. “Sige na, mauna na ako. Pero teka, ito muna ang limang daang piso. Bigay ko na sa iyo 'yan dahil nagpadala ang anak ko na nasa Maynila,” dagdag pa nito at ini-abot sa akin ang limang daang piso.
“Salamat talaga mare sa kabutihan mo. Hayaan mo at makakabawi din kami sa ‘yo. Masusuklian din naman ang mga tulog mo,” pasalamat ko sa kanya. Napangiti naman ito sa sinabi ko. Napakabuting tao talaga ni mare at wala na akong masabi pa sa kabaitan niya. “Hindi ka ba muna magkakape man lang bago umalis?” alok ko sa niya ngunit tumanggi ito at sinabi na ang sadya lang talaga niya ay ang i-abot sa akin ang tulong niya. Napakuwento lang ito sandali. Ibinulsa ko ang perang ibinigay niya at matapos ay ipinagpatuloy ang pagdadamo.
Sige, itutuloy ko na ang kadaldalan ko at magiging totoo na ako sa inyo. Hindi ko alam kung sino ang totoong mga magulang ni Lemonsquare at kung saan siya nanggaling. Mabilis itong lumaki at natutong magsalita. Sa paglaki niya ay hindi siya nagkagalos sa kahit saang parte ng kanyang katawan ngunit sakitin naman sa loob. Pansin ko na hindi siya kagaya ng pangkaraniwang bata. Lumaki itong mukhang babae ngunit may panlalakeng kasarian. Mahal ko ang bata, kaya nag-aalala ako para sa kanya na hindi siya umuwi kagabi. Sadyang may-kakaiba lang akong paraan upang iparamdam ang pagmamahal ko para sa kanya.
Nang dumungaw ang araw sa kalangitan ay nagdesisyon akong tigilan muna ang ginagawa ko. Kapag kasi ang araw ay sumikat dito sa aming lugar ay mas triple ang init kumpara sa iba dahil nasa bahagyang itaas kami ng bundok. Winalis ko ang mga damong nabunot ko at initapon sa gilid upang doon ito mabulok. Pinagbabawal kasi ang pagsisiga dito sa amin dahil nga sa puro puno at baka mamaya ay hindi mabantayan ang apoy, maging sanhi pa ito ng pagkasunog. Mahirap na kapag gano’n ang nangyari.
Matapos kong gawin ang lahat sa labas ay tumungo ako sa kusina upang makapag-almusal. Titirhan ko nalang ng ulam at kape si Lemonsquare upang kapag umuwi ito ay may makakain kahit na papaano. Hindi ko alam pero ang gaan ulit ng pakiramdam ko para sa kanya. Siguro dahil sa may limang daan ako? Loka-loka, hindi! Siguro dahil sa kailangan kong tanggapin na hindi si Lemonsquare ang dahilan kung bakit ako iniwan ng asawa kong walang hiya. Nang marinig ko ulit kanina ang pangalan ni Hawk ay pumasok sa aking isipan ang isang bagay na nagsilbing dahilan upang mapagtanto ko na dapat kong ibigay sa bata ang kalinga na kinakailangan nito.
Matapos sa pagkain ay nakaramdam ako ng init sa katawan kaya minabuti ko na maligo muna sa likuran. Doon sa aming balon na pinagawa ng aming Punong Baranggay. Mas gusto kong naliligo ng maaga dahil mas maganda daw ito para sa ating katawan. Hindi ako tiyak doon sa sinabi ko pero itutuloy ko pa rin ang paliligo. Nagsuot ako ng daster na itim at nagdala ng kobre at tabo upang makaligo na nga nang maging maaliwalas ulit ang aking pakiramdam.
“Sino kaaaaaaa!?”
Nagulat ako nang makarating ako doon dahil may isang binatang hubad na nasa balon ngayon at naglilinis ng katawan. Sa lakas ng hiyaw ko ay napatingin ito sa direskyon ko. Hindi ko dinako ang aking mga mata sa kanyang harapan dahil alam kong wala itong saplot. Agad din naman niyang kinuha ang dahon ng saging at mabilis na pinantakip sa harapan n’ya.
“Patawad po kung natakot ko kayo. Nais ko lamang po na maglinis ng aking katawan dito sa inyong balon. Hindi ko po batid na may nagmamay-ari po pala nito,” magalang na paliwang nito sa akin. Matipuno ito at sa tingin ko ay kasing edad lang siya ng aking pamangkin. Magalang na bata at mukhang mabait. Ngunit sino siya at saan siya nanggaling? Bakit tila wala siyang dalang saplot ni isa sa katawan at tanging dahon ng saging lamang ang ginamit niya? Wala akong nakikita na kahit anong damit sa paligid.
“Ano ka ba? Ayos lang iyon. Nagulat lang ako kasi hindi ako sanay na may ibang taong naliligo diyan maliban sa aming dalawa ng pamangkin ko. Oh siya, nagulat din ba kita dahil sa lakas ng hiyaw ko? Gano’n talaga, ipinaglihi kasi ako sa mic ng nanay ko noong ipinagbubuntis pa lamang ako. Sige ituloy mo lang iyan at maghihintay lamang ako dito,” mahabang paliwanag ko sa kanya. Magaan ang pakiramdam ko sa batang ire at sa tingin ko naman ay hindi siya masamang tao.
“Ah…maraming salamat po,” nahihiyang ani nito at napa-isip sandali, “Ngunit may tanong po ako.”
“Walang anuman. Oh sige, ano iyong tanong mo?”
“Ano po iyong mic?” inosenteng tanong nito na parang walang muwang sa mundo. Halata pa rin na nahihiya siya pero ang kisig tignan ng batang ito. Kumunot ang noo ko sa tanong niya.
“Ha? Sigurado ka? Hindi mo alam ang mic?” paglilinaw ko. Nakangiting tumango ito at ipinaliwang ko sa kanya kung ano ang mic. Sinabi ko ay kahugis iyon ng ari ng lalaki. Napangisi ito sa paliwanag ko na labis na kinaguwapo niya.
Nagpa-alam ito sa akin na ipagpapatuloy ang naudlot na paglilinis at pumayag naman ako. Habang kasalukuyan siyang naglilinis ay sinabihan ko siyang maghintay lang sandali sa kinalalagyan niya at kukuha ako ng mga damit sa bahay para may maayos siyang masuot. Mga damit na naiwanan dito ni Hawk. Ibibigay ko na sa kanya ang mga iyon dahil mukhang wala talaga siya ni isang damit manlang. Wala din naman na akong paggagamitan pa ng mga damit ni Hawk kaya mas mabuti kong ibabahagi ko nalang sa iba upang mawalan na rin ng kahit anong bagay dito sa bahay na magpapaalala sa aking lumayas na asawa.
Tumungo ako sa silid kung saan nakalagay ang mga bagay na hindi ginagamit at pinili ang ilang damit ni Hawk na sa tingin ko ay magkakasya sa kanya. Mayari ay bumalik ako sa paliguan dahil baka mamaya ay nakatapos na ito.
“Oh, iyan ang mga damit para may masuot ka. Isukat mo mamaya kung magkakasya sa iyo kung hindi ay pumili ka nalang sa loob ng iba.” Inabot ko sa kanya ang mga nahanap kong damit. Tapos na siyang maglinis at nakatakip ulit ang pambaba niya ng dahon ng saging.
“Para sa akin po talaga iyan? Maraming salamat po! Ang buti niyo naman po na bigyan ako ng kasuotan kahit hindi niyo pa ako lubos na kilala.” Kinuha niya ang mga damit at nagpasalamat sa akin.
“Kagaya nga ng sinabi ko kanina ay wala lang iyon. Mukha ka namang mabait at hindi gagawang masama. Oh siya, sumama ka na sa akin sa bahay upang doon ay makapagbihis ka ng komportable,” mungkahi ko. Tinanggap naman nito ang alok ko at nakangiting sumama sa akin.
Habang nasa daan ay nabanggit niya ang pangalan niya sa akin. Siya si Icer Hans. Nagbiro pa nga ito na isa daw siyang prinsipe na galing sa kakaiba at mahiwagang mundo. Naku, hindi ko naramdaman na palabiro pala siya. Pero alam kong dala lang iyon ng gutom kaya’t kung ano-ano ang napagsasasabi niya. Nang matapos itong magbihis ay inalok ko din siya ng pagkain upang mabawasan ang pag-iisip niya ng hindi maganda. Nagkasya naman ang damit at short ni Hawk sa kanya at bumagay pa ito dito. Mas okay ang itsura niya ngayon kaysa kanina na parang sinaunang tao na wala manlang pansaplot sa katawan.
“Tita Viscit!?” pagtawag sa akin ng pamilyar na boses at tiyak ako na si Lemonsquare iyon. Ayan, tamang tamang ang dating niya, ipapakilala ko siya dito kay Icer Hans.