Kaguluhan sa Katahimikan
Biglang naimulat ni Maria ang kaniyang mga mata. Madilim pa at hindi pa sumisilay ang sikat ng araw. Tahimik ang buong kabahayan; kahit isang kaluskos o kalansing ay di maririnig. Nakatitig lang siya sa pasumano ng kaniyang kuwarto. Hinihintay na manumbalik ang antok. Nagising siya dahil sa isang bangungot at hindi na niya maalala ang bangungot na iyon. Pilit niyang ipinipikit ang kaniyang mga mata para manumbalik sa mundo ng mahimbing na tulog ngunit hindi dumating-dating ang antok.
"Di bale" usal niya sa sarili.
Tumayo siya sa kaniyang pagkakahiga. Lumapit sa may lamesita at sinindihan ang kandila. Naisip niya na tutal hindi siya makatulog; magluluto na lang siya ng agahan. Sasarapan niya at maraming oras ang gugulin niya sa pagluluto para masabing punong-puno ng pagmamahal ang kaniyang pagluluto.
Nakalabas na siya ng kwarto tangan ang kandila para ilawan ang kaniyang daraanan. Plano niyang daanan ang matandang orasan sa may sala. Bago siya makarating sa sala ay nadaanan niya ang kwarto ng kaniyang mga magulang. May lumbay na
tumarak sa kaniyang dibdib. Mabilis niyang inalis sa kaniyang pag-iisip dahil ang kalungkutan ay walang maidudulot sa panahon ngayon.
Dumeretso siya sa sala at sa matandang orasan. Itinaas niya ang kandila para makita ang orasan. Alas-tres pa lang ng madaling araw. Biglang nanlumo ang kaniyang mga braso. Masyado pang maaga para magluto ng agahan. Naguluhan ang kaniyang pag-iisip. Hindi niya alam kung anong gagawin. Hindi naman siya pwedeng mag-burda ng ganitong kadilim. Hindi din naman pwedeng magtanggal ng d**o sa hardin. Napaupo na lang siya dahil sumasakit na ang kaniyang ulo. Maya-maya ay dumating si Aurora, ang kaniyang kasama. Nagulat sila parehas hindi inaasahan na magkikita sa sala.
"Hindi ka makatulog?" tanong ni Aurora
"Oo eh" sagot ni Maria habang minamasahe ang kaniyang ulo.
Lumapit si Aurora sa likod ni Maria at sinimulang imasahe ang kaniyang ulo. Dumaan ang mga payat na daliri ni Aurora sa anit ni Maria. Dinama ni Maria ang bawat hagod at unti ring nawala ang sakit ng kaniyang ulo.
"Ilang gabi ka ng ganito. Huwag mo na sila masyadong isipin. Mga lalake iyon. Kaya nila ang sarili nila." sambit ni Aurora.
Simpleng ngiti ang lumabas sa mga labi ni Maria. Alam niya na pinagagaan ni Aurora ang kaniyang pakiramdam. Ilang buwan na rin kasi na wala ang kaniyang ama at si Jose, ang kaniyang nakakabatang kapatid na lalake. Sila ay umalis sa Lumban, Laguna para makatulong sa rebolusyon laban sa mga Espanyol.
"Ilang buwan na nga ba sila Senyor Amado na wala?" tanong ni Aurora.
"Hindi ko na maalala kung gaano katagal." sagot ni Maria.
"Sa pagkakaalala ko mga tatlong buwan mahigit na."
"Sigurado ka ba?"
"Oo"
"Parang hindi naman?"
"Sigurado ako. Hindi mo lang pinapansin ang oras kasi may manliligaw ka."
"Anong pinagsasabi mo diyan, Aurora?"
"Wala po, senyorita" pag-sagot ni Aurora na may ngiti sa kaniyang labi.
Bumalik ang sakit ng ulo ni Maria. Pwersahan niyang hinila ang kamay ni Aurora galing sa kaniyang ulo.
"Tama na iyang masahe. Magpakulo ka na ng kape at sumisikat na ang araw kailangan na nating magbungkal ng lupa para sa itatanim na gulay." utos ni Maria.
"Hindi po tayo mag-aagahan senyorita?" pagtatanong ni Aurora.
Natigilan si Maria. Nakalimutan niya ang agahan. Lumambing ulit ang kaniyang boses at sinabing.
"Pagkatapos mo magpakulo ng kape, magluluto tayo ng agahan."
"Sige po senyorita." marespetong sagot ni Aurora.
Pumunta na si Aurora sa kusina. Nagulat siya at tumba ang mga lagayan ng asukal at ubos na ang asukal. Nagulumihanan siya. May magnanakaw ba? Nasundan ng takot ang kaniyang damdamin. Inakala niya na malayo pa ang mga Espanyol sa Lumban baka may nagtatago sa malapit. Kinalma niya ang sarili niya dahil hindi niya pwedeng takutin ang kaniyang senyorita. Dadalawa lang sila sa bahay na iyon.
Ginala niya ang kaniyang paningin sa mga katabing kwarto ng kusina. Iniisip niya na baka nagtatago pa ang magnanakaw sa loob ng bahay. Mabagal siyang naglakad papunta sa may bodega. Habang naglalakad ay nakikinig siya kung may kaluskos o kahit ano mang tunog na maririnig. Isang hakbang na lang siya sa pintuan ng taguan nila ng longganisa, ay may bumagsak na kung anuman sa loob. Napatigil siya. Tumakbo siya papunta sa lagayan ng mga kutsilyo. Itinutok niya ang kutsilyo sa direksyon ng bodega gamit ang kaniyang kaliwang kamay. Nag-aalangan siyang mag-lakad pabalik sa pintuan ng bodega pero sinimulan niya ng isang hakbang. Unti-unti siyang humakbang papunta sa taguan habang nakatutok ang kutsilyo. Noong malapit na siya sa pintuan ay hinawakan niya ang seradura nito gamit ang kanan na kamay niya.
Mabilis niyang binuksan ang pintuan. Walang tao sa loob. Pumasok siya sa loob. Ininspeksyon. kung anong maaring sanhi ng ingay na iyon. Nakasabit parin naman ang mga longganisa. Binilang niya ang mga pinagsasabitan.
"Anong ginagawa mo diyan sa loob, Aurora?" tanong ni Maria habang nakadungaw sa pintuan. Bahagyang napatalon sa gulat si Aurora. Hindi niya inaasahang nandoon na ang kaniyang senyorita. Nabato siya at hindi kaagad nakasagot.
"Aurora, ano bang ginagawa mo diyan? Bakit ka ba nagulat?" nag-uusisang tanong ni Maria. Siya rin ay nagulat noong nagulat si Aurora.
"Senyorita, tinitignan ko lang yung mga longganisa natin."
"Talaga ba?"
"Opo, senyorita."
"Eh bakit ka pa nagulat?"
"Seryoso po kasi akong nagbibilang nang bigla kayong nagsalita."
"Sige na nga at magpakulo ka na."
Bago lumabas sa kwarto ay tinitigan ni Aurora ang bumagsak na bakal. Ito ang sanhi ng ingay na narinig niya. Lumabas na siya ng kuwarto papunta sa kusina. Bago niya kuhanin ang takure, lumabas siya sa pintuan sa likod bahay na nasa may kusina lang din at inusisa kung nakasara ba ito o hindi. Ito ay nakabukas. Mababakas ang kaba at takot sa mga mata ni Aurora. Nakatalikod siya sa kaniyang senyorita kaya hindi kita ang kaniyang mukha. Sa may hagdanan paakyat sa pintuan ng likod-bahay ay may mga mumo ng tinapay at asukal. Ginala niya ang tingin sa paligid ng bahay. Napapaligiran kasi ang bahay ng maraming puno at sa kalayuan ay makikita ang lupain ng pamilya Laraña.
Nagtataka si Maria sa kinikilos ni Aurora. Lumapit siya at pinilit niyang tignan ang tinitignan ni Aurora. Bigla namang humarap si Aurora at sinara ang pintuan.
"Ano ba yung tinitignan mo?" tanong ni Maria
"Inaamoy ko lang ang simoy ng hangin."
"Bakit nakakunot iyang noo mo? Hindi naman kukunot ang noo mo ng ganiyan sa simoy ng hangin."
"Amoy na ksi yung puno sa may malapit na batis. Yung mapanghing puno."
"Wala naman akong maamoy na mapanghi."
"Mahina kasi ang pang-amoy mo."
"Hindi naman."
"Mahina kaya noong isang beses nga hindi mo maamoy yung utot ng kalabaw kahit ang lapit mo na sa kalabaw."
"May sipon ako noon eh."
"Ah basta mahina ang pang-amoy mo."
"Magpakulo ka na nga ng tubig. Bago masayang ang oras. Tatanghaliin na tayo niyan sa pagtatanim eh." pautos niyang pagsasalita.
"Opo, senyorita"
Kinuha na niya ang takure at nilagyan na ng tubig galing sa gripo. Nilagyan niya narin ng kape ang takure. Sinindihan na rin niya ang gatong para makapagpakulo na. Habang ang kaniyang senyorita ay nagsimula nang mag-gayat ng bawang para sa sinangag. Kinuha naman ni Aurora ang bahaw sa tokador. Inamoy-amoy niya ito kung maayos pa ba. Maayos pa naman ang bahaw. Kumuha din siya ng longganisa para sa kanilang agahan. Umupo sila sa dalawang upuan sa kusina. Hinintay nilang dalawa na kumulo ang tubig. Hindi sila nag-uusap kapwa nag-iisip.
Si Maria ay nababahala sa kalagayan ng kaniyang ama at kapatid. Alam niya na para sa magandang adhikain ang ginagawa ng kaniyang pamilya. Siya mismo rin ay naniniwala na may sariling pag-iisip at galing ang mga Pilipino. May sariling kakayahan na maging malayang bansa ang Pilipinas pero kailangan ba talaga na magdanak ng dugo para lumaya. Napapaisip tuloy siya kung mas maganda ba ang adhikain nila Gat Jose Rizal na maging probinsya muna tayo ng Espanya. Nalilito din siya sa ngayon.
Si Aurora naman ay napaisip tungkol sa kanilang imbak na pagkain. Lahat ng baboy ay pinakatay na ng kaniyang senyor bago sumama sa rebolusyon. Ginawa nilang longganisa yung iba, habang ang iba naman ay ginawang hamon para hindi mabulok. Sinabihan din siya ng kaniyang senyor na tulungan ang mga mapapadako doon na mga sundalong Pilipino. Pakainin kung gutom pero huwag tulungan ang mga takas na sundalo kahit Pilipino man ito. Napakaimportante sa kaniyang senyor ang kasarinlan ng bansang Pilipinas. Ang mga Pilipino na hindi tutulong ay mas masahol pa sa aso. Napapa-iling na lang siya habang naiisip niya iyon. Matapang at matalino ang kaniyang senyor pero mabait din naman at makatao pero pagdating sa pagiging makabayan niya. Ang dapat lang isipin ay Pilipinas.
Biglang kumulo ang takure. Naputol ang pag-iisip ni Aurora. Parehas silang napatayo, pero si Aurora ang lumapit sa takure. Napaupo na lang uli si Maria. Kumuha si Aurora ng dalawang tasa at naglagay ng kape. Isinantabi niya ang takure para kung may gusto pang magkape. Tumayo na si Aurora at kinuha ang nakasabit na kawali. Inilagay sa ibabaw ng kalan at pinainit. Uminom muna sila ng kape habang pinapainit ang kawali.
"Kamusta na kaya sila, Itay?" sa wakas ay nasabi na ni Maria ang nasa isip niya.
"Wag mo na sila isipin. Ilang beses ko bang uulitin sa iyo yan?" pagpapaalala ni Aurora.
"Hindi ko kasi matanggal sa isip ko eh." Inabot ni Aurora ang mantika kay Maria. Nilagyan ni Maria ng mantika ang kawali.
"Kaya nga tayo gumagawa ng kung anu-ano dito sa bahay para matanggal sa isip mo eh."
"Pero hindi parin eh." Halos parang bata na sagot ni Maria.
Hindi na sumagot si Aurora. Inabot na lang niya ang sangkalan na may bawang. Ginisa na ni Maria, ang bawang sa kawali. Hindi sila nagsasalita habang nagigisa siya. Inabot na rin ni Aurora ang bahaw. Habang ginigisa ni Maria ang bawang at kanin ay nilalagyan ng asin ni Aurora ang niluluto. Tinikman nilang dalawa ang sinangag at sapat na ang lasa. Kumuha si Aurora ng malukong na pinggan tapos unti-unting isinalin ni Maria ang sinangag. Pinunasan ni Maria ang kawali at naglagay ng kaunting tubig.
Nilagay niya ang mga longganisa sa kawali.
"Dito na lang tayo kumain." Ang itinuro ni Maria ay ang lamesita na may dalawang upuan sa kusina. Ang dalawang upuan ang kanilang inuupuan kanina.
"Sige po." Inilagay ni Aurora ang pinggan na may sinangag sa lamesita. Kinuha niya rin ang kanilang dalawang tasa at nilagyan uli ng kape. Umupo muna sila at nagsimula uling uminom.
"Naiintindihan kita." pagpapatuloy ni Aurora sa kanilang usapan.
"Minsan lang talaga, hindi mawaglit sa isip ko eh."
"Ganoon din ako paminsan pero hindi ko na din masyadong pinag-iisip. Wag na din nating pag-usapan kasi mas lalo nating naalala at naiisip."
Nagplano na lang sila sa kung ano yung itatanim nilang mga gulay. Nagtatanim din sila ng gulay para bukod sa mga karneng inasnan ay mayroon ding masustansyang pagkain. Mayroon na silang pechay at mustasa. May bunga na rin ang kanilang kalabasa at kamatis. Plano nilang magtanim ng sitaw, okra at upo ngayong araw.
Tumayo si Maria at tinignan ang mga longganisa. Ubos na ang kumukulong tubig at napiprito na ito sa sariling mantika.
"Pwede na ito."
Kumuha ulit ng pinggan si Aurora at ibinigay kay Maria. Hinango na ni Maria ang mga longganisa. Nilagay na ang pinggan sa lamesita. Naupo na sila ulit at nagsimula nang kumain. Ang dami nilang napag-usapan tungkol sa mga asawa ng kanilang mga magsasaka. Sino ang nangagaliwa at sinong hindi. Ano na ang bagong balita kay Emilio Jacinto at ano na ang nangyayari sa rebolusyon.
Natapos na silang kumain at dinala na ni Aurora ang mga pinggan sa lababo. Hinugasan niya ang mga pinggan habang si Maria ay pumunta sa kuwarto at nagsimula nang magbihis dahil simula ng kaniyang gising ay nakapantulog lang silang dalawa ni Aurora. Nagbihis siya ng simpleng puting bestida na pwedeng marumihan. Ang bestidang ito ay hindi gaanong hapit sa katawan pero hindi rin sobrang maluwang. Lumabas na si Maria sa may likod-bahay at pumunta sa kaniyang hardin na nasa may kanlurang bahagi ng bahay papunta sa malapit na bukal.
Sa bungad ng hardin ay makikita ang mga pechay at mustasa na pwede nang lutuin. Bago niya iyon anihin, pumunta muna siya sa isang maliit na kubo kung saan nakalagay ang mga kagamitan. Nakasabit doon ang mga karit, bolo, at pang-araro. Kinuha niya ang pangbungkal at nagsimula na mag-ani ng pechay. Maya-maya ay dumating na si Aurora, nakapagbihis na rin ito. Ang pinuntahan naman niya ay ang mga kalabasa at kamatis na nasa kabilang dulo ng hardin. Sinuri niya ang mga bunga.
"Hitik na sa bunga itong mga kamatis ah?" masayang sabi ni Aurora.
Napatayo si Maria sa kaniyang pagkakaupo at lumapit sa kinaroroonan ni Aurora.
"Oo nga. Pwede na nating iluto iyan."
Sinuri naman nila ang mga kalabasa. Hindi pa husto ang laki ng mga bunga hindi pa pwedeng anihin. Pagkatapos nilang magsuri. Naghiwalay sila ulit. Itinuloy ni Maria ang pag-ani ng pechay habang si Aurora ay nagdilig ng mga kamatis at kalabasa. Namitas na din siya ng mga pahinog na mga kamatis. Inakyat niya sa kusina ang mga kamatis at bumalik sa hardin para tulungan si Maria sa pag-ani. Habang sila ay nag-aani, nakarinig sila ng mga tunog ng bala at pagsabog ng kanyon. Umaalingawngaw ito sa paligid. Napatigil sila dahil hindi nila alam kung anong klaseng tunog iyon.
"Ano iyon?" tanong ni Maria
"Hindi ko rin alam pero parang mga pagsabog iyon."
"Hindi ba mga baril iyon? O kanyon?"
"Baka nga"
Tumakbo sila sa may silong ng bahay at hinintay na humupa ang mga pagsabog at ingay. Tumagal din iyon ng mga ilang minuto. Noong napansin na nila na ilang segundo na walang ingay ay lumabas na sila.
"Tapos na kaya?" tanong ni Aurora.
"Sana tapos na nga at sana panalo tayong mga Pilipino?" nasabi ni Maria. Napangiti si Aurora doon sa narinig niya. Oo nga pala katulad din ng kaniyang mga magulang mag-isip ang kaniyang senyorita.
Tumagal din sila ng isang oras sa pag-ani ng pechay. Nang matapos ay inakyat na nila ang mga pechay.
"Ipamimigay na lang natin ito sa mga kasama natin dito sa asyenda." sabi ni Maria
Tumingin sa orasan si Aurora at mag-aalas-onse na kailangan na nilang mag-luto. Hindi na muna sila nagpahinga. Iginisa nila ang pechay kasama ang bawang at sibuyas na may rekadong inasnang karne. Nagsaing din si Aurora ng marami para may makain ang kanilang mga panauhin mamaya.
Tuwing hapon kasi ay pumupunta ang mga kababaihan at mga batang lalake sa bahay para sama-samang magburda. May kasamang kwentuhan na rin at pakikibalita.
Kumain na silang dalawa at nag-imis ng sala para magkasya ang mga tao. Nag-walis, naglampaso at nagpunas ng mesa. Maya-maya ay may naririnig nang kalesa parating sa kanilang bahay. Sinilip ni Aurora ang parating at base sa kulay kahel na kalesa ay alam na niya kung sino ito.
Dumating na si Donya Lusing, ang matriarka ng mga Añonuevo. Isa siyang matabang babae at malapit nang mag-sitenta'y-otso sa Hunyo. Madaldal siya at maraming alam. Noong umpisa ay ayaw niyang tumulong ang mga Añonuevo sa rebolusyon dahil malakas ang kapit niya sa gobernador-heneral pero kalaunan ng humihina na ang mga Espanyol. Tumulong na rin siya sa mga rebolusyonaryo.
Punong-puno ng perlas ang kaniyang pulseras pati narin ang kaniyang kwintas. Hindi nauubos ang kaniyang mga alahas pero ang mga alahas niya na may diyamante ay hindi niya isinusuot sa labas. Gusto niya talagang ipakita na mayaman siya at makapangyarihan pero ang hindi mo maipipintas sa kaniya ay ang gaano siya kabait at maintindihin sa kaniyang mga magsasaka. Mukhang matapobre si Donya Lusing pero napakamabait niya pagdating sa pagbayad ng kaniyang mga magsasaka. Minsan hinahayaan niyang hindi nakakabayad ng dalawang buwan. Iniintindi na lang niya. Pero para hindi siya lokohin o abusuhin, pag hindi na nakakabayad ng tatlo o apat na buwan ay doon na niya nilalagyan ng interes.
Kasama ni Donya Lusing ang kaniyang apong babae na si Consolasyon. Ang palayaw niya ay Conching. Si Conching ay kasing-idad lang din ni Aurora. Sila ay parehas na disi-otso anyos. Si Consolasyon ay tahimik at di pala-imik bukod sa oo o hindi. Palagi siyang hila-hila ng kaniyang lola para naman daw maarawan dahil kung hindi siya isasama ay magkukulong lang din naman sa bahay. Maganda si Conching pero dahil sa kaniyang halos pagkapipe ay hindi naging lapitin ng mga lalake. Natatalo pa nga siya ng mga babaeng hindi naman kagandahan pero may pagkamalandi.
Pagkapasok ni Donya Lusing ay rinig na rinig na ang kaniyang boses hanggang sa kusina.
"Maring, Maring! Asan ka na Maring?" Maring kasi ang palayaw ni Maria.
Hinarap ni Maring ang kaniyang bisita na nakapasok na sa bahay at naghubad na rin ng tsinelas. Nakaligo at nakapagbihis na rin siya pagkatapos kumain. Nagsuot siya ng isang kulay berdeng baro na siya rin ang nagburda at isang pulang saya. Nakipagbeso siya kay Donya Lusing at Conching.
"Kamusta ka naman, Conching?" tanong ni Maring.
"Maayos naman po." sagot ni Conching na nakayuko. Sinapo ni Maring ang baba ni Conching.
"Mabuti naman." Pinaupo na ni Maring sila Donya Lusing at Conching sa sala.
Pagkaupo nila sa upuan na gawa sa kamagong ay sumenyas si Donya Lusing na kailangan niya ng tubig.
"Aurora, magdala ka nga ng basong may tubig dito?" utos ni Maring.
"Ilan po senyorita?" tugon ni Aurora na nasa kusina.
"Gawin mo nang dalawa."
"Tao po." marespetong pagsabi ni Aling Tere na nasa bungad ng pintuan. Kasama niya ang kaniyang batang anak na lalake, si Pepito o Peping.
"Gawin mo nang apat na baso, Aurora." sigaw ni Maring sa kusina. Sinalubong ni Maring ang kaniyang mga bagong dating na bisita at pinapasok. Si Aling Tere ay hindi laking mayaman. Simple siyang manamit kahit ngayon na nakapangasawa ng Intsik. Pupwede siyang bumili ng mga mamahaling sutla galing Tsina kung gugustuhin niya at pwede rin niyang suotin iyon araw-araw pero sa pang-araw araw ay nagsusuot lang siya ng puting baro't-saya. Buhat-buhat niya ang kaniyang anak na si Peping na may singkit na mata katulad ng ama. Gusto ng kaniyang ama na ang buhok ng kaniyang anak ay nakabase sa kautusan ng Imperyong Qing kung saan ang bumbunan ay kalbo pero sa likuran ay may mahabang tirintas.
Hinatid ni Maring sina Aling Tere at Peping sa sala at pinaupo na.
"Tere, nandiyan ka na pala." pagbati ni Donya Lusing kay Aling Tere. "Parang pawis na pawis ka."
"Naglakad lang kasi kami ni Peping galing sa bahay." sagot ni Aling Tere.
"Sabi ko naman sa iyo, Tere. Mag-kalesa ka na lang. Kaya naman magpagawa ni Angkong ng kalesa para sayo." pagpapaalala ni Donya Lusing.
"Wag na sobrang gastos na noon. Marami na ngang pera ang naibigay si Angkong sa rebolusyon."
"Baliw na baliw nga iyon sa iyo eh. Kung pwede lang ibigay saiyo ang buwan, ibibigay niya iyon sa iyo."
"Ayoko namang abusuhin."
"Hindi naman pang-aabuso iyon. Pinapakita mo lang kung ano ang tunay mong halaga sa lipunan at sa asawa mo."
"Iyan na ba si Conching? Lumaki ka na ah." pag-iiba ng usapan ni Aling Tere.
"Walang nagbago diyan. Simula ng dinugo iyan ganiyan pa rin ang itsura at pag-uugali. At saka huwag mong baguhin ang usapan."
"Lola, nakalimutan na yata ang tubig mo." pagpapaalala ni Conching sa kaniyang Lola.
"Oo nga. Maring, asan na ang aming tubig." biglang pagsasalita ni Donya Lusing.
Biglang lumabas si Aurora sa kusina dala-dala ang apat na baso ng tubig. Nilapag niya sa maliit na mesa sa sala. Agad namang sinunggaban ni Donya Lusing ang baso ng tubig. Nagkaniya-kaniya na rin ang ibang mga bisita.
"Ang init-init na ngayon. Gusto ko na ulit mag-Enero para malamig na ulit. Nakakalesa kami pero tirik na tirik ang araw." pagrereklamo ni Donya Lusing.
"Simula na kasi ng tag-init ngayon." pagsagot ni Maring na nakaupo na rin sa sala.
"Noong nakaraang linggo puro ulan ngayon tirik na tirik ang araw." pagdagdag ni Aling Tere. Ibinaba na ni Aling Tere si Peping sa sahig at hinayaang laruin ang kaniyang laruang kabayo na dala-dala. Naputol ang kaniyang sasabihin dahil nakapokus lang siya kay Peping.
Bumalik naman si Aurora sa kusina para ihanda ang isa pang baso ng tubig para sa huling bisita na hindi pa dumadating.
"Nakakailang ligo na nga ako ngayon kumpara noong ilang mga buwan." pagdadag uli ni Aling Tere.
"Hindi naman ako nakakarami pero iba nga ang init ngayon kumpara noong nakaraang taon." pagsagot ni Maria.
"Puro rebolusyon na kasi ngayon kahit sa ibang bansa kaya umiinit na ang mundo." pagsagot ni Donya Lusing.
"Parang wala namang epekto iyon sa panahon, Lola." pagsabat ni Conching.
"Aba, wag kang sumabat sa mga matatanda." pinagalitan ni Donya Lusing si Conching. Parating ganoon naman ang relasyon nilang mag-lola. Si Conching naman ay tatahimik na lang. Itatago na lang ang galing at talino.
"Narinig niyo ba ang putukan kanina?" pag-usisa at pag-iiba ng usapan ni Maring.
"Hindi, anong putukan?" tanong ni Aling Tere.
"Wala din akong narinig na putukan." pagdagdag ni Donya Lusing.
"Baka hindi rinig sa bayan." pagrarason ni Maring.
"Baka nga. Bungad kasi itong lupain niyo galing sa Pagsanjan." sabi ni Aling Tere.
"Ibig sabihin nasa Pagsanjan na ang mga Espanyol?" tanong ni Donya Lusing
Bumalik sa sala si Aurora dala ang isa pang baso ng tubig. Napatingin si Maring kay Aurora at naalala na may isa pa silang bisita.
"Asan na kaya si, Josefa?" pagtatanong ni Maring sa mga kasama.
"Huli na naman iyon, sigurado" sabi ni Donya Lusing.
"Lagi naman iyon huli." pagdagdag ni Aling Tere.
"Aurora, kuhanin mo na ang mga pangburda. Magsisimula na kaming magburda." utos ni Maring.
Kinuha niya ang apat na malalaking bilog kung saan ilalagay ang ibuburdang tela; kasama na rin ang mga telang binuburda. Nagsimula na silang magburda ng damit.
"Ilang taon na ba si Peping?" tanong ni Maring.
"Tatlong taong gulang na si Peping sa Hulyo." sagot ni Aling Tere.
"Ang bilis naman ng panahon, Tere." dagdag ni Donya Lusing.
"Oo nga eh. Dati nagdadalang-tao lang ako. Ngayon tatlong taong gulang na siya." sagot ni Tere. May narinig silang katok sa pintuan.
"Baka si Josefa na yan. Dali buksan mo, Aurora." utos ni Maring.
Ibinaba na ni Aurora ang kaniyang binuburda at dali-daling pumunta sa pintuan. Pagkabukas ng pintuan ay si Josefa nga ang tumambad. Pumasok siya at naghubad ng tsinelas panlabas at nagsuot ng panloob. Pumunta siya sa sala kasunod si Aurora.
"Maaga sana akong dumating pero biglang tumumba ang kabayo na hihila ng kalesa ko." rason ni Josefa.
"Sige, buti nakarating ka." sagot ni Donya Lusing.
"Naghanap pa kami ng bagong kabayo. Ang nakita pa naming kabayo eh iyong ginagamit pag-akyat sa bundok."
Tinitigan lang si Josefa nila Maring, Aling Tere, Conching at Peping dahil lubog sa putik ang laylayan ng kaniyang saya.
"Anong nangyari sa iyo?" tanong ni Donya Lusing.
"Habang papunta ako rito, nalubog sa putik ang paa ng kabayo na humihila sa kalesa. Kinailangan kong lumabas ng kalesa at maglakad sa putikan." sagot ni Josefa.
"Magpalit ka na lang ng saya." pagprisinta ni Maring. Tumayo si Maring at tinigil ang ginagawa. Pumunta sa kaniyang kwarto para kumuha ng isa sa kaniyang mga saya na ipapahiram. Lumabas siya at inutusang magbihis si Josefa. Si Josefa ay disi-otso anyos. Ang kaniyang tatay ay isang negosyante ng Lumban. Ibinebenta niya ang mga burda ng mga kababaihan ng bayan. Bukod doon ay nagbebenta din siya ng mga kagamitan sa bahay. Nag-aangkat din siya ng mga kagamitan papuntang Real at Infanta, Quezon. Malaki ang negosyo ng kaniyang tatay kaya marami silang kalesa at kabayo.
Lumabas na si Josefa na nakabihis pero bakas sa kaniyang mukha ang panlulumo.
"Bakit ganiyan ang mukha mo?" tanong ni Maring habang nagbuburda.
"Dalawang kabayo po kasi iyong naperwisyo ngayong araw. Magagalit ang tatay ko sa akin." sagot ni Josefa.
"Kaya namang palitan ng tatay mo iyon. Makakabili siya ng bagong kabayo." sagot ni Donya Lusing.
"Kaso lang po, matipid kasi ang tatay ko. Ayaw niyang nasasayang ang pera niya."
"Hindi iyon problema pag may pera ka. Ang problema pag wala."
"Huwag mo nang isipin iyon, Josefa. Ituloy mo na lang itong pagbuburda mo." pag-aalo ni Maring kay Josefa.
Nagpatuloy sila sa pagkukuwentuhan at pagbuburda. Napag-usapan nila ang iskandalo ng kasalukuyang kura paroko. Bali-balita daw ay nakabuntis daw sa Nagcarlan ng isang deboto. Pagkapanganak pinaiwan daw sa bahay-ampunan at nagpakamatay daw ang babae kaya daw dinala dito sa bayan para pagnilayan ang kaniyang mga pagkakamali.
Napag-usapan din nila ang posibleng posisyon ng mga Espanyol. Ang iba sinabi na nasa Pila daw pero si Donya Lusing paniwalang-paniwala na nasa Pagsanjan na ang mga Espanyol. Lahat sila nagtitiwala sa kakayahan ni Emilio Jacinto. Mapapaalis niya ang mga Espanyol dito sa Laguna.
Tumagal ang kanilang usapan hanggang alas-singko ng gabi at namigay din sila Maria ng kamatis at pechay. Sumabay na si Josefa kay Donya Lusing at nagsimula nang maglakad si Aling Tere pauwi. Pagkaalis ng mga bisita, nag-imis sila Aurora at Maria ng kanilang sala. Pagkatapos ay nagluto na para sa hapunan. Ang kanilang ulam ay ginisang pechay ulit dahil iyon lang naman ang meron sa bahay. Nagkaniya-kaniyang kwarto na sila at namahinga.