Katahimikan sa Kaguluhan

2164 Words
Hindi makatulog si Maria. May kung anong bagay ang gumugulo sa kaniyang utak na di maturan. Tumayo na lang siya at kinuha ang The Social Contract. Matagal na niyang binabasa ang librong ito. Pilit niyang inaaral ang mga pilosopiyang naghuhulma sa kaniyang makabagong mundo. Gusto niyang matuto hindi lang ng pagsusulsi, pagbuburda, pagluluto, paglilinis at pagpapaganda ng bahay. Higit sa lahat sinusuportahan siya ng kaniyang ama at kapatid sa kaniyang kagustuahn. Ngunit itinatago niya ang pagbabasa nito lalo na kay Aurora at sa ibang kakilala niyang babae. Ang sasabihin nila sa kaniya ay hindi na nararapat alamin ng isang butihing babae ang mga ganiyang bagay. Sapat na ang kaalaman sa bahay para maging kapita-pitagang babae na magiging ina at asawa. Natutuwa naman siya sa makalumang pag-iisip ng mga tao sa kapaligiran niya. Naniniwala siya katulad ni Mary Wollstonecraft Shelley, na may kakayahan ang mga babae na mag-isip na kapantay sa mga lalake. Nasa kalagitnaan siya ng kaniyang pagbabasa nang may kakaiba siyang naririnig sa may sala. Isang kalansing ng bakal. Hindi na niya muna pinansin iyon dahil lumang bahay na. Simula 1732 pa naitayo ng kaniyang mga ninuno ang bahay. Pwedeng tumama lang ang kung anong bakal sa kahoy kaya umingay ito. Patuloy siya sa pagbabasa nang ang kalansing ng bakal ay nagsimula uli. Hindi na ito sa may sala; papunta na ito sa mga kuwarto. Hindi na rin tumigil ang kalansing ng bakal at dahil malapit na ito mas lalong niyang nakikilala ang tunog. Hindi lang ito basta kalansing ng bakal, parang kadenang hinihila sa kahoy. Umabot sa punto na ang kadenang hinihila ay naririnig niya sa harap ng kwarto niya. Ibinaba niya ang libro at lumapit sa may pader na nakaharap sa pasilyo na papunta sa kwarto niya. Idinikit ang tenga sa pader. Hindi lang basta kadena ang naririnig niya. May mga kuko na dumdaloy sa kahoy. May isang beses pa na dumaan ang kuko kung saan nakadikit ang tenga niya. Nagtataka siya dahil unang beses niyang narinig ito sa bahay simula pagkabata. Wala namang ganitong tunog na naririnig kahit umaga. Hindi pa rin tumitigil ang ingay at patuloy pa itong lumalapit sa kaniyang pintuan. Naisip niya na baka niloloko siya ni Aurora. "Aurora? Aurora? Ikaw ba yan?" Tumigil ang ingay. May narinig siya na pagkilos ng tao sa may dulo maaring sa kwarto ni Aurora. Biglang may kumatok ng tatlong beses sa kaniyang pintuan. "Aurora?" tanong ulit ni Maria. Natatakot na siya kasi parang hindi si Aurora ang kumakatok. May kumatok uli ng tatlong beses. Huminga ng malalim si Maria; humugot ng lakas ng loob galing sa malamig na simoy ng hangin. "Senyorita?" Binuksan ni Maria ang pintuan at wala doon si Aurora. Nagpalinga-linga si Maria at hinanap si Aurora. Nandoon si Aurora sa kabilang dulo ng pasilyo kung saan nasa may bungad siya ng kaniyang kuwarto. Papungas-pungas pa ang mga mata. Mabilis na naglakad si Maria papunta kay Aurora. "Niloloko mo ba ako?" pagalit na tanong ni Maria. Nagulat si Aurora sa tono ng kaniyang senyorita. Nawala ang kaniyang antok at lumaki ang mga mata. "Ano pong ibig sabihin niyo?." inosenteng tanong ni Aurora. "Wag kang magmaang-maangan. Niloloko mo ko noh?" "Hindi ko po kayo niloloko, Senyorita. Nananaginip nga po ako noong narinig ko ang tawag po ninyo. Kung ano man po ang iniisip niyo, hindi ko po kayo niloloko." Nagtataka na si Aurora bakit ganito na kaagad ang inis sa kaniya ng kaniyang senyorita. "Ganoon ba? Sige matulog ka na. Magtatanim pa tayo bukas." seryoso pero kabadong utos ni Maria. "Sige po. Sana makatulog po tayo ng mahimbing." Bumalik na sila sa mga kuwarto nila. Namatay ang kandila dahil sa malakas na simoy ng hangin. Sinindihan niya uli ito at pinagpatuloy ang pagbabasa niya. Unti-unting dumapo ang antok sa kaniyang kamalayan. Nabitawan na niya ang libro at nakatulog na. Gumising ng maaga si Aurora, mababaw na ang kaniyang tulog pagkatapos siyang muntikang pagalitan ni Maria kaninang madaling-araw. Bukod doon ay gusto din niyang hulihin ang magnanakaw ng pagkain. Hindi na siya nagpalit ng pantulog. Mabagal at mahinahon siyang pumunta sa kusina. Noong nasa may pintuan na siya kita niya na may lalakeng kumakain ng mga pandesal na kanilang imbak. Nilabas niya ang kutsilyong itinago niya sa pagtulog. Dahan-dahan niyang itinutok sa tagiliran ng lalake ang kutsilyo. "Sino kang magnanakaw ka?" pagbabanta ni Aurora. "Maawa ka sa akin. Gutom lang ako." pagmamakaawa ng magnanakaw. Napansin ni Aurora na guwapo ang magnanakaw na ito. "Bakit ka kumakain nang hindi mo pagkain." Tinigasan niya ang kaniyang boses pero mababakas na sa kaniyang mukha na hindi na siya gaanong galit. Naramdaman ito ng magananakaw. "Isa akong sundalong Pilipino. Makikita mo sa aking uniporme." Humarap ang magnanakaw ng mahinahon at isa ngang uniporme ng Pilipinong sundalo ang suot niya. "Paano kung ninakaw mo lang iyan sa isang patay na sundalo." "Hindi kasi kung ganoon dapat may dugo ang damit na ito." Umikot uli ng marahan ang magnanakaw. Ipinakita niya na walang dugo ang kaniyang damit. "Tama nga naman." Ito ang sinabi ni Aurora pero may pumukaw pa sa isip tungkol sa walang kabahid-bahind ng dugo sa damit nitong sundalo. "Papayagan kitang kumain dito pero huwag kang magpapakita sa aking senyorita." "Bakit?" "Bilin kasi ng may-ari ng bahay na huwag tutulungan ang mga takas na mga Pilipinong sundalo." "Ha? Hindi naman ako takas na sundalo." "Sigurado ka? Hindi ka nagsisinungaling." "Oo" Hindi pa rin naniwala si Aurora sa sinabing ng lalakeng ito pero wala na siyang ibang sinabi. Kinuha niya ang nakatagong kanin at ibinigay sa lalake. "Ano nga ang pangalan mo?" tanong ni Aurora sa lalake. "Ador" "Anong buong pangalan?" "Adoracion Reyes" "Taga dito ka?" "Hindi, taga-Paete ako. Sumama ako sa rebolusyon pero nawala ako kasi may pinag-utos sa akin na mensahe. Nawala yung mensahe. Hindi na ako makabalik." "Tumakas ka nga." "Hindi ah" "Bahala ka." "Kailangan ko din pala ng matutulugan. Ilang araw na kasi akong natutulog sa d**o at sa ilalim ng puno." "Ayaw mo iyon, maaliwalas." "Masakit sa likod." "Sige, meron naman kutson doon sa silong matagal nang hindi ginagamit iyon." "Itinuro ni Aurora ang papasok sa silong para makapahinga na si Ador." Umakyat na uli sa kusina si Aurora at nagpakulo na ng kape. Nagising na si Maria na sikat na ang araw. Napabalikwas siya sa higaan. Kinuha ang librong nahulog at ibinalik sa kaniyang taguan. Pumunta sa matandang orasan para tignan ang oras. Alas-siyete imedia na; bumagal ang kaniyang hininga dahil hindi pa tanghali. Pumunta siya sa kusina at doon tumambad sa kaniya si Aurora na nagluluto. Ang tasa ni Maria ay may laman ng kape. Nilapitan niya ito at inalam kung mainit pa. Mainit pa naman. Lumagok siya ng kaunti at lumapit kay Aurora. "Ano pong nangyari kagabi?" tanong ni Aurora. "Wala iyon. Wag mo nang pansinin. Baka kung ano lang iyon." pagsasawalang bahala ni Maria. Kumain na sila ng agahan at nagsimula nang maghanda para sa kanilang pagtatanim. Pagbaba sa hardin, kinuha ni Maria sa maliit na kubo ang mga buto ng okra. Pinagmasdan niya ang mga buto sa sikat ng araw; maayos pa naman ang mga buto. Tinitigan niya ang buong hardin. Iniisip kung saan kaya itatanim ang mga buto. Naisip din niya na kailangan araruhin ang lupa. Binalik niya ang mga buto at kinuha ang maliit na araro. Bukod sa pinagtamnan nila ng kamatis, kalabasa, pechay, at mustasa ay mayroon pang bakanteng lupa sa isang dulo sa katapat ng mga kamatis. Sinimulan na niyang araruhin ang lupa. "Senyorita, ako na po ang gagawa niyan." biglang pagpiprisinta ni Aurora. "Hindi, kaya ko ito. Ikaw na lang mag-ani ng mga mustasa. Yung iba pabulok na." Sinunod ni Aurora ang utos. Pumunta na lang siya sa mga mustasa at nagsimula na sa kaniyang gawain. Pinagpawisan naman si Maria sa kaniyang ginawa pero hindi niya ito ininda. Pinalaki siya ng kaniyang tatay na sanay sa trabaho kahit sila ay mga asyendero. Kinuha na niya ang mga buto at nagtanim ng dalawa o tatlong buto sa kada bungkal ng lupa. Nakagawa siya ng benteng bungkal. Kinuha niya ang pandilig at diniligan ang mga bagong tanim niya. Diniligan na rin niya ang mga kalabasa. Habang napansin niya na ang mga kamatis ay unti-unti nang nalalanta. Magtatanim na uli siya ng kamatis; iyon ang pumasok sa isipan niya. "Senyorita, patulong may isang mustasa na hindi ko makuha." paghingi ng tulong ni Aurora. Lumapit si Maria at nagpatuloy pa siya sa pagbungkal sa ilalim ng mustasa. May tinamaan siyang bato. Paanong nagkaroon dito ng bato, tanong ni Maria sa sarili. Siya mismo ang nag-araro sa lupang ito. Wala naman siyang naalalang bato dito at kung may bato ay tinanggal na niya ito bago magtanim. Kakaiba ang mustasang ito, parang kapit na kapit ang ugat sa may bato. Imposible nmn iyon kasi maliliit lang naman ang ugat ng mustasa. "Hayaan na muna natin iyan. Itong iba na lang anihin mo." Tinulungan na lang din ni Maria si Aurora sa pag-ani ng ibang mustasa. Nang matapos na ay inakyat nila ang lahat ng ani. Namalikmata siya at may nakita siyang parang lalake na nakasilip sa bintana ng silong ng bahay nila. Pagtingin niya uli wala na ito. Hindi niya iyon pinansin dahil lahat ng lalake sa asyenda ay sumama at dinala ng kaniyang Itay kasama sa rebolusyon. Bumalik si Maria sa hardin para bungkalin ang mustasa. Ang ginamit na niya ay iyong malaking pala. Mabilis niya inilubog sa lupa ang pala. Tumama kaagad ang pala sa bato. Itinaas niya ang pala at iniba ang posisyon. Nilayo niya ng bahagya para hindi tumama sa bato. Nilakasan niya ulit ang pwersa at inilubog uli ang pala. May kumalabog sa silong parang may nawarak na kahoy. Napatigil si Maria. Ano kaya ang ingay na iyon? Bumaba galing sa kusina si Aurora. "Ano kaya ang ingay na iyon?" tanong ni Maria kay Aurora. "Ako na lang ang titingin, Senyorita." Sabay pasok sa loob ng silong. Itinuloy ni Maria ang pagbungkal. Tinapakan pa niya ang pala para mas lalong lumubog. Pagkatapos ay pinwersa niya ang pala paitaas para mabungkal ang bato kasama ang mustasa. Ilang segundo din siyang naglalagay ng pwersa hanggang sa muntikan na siya tumilapon nang mabungkal na ang lupa. Tumalsik ang bato at mustasa. Habang sa silong naman ay pinagsasabihan ni Aurora si Ador na huwag na gumawa ng ingay. Baka pagsuspetsyahan pa na may tao sa silong. Mahuli pa sila parehas na magkakuntsaba. Hindi na ibinulong ni Aurora. Isinenyas na lang niya kasi kung ibubulong pa niya baka marinig pa ng kaniyang senyorita. "Aurora, tignan mo ito." pagtawag ni Maria kay Aurora Tinakpan ni Aurora ang bibig ni Ador. "Sige po senyorita. Papunta na." Binitawan ni Aurora ang bibig ni Ador. Pinilit na ipatikom ang kaniyang bibig. Lumabas na si Aurora sa silong at pumunta sa hardin. Hawak-hawak ni Maria ang bato. Hindi lang ito simpleng bato. Ito ay nagkukulay dilaw. Kinusot ni Aurora ang kaniyang mga mata, dahil hindi siya makapaniwala sa nakikita niya. Hindi lang basta kulay dilaw; ito ay kulay ginto. Nasa may likod na ni Maria, si Aurora. Hindi siya makapaniwala na may ginto sa bakuran nila. Si Maria ay hindi din makapagsalita. Ang hinahawakan niyang bato ay ginto. Kakagatin sana niya para alamin kung tunay na ginto pero may lupa-lupa pa ito. Mabilis na kinuha ni Aurora ang bato galing sa mga kamay ni Maria. Manghang-mangha si Aurora sa nahahawakan niya. Inakyat niya ang ginto sa kusina at naiwan si Maria sa hardin. Napatigil pagkatapos ay natawa na lang siya kay Aurora. Kilala na niya si Aurora, iyon na iyon ang ikikilos noon. Umakyat na rin siya kusina. Naabutan niya si Aurora na maiging pinagmamasdan ang ginto sa kaniyang kamay. Hindi man lang napansin ang kaniyang pagpasok sa kusina. Biglang kumalam ang tiyan ni Maria. "Tama na iyan. Magluto na tayo ng tanghalian baka mahuli tayo sa paghanda sa pagdating ng mga bisita." utos ni Maria. Hindi natinag si Aurora sa pagtitig sa ginto. Wala siyang narinig. Tila bagang nakatali ang kaniyang mga mata sa ginto at kung iaalis ang kaniyang titig, ito ay mawawala. Bahagyang inalog ni Maria ang balikat ni Aurora para matauhan. "Ano po iyon?" sagot na may kasamang gulat ni Aurora "Magluto na tayo. Nagugutom na rin ako." Tumalima si Aurora pero may lungkot sa kaniyang mga mata. Ayaw niyang bitawan ang ginto pero alam niyang mapapagalitan siya kung hindi siya sumunod. Habang papunta siya sa tokador para kuhanin ang bawang at sibuyas, hindi niya inaalis ang tingin sa ginto. "Aurora bilisan mo? Hindi naman mawawala iyang ginto diyan." galit na sabi ni Maria. Bumilis ang kilos ni Aurora pero paminsan-minsan ay sinusulyapan ang ginto para makita kung nasa ibabaw pa ba ng mesa iyon. Naaaliw na lang si Maria tuwing nakikita niyang sumusulyap si Aurora. Natapos naman sila sa pag-luto nang walang sugat si Aurora dahil sa kasusulyap. Kumain na rin at pagkatapos ay nagsimulang maghanda para sa mga bisita. Si Ador naman sa silong ay nakita ang hawak ni Aurora na ginto. Napukaw din ang kaniyang interes pero bukod doon ay may nabuong ideya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD