Ang pagiging huli sa oras ay isa sa mga kinaiinisan ni Donya Lusing. Parati namang ganoon siya dahil naniniwala siya na ang oras ay hindi dapat sinasayang. Maraming pera ang nawawala pag sinasayang ang oras. Napaigting ang ganoong paniniwala niya sa iba't-ibang karanasan sa buhay. Sa pag-aani ng bigas, sa pag-aaral sa eskuwela at sa paghahanap ng mapapangasawa. Ito sana ang gusto niyang maipamanang ugali kay Conching. Kaso lang ay lagi namang tanghaling gumising ang bata. Lagi niyang pinapagalitan na maraming nasasayang na oportunidad pero ganoon pa rin ang kilos araw-araw.
Parati niyang pinapaalalahanan ang bata. Hindi siya nagkukulang sa pag-papaalala pero rinding-rinde na siya sa kakasalita kaya may mga araw na hinahayaan niya. Titignan niya kung magagawa ba sa buong araw ang mga inuutos niya. Pag nagkulang ay pagagalitan niya. Matututo naman ng bahagya; kinabukasan ay gigising na rin ng maaga. Pagkatapos ng ilang araw babalik na naman sa dati ang paggising. Uulitin naman niya ang gagawin at ganoon uli naman ang mangyayari.
Ngayong araw alas-otso na ng tanghali. Hindi pa gumigising ang kaniyang apo. Tinimbang niya ang kaniyang gagawin. Gigisingin o hindi? Umabot ng tatlong minuto bago siya nagpasiya na gisingin na. Pumunta siya sa kuwarto ng bata, ipinasok ang susi at binuksan. Nagulat siya imbis na nakahiga at tulog ay nakaupo ito at may binabasa. Nagulat din si Conching at biglang itinago ang kaniyang binabasa. Agad na kinuha ni Donya Lusing, ang papel na binabasa ni Conching. Nagimbal si Donya Lusing dahil ang polyeto na kaniyang hawak ay ang lumang isyu ng Kalayaan kung nasaan nakalathala ang tula ni Andres Bonifacio.
"Bakit mo binabasa ito? Nagiging radikal ka na ba?" tanong ni Donya Lusing.
"Nagtataka po kasi ako."
"Anong pinagtatakhan mo? Hindi ka ba masaya sa buhay mo?"
"Masaya naman po pero kasi nagtataka ako. Sabi ng taong nakausap ko na Pilipino daw tayo."
"Hindi, ang mga Pilipino ay iyon mga Kastilang ipinanganak dito."
"Sabi po ni Gat Andres Bonifacio, tayong lahat na ipinanganak at lumaki dito sa Pilipinas ang mga Pilipino."
"Huwag ka magpapaniwala doon. Ang importante nabubuhay tayo at nakakain."
"Bakit po kayo nagbigay sa rebolusyon? Sa tatay ni Ate Maring."
"Dapat kakapit tayo doon sa may kapangyarihan at nakakataaas. Tignan mo. Nalupig nila ang mga Espanyol dito sa bayan. Kung pumanig tayo sa mga Espanyol eh di nakasama tayo sa pagpatay. Kung ganoon mawawalan tayo ng kita. Paano na ang negosyo natin? Paano na ang asyenda?"
"Ganoon po ba?"
"Tama na kung anong sinasabi. Tumayo ka na diyan at magwalis ka na ng bakuran." Tumayo na si Conching sa pagkakaupo at sinimulan na ang mga gawain sa bahay. Itinago muna ni Donya Lusing ang polyeto, baka magamit niya mamaya kaya hindi niya pinupunit.
Dumaan ang mga oras at marami namang nagawa si Conching. Inabot na siya ng tanghali sa gawaing bahay. Ang hindi pinagagawa sa kaniya ng kaniyang lola ay ang pagluluto dahil meron naman silang tagapagluto na swelduhan ng kaniyang lola. Napakasarap magluto ni Aling Lolita, ang kanilang tagaluto. Ang simpleng menudo ay nagagawa niyang mas malinamnam at malasa. Tutal kasi hinalughog pa ng kaniyang lola ang buong Pampanga para makahanap ng tagapagluto. Gustong-gusto kasi ng kaniyang lola ang gumawa ng sarsa ang mga Kapampangan.
Naupo na ang mag-lola sa komedor. Amoy na amoy sa buong kabahayanan ang kare-kareng luto. Nasa kusina pa ang kanin at ulam. Dumating si Aling Lolita at ang kaniyang katulong.
"Malagu, keni." utos niya sa babaeng Kapampangan na kasama niya na dala ang isang malukong na plato ng ulam. Itinuro ni Aling Lolita ang isang patungan sa gitna ng mag-lola. Inilapag na ng babae ang malukong na plato sa itinuro ng kaniyang nakakatanda. Naglaway na si Donya Lusing sa ubod ng dilaw na sarsa. Bumalik sa kusina si Aling Lolita para isalin ang sinaing sa isang bandehado. Pagkatapos ng ilang minuto, ay nakabalik na rin sa komedor ang dalawa.
Bago pa mailapag ng kaniyang kasama ang bandehadong kanin ay nabitawan niya ito at bumagsak sa sahig. Napasimangot si Donya Lusing dahil sabik na sabik na siyang kumain. Umiinit na ang kaniyang ulo, sisigaw na siya pero mabilis namang lumapit si Aling Lolita.
"Patawad po, Donya Lusing. Medyo madulas lang talaga ang kamay niya. Hindi naman masasayang ang kanin. Ibibigay na lang namin sa mga aso ng asyenda." pagpapatawad ni Aling Lolita. Bumababa naman ang galit ni Donya Lusing.
"O, sige. Basta hindi na mauulit." Ayaw niya ng nasasayang na kanin. Nanggaling pa naman iyon sa mismong asyenda. bahagyang pagalit na pagpapaalala niya.
Kumuha si Aling Lolita ng isang kahoy na plato at tumulong na siya sa paglilinis ng nahulog na kanin at nabasag na bandehado. Nilagay nila ang kanin sa plato at ang mga malalaking bubog ay isinantabi na lang muna. Natagalan din sila sa pagpulot dahil nag-iingat sila na mabubog. Naiinip na si Donya Lusing kita ito sa pagtapik ng daliri sa mesa. Bahagyang minadali ni Aling Lolita ang pagkilos. Sa pagmamadali nilang dalawa ay hindi naman sila nasugatan.
"Tutulungan ko na sila, Lola." akmang tatayo na si Conching pero pinigilan naman siya ni Donya Lusing. Masama ang tingin sa kaniya ng kaniyang lola.
Ang mga kanin na nahulog ay itinabi sa kusina. Ang mga malalaking bubog maingat na pinulot at ang maliliit na bubog ay winalis. Nang malinis na ang lahat, kumuha ulit ng bandehado si Aling Lolita at nagsalin ng bagong kanin. Nailapag naman ng maayos ang bandehado.
Sa wakas ay pinuno ni Donya Lusing ang kaniyang pinggan ng kanin. Hindi siya nahihiya o natatakot sa titig ng kaniyang apo. Tinitigan ni Conching ang kaniyang lola ng matagal; inaasahan niya na matinag man lang ang kaniyang lola.
"Maghinay-hinay ka, Lola. Mamaya baka mapatawag ako kay Doktor Reyes?" paalala ni Conching.
"Huwag mo akong alalahanin. Masamang-d**o ako. Hindi ako mamamatay kaagad." sabay subo ng kanin at malaking hiwa ng karne.
"Siguraduhin mo iyan, Lola. Hindi natin alam ang mangyayari sa hinaharap."
"Tumahimik ka nga. Bakit ang dami mong dakdak ngayon? Dati hindi ka ganiyan." Hindi na lang nagsalita si Conching at baka kung ano pang masabi ng Lola niya. Kumain sila ng walang imik. Inubos ng lola niya ang isa pang bandehadong kanin. Si Conching naman ay nakaisang kuha lang ng kanin at niligpit na ang kaniyang plato.
Nagbihis na si Conching habang hinihintay ang kaniyang lola. Naalala niya bigla ang polyeto at hinanap niya ito. Hindi niya makita. Nahalughog na niya ang buong kuwarto pero wala pa rin. Nagtataka siya at wala sa kuwarto. Biglang naalala niya na hindi ibinalik ng kaniyang lola sa kaniya ang polyeto.
"Conching, bilisan mo? Aalis na tayo papunta kanila Maring." sigaw ng kaniyang lola. Napatigil si Conching; lalabas sana siya para tanungin ang kaniyang lola tungkol sa polyeto pero pinili na lang niyang magbihis. Ayaw ng kaniyang lola ang pabagal-bagal. Isinuot niya ang isang magarbong baro na may kumikintab na saya. at lumabas ng kuwarto.
"Maganda iyang suot mo. Halika na kanina pa naghihintay ang kutsero." Bumaba na sila Donya Lusing at sumakay na sa kalesa. Habang nasa kalesa ang dalawa ay naalala ni Conching ang polyeto.
"Lola, iyong polyeto kanina, asan?" tanong ni Conching.
Itinuro ng kaniyang lola ang dibdib. Nangangahulugang nandoon ang polyeto.
"Bakit dala mo lola?"
"Huwag ka na magtanong." Hindi na ulit nagsalita si Conching. May katagalan ang kanilang biyahe papunta kanila Maring dahil ang kanilang bahay ay malayo. Ang kanilang bahay ay wala rin sa bayan at ito ay malapit na sa Kalayaan. Bago makarating sa bayan ay nagmuni-muni si Conching. Minsan ay nalilito siya sa kaniyang lola. Hindi niya maintindihan pa minsan ang motibo sa kaniyang mga ginagawa. Minsan pa nga ay sa tingin niya taliwas ang mga ginagawa ng kaniyang lola sa tunay nitong paniniwala. Hindi na lang niya inisip kasi hindi naman mag-eeksplika ang kaniyang lola.
Maya-maya ay nasa bayan na sila. Nakita niya na wala masyadong naglalakad o nasa labas ng kanilang mga bahay dahil tirik pa ang araw. Ang mga tao ay makikita na nasa bintana. Nakadungaw sila o nasa may tabi ng bintana. Noong malapit na sila sa plaza ay may tumawag kay Donya Lusing galing sa isa sa mga bintana. Hinanap niya iyon sa dami ng bintana na nakabukas. Luminga siya sa may kanan niya at nakita niya iyon pero huli na dahil malayo na ang kalesa.
"Lola, sinong tumawag sa iyo?" tanong ni Conching
"Si Maring, iyong isang kaibigan ko."
"Ano po?" nagulat si Conching sa sagot ni Donya Lusing. Ang alam niya papunta sila kanila Maring. Marami bang Maring sa bayan ng Lumban.
Napansin at napagtanto ni Donya Lusing ang kaniyang pagkakamali. Ang nasa isip niya kasi ay si Maring. Gusto niyang tulungan si Maring pero ang mga paniniwala nito ay humahadlang sa posibleng maging katauhan ni Maring.
"Si Aling Inday iyong tumawag sa akin. Hindi mo ba siya naalala?" tanong ni Donya Lusing. Nakalagpas na sila sa plaza.
"Ah, siya ba iyon? Hindi ko lang po siya nakita?" Ang dami niyo po kasing kaibigan sa parte na iyon ng bayan."
"Aba, nag-po ka ngayon ah." Minsan kasi hindi nag-popo si Conching. Hindi dahil bastos siya sa kaniyang lola pero dahil sa pagkamalapit ng kalooban sa kaniyang lola. Bukod doon ang kaniyang yumaong ama ay isang Bisaya na napadayo sa kanilang bayan noon. Hindi siya sinanay nito na mag-po at opo sa mga matatanda.
Hinintay ni Donya Lusing ang kaniyang sagot pero hindi na uli nagsalita si Conching. Ipinagpatuloy na ni Donya Lusing ang kaniyang pag-iisip. Nagpaplano siya para sa kinabukasan; hindi lang para sa sarili kundi para din sa kaniyang apo. Ang daming nang kaguluhan na nangyayari sa mundo kailangan niyang ilagay sa tamang manok ang kaniyang pera. Hindi niya pwedeng hayaan na magaya ang kaniyang apo sa nanay nito.
Malapit na sila sa dulo ng bayan. Pinatigil muna ni Donya Lusing ang kalesa sa tapat ng Farmacia San Jose. Kailangan niyang bumili ng gamot na inireseta ni Doktor Reyes para sa kaniyang puso. Naghintay na lang si Conching sa kalesa. Pumasok na sa loob ng farmacia si Donya Lusing.
"Magandang hapon po, Donya Lusing!" bati ni Senyor Joaquin.
"Magandang hapon din saiyo."
"Ano pong atin?"
Ipinakita niya ang reseta ni Doktor Reyes. Binasa ito ni Senyor Joaquin at pumunta na sa likod para kuhanin ang mga kakailanganin. Kinuha niya ang dalawang bote na may lamang puting pulbo. Ang isang bote naman ay may mga buo-buong bato na kulay dilaw. Kumuha siya ng isang dilaw na bato at nilagay sa almires na nasa mesa.
Sinimulang hampasin at durugin ang dilaw na bato. Tumagal ang pagdurog ng bato ng mga tatlong minuto. Kumuha siya ng isang kutsaritang pulbos galing sa almires at nilagay sa timbang.
"Papunta po kayo sa bahay ni Don Amador?" tanong ni Senyor Joaquin.
"Oo, malapit na nga kami mahuli eh." Binilisan ni Senyor Joaquin ang ginagawa. Nang makuha na niya ang tamang timbang para sa dilaw na pulbos ay nilagay sa isang lalagyanan na ito. Nilinis niya ang timbangan at tinimbang ang puting pulbos. Noong sumakto na ang timbang nilagay na rin niya ito sa lagayan. Inabot kay Donya Lusing ang mga pinamili at kinuha ang bayad. Mabilis ding ibinigay ang sukli. Meroon ding pinaabot si Senyor Joaquin kay Donya Lusing.
"Pabigay na lang po kay, Maring." sambit ni Senyor Joaquin. Napangiti na lang si Donya Lusing dahil katulad ng buong bayan alam niya na kursunada ni Joaquin si Maring.
Lumabas na si Donya Lusing at sumakay sa kalesa. Nakalabas na sila ng bayan at puro puno at palayan na ang nakikita nila sa magkabilang gilid.
"Bakit hindi po bigas ang tinatanim natin katulad ng mga Laraña?" tanong ni Conching.
"Iyon na kasi ang tinatanim doon sa lupang iyon simula pa ng ninuno ng iyon Lolo."
"Ganoon po ba?"
"Oo, hindi ko din alam kung bakit pinya. Siguro para makatulong sa pagbuburda dito sa bayan."
"Lola, paano mo nakilala si Lolo?"
Humalakhak ng malakas si Donya Lusing. Hindi niya inaasahan na may ganoong tanong ang kaniyang apo. Kailanman ay hindi ito nagtanong kung paano nagkakilala ang silang dalawa.
"Bakit mo naitanong iyan ngayon?" tanong ni Donya Lusing.
"Wala lang. Matagal ko nang gustong itanong pero noong isang araw kasi nagkwento si Aling Lolita tungkol sa kaniyang asawa. Naisip ko tuloy kung paano kayo nagkakilala ni Lolo."
May ngiti sa mga labi ni Donya Lusing ng unti-unting nagbago ang mukha ng matanda. Imbis na ngiti at kaligayahan ay napaltan na ito ng lungkot at galit. May isang bagay sa nakaraan na naalala niya na nakapagpapihit ng kaniyang damdamin. Nagulat din si Conching sa nakita. Bakit ganoon ang tanong niya sa sarili niya.
"Huwag mo na alalahanin ang mga ganoong bagay. Ang importante pinakasalan ako ng lolo mo at mayroon tayong bahay at lupa ngayon."
"Sige, Lola." Malapit na sila sa tarangkahan ng bahay nila Maring. Nakikita na nila ang bahay galing sa pagkakaupo nila.
"Lola, malapit na pala tayo." Itinuro ni Conching ang bahay ng mga Laraña. Napukaw din ang pag-iisip ni Donya Lusing. Hindi na niya naisip ang masamang alaala na naiisip niya. Napangiti na rin siya pagdating sa tapat ng tarangkahan. Pinapasok na ni Aurora ang kalesa sa bakuran ng bahay. Bumaba na sa kalesa si Conching.
"Aurora, buti nasalubong mo kami ngayon." bati ni Conching kay Aurora.
Nagulat si Aurora at hindi pa siya binati ng ganoon ni Conching noong simula na nagpupunta silang mag-lola sa bahay ng mga Laraña. Kahit nga kahapon ay hindi siya binati ni Conching, noong dumating sila sa bahay. Ano kayang meron sa dalaga ngayong araw? Isinara na niya ang tarangkahan para sa pag-iingat.
"Kahapon po kasi ay hindi ko kayo nagawang salubungin dahil may inaasikaso pa po ako sa loob. Napaaga din po kasi kayo kahapon."
"Oo nga eh. Atat na kasi itong si lola na makarating dito kahapon. Pinabuksan pa nga niya kay Mang Reynaldo ang tarangkahan ninyo." Pumanhik na ang dalawa sa sala. Si Donya Lusing ay inutusan muna si Mang Reynaldo, ang kutsero na manatili na lang muna dito sa bakuran ng mga Laraña dahil wala naman siyang ipagagawa dito sa bayan. Pumanhik na rin si Donya Lusing. Inaasahan niya na nandun na si Tere dahil nahuli na sila ni Conching sa pagdating ng mga sampung minuto.
"Asan si Tere? Hindi pa ba dumadating?" tanong ni Donya Lusing.
"Hindi pa dumadating eh." sagot ni Maring.
"Ganoon ba. Baka natagalan sa paglalakad?"
"Baka nga, Donya Lusing. Maupo ka muna at magpahinga ka. Siguradong mainit ngayon sa labas." pagpapaunlak ni Maring kay Donya Lusing. Matagal na silang magkakilala nito at hindi na alintana ang edad sa kanilang pakikipagkaibigan.
"Oo nga eh. Pahingi nga uli ng tubig na maiinom."
"Ay ito nakahanda na ang tubig sa lamesita sa sala, Donya Lusing" Itinuro ni Maring ang lamesita at mayroon na doon na dalawang baso. Naupo na si Donya Lusing sa sala at uminom na ng tubig. Si Conching naman ay kanina pa nakaupo doon at umiinom.
Kahit si Maring ay nagtataka sa disposisyon ni Conching ngayong araw. Hindi na nakayuko ang dalaga; ito ay taas-noong nakatitig sa mga tao sa paligid niya. Ano kayang nagbago at ibang-ibang tao ang humarap sa kanila ngayon? Umupo na rin si Maring sa sala.
"Kamusta ka, Conching?" tanong ni Maring kay Conching. Inuna na niyang kamustahin si Conching. Sabik siyang makilala ang bagong Conching.
"Maayos naman ako, Maring. Nakatulog ako ng maaga kagabi. Ikaw, kamusta?" Nakatingin si Donya Lusing kay Conching, nagtataka siya at ganoon sumagot ngayon si Conching.
"Naku, ang dami ko kasing iniisip kagabi. Hindi tuloy ako nakatulog kaagad." Napakamot na lang ng ulo si Maring. Tinatago niya ang kakaibang nangyari sa kaniya kagabi. "Aurora, ilabas mo na nga iyong mga pagbuburdahan."
Lumabas na si Aurora sa kusina at kinuha na sa kuwarto ang mga pinagbuburdahan. Ibinigay sa bawat babae ang bilog na kaniya-kaniyang pinagburdahan. Sinimulan na ni Maring tapusing ang kaniyang binuburdang isda sa isang pañuelo. Ang gusto kasi niyang imahe sa pañuelo ay isang lawa na may mga isda at iba pang lamang-dagat. Matagal na niyang naiisip ang ganitong disenyo na pañuelo niya kaso lang ay noong nasa Maynila pa siya ay hindi siya nagkaroon ng panahon dahil sa pag-aaral.
May tumawag sa may kalsada. Tinatawag si Maring. "Aurora, buksan mo nga ang tarangkahan at baka si Josefa na iyan o si Aling Tere."
Ibinaba ni Aurora ang kaniyang binuburda at lumabas ng bahay para buksan uli ang tarangkahan. Nandoon na sa tarangkahan ang kalesa ni Josefa. Pagkabukas ng tarangkahan ay pumasok ang kalesa. Tumabi ito sa kabilang gilid dahil hindi pwedeng magtabi ang dalawang kalesa. Ang dalawang kabayo ay nag-aaway pag magkatabi. Bumaba na si Josefa ng malinis ang kaniyang damit. Walang nangyari aberya sa kaniya ngayon.
"Nandyan na ba sila lahat?" tanong ni Josefa kay Aurora.
"Hindi pa po, senyorita." sagot ni Aurora.
"Mang Carding, bumalik na lang kayo muna sa bahay. Baka kailanganin kayo ni Itay na magdala ng mga kagamitan." utos ni Josefa sa kutsero. Lumabas na ang kalesa pabalik sa bayan at isinara na uli ni Aurora ang tarangkahan.
"Buti nakasara ang tarangkahan niyo ngayon. Kahapon kasi nakabukas." pagpapaalala ni Josefa
"Opo, marami po kasi kaming inasikaso ni Senyorita Maring kaya hindi na namin po kayo naharap ng maayos."
"Huwag mong idamay ang senyorita mo. Ikaw ang tagapaglingkod, trabaho mo iyon. Hindi sa kaniya ang kasalanan."
Pumanhik na rin si Josefa sa itaas. Naabutan niya ang mga babae ay seryosong nagbuburda ng kani-kanilang tela. Tinignan siya ng mga kasama niya.
"Umupo ka na dito Josefa." utos ni Maring. "Buti at walang nangyari sa iyo ngayon. Kamusta ka at kamusta ang tatay mo pagkatapos ng kahapon?"
"Nagalit si Itay kahapon pero wala na ding nagawa. Pilay na talaga ang kabayo. Binaril kagabi dahil hindi na mapapagaling pa."
"Kawawa naman ang kabayo." sabat ni Conching.
"Ano ka ba? Ganoon talaga ang ginagawa sa mga walang pag-asa na mga kabayo." pagalit na sabi ni Donya Lusing
"Makabago na ang siyensiya ngayon. Wala na bang magagawa?" tanong ni Conching.
"Wala na. Ayaw na rin ni Itay gumastos pa." sagot ni Josefa.
Hindi na nakasagot si Conching. Bumalik na lang siya sa kaniyang pagbuburda. Tinitigan ni Donya Lusing ang kaniyang apo. Sinusuri kung may bakas ba ng lungkot o iba pang emosyon pero seryoso na ito sa pagbuburda.
Hindi umimik si Aurora. Imbis na pumanhik ay pumunta muna sa silong si Aurora. Naabutan niya si Ador na sinusuri ang mga ari-arian sa silong. Mga lumang muebles at pati ang lumang arangya ay sinisilip niya.
"Ador, kamusta ka naman dito?" Nagulat si Ador dahil hindi niya inaasahan ang pagpasok ni Aurora. Tumigil siya sa pag-angat ng mga tela ng muebles.
"Maayos naman. Bakit ka pumunta dito baka hanapin ka sa taas?"
"Gusto lang kita kamustahin. At saka paalalahanan na huwag mag-ingay. Maraming tao sa taas ngayon; mga bisita ni senyorita."
"O sige. Mag-iingat ako. Ikaw din mag-ingat." Tinitigan ni Ador si Aurora ng malagkit. Naramdaman naman ni Aurora ang ganoong titig kaya naging maliliit ang kilos niya. Pumanhik na siya para balikan ang mga bisita.
"Saan ka nanggaling, Aurora? Parang natagalan ka?" tanong ni Maring sa kaniya nang makarating siya sa sala.
"Inasikaso lang po ako sa silong. May narinig po kasi akong bumagsak." sagot ni Aurora na gusto niya sanang bawiin.
"Kanina pang umaga may bumabagsak na doon sa silong baka may mabait na doon."
"Naku, delikado iyan. Baka dumami iyang mga mababait. Mabilis pa naman dumami iyan. Baka hindi lang sa silong baka umakyat na sa kusina iyan. Kailangan niyo nang maglagay ng lason at pain." sabat naman ni Donya Lusing.
"Anong magandang lason ba?" tanong ni Maring.
"Ay hindi ko alam ang tawag pero tanungin mo si Senyor Joaquin para diyan. May maibibigay siya para sa lason sa mga mababait." Pagkasabi nito ay naalala ni Donya Lusing ang pinaabot ni Joaquin. Kinuha niya ito sa isang bulsa sa kaniyang saya. Maliit na supot ito na kung ano ang laman.
"Nanggaling pala ako sa farmacia kanina at pinaabot sa akin si Senyor Joaquin sa iyo, Maring." Hindi nakapagsalita si Maring. Hindi niya inaasahan na makakatanggap siya ng kung ano ngayong araw. Nakangiti naman sila Conching, Aurora, at Josefa. Alam na nila ang kahulugan ng supot na iyon.
"Ano ito?" tanong ni Maring.
"Hindi ko alam. Si Joaquin lang ang nakakaalam." Inabot kay Maring ang supot. Inapa niya ang laman ng supot.
"Pagkain ba ito?"
"Tama na ang tanong buksan mo na lang para malaman mo."
"Buksan mo na, Maring. Para makita naming lahat." pag-anyaya ni Josefa na hindi na nagbuburda. Nakakatitig na lang sa supot. Nag-isip muna si Maring. Ayaw niyang buksan sa harap ng mga bisita ang supot dahil baka kung ano ang laman na iyon. Matagal nang binibigyan ng iba't-ibang tsokolate ni Joaquin si Maring. Kung makita ng mga bisita ay baka ipagkalat ito sa buong bayan.
"Mamaya ko na lang buksan. Magburda na lang muna tayo. Kamusta iyang binuburda mo, Aurora?" pagrarason ni Maring.
"Hirap po akong hubugin itong rosas na binuburda ko." Tinitigan ni Maring ang ginagawa ni Aurora at itinuro kung anong mga pwedeng gawin. Nakatingin naman si Donya Lusing kay Maring at umiling-iling na lang. Lumalapit na nga ang manok hindi pa nagpapatuka ang mais. Pagkatapos turuan ni Maring si Aurora ay dinala muna niya ang supot sa kaniyang kuwarto
Pagkabalik ay sinilip ang mga gawa nila Conching at Josefa. Itinuro niya ang mga pwede pang idagdag na disenyo kay Josefa dahil ang bata ay kulang pa sa imahinasyon. Si Conching ay hindi na kailangan turuan dahil napakaganda na ng disenyo nito. Hindi naman nakakagulat dahil ang kaniyang lola ay magaling din magburda.
"Anong disenyo iyan?" itinuro ni Maring ang ginagawa ni Conching.
"Sinusubukan kong magburda ng mga magsasaka na nagtatrabaho sa kanilang bukid. Nasa likod nila ang Sierra Madre." Naupo na uli si Maring.
"Parang hindi ganiyan ang ginagawa mo kahapon?" tanong ni Josefa.
"Oo, kahapon ang ginagawa ko lang iyong palayan. Nagbago ng kaunti ang aking disenyo dahil gusto kong ipakita ang kagandahan ng mga bukirin."
"Magandang ideya iyan. Kaso lang mahirap gawin. Sa tingin mo kaya mo?" tanong naman ni Maring.
"Pagsisikapan ko." sagot na may kumpiyansa sa sarili. Nakatingin lang ng pahapyaw si Donya Lusing kay Conching habang nangyayari ang usapan. Tumatakbo sa kaniyang isipan ang mga kinikilos ng kaniyang apo. Tinatantya niya ang rason kung bakit nagbago ito pero sa ngayon wala pa siyang maisip na rason.
"Naniniwala kasi ako na kung lahat tayo magsisikap katulad ng mga magsasaka. Ang pag-unlad nating lahat ay pag-unlad ng bansa." Napatingin ang lahat sa kaniya. Hindi nila inaasahan ang ganoong pananalita galing sa kaniya.
"Naniniwala din ako na ganoon kaya dapat pahalagahan ang mga mangagawa." Napangiti si Maring dahil sa hindi inaakalang ugali ni Conching.
"Hindi ko alam na nagbabasa ka rin pala?" dagdag na tanong ni Maring. Hindi na umimik sila Donya Lusing, Josefa at Aurora.
"Matagal na akong nagbabasa pero itinatago ko lang. May naiwan lang kasi si Papa na mga libro niya. Unti-unti kong binabasa ng mga nakaraang buwan."
"Nakita ko nga kaninang umaga na binabasa niya ito." sabat ni Donya Lusing sabay kuha sa polyeto na nasa kaniyang dibdib. Tinignan ng mga taong naroroon ang nilabas na polyeto. Noong nakita ni Josefa at Aurora kung ano ito ay bumalik na sila sa kanilang pagbuburda. Si Maring naman ay titig na titig sa polyetong ito.
Matagal na niyang sinusubukang maghanap ng isyu ng Kalayaan pero wala siyang makita. Ang kopya kasi ng kaniyang tatay ay naitapon na ng kaniyang Inay noong nabubuhay pa. Dati kasi tutol ang kaniyang Inay na sumama sa Katipunan ang kaniyang tatay pero hindi din naman napigilan ang kaniyang tatay.
Kinuha niya ang polyeto sa kamay ni Donya Lusing at sinimulang pasadahan ng basa ang mga nakasulat na mga artikulo doon. Para siyang nakalutang at hindi niya maintindihan ang kaniyang damdamin. Gusto niyang umangat sa kaniyang pagkakaupo at pumunta sa kuwarto para masarili ang polyeto pero hindi pwede. Binalik niya ang kaniyang ulirat sa realidad.
"Pwede bang mahiram, Conching? Donya Lusing?" pagpapaalam ni Maring. Napangiti si Donya Lusing sa loob at labas dahil sa nagamit niya ang polyetong iyon.
"Pwede sige kuhanin ko na lang bukas." sagot ni Conching. Itinabi na lang ni Maring sa lamesita at itinuloy ang pagbuburda.
"Ang tagal naman ni Aling Tere?" tanong ni Josefa na may unting pagloloko dahil hindi siya ang nahuli ngayon.
"Oo nga. Ano kayang nangyari doon? Kahit naman naglalakad iyon ay maaga iyon dumadating." pag-aalala ni Donya Lusing. Sa isipan niya ay baka kung naaksidente na iyon sa daan o nahuli ng mga tulisan. May mga tulisan pa naman papuntang Pagsanjan baka nakuha siya. Matagal na namang hindi umaatake ang mga tulisan pero hindi masisigurado kung kailan sila aatake ulit. Hindi maipinta ang mukha ni Donya Lusing sa pag-aalala.
"Huwag ka na mag-alala. Darating din iyon." sabi ni Maring.
"Napakabait pa naman ng babaeng iyon. Sana walang mangyaring masama sa kaniya." sagot ni Donya Lusing.
"Maring, Maring. Pabukas naman itong tarangkahan niyo." tawag ni Aling Tere na nasa labas.
"Ayan na si Aling Tere." sabi ni Aurora. Lumabas siya ng bahay para pagbuksan si Aling Tere. Mabilis niya ding isinara ang tarangkahan. Dumeretso si Aling Tere kahit hapung-hapo pa sa itaas para puntahan ang kaniyang mga amiga. Sumunod na rin si Aurora.
"Anong nangyari sa iyo?" tanong ni Donya Lusing. Nakatingin lahat ng tao kay Aling Tere. Hinihintay ang kaniyang sagot. Hindi naman nakasagot kaagad si Aling Tere dahil hapung-hapo pa siya. Pumunta sa kusina si Aurora para kumuha ng basong tubig. Ibinigay niya ang basong tubig kay Aling Tere. Noong bumagal na ng bahagya ang paghinga ni Aling Tere ay ininom na niya ang tubig. Naubos niya ang tubig. Pagkalapag ng baso sa lamesita ay umupo na rin siya sa sala.
"Patawad ah. Nahuli ako ngayon dahil marami kaming inimbentaryo ni Angkong."
"Walang problema iyon. Basta hindi ka naaksidente o napasama." sagot ni Maring.
"Nag-alala kami sa iyo. Akala namin napano ka na?" pagalit naman na pagsabi ni Donya Lusing.
"Patawad, kaya nagmadali na rin ako papunta dito dahil alam kong hinihintay niyo ako." sagot ni Aling Tere.
Nagpahinga ng kaunti si Aling Tere. Noong naging normal na ang kaniyang paghinga ay pinulot na rin niya ang dati niyang binuburda. Ang kaniyang binuburda ay gagawing alampay. Simple lang burda niya mga hala-halaman at kaunting bulaklak sa laylayan ng tela. Patapos na siya dito. Napansin niya sa lamesita ang kopya ng Kalayaan.
"Kanino iyan?" turo ni Aling Tere ang polyeto.
"Akin" sagot ni Conching.
"Sa iyo? Ang bata bata mo pa para maabutan ang Katipunan."
"Sa tatay ko. Nakita ko sa mga gamit niya."
"Ah...naalala ko ang tatay mo."
Nasamid bigla si Donya Lusing at natuloy ito sa ubo. Tinapik ni Maring si Aurora para kumuha ng tubig na maiinom. Ginawa naman iyon ni Aurora. Madali siyang bumalik para ayudahan si Donya Lusing. Ininom ni Donya Lusing ang tubig at gumaan na ang pakiramdam niya.
"Salamat, Aurora." pasalamat ni Donya Lusing.
Hindi na uli pinag-usapan ang tatay ni Conching dahil naintindihan na ng lahat ng tao naroroon kung ano ang ibig sabihin ni Donya Lusing. Nagpatuloy sila sa pagbuburda at pagkukwentuhan hanggang alas-singko ng hapon. Si Aling Tere ay tapos na sa kaniyang binuburda. Magsisimula na siya uli ng panibago bukas. Isinama na siya ni Donya Lusing at Conching pabalik sa bayan. Natagalan ang pagbalik ni Mang Carding sa bahay kaya nakipagkuwentuhan muna si Josefa sa kanila Maring. Pagkarating ng kalesa ay umuwi na siya.