Katotohanan o Katahimikan

4944 Words
Pagkauwi nila Donya Lusing at Conching ay nakahanda na ang pagkain sa mesa. Kabisado naman kasi nila Aling Lolita ang dating ng kaniyang mga amo. Ayaw na niyang magkamali ulit dahil mapupuruhan sila ni Donya Lusing. Hindi pa naman gaanong maganda ang pakikitungo ni Donya Lusing sa kanila. "Ang sarap ng amoy, Aling Lolita." pagkapasok sa komedor ni Conching. Ang nakahain na ulam ay kalderetang baka. Noong nakapasok na rin sa komedor si Donya Lusing ay natakam na siya. Naamoy na niya ang atsuete at naglalaway na siya. Diretso na siyang umupo sa kabisera at sumandok na ng kanin. Si Conching ay hindi pa nakaupo. Nagbihis muna siya ng mas simpleng kasuotan bago kumain. "Nagbihis ka pa?" Tanong sa kaniya ng lola niya pagkabalik sa komedor. "Oo, Lola para mas komportable kumain" Tumuloy na sa pagkain ang kaniyang lola. Sarap na sarap naman ito sa ulam at kanin. Kitang-kita ito sa mata at bibig niya sa bawat subo. Punong-puno na naman ng kanin ang kaniyang plato. Ganoon naman talaga siya parati kaya hindi na nanibago sila Aling Lolita at Conching. Si Conching naman ay dalawang sandok lang ng kanin at isang sandok ng ulam. Nakita ito ng kaniyang lola. "Ang unti mo na naman kumain. Kumuha ka pa." sabay na sumandok ng kanin at nilagay sa plato ni Conching. Nagulat si Conching at biglang hinainan siya ng kanin. Hindi na siya nagsalita. Hindi rin naman niya pwedeng maibalik ang kanin at baka pagalitan siya. Nagsimula na lang siyang sumubo. Tumakbo sa kaniyang isipan ang mga nangyari ngayong araw at kahit kagabi. Iniisip niya kung ano ang naging epekto sa kaniya. Talaga bang may nagbago sa kaniyang pagkatao? Tanong niya sa kaniyang sarili. Kagabi at kaninang hapon parang mayroon ngang pagbabago pero noong pahapon na ay parang unti-unti nang nawawala. Parang nahuhugas na ang tapang niya. "Nakayuko ka na naman. Anong iniisip mo?" tanong ng kaniyang lola. "Wala po lola." sagot niya ng mahina. "Anong sabi mo?" "Wala po lola!" pasigaw na ulit ni Conching. Nakitaan ng apoy sa mga mata niya "Naninigaw ka na ngayon?" Parang bumalik sa pagiging kime, si Conching. Hindi naman niya gustong bastusin ang kaniyang lola pero minsan kasi sumosobra na ito. Ang lola pa rin naman niya ang nagpalaki at nagpa-aral sa kaniya lalo na noong namatay ang kaniyang mga magulang. Malaki ang pasasalamat niya sa kaniyang lola. Alam din naman niya na ang kapakanan lang niya ang iniisip nito. Gusto lang niya magkaroon ng sariling desisyon sa kaniyang buhay. Hindi niya alam kung paano iyon mapangyayari. "Huwag mo akong pagsasalitaan ng ganoon ulit." pagbabanta ng kaniyang Lola. "Opo, Lola." nakayukong sagot ni Conching. Hindi na ulit nagsalita si Conching at binilisan na lang niya ang pagkain. Hindi naman na rin nagsalita si Donya Lusing. Nakatuon na lang ang isipan niya sa pagkain at lasapin ang lasa ng ulam. Natapos na rin si Conching sa pagkain. Dinala na niya ang kaniyang pinagkainan sa kusina pero bago siya makarating ay sinitsitan siya ng kaniyang lola. Naintindihan naman ito ni Aling Lolita. Agad niyang kinuha ang pinagkainan ni Conching at dinala sa kusina. Si Conching ay nagulat. "Aling Lolita, ako na. Si Lola na lang ang pagsilbihan mo." Sinitsitan siya uli ng kaniyang lola habang may natitira pa itong butil ng kanin sa labi. Sa pagsitsit nito ay may lumabas pang mga tatlong butil ng kanin na may sarsa. Hindi na nahabol ni Conching si Aling Lolita at dahil doon ay dumeretso na siya sa kaniyang kuwarto at naupo sa higaan. Nagpupuyos ang kaniyang damdamin. Hindi niya maintindihan kung bakit ang bait-bait ng lola niya sa mga magsasaka ng asyenda habang kay Aling Lolita ay napakahigpit nito. Araw-araw ay sinasarapan naman ni Aling Lolita ang kaniyang luto. Kahit nga pinagbabawalan siya ng doktor na magluto na ng mga karneng ulam ay nagluluto pa rin siya. Sa lahat ng oras sinusunod naman ni Aling Lolita si Donya Lusing. Ano ang meron kay Aling Lolita? Noong gumaan-gaan na ang kaniyang pakiramdam ay kinandado niya ang kaniyang pintuan at isinukbit ang bakal ng pintuan. Bumalik sa higaan at yumuko para tignan ang nasa ilalim ng katre. Nandoon ang mga pinagbawal na libro ng kaniyang tatay. Kinuha niya ang Noli Me Tangere at binuksan sa kung nasaan ang pananda niya. Ang eksena sa azotea ang kaniyang binabasa. may kilig siyang nadarama. Biglang may kumatok sa kaniyang pintuan. Hindi niya iyon pinansin dahil alam na niya kung sino iyon. Kumatok uli ng tatlong beses at pagkatapos noon ay ang mahinang boses ni Aling Lolita ang narinig. "Senyorita, tawag po kayo ni Senyora." Tumayo na si Conching at binuksan ang pinto. "Sabihin mo kay lola papunta na ako." sabi ni Conching kay Aling Lolita. "Hindi pu pwede. Sabi niya ngayon na daw pu." sagot ni Aling Lolita. "O sige. Hintayin mo ako. May kukunin lang ako." Kinuha ni Conching ang libro at dinala. Lumabas sila ng kuwarto at pumunta sa sala. "Samahan mo ako Conching dito habang nag-gagantsilyo ako." paanyaya ng kaniyang lola. "O sige, Lola." Umupo siya sa tapat ng kaniyang lola at binuksan ang binabasang libro. Nakita ng kaniyang lola ang binabasa niya. Hindi na nagulat ang kaniyang lola. Hinayaan na ng kaniyang Lola. "Ang lamig ng simoy ng hangin. Hindi pa talaga tag-init ngayon." pagpapanimula ng kaniyang Lola, Hindi nakasagot kaagad si Conching. Patapos na ang eksena sa azoteam, sabik na sabik na siya sa kung ano ang mangyayari. Agad din naman niyang napagtanto na kinakausap siya ng lola niya. "Opo, Lola. Buti nga po ay malamig pa ang simoy ng hangin pag gabi." Nakaungong pa rin ang ulo niya sa libro. Hindi inangat man lang para kausapin ang lola. Napansin ito ng kaniyang lola pero imbis na magalit ay itinuloy na lang din niya ang usapan. "Malapit na uli tayong magtanim ng pinya. Kailangan na nating maghanda sa pagpaplano. Tutulong ka ba?" Ganoon uli ang nangyari hindi kaagad sumagot. Mas natagalan ang sagot niya dahil nasa huling pahina na siya ng kabanata. Naramdaman niyang hinihintay ng lola niya ang sagot. "Saglit lang Lola. Tinatapos ko lang itong kabanatang ito." pagpapaalam niya sa kaniyang lola. Ang lola naman ay hindi nakasagot kaagad. Napipi siya sa galit dahil unti-unting nagkakasungay ang batang ito. Nararamdaman na ni Conching ang tumataas na dugo ng kaniyang lola kaya binilisan niya ang basa. Noong natapos na niya ng nilagay niya ang pananda at ibinaba sa mesa ang libro. "Lola, siyempre tutulong ako sa pagplano." Humupa ang galit noong sumagot na si Conching. Kaso lang ay pagagalitan niya ito; sabi niya sa sarili niya. Hindi niya iyon nagawa dahil nagsalita na ng iba si Conching. "Nagsabi sa akin kahapon si Mang Carding kung pwede daw tumulong ang kaniyang anak sa pagtatanim ngayong Marso? Sabi ko itatanong ko muna sainyo Lola." "Buti naman tinanong mo ako. Ilang taon na ba iyon?" "Katorse daw." "Pwede na iyon. Para makatulong na rin sa kaniyang pamilya." "Sasabihin ko bukas kay Mang Carding." Bumalik sa pag-gagantsilyo si Donya Lusing. Si Conching naman ang hindi mapakali. Dahil natapos na niya ang kabanata ay gusto niyang iba naman ang gawin. Naisip niyang usigin ang kaniyang lola tungkol kay Aling Lolita pero nagduda siya kung ngayon ba ang tamang oras para tanungin ito. Ang pagtitimpi sa kaniya ng kaniyang lola ay masasagad? "Lola, kamusta si Aling Lolita?" panimula ni Conching sa usapan. "Bakit naman naitanong mo iyan?" "Lola, napapansin ko kasi na malungkot siya noong mga nakaraang araw." "Parang hindi naman." "Napansin ko talaga, Lola." "Nagpapaawa lang iyon sa iyo." Nagulat si Conching sa nasabi ng kaniyang lola. May hinanakit ba ang kaniyang lola kay Aling Lolita? "Bakit ganoon ang tingin mo sa kaniya?" "Huwag mo nang tanungin." "Bakit nga Lola?" "Tama na nga iyang pagtatanong mo?" "Bakit nga?" "Kasi bastos siya." pagalit na sinabi ni Donya Lusing sa kaniyang apo. Napatingin si Conching sa direksyon ng kusina. Wala nang ilaw doon baka nagpapahinga na sila Aling Lolita. "Bastos? Paano?" tanong ni Conching. "Noong bago pa lang iyan. Nasa komedor ako naghihintay ng pagkain. Naririnig ko silang nag-Kakapampangan sa kusina. Hindi ko pinansin noong una pero maya-maya ay narinig ko na ang aking pangalan. Lumapit ako sa may kusina. Hindi ko naiintindihan pero malakas ang kutob ko na pinag-uusapan nila ako. Sampung beses kong narinig ang pangalan ko." "Lola hayaan mo na. Ganoon talaga ang mga Kapampangan. Pag masyado mong inaabuso, mas lalo mo silang binibigyan ng rason para hindi respetuhin." "Unang-una huwag nilang gawin iyon sa akin." Nagdadakdak na ang kaniyang lola. Hindi na niya pinakinggan at hinayaan na lang na magsalita ito. Iyon kasi ang pinaka-ayaw ng kaniyang lola. Ang pag-usapan siya na nakatalikod siya. Buong buhay niya iyon ang ginagawa sa kaniya ng mga kasing-idaran, kasama sa asyenda at kabaryo. Kumukulo ang kaniyang dugo pag ganoon. Lalo na noong pinakasalan niya ang lolo ni Conching. Napuno ng masasamang balita ang buong bayan ng Lumban dahil sa kaniya. Kinuha niya uli ang libro at nagsimulang magbasa ng panibagong kabanata. Ang lola naman niya ay hindi iyon pinansin dahil nakatuon ang pag-iisip sa kaniyang nadarama. Ilang minuto din ang nagdaan at natapos na ni Conching ang kabanata. Natapos na rin ang mga pagalit niyang salita sa mga kapitbahay na bumastos sa kaniya noong bagong kasal siya. "Lola, matutulog na ako. Iwan na kita." paalam ni Conching. Tumayo na din ang kaniyang lola. Dinala ang candelabra at sabay na silang pumunta sa kanilang mga silid. Nauna na makarating si Donya Lusing sa kaniyang silid dahil ito ang pinakamalapit sa sala at si Conching ay sa may gawing dulo pa ng pasilyo. Pagpasok ni Conching sa kaniyang silid ay maliwanag ito dahil sa liwanang ng buwan. Ang posisyon kasi ng kaniyang silid ay nasa may gawing silangan ng bahay. Hindi pa ito nahaharangan ng puno. Pinutol ang mga puno sa harap ng kaniyang silid dahil baka daw may umakyat na manliligaw sa silid niya. Wala namang aakyat dahil wala naman siyang manliligaw. Bago may makalapit sa kaniyang lalake ay kay Donya Lusing muna ito dadaan. Wala pang nakakalagpas kay Donya Lusing. Lumapit siya sa sarili niyang lampara at sinindihan na ito. Nadagdagan ang liwanag sa kuwarto. Sa isang sulok sa kabila ng pintuan ay isang anino. Lumapit siya ng bahagya para mas lalong maging malinaw. Tinignan niya ng maigi. Sinimulan niya sa may paanan. Nakasuot ito ng sapatos na balat. Unti-unting ginapang niya ang paningin pataas. Nakita niya ang itim na pantalo nito. Sa may pundiyo ay nakita niya ang laylayan ng isang barong. Pamilyar sa kaniya ang barong; parang nakita na niya dati iyon. Pagdating sa dibdib ay may mga tilamsik ng dugo at ang panghuli ay ang ulo. Ang ulo ay hindi mamukhaan dahil sa punong-puno ito ng dugo hanggang sa buhok nito na kulay pula na. Nabato si Conching; gusto sana niyang sumigaw pero walang lumabas na tunog. Nakatitig lang siya sa kaluluwa sa harap niya. Bumubuka ang bibig nito pero hindi niya maintindihan. Ngamol ang tunog na nanggagaling sa kaluluwa dahil punong-puno na ng dugo ang kaniyang bibig. Tumigil sa pagbuka ng bibig ang kaluluwa. Humakbang siya papalapit kay Conching na nakaupo na sa higaan. Akala ni Conching ay papalapit sa kaniya pero dumiretso pala ito sa pintuan. May hinawakan itong libro sa lamesa ni Conching at nahulog. Pagkatapos ay tumagos na sa pintuan ang kaluluwa. Namatay ang ilaw sa lampara at tanging buwan na lang ang nagbibigay liwanag sa kaniyang kuwarto. Kahit madilim ay nakahinga na ng maluwag si Conching. Sinindihan niya uli ang lampara at nagpasiya na lang na magbihis at matulog. Papunta na siya sa kaniyang aparador at biglang may naapakan siya sahig. Ang librong nahulog ay nakabalandra sa sahig. May nakasulat sa gilid. Nagtaka siya dahil hindi mahilig magsulat ang kaniyang tatay sa gilid dahil gusto nito na malinis ang kaniyang mga libro. Noong isang beses nga ay napagalitan siya ng kaniyang tatay noong ginuhitan niya ng lapis ang libro nito. Galit na galit sa kaniya ang tatay noong araw na iyon. Pinulot niya ang libro at inilapit sa mata ang nakasulat. Vox populi, vox dei ang nakasulat sa gilid ng pahina. Anong ibig sabihin nito? Bakit biglang bumagsak ang libro sa pahinang ito. Hindi niya maintindihan. Nagpasiya na lang siya na magbihis tutal ay inaantok na siya. Kadalasan ang mga taong nakakita ng mga multo o kaluluwa ay hindi mahihimbing. Hindi siya natatakot doon. Mas takot siya sa buhay kaysa sa patay. Iyon ang turo sa kaniya ng lola niya. Ipinagdasal na lang niya ang kaluluwa para matahimik na ito. Nahiga na siya at pinatay na ang lampara tapos nawala ang kaniyang antok. Hindi niya alam kung bakit naman nawala ang kaniyang antok. Bumabalik ang alaala na nangyari sa kaniya kagabi. Ganitong oras din iyon. Maaga silang mag-lola pumunta sa kuwarto dahil maagang inantok ang kaniyang lola. Siya naman ay nagbasa sa kaniyang kuwarto. Nasa isang magandang eskena na siya noong may naririnig siyang umiiyak. Hindi niya pinansin iyon. Ayaw na niyang pansinin iyon dahil baka matakot lang siya. Lumakas ang pag-iyak. Hindi na siya makabasa ng maayos. May kung anong gumalaw sa kaniyang bintana. Tumingin siya doon. May nakita siyang babaeng umiiyak na nakaupo doon. Hindi niya mamukhaan dahil hindi naman nasisinagan ng buwan ang kaniyang mukha. Kahit ang ilaw ng lampara ay hindi tumatama sa mukha nito. Nawala ang babae sa bintana. Tumayo siya at naglibot sa buong kuwarto para hanapin ang kaluluwa. Hindi niya ito makita sa buong kuwarto. Humiga na lang siya uli at nagbasa ng libro. Pagkatapos ng ilang segundo ay may huminga ng malamig sa kaniyang kaliwang tenga. Hindi niya piniling tumingin at baka kung ano ang makita niya. May ibinulong ito sa kaniya. "Huwag mong kakalimutan ang turo ng tatay mo sa iyo. Mahal ka namin." sabay na nawala na parang bula ang kaluluwa sa tabi niya. "Inay!" biglang sambit niya dahil natanto niyang ang kaluluwa ay maaring ina niya. Tinakpan niya ang kaniyang bibig dahil sa kaniyang pagbulalas ay baka magising ang kaniyang lola. Dahil sa sinabi sa kaniya, pumunta siya sa kuwarto ng kaniyang mga magulang na ngayon ay tambakan na. Hinanap niya doon ang mga libro ng kaniyang tatay. Noong nakita niya ay nagdala siya ng iilan sa kaniyang kuwarto at sinimulan buklatin ang iba. Sa katagalan ay nakita niya ang polyeto ng kaniyang ama. Binasa niya ito at naalala uli ang mga simpleng bagay na itinuro sa kaniya ng kaniyang tatay. Sa kakabasa niya ay hindi na niya namalayan na napikit na siya at nakatulog. Nagising siya ng maaga at pinagpatuloy ang pagbabasa hanggang maabutan siya ng kaniyang lola na ganoon. Si Aurora ay nagising uli ng maagang-maaga at deretso siya kaagad sa silong para gisingin at pakainin si Ador. Dadala niya ang lampara papunta doon. Gising naman na si Ador noong naabutan niya ito. Tila ba may iniisip ito. Tila ba nagkakarkula ng mga bagay-bagay sa isipan. Nakita naman siya kaagad ni Ador. "Magandang umaga, Aurora." bati sa kaniya ni Ador. "Magandang umaga" Tuwang-tuwa siya na makita ang ngiti ni Ador dahil mas lalo itong gumaguwapo pag ganoon. Parang may kung anong sumundot sa kaniyang tagiliran at para siyang nakikiliti sa tuwa. Nakita naman ito ni Ador at sa loob-loob niya ay matagumpay siya. "Halika, tabi ka dito sa akin." Ipinatong ni Ador ang kaniyang kamay sa bakanteng pwesto ng banig sa tabi niya. Hindi alam ni Aurora ang kaniyang gagawin. Kinabahan siya at natuwa rin pero hindi niya alam kung tama bang tumabi siya kay Ador. "Sige na, Aurora. Tabi ka na sa akin. Maaga pa naman. Hindi pa gising ang senyorita mo." Sa pag-ulit ni Ador ay umupo na rin si Aurora. Tinitigan siya ni Ador. Ang malalagkit na mga mata ni Ador. Nakipagtitgan din si Aurora pero hindi niya ito kinaya at agad nahiya. Masyado na siyang kinikilig. Kung may taong makakakita sa kaniya ay baka sinita na siya. Unti-unting nahuhulog sa patibong na hinanda ni Ador. Si Ador naman ay patuloy na ginagatasan ang sitwasyon. Pinipindot niya lahat ng pwedeng pindutin para makuha niya ang gusto niya. Inakbayan niya si Aurora. "Pag gumaling na ako, kailangan ko nang bumalik sa amin." Ang sabi ni Ador at sabay namang napaupo ng diretso si Aurora. Napangiti si Aurora doon dahil kita naman niya ang katotohanan pero hinayaan niya na magsinungaling si Ador. Unti-unti ding nawala ang ngiti sa kaniyang labi. Napagtanto niya ang kaniyang kinikilos baka pagalitan siya ng kaniyang Itay kung makita siya nito. "Oh, anong problema? May nagawa ba akong mali?" tanong ni Ador. "Wala, may naalala lang ako." Tatayo na sana si Conching pero hinila siya uli pababa ni Ador. "Huwag ka muna umalis. Maaga pa." sabay na hinawakan ang kaniyang balakang. May kung anong kuryente ang dumaloy sa balakang ni Aurora hanggang sa buong katawan. Ngayon lang niya naramdaman iyon. Ano kaya iyong pakiramdam na iyon? Inulit pa ni Ador ang kaniyang paghawak at napagtanto niya na nagugustuhan ni Aurora. "Kamusta naman ang unang araw at gabi mo dito sa silong?" tanong ni Aurora. "Maayos naman. Medyo malamig pero salamat dito sa kumot na binigay mo." "Mabuti naman. Anong ginagawa mo dito na pampalipas oras?" "Nililibot ko itong silong. Tinitignan ko ang mga kagamitan dito. Noong hapon kahapon ay pumunta muna ako sa gubat habang nagbuburda kayo sa taas." "Hindi ka ba nababagot? May....." "May gusto sana akong itanong?" pagputol ni Ador sa sinasabi ni Aurora. "Ano iyon?" "Gusto ko sanang itanong kung ano iyong hawak mo kahapon ng umaga? Iyong nahukay niyo sa hardin kahapon." Nagtaka si Aurora sa tanong ni Ador. "Bakit interesado ka doon?" "Nagtataka kasi ako sa mga reaksyon ng mga mukha niyo." "Bakit anong itsura ng mga mukha namin?" Lumayo ng bahagya si Aurora kay Ador. Hinawakan ang kamay nito at pinatigil muna ang paghimas sa kaniyang balakang. "Ikaw kasi manghang-mangha ka doon sa hawak mo. Tapos ang senyorita mo naman ay hindi nakapagsalita. Ano ba iyong nabungkal niyo?" "Simpleng bato lang iyon. Kakaiba lang ang hugis kaya manghang-mangha kami." "Parang hindi naman simpleng bato lang iyon. Iba iyong kinang eh." Nilaro-laro naman ni Ador gamit ang kaniyang kanang hintuturo ang tagiliran ni Aurora. May kakaibang kiliti uli na naramdaman si Aurora. Nagulo na naman ang kaniyang isip. Hindi kaagad nakasagot. "Wala iyon sa iyo." parang bata na sagot ni Aurora dahil naguguluhan na siya sa kaniyang nararamdaman. Napangiti naman si Ador. "Baka makatulong ako. Marami kasi akong kakilala na pwedeng pagbentahan iyon. Baka makatulong sa mga gastusin dito sa bahay habang nagpapagaling ako. Gusto ko rin makatulong eh." "Baka magalit ang senyorita sa akin." nasagot ni Aurora pero may pagtataka na din ito dahil mukha namang alam na ni Ador na ginto ang batong nabungkal. "Hindi iyon. Pag nakatulong tayo sa kaniya ay hindi na iyon magagalit." pagpipilit ni Ador. Pag lingon niya sa pintuan sa may likod may parang nakatitig sa kaniya. Maliit na maliit ang anyo na nakita niya. Nasabi niya iyon dahil isang dangkal lang ang taas nito. Tumigil siya sa paghimas sa tagiliran ni Aurora. "Ano iyon?" turo ni Ador sa may pintuan. Parang nagising sa isang sumpa si Aurora at tumayo na. Hindi niya sinagot ang tanong ni Ador. Baka kung ano lang ang nakita nito. Hindi kasi siya naniniwala sa mga engkanto, dwende, tikbalang at aswang. Makaluma na iyong mga ganoong pag-iisip. Dumating na ang mga Espanyol, si Panginoong Hesukristo na lang ang pinaniniwalaan niya. "Saan ka pupunta? Masyado kang nagmamadali. Umupo ka lang." anyaya uli ni Ador pero sumikat na ang araw at kulay asul na ang langit at ang paligid. "Kailangan ko nang magsimula sa mga gawain ko. Baka pagalitan ako ni senyorita." "Sige na nga. Basta babalik ka dito sa baba." "Sige" sinabi niya ito na may ngiti sa kaniyang mga labi. Lumabas na sa silong si Aurora at umakyat uli sa taas. May naririnig na siyang kumikilos sa kusina. Naisip niya na gising na siguro ang kaniyang senyorita. Dumeretso na siya doon at iyon nga nagluluto na ang kaniyang senyorita. Nagsaing na rin ito. "Ang aga mong nagising?" tanong ni Aurora kay Maria. "Oo, binangungot na naman ako eh. Hindi uli ako nakatulog ng maayos. Ikaw saan ka nanggaling? Narinig ko nanggaling ka sa labas." "Oo, nagpa-araw at nagpahangin lang." "Hindi pa masyadong tirik ang araw. Paano ka magpapa-araw?" "Basta nagpa-araw ako." Tumawa na lang si Maria sa isinagot ni Aurora. Ganoon talaga sumagot iyon. Kilala niya ito dahil simula noong bata sila ay kasa-kasama na niya si Aurora sa pang araw-araw. Ang pamilya kasi ni Aurora ay matagal nang magsasaka sa asyenda nila Maria. Malapit ang kalooban nilang dalawa kaya siya ang kinuha ng tatay ni Maria para samahan ito habang lumalaban sa rebolusyon. "Ano nga pala ang ibinigay sa iyo ni Senyor Joaquin?" pagpapalit ng usapan ni Aurora. "Naku, hindi ko pa iyon binubuksan." "Bakit? Siguro, baka alahas iyon o baka tsokolate." "Bakit naman ako bibigyan ng tsokolate ni Joaquin?" "Kasi nililigawan niya ikaw?" "Loka-loka ka. Hindi ko kailangan ng manliligaw." "Manhid ka ba o ayaw mo sa kaniya?" "Ayaw ko sa manliligaw." Inangat niya ang takip ng kawali. Nagpiprito siya ng daing na inangkat pa galing sa Lucena. "Luto na ito." sabi ni Maria kay Aurora. Kumuha si Aurora ng pinggan at ibinigay ito kay Maria. Sinandok ni Maria ang daing at nilagay sa pinggan. Si Aurora naman ay sinilip ang kanin na sinasaing. Hindi pa ito luto kailangan pa ng inin. "Bakit ayaw mo sa manliligaw?" pagtutuloy ni Aurora. "Wala pa sa isipan ko ang mga bagay na iyan." "Ha? Hindi kita maintindihan. Mas matanda ka sa akin pero wala pa sa isipan mo?" "Siyempre alam ko ang kahalagahan ng pag-iisang dibdib ng isang babae at lalake. Ang ibig ko sabihin ayoko pa magpakasal." "Paano ka ikakasal eh hind ka tumatanggap ng ligaw." Napakunot ang noo ni Maria hindi niya maintindihan bakit iyon ang sinagot sa kaniya ni Aurora. "Anong pinagsasabi mo? Hindi ko naman sinabi na gusto kong magpakasal." "Bakit ayaw mo magpakasal?" "May ibang bagay pa akong gustong gawin." "Anong gusto mong gawin?" "Eh di gusto ko pang mag-aral. Gusto ko pang matuto ng iba pang mga bagay. Gusto kong makatulong sa mga mahihirap. Gusto kong makatulong sa bayan." "Paano mo gagawin iyon? Kailangan mo ng pera para gawin iyon. Hindi naman pwede na umasa ka sa tatay mo habambuhay." Hindi nakapag-aral si Aurora sa eskuwelahan. Tanging pagbabasa at pagsusulat lang ang alam niya na turo ng kura paroko ng kanilang bayan. Ang tanging natutunan lang niya ay mga dasal pero alam niya simula pagkabata na importante ang pera. Maraming nagagawa ang pera. Inangat uli ni Aurora ang takip ng kaldero para alamin kung luto na ang kanin. Luto na ito at hinango na niya sa kalan. Nagsindi si Maria ng maraming kalan ngayon hindi katulad ng nakagawian. Napansin ito ni Maria pero hindi na niya binanggit. Kadalasan kasi ay nagtitipid sa gatong ang kaniyang senyorita kaya isa lang na kalan ang sinisindihan. Kumuha si Maria ng patungan ng mainit at nilagay sa may tabi ng kalan. Ibinaba na ni Aurora ang kaldero doon sa patungan. Si Maria naman ay tinignan ang huling daing. Luto na rin ito ay sinandok na rin niya para hanguin. Nilagay na niya ito sa pinggan kung nasaan ang isa pang daing. Dalawang daing na bangus lang ang niluto ni Maria para hindi masayang ang sobra. Inihain na sa maliit na lamesita sa kusina ang kanin at daing. Dumulog na sila sa hapagkainan. "Paano mo gagawin iyon ng wala masyadong pera." pag-uulit ni Aurora. "Iniisip ko nga din iyon. Nakakahiya kay Itay baka magalit na sa akin." Sumubo na si Maria pagkatapos sabihin ito. Inilgay niya sa kutsara ang kapirasong daing tapos ay pinuno ng kanin ang kutsara. Sumubo na rin ng ulam si Aurora tapos ay pinuno niya ng kanin ang kutsara. Isinunod niya ang kanin sa kaniyang bunganga. "Kaya magpakasal ka na. Masaya kaya ang may katambal sa buhay." Sinabi ito ni Aurora noong kakaunti na lang ang pagkain sa kaniyang bibig. Aayaw kasi ng kaniyang senyorita ang nagsasalita habang kumakain. "Paano mo nalamang masaya? Hindi ka pa naman nagpapakasal." Sumubo uli ng magkasunod na ulam at kanin si Aurora. Noong maubos na ay may lumabas na kanin sa labi nito. Nakita ito ni Maria. Itinuro niya ang labi ni Aurora. Hindi kaagad naintindihan ni Aurora ang tinuturingan ng kaniyang senyorita. Pinahid na lang ni Maria ang kanin sa labi ni Aurora. "Naku salamat senyorita." pagpapasalamat ni Aurora. "Walang anuman. Ayusin mo kasi ang pagkain. Kababaeng tao mo parang namang barubal ka kung kumain." "Ang sarap kasing kumain. Sagutin ko lang ang tanong mo kanina. Tama ka hindi pa ako nakakaranas ng pagmamahal ng isang nobyo pero kita ko ang pagmamahalan ng magulang ko at magulang mo rin noong nabubuhay pa si Donya Aguada." Sa pagbanggit sa pangalan ng kaniyang ina ay nagkaroon ng lungkot sa mga mata ni Maria. Hindi siya kaagad nakasagot sa tanong ni Aurora. Kung nandito ba ang kaniyang ina ay pipigilan niya ang kaniyang ama na sumabak sa rebolusyon? Mag-isa kaya siya ngayon sa bahay na ito bukod kay Aurora kung kasama niya ang nanay niya? Naalala niya bigla ang tanong ni Aurora. "Nagmamahalan nga sila Inay at Itay. Kakaiba ang kanilang pagmamahalan dahil kahit pinagkasundo sila ng mga magulang nila ay natutunan din nilang magmahalan. Maraming mga pinagkasundo diyan na magka-away na lang hanggang dulo ng kanilang buhay." "Diba tama ako." "Ewan ko kahit ganoon. Ayaw ko pang magpakasal. Hindi ko pa siya naiisipang gawin sa ngayon. Magbibihis na ako. Titignan ko ang mga itinanim nating mga gulay." Tumayo na si Maria at pumunta na sa kuwarto para magbihis. Si Aurora naman ay naiwan sa kusina na naguguluhan. Pinagpatuloy na lang niya ang pagkain at pagkatapos ay inimis na ang pinggan at naghugas. Si Maria pagkatapos magbihis ay bumaba na. Hindi na niya naabutan si Aurora sa kusina. Mabuti at nagbibihis na rin ito. Sa hardin ay sinilip niya ang mga tinanim na okra. Wala pang umuusbong sa lupa. Hindi naman iyon problema dahil kahapon lang naman itinanim. Tinignan pa niya ang iba pang mga halaman sa hardin. Ang ilang bunga sa kalabasa ay pwede nang pitasin. Mabibigat nga lang ang mga ito. Kailangan niya ang tulong ni Aurora. Pumunta muna siya sa maliit na kubo ng hardin. Tinignan ang karit kung pwede itong pamputol sa sanga ng kalabasa. Parang masyadong malaki ang karit na ito. Inikot pa niya ang tingin sa mga kagamitan. May maliit na kutsilyo na hindi nakasabit. Tinignan niya kung may kalawang ito at kung matalim pa. Maayos pa naman ito. Ito ang gagamitin niya. Lumabas na siya sa kubo at pumunta sa harap ng mga kalabasa. May humihila ng kaniyang palda. Tinignan niya at nagulat siya dahil isang nuno ang humihila ng kaniyang palda. Hindi siya nakapagsalita. Nag-aral siya sa Maynila at inaral ng bahagya ang mga siyensiya. Hindi na siya naniniwala sa mga ganitong mga bagay pero nasa harapan na niyang nuno. Napakaliit ng nuno. Akala niya mga dalawang dangkal o tatlong dangkal man lang ang taas ng isang nuno. Itong nuno na ito ay mas maliit pa sa isang dangkal. "Maria, kailangan kitang makausap." sabi sa kaniya ng nuno. "Anong kailangan mo sa akin?" nagtatakang tanong ni Maria. "Umupo ka para hindi gaano kalayo ang ating mga mukha." Umupo naman si Maria. "Ilapit mo rin sa akin ang iyong kamay." Inilahad ni Maria ang kaniyang kamay at inilapat sa lupa sa harap ng nuno. Sumakay ang nuno sa kaniyang palad at umupo doon. "Ilapit mo ako sa mukha mo." Sumunod naman si Maria. Nakita niya ng malapitan ang nuno. Kahit maliit ito ay marami nang kulubot sa balat at mukha. Pinagmamasdan niya ang buong kaanyuan ng nuno pati ang damit nitong itim. "Kailangan kitang kausapin." "Ano po iyon?" "Ang gintong nakita mo dito sa harding ito ay para sa iyo." "Bakit niyo po ako binigyan ng ginto?" "Bilang pasasalamat ko sa inyong angkan dahil hindi niyo ginulo ang aking tirahan." Nagpalinga-linga si Maria naghanap ng punso na pwedeng tirhan ng nuno. "Hindi kailangan ng punso para mamuhay kami ng matiwasay. Minsan nakatira din kami sa ilalim ng lupa." "Ganoon po ba? Sa ilalim po ba mismo ng harding ito kayo nakatira?" "Hindi at oo." "Ano pong ibig sabihin niyo?" "Malawak ang tinitirhan ko. Hindi lang itong ilalim ng hardin. Pati ang ilalim ng kakahuyan ay tinitirhan ko." "Ganoon po ba?" "Oh tama na ang satsat. Kailangan din kitang balaan. Mag-ingat ka sa mga tao sa kapaligiran mo. Ang iba ay huwad at hindi mapagkakatiwalaan." "Sino po?" Hindi na sumagot ang nuno at basta na lang ito naglaho. Sino kaya ang binabanggit ng nuno. Ano kaya ang ibig sabihin nito? Samantalang si Ador ay nakadungaw sa hardin. Itinago niya ng maigi ang sarili niya para hindi makita ni Maria. Nakita niya ang lahat pati ang nuno pero hindi niya naintindihan ang usapan ng dalawa. Itinago niya iyon sa kaniyang memorya baka magamit niya kalaunan. Si Aurora ay bumaba na sa hardin. Nakita niya na nakadungaw si Ador kay Maria. May konting kirot na naramdaman sa puso. Nauna siya kay Ador at huwag na huwag aagawin ni Maria si Ador. Sumenyas si Aurora kay Ador na pumasok na sa silong at baka mahuli pa ito. Nilapitan niya si Maria sa hardin. Naabutan pa niya ito na nakaupo sa lupa. "Anong ginagawa mo diyan senyorita?" "Wala may inisip lang ako." Tumayo na si Maria Nagtaka naman si Aurora dahil hindi naman kailangan umupo sa lupa para mag-isip pero hindi na lang niya itinuloy ang pagtatanong. "Tulungan mo akong anihin itong mga kalabasa. May mga hinog na eh." anyaya ni Maria kay Aurora. Sinimulan na nilang anihin ang mga kalabasa. Hindi naman lahat ng bunga ay hinog na. Mga apat na kalabasa lang ang na-ani nila. Inakyat na nila ang mga ito sa kusina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD