Chapter 2

1488 Words
Alas kwatro ng hapon nang dumating sila sa Botolan, Zambales nila Bennett at Mommy Mercy niya. Hindi alam ni Dominico kung bakit iba ang pakiramdam niya ngayon sa pagtapak niya sa lupaing pag-aari ng mga ninuno nila. Malawak ang lupain ng mga Guererro na minana ng Papa niya. Napabayaan na lang dahil nagkasakit ang Papa niya habang sila ni Bennett ay nag-aaral pa. Pero ang natatandaan niya'y mahilig siyang maglaro sa bukid noong bata pa sila ni Bennett. Siya ang may interes sa lupaing ito noon. Pero nang kuhanin siya ng Tita Mercy niya para sa Hawaii mag-aral ng high school, kinalimutan niya ang pangarap na maging tagapangalaga ng niyugan at napunta ang responsibilidad kay Bennett dahil ito ang naiwan. Nakakapagbakasyon naman siya dito paminsan-minsan kapag walang pasok sa eskwela. Pero dumalang na nang magkasakit din ang Daddy Johnny niya na asawa ng Mommy Mercy niya. Nang maging kasintahan niya si Lilia ay nawalan na siya ng oras na umuwi ng Pilipinas dahil naghabol siya sa paghahangad na maibigay ang marangyang buhay na pinapangarap nito. Pero ngayon ay parang nasabik siyang muli sa lupang kanyang pinagmulan. Siguro ay dahil isa siyang Guererro sa puso at diwa niya. Nasabik siyang muli na libutin ang niyugan lalo na ang malapit sa dalampasigan na palagi niyang pinaglilipasan ng oras noon. Kaytagal na ng panahong iyon. Pero kapag binabalikan niya 'yun ay para lang iyong kahapon. Kaybilis ng mga araw. Thirteen pa lang siya nang umalis, thirty-three na siya ngayon. May mga crush pa nga siya noon na anak ng trabahador ng Papa niya. Pero ngayon hindi niya alam kung makakapag-asawa pa siya gayung naubos na ang oras niya sa pagpapayaman. "Dominico! Bennett!" Kaagad na sumalubong ang Mama Delia niya pagbaba nila ng kotse. Nag-rent-a-car lang sila sa Maynila dahil hindi na niya gustong magmaneho pa ang Papa niya. Anim na oras din iyon. Mapapagod lang ito. "Mama!" Yumakap din si Bennett sa Mama nila. Pagkatapos yumakap ang Mama niya sa kanilang magkapatid ay sa Mommy Mercy niya naman ito yumakap na kapatid nito. "Mabuti na lang maaga-aga kayong nakarating," nakangiting wika naman ng Papa niya na mahigpit din niyang niyakap. "Maulan dito kapag ganitong panahon lalo na sa gabi. Baka mahirapan kayo dahil madulas ang daan patungo rito sa hacienda." "Wala namang delayed flight at wala ring traffic mula sa airport, Pa. Kumusta ho kayo rito?" "Aba'y mabuti naman. Noong isang linggo'y nakapag-harvest kahit paano sa niyugan kaya't may kita tayo ngayong buwan. Ngayong nandito na si Bennett at hindi na sasama sa inyo pabalik, may makakatulong na 'ko sa pangangasiwa nitong lupain natin." Isang tipid na ngiti ang pinakawalan niya. Hindi naman siya dapat mainggit sa kapatid dahil noon pa man ay nakatakda na talaga itong mamahala sa hacienda. At marami na siyang negosyo sa Hawaii para abalahin pa ang sarili dito sa hindi naman gaanong kumikitang niyugan. Pero hindi pa rin niya naiwasan ang magselos. Ni hindi siya tinanong kung ano ang desisyon niya gayung kahati pa rin naman siya sa lupa. Isang masarap na hapunan ang inihanda ng Mama niya. Naging masaya pa rin naman ang kwentuhan nila sa kabila ng lungkot na lumulukob sa kanila ng Mommy Mercy niya sa pagpanawng asawa nitong Amerikano. "Dumito ka muna nang malibang ka naman at makalimutan mo ang lungkot," pangungumbinsi ng Mama niya sa kapatid nito. "At sino naman ang makakasama ni Dominico sa Hawaii? Isa pa, nalilibang rin naman ako sa pamamahala ng iba niyang negosyo," sagot naman ng Mommy Mercy niya. "Talaga bang wala pang napupusuan ang panganay kong 'yan hanggang ngayon? Malungkot ang tumanda mag-isa, anak," anang Mama niya. "Nand'yan naman ho si Mommy. Kita niyo nga ayaw magpaiwan dito dahil wala raw akong makakasama sa Hawaii dahil maiiwan na si Bennett dito." Idinaan niya sa biro ang sinabi. "Matatanda na kami, Dominico," sagot naman ng Mama niya. "Iba ang may asawa at anak. Ito nga ring kapatid mo ihahanap namin ng mapapangasawa nang magtino naman. Kapag namahala siya dito sa niyugan, kailangan niyang maging responsable." "Sino naman ho ang irereto nito kay Bennett? May naiwan ba siyang kasintahan dito noon? Aba'y ilang taon na rin naman siya sa Hawaii. Tiyak nakalimutan na rin siya ng girlfriend niya at nag-asawa na 'yun ng iba." Sa Hawaii na nakapagtapos ng kolehiyo ang kapatid niya sa tulong ng maraming Pilipino doon. Isang taon din itong hindi nakalakad sanhi ng matinding pinsala sa paa nito. Sa tulong ng Daddy Johnny niya ay natustusan ang gastusin sa ospital. Nang makaligtas ito sa bingit ng kamatayan ay naging close sila ulit magkapatid pati na rin ng totoo niyang ina na matagal niya ring hindi nakapiling. Maayos na ang kalagayan ng kapatid niya ngayon. At higit sa lahat ay maganda na relasyon nilang lahat ngayon. Pagkatapos ng hapunan ay nagpahinga silang lahat sa kanya-kanyang silid. Mula sa bintana ay natatanaw niya ang malawak na lupain ng pamilya nila na may iba't ibang puno tulad ng mangga, chico, at kalamansi. Ang niyugan ay sa kabilang dako pa ng lupain na malapit na sa dagat. Marami na ang nabuwal sa mga puno dahil sa mga nagdaang bagyo. Pero kung bubuhayin ang hacienda ay maraming puwedeng itanim at pagkakitaan. Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Gusto niyang mamasyal nang maaga sa palibot ng farm at makita ang kalagayan ng mga puno ng niyog. Masarap ding maglakad-lakad sa dalampasigan kapag ganitong halos ayaw pang sumikat ng araw sa umaga. Makulimlim ang langit at nagbabadya na ang pag-ulan. "Good morning, anak. Maaga ka yatang nagising? Gusto mo ba ng kape?" Kaagad siyang ngumiti sa Mama niya. Maaga rin itong nagluluto ng almusal. "Sige ho, black coffee lang." Sumunod siya sa ina sa kusina. May isang katulong doon na nagsasangag ng kanin. "Si Bennett ho, gising na ba?" "Naku, hindi pa. Aba'y umalis 'yan kagabi dahil sinundo ng barkada. Madaling-araw nang nakauwi." "Ho? Saan naman nagpunta?" "Saan pa? E di sa mga dati nilang kaklase. Naku, 'yang batang 'yan talaga." "Sigurado ho ba kayong mapapamahalaan niya itong niyugan? Dapat ay isasama ko ho ngayon sa paglilibot sa farm eh." "Kaya naman siguro niya, anak. Wala naman siyang choice kung hindi kayanin, wala ng ibang aasahan ang Papa mo kung hindi siya." Gusto niyang sabihin na gusto niya ring subukan. Pero naisip niya rin ang mga negosyong naiwan niya sa Hawaii. "San nga ho, Ma. Titingnan ko ngayon kung ano ang kalagayan ng farm at kung ano ang puwedeng idagdag para gumanda ang kita ninyo dito." "Oo nga, isama mo kaya ang Papa mo? Marami siyang plano noon na hindi na lang nagawa dahil hirap din siya sa paglakakad. Malay niyo magagamit na ang mga ideyang iyon ngayon?" Palagi nang inaatake ng rayuma ang Papa niya dahil na rin sa katandaan. "Sige ho, siya na lang muna ang isasama ko." Nagsimula siyang humigop ng kape habang nagkukwento ang Mama niya sa nangyayari sa hacienda. "Bisitahin natin ang Hacienda Luna nang magkaroon kayo ng ideyang magkapatid kung paano ang pagpapatakbo ng farm." "Hacienda Luna? Doon nadisgrasya si Bennett, hindi ho ba?" "Oo. Si Denisse ang may-ari ng kabayo at nambuyo sa kapatid mo na makipagkarera. Matutuwa 'yun kapag nakita niyang maayos na ang kalagayan ni Bennett." Lihim siyang napamura. Kung matutuwa ang babaeng 'yun na makita ang kapatid niyang halos malumpo noon, siya ay hindi natutuwa. Naubos ang lahat ng ipon niya para sa pagpapakasal nila ni Lilia dahil lang sa isang pustahan sa pangangabayo. Pinagtaksilan siya ng kasintahan niya dahil mas inuna niya ang pamilya niyang inagrabyado lang ng isang batang Silvestre. "Baka hindi na ho tayo kilala ng mga 'yun." komento niya Hindi niya na sana gustong makita pa ang pamilyang iyon. Tiyak lang na iinit ang dugo niya dahil bumabalik ang inis sa dibdib niya sa mga nangyari. "Naku, hindi! Kaibigang matalik namin ng Papa mo ang pamilya nina Dash. Nakapagbakasyon na kaming minsan sa Luna Hotel and Leisure Park. Naku, napakaganda roon. Tingnan mo rin nang ikaw mismo ang humanga kung paano napalago ni Dash at Lenna ang lupaing iniwan ni Don Faustino." Wala siyang nagawa kung hindi ang pumayag. Sa susunod na linggo nakatakda ang pagbisita nila sa Hacienda Luna dahil wala daw ang mag-asawang Dash at Lenna ngayon. Tamang-tama, parating na ang sasakyan niya na inuwi niya dit sa Pilipinas para magamit ng kapatid. Dalawang luxury cars kasi ang iniwan ng Daddy Johnny niya na hindi naman niya halos nagagamit. Inuwi rin niya kasi 'yun dahil balak niyang puntahan si Lilia sa tirahan nito sa Olongapo. Gusto niyang ipakita sa dating kasintahan kung ano ang pinakawalan nito. Pagkatapos niyang maubos ang kape ay naglibot na sila sa farm gamit ang lumang kotse ng Papa niya. Habang nakatanaw siya sa mga puno ng niyog na karamihan ay wala ng bunga dahil sa katadaan, lalong nabuhay ang pagkagusto niya na pamahalaan ang farm katulad ng pangarap niya noon. Pero paano niya hahatiin ang katawan? Tatalikuran niya na lang ba nang ganoon ang mga negosyong naipatayo niya sa Hawaii?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD