Prologue
"KUYA, may naghahanap sayo!" sigaw ni Yvaine, ang nakababatang kapatid ni Yves nang marinig nila ang tinig nito at nagkatinginan sila.
Kasalukuyang nasa likod ng bahay si Yves kasama ang ama at nakatatanda nitong kapatid na si Yvrion na nagsisibak ng kahoy para sa kanilang panggatong.
"Ano daw yun?" takang tanong ng kanilang ama ngunit nagkibit balikat lamang si Yves.
"Sandali po, pupuntahan ko lang." Paalam ni Yves at binitawan ang kahoy na nasibak sa isang sulok at saka pinunasan ang katawan niyang balot ng pawis gamit ang hinubad niyang damit.
Pagpasok niya sa kanilang bahay, nagsalubong ang kilay ni Yves nang makita ang isang matandang lalaki na nakaupo sa kanilang upuan na gawa sa kawayan at mukhang yayamanin ito dahil sa suot nitong tuxedo at isang lalaki na nakatayo sa gilid nito na mukhang bantay ng matanda.
Nasilip din ni Yves ang isang Rolls-Royce na nakaparada sa harapan ng kanilang bahay at kasalukuyang inuusisa ng mga napapadaan sa tapat nila.
"Magandang araw ho, hinahanap niyo raw ho ako?" magalang na wika ni Yves at naupo ito sa pang-isahang upuan nang hindi alintana ang pawisan niyang katawan ng isuot ang damit niyang marumi na dahil sa pawis at alikabok.
"Ah, oo, hijo. Ikaw ba si Yves Daryll Lucchesi?"
"Ako nga ho, bakit ho?" takang tanong ni Yves.
"Ako nga pala si Don Ricardo Gonzalez at kung maaari sana ay may hihilingin ako sayong pabor."
Nangunot ang noo ni Yves at sakto namang pumasok ang kapatid niyang si Yvrion at ang kanilang ama na pawisan din at nagtataka kung bakit naroon ang matanda sa kanilang bahay.
"Magandang araw ho," seryoso ang mukha na bati ng kuya ni Yves na si Yvrion sa kanilang panauhin. "Mawalang galang na ho ngunit ano po ang kailangan ninyo sa kapatid ko? May nagawa ho ba siyang kasalanan? Pwede niyo ho akong kausapin tungkol sa bagay na yan upang malaman kung paano ko siya didisiplinahin."
"Kuya!"
Agad na nakaramdam si Yves ng takot sa kanyang kapatid dahil sa pagkakaalam niya, wala naman siyang nagawang kasalanan dito sa matanda at isa pa hindi niya ito kilala.
"Ah, hindi. Gusto ko sanang humingi ng pabor kay Yves na kung maaari sana ay hanapin niya ang nawawala kong anak."
"Ho?" takang tanong ni Yves.
"Alam kong nagtataka ka kung bakit ikaw ang nilapitan ko imbes na ang mga pulisya ngunit ilang taon nang nakatengga ang trabaho na ito sa kanilang opisina kaya nawalan ako ng tiwala sa kanila. May nakapagsabi sa akin na pwede kitang kausapin tungkol sa bagay na ito at huwag kang mag-alala dahil bibigyan naman kita ng pabuya sa misyon mong ito."
Alanganing ngumiti si Yves at napatingin sa kanyang Kuya na seryoso pa rin ang hilatsa ng mukha nito at tila sinisiyasat ang ekspresyon ng kanyang mukha upang malaman kung may nagawa nga ba siyang kasalanan o wala.
Nakakatakot ang kanyang kuya.
"Kung importante naman po ang pag-uusapan ninyo, maiwan na ho namin kayo," ani ni Yvrion at inakbayan ang kanyang ama at saka iginiya patungong kusina kung saan naroon ang bunso nilang kapatid na si Yvaine at ang kanilang ina.
Nakahinga ng maluwag si Yves nang mawala sa kanilang paningin ang kanyang pamilya at saka hinarap ang matanda.
"Bakit ho ako ang nilapitan ninyo tungkol sa bagay na yan, Don Gonzalez?" ani ni Yves.
Isang malalim na buntong-hininga ang binitawan ni Don Ricardo at tinignan si Yves sa mga mata nito.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa hijo, kilala ka bilang tanyag na professional gambler sa mundo ng sugal hindi ba? At gusto ko sanang gamitin ang iyong talino at diskarte tungkol sa bagay na ito upang hanapin ang anak ko."
Naging seryoso ang mukha ni Yves at tama ang nararamdaman niyang may alam ang matanda tungkol sa mundong matagal na niyang tinalikuran at kinalimutan.
"Ano ang kinalaman ng talento ko sa pagiging sugarol ang paghananap sa anak mo?"
"May nakapagsabi sa akin na nasa loob ng isang casino ang anak ko at gusto kong hanapin mo siya doon."
"Anong pangalan ng casino?"
"The Last Gamble."
Gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Yves nang marinig ang pangalan na yun.
The Last Gamble, isang underground casino na pinamumuguran ng iba't-ibang grupo ng sindikato. Hindi lamang pera o ari-arian ang pwedeng itaya kundi ang buhay mismo ng bawat manlalaro.
Ang The Last Gamble ang isa sa pinakamadilim na mundo sa isang casino at kailanman ay ayaw na itong pasukin ni Yves ngunit muli itong kumakatok sa kanyang paanan at isang imbitasyon ang nakahain sa kanya upang maupo ulit sa isang mesa na puno ng chip, cards, dice at limpak-limpak na salapi.
"Alam kong alam mo na isang delikadong mundo ang pangalan na sinabi ko at kaya ako lumapit sayo magbabakasakali na mapagbigyan mo ang hiling ko na hanapin ang anak ko. May pera man ako na pwedeng pagalawin upang mahanap siya, ngunit sa loob ng The Last Gamble ay hindi ko magawang pagalawin ang koneksyon ko kaya nakikiusap ako sayo."
Hindi mahirap para kay Yves na muling pasukin ang mundo ng pagsusugal ngunit sa loob ng The Last Gamble, buhay niya ang nakataya rito.
Ngunit tama ba ang desisyon niya na pagbigyan ang matanda at muling buksan ang pintuan niya sa mundo ng pagsusugal?
"Ano naman ang mapapala ko kung sakaling mahanap ko nga ang anak mo?"
Biglang nagliwanag ang mukha na matanda dahil nasisigurado niyang hindi siya mabibigo sa pagpunta niya rito sa bahay ng mga Lucchesi upang makausap ang binata.
"Isa sa mga ari-arian ko ang ibibigay ko sayo oras na mahanap mo ang anak ko. Ito ang kanyang litrato."
Inilapag ng matanda ang isang litrato ng babae sa harapan ni Yves at kinuha niya ito at pinakatitigang mabuti upang tumatak sa kanyang isipan ang itsura nito.
'Masyado pang bata para mapunta ito sa underground casino,' aniya sa kanyang isip.
"Anong pangalan niya?"
"Maria Alexandra Gonzalez. Nagkahiwalay kami noong labing limang taong gulang pa lamang siya dahil sa mga kalaban ko sa negosyo at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya nakikita. Sa tingin ko nasa dalawampu't-tatlo na ang edad niya ngayon at yan na lamang ang litrato niya na naiwan sa poder ko."
Palihim na napangiti si Yves habang nakatitig sa mukha ng dalaga.
'Pwede na.'
Agad rin siyang napangiwi sa kanyang naisip dahil bigla siyang nagkaroon ng interes sa anak ni Don Ricardo na kung tutuusin ay wala namang siyang interes sa mga babae.
Ngunit nang makita niya sa litrato si Maria Alexandra, tila mayroong napukaw na damdamin sa loob niya.
Ibinalik ni Yves ang litrato sa matanda at muling sumandal sa kanyang kinauupuan at pinagsalikop ang parehong braso sa ibabaw ng dibdib niya.
"Pumapayag na ako sa inyong nais ngunit may isang kondisyon ako na gustong sabihin at iparating."
"Ano 'yon?"
"Ang pagsang-ayon ko sa inyong gusto na pasukin ang The Last Gamble ay sa atin lamang at wala ho kayong babanggitin sa pamilya ko na isa akong professional gambler dahil wala silang ideya sa mundong ginagalawan ko. Ang kalalabasan ay isang pakiusap lamang na hanapin ang anak ninyo at gagawin ninyo akong secret agent upang punan ang inyong gusto. Nagkakaunawaan ho ba tayo?"
Isang tipid na ngiti ang binigay ng matanda kay Yves.
"Makakaasa ka, hijo."
They seal the deal with the handshake as Don Gonzalez bids his goodbye with a smile.
At nang umalis ang matanda, hindi mawala sa isip ni Yves ang itsura ng dalaga mula sa litrato na ipinakita ng Don sa kanya.
"Maria Alexandra Gonzalez, ano nga ba ang magiging papel mo sa buhay ko oras na muli akong tumuntong sa mundong matagal ko nang tinalikuran at kinalimutan?"
Muli nga bang masusubok ang angking galing, talino at diskarte ni Yves sa oras na pasukin niyang muli ang The Last Gamble o si Maria Alexandra ang magiging huling alas niya habang nabubuhay siya rito sa mundo?